Mga Bagong Paksa sa Visiting Teaching, Magsisimula sa Oktubre
Simula sa Oktubre 2013 ang mga Mensahe sa Relief Society Visiting Teaching ay magtutuon sa banal na misyon ni Jesucristo at sa maraming papel na Kanyang ginagampanan at sa Kanyang mga katangian.
Tulad ng mababasa natin sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society, “Noong nasa lupa pa si Jesucristo, ipinakita Niya sa atin ang dapat na paraan ng ating pamumuhay.”1 Sa pamamagitan ng pag-aaral at pagtuon sa mga papel na ginampanan at mga katangian ng Tagapagligtas, matututo ang kababaihan ng Simbahan na maging katulad Niya2 at matatalakay nila sa kababaihang pinaglilingkuran nila kung paano maiimpluwensyahan ng mga turo at halimbawa ng Tagapagligtas ang kanilang buhay.
Ipinakita ng Panginoon sa atin kung paano maglingkod—paano alagaan, palakasin, at turuan ang isa’t isa. Siya ay naglingkod sa mga tao, sa bawat tao.3 Visiting teaching ang pagkakataon nating masundan ang Kanyang halimbawa.
Si Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nagpatotoo na “ang visiting teaching ay bahagi ng plano ng Panginoon na maglaan ng tulong para sa mga tao sa buong mundo. … ‘Nagtakda Siya ng huwaran.’”4 Bilang mga visiting teacher, naaalala rin natin ang payo ni Pangulong Thomas S. Monson: “Tayo ang mga kamay ng Panginoon dito sa lupa, na inutusang maglingkod at tulungan ang Kanyang mga anak. Umaasa Siya sa bawat isa sa atin.”5