2013
Dalawang Bagong Deacon
Setyembre 2013


Dalawang Bagong Deacon

Anthony Poutu, New Zealand

Ilang taon na ang nakararaan nagkaroon ako ng pribilehiyong maglingkod bilang deacons quorum adviser. Sa aming korum may tatlo kaming aktibong deacon, na pawang tinawag na maging miyembro ng quorum presidency.

Sa isa sa kanilang mga pulong, nagpasiya ang bagong presidency na ito na gusto nila na kahit dalawa man lang na di-gaanong aktibong deacon sa kanilang korum ay magsimulang dumalo sa mga pulong at aktibidad ng Simbahan. Mapanalangin nilang itinakda ang petsa—isang araw ng Linggo na anim na linggo pa ang layo—kung kailan nila kakamtin ang kanilang mithiin. Ipinagdasal nila na magtagumpay sila sa sagradong adhikaing ito at mapanalangin silang nangakong gagawin ang sumusunod:

  • Magkakasamang manalangin nang regular.

  • Magkakasamang mag-ayuno.

  • Bisitahin ang bawat deacon na nasa listahan.

  • Magplano ng mga aktibidad para sinumang magbalik na mga deacon ay pumasok sa isang maayos na programa.

Lubos na nadama ng presidency na ang mga mithiing ito ay kalooban ng Panginoon, kaya sumulong sila nang may pananampalataya at tiwala.

Nang sumunod na mga linggo, tinupad ng tatlong binatilyong ito ang pangako nila, na umaasang sasagutin ang kanilang mga panalangin. Sila ay magkakasamang nanalangin, magkakasamang nag-ayuno, bumisita sa di-gaanong aktibong mga deacon at inanyayahan silang bumalik, at naghanda ng mga aktibidad, na naniniwalang kailangan nilang paghandaan ang pagdami ng dadalo.

Sa kabila ng kanilang pagsusumigasig, walang nagbalik na mga deacon—sa simbahan man o sa iba pang aktibidad. Palapit na ang takdang petsa, at kahit nalungkot sila na walang mga miyembro ng kanilang korum ang bumalik sa simbahan, nanatiling tiwala ang mga binatilyo na sasagutin ng Ama sa Langit ang kanilang mga panalangin.

Dumating ang araw ng Linggo na itinakda nila, at wala ni isa sa mga binatilyong dinalaw ng presidency ang nagsimba. Ngunit ibinalita ng bishop sa sacrament meeting na dalawang 12-taong-gulang na binatilyong nagsisiyasat sa Simbahan ang bibinyagan sa gabing iyon.

Kaylaking pagpapala sa dalawang bagong miyembro ng Simbahan na makasapi sa isang korum na may gayon kagaling na presidency. At kaylaking pagpapala sa deacon presidency na makita na nagbunga ang kanilang mga pagsisikap at tuwirang nasagot ang kanilang mga panalangin at nalaman nila na tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako.

Tuwang-tuwa sila sa korum kaya sinabi ng isang miyembro ng presidency na, “Ulitin natin ito.”