2013
Paano Itinatatag ang Doktrina?
Setyembre 2013


Paano Itinatatag ang Doktrina?

Ang doktrina ay dumarating ngayon na katulad noong unang panahon—sa pamamagitan ng banal na paghahayag sa mga propeta.

Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, “naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9).

Tungkol sa kaugnayan ng paghahayag sa doktrina, sinabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa Simbahan ngayon, tulad noon, ang [pagtatatag] ng doktrina ni Cristo o pagwawasto ng mga paglihis sa doktrina ay inihahayag ng langit sa mga taong pinagkalooban ng Panginoon ng karapatan bilang apostol.”1

Yamang paghahayag ang paraan para maiparating ang doktrina sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag, bawat isa sa atin ay maaari ding makatanggap ng ating sariling patunay na ang mga doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo. Ang personal na paghahayag na ito ay dumarating sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-aaral ng banal na kasulatan, at patotoo ng Espiritu Santo. Ipinapakita natin na tinatanggap natin ang doktrina ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagsisisi, pagpapabinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at patuloy na pagsunod sa mga batas at pagtupad sa mga tipan ng ebanghelyo habang tayo ay nabubuhay.

Ang sumusunod na tsart, batay sa mensahe ni Elder Christofferson sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2012, ay nagpapakita kung paano itinatatag ang doktrina.2

Ang paghahayag ng doktrina ay nagmumula kay Jesucristo

Kapag ang paghahayag ay doktrina para sa buong Simbahan, ipinararating lamang ito sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol (tingnan sa Amos 3:7; D at T 1:38; 28:2).

Ang paghahayag ay maaaring dumating sa pamamagitan ng …

Personal na pagdalaw Niya

Ang Diyos ay nagpakita kay Moises at ipinakita sa kanya ang gawa ng Kanyang mga kamay (tingnan sa Moises 1:1–9; tingnan din sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–20).

Kanyang sariling tinig

Ang Panginoon ay nangusap kay Nephi at inutusan itong gumawa ng barko upang madala ang kanyang pamilya sa lupain ng Amerika (tingnan sa 1 Nephi 17:7–8).

Ang tinig ng Espiritu Santo

Ang ganitong uri ng paghahayag ay pakikipag-ugnayan ng Espiritu sa espiritu. Natanggap ng mga Apostol sa Bagong Tipan ang patunay ng Espiritu Santo na hindi nila dapat utusan ang mga bagong binyag na sundin ang batas ni Moises (tingnan sa Mga Gawa 15:5–29).

Sugo

Ang mga sugo na sina Moises, Elias, at Elijah ay nagpakita kina Joseph Smith at Oliver Cowdery at ipinagkaloob ng bawat isa ang mga susi ng kanyang dispensasyon sa Propeta (tingnan sa D at T 110:11–16).

Ang paghahayag ay maaaring dumating sa …

Bawat Pangulo ng Simbahan

Bawat propeta at Pangulo ng Simbahan ay maaaring tumanggap ng paghahayag na nagiging doktrina kapag sinang-ayunan ng nagkakaisang tinig ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol (tingnan sa Mga Gawa 10; Opisyal na Pahayag 2).

Mga Propeta na Nagpupulong sa Council

Ipinagdasal ng mga disipulong nasa lupain ng Amerika na malaman nila kung ano ang itatawag sa Simbahan. Nagpakita si Cristo sa kanila at sumagot, “Anuman ang inyong gagawin, gagawin ninyo ito sa aking pangalan; kaya nga tatawagin ninyo ang simbahan sa aking pangalan” (3 Nephi 27:7).

Mga Tala

  1. D. Todd Christofferson, “Ang Doktrina ni Cristo,” Liahona, Mayo 2012, 86.

  2. Tingnan sa D. Todd Christofferson, “Ang Doktrina ni Cristo,” 86–90.

Ang Unang Panguluhan

Ang Korum ng Labindalawang Apostol

Mga larawang kuha ni Craig Dimond © IRI; tsart na gawa ni Taia Morley