Isulat nang Tama
Alam ni Cara ang totoo. Ngunit sapat ba ang tapang niya para magsulat tungkol dito?
“Hindi ko ikinahihiya ang evangelio ni Cristo” (Mga Taga Roma 1:16).
Ibinaba ni Cara ang kanyang lapis at tinitigan ang papel sa ibabaw ng kanyang mesa. Blangko ito maliban sa kanyang pangalan at isang malaking mantsa ng pambura. “Ano ang dapat kong isulat?” naisip niya.
Sa kabila ng pasilyo, abala sa pagsusulat ang kaibigan niyang si Lily. Nagyuko ng ulo si Cara at ipinatong ito sa kanyang braso.
Nagustuhan talaga ni Cara ang bago niyang paaralan. Iyon ay nasa gusali ng ibang simbahan, at maliit lang ang bago niyang klase kaya may oras ang titser niyang si Mrs. Schmidt na tulungan siya sa math. Araw-araw pagkatapos ng klase sa math, nagtuturo si Mrs. Schmidt ng isang aralin mula sa Biblia. Karaniwan sa mga aralin sa Biblia ay katulad na katulad ng natutuhan ni Cara sa bahay at sa Primary.
Ngunit ilang linggo na ang nakararaan sa isang aralin tungkol sa binyag, sinabi ni Mrs. Schmidt sa klase na ang mga sanggol na namatay bago sila nabinyagan ay hindi makakapasok sa langit. At sinabi niya na pumanaw ang isa sa kanyang mga anak matapos itong isilang. Nang sabihin niya iyon, parang naiiyak na si Mrs. Schmidt.
“Pero talaga pong napupunta sa langit ang mga sanggol na namamatay,” gustong sabihin ni Cara. Kung alam lang iyan ni Mrs. Schmidt, siguro hindi na siya masyadong malulungkot. Pero nahihiyang magsalita si Cara.
Pagkauwi mula sa eskuwela, ikinuwento ni Cara kay Inay ang sinabi ni Mrs. Schmidt. “Ang kaalaman na napupunta sa langit ang mga sanggol ay isa sa mga pagpapalang nasa atin dahil sa Aklat ni Mormon,” sabi ni Inay. Umasa si Cara na babasahin ni Mrs. Schmidt ang Aklat ni Mormon balang-araw. Inisip niya na sana may sapat siyang lakas-ng-loob na sabihin iyon sa kanya.
Sa aralin ngayon, sinabi ni Mrs. Schmidt sa klase na ang Diyos, si Jesus, at ang Espiritu Santo ay pawang iisang tao. Naisip ni Cara kung paano nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan. Alam niya na Sila ay dalawang magkahiwalay na nilalang at na bawat isa ay may katawan. Nagalak siya na nakatitiyak siya roon, bago pa man niya kinausap si Inay o si Itay tungkol dito.
Ngunit pagkatapos ay sinabi ni Mrs. Schmidt, “Mga bata, maglabas kayo ng isang pirasong papel at magsulat kayo tungkol sa pinag-uusapan natin.”
Dito na nakaramdam ng pag-aalala si Cara. Gusto niyang gawin ang takdang-aralin sa paraang gusto ng titser niya. Sapat ba ang kanyang lakas-ng-loob para isulat ang alam niyang totoo?
Habang nakayukyok ang ulo sa kanyang mesa, nag-alay ng tahimik na panalangin si Cara. “Mahal na Ama sa Langit, ano po ang dapat kong gawin?”
Halos agad-agad, nagsimulang makadama ng kapanatagan at kapayapaan si Cara. Ibinulong ng Espiritu Santo na kung isusulat niya ang nilalaman ng kanyang puso, magiging MAAYOS ang lahat.
Nag-angat ng ulo si Cara, dinampot niya ang kanyang lapis, at nagsimulang magsulat.
Ang Ama sa Langit at si Jesus ay dalawang magkahiwalay na tao. Sila ay may katawang may laman at buto tulad natin. Ang Espiritu Santo ay isang Espiritu na maaaring mangusap sa atin sa ating puso.
Pagkatapos sumulat ng ilan pang pangungusap, ibinaba ni Cara ang kanyang lapis. Hindi niya alam kung ano ang iisipin ni Mrs. Schmidt sa isinulat niya, ngunit masaya siya na nasabi niya sa titser niya ang isang bagay na mahalaga at totoo.