Nagawa Kong Kalimutan ang Aking Kalungkutan
Ang awtor ay mula sa Taiwan.
Nang mabinyagan ang aking mga kaibigan na si Brother Chen at ang kanyang asawa sa aming ward, tuwang-tuwa ako. Isang taon matapos ang kanilang binyag, sila ay ibinuklod sa templo, at ang kanilang anak na lalaki na pumanaw bago sila sumapi sa Simbahan ay ibinuklod sa kanila. Napakagandang tingnan ang pag-unlad ng mga Chen sa ebanghelyo.
Pagkatapos ay namatay si Brother Chen sa isang aksidente nang sumunod na taon. Kasunod ng aksidente, parang lagi kong naiisip ang kanyang pagkamatay at madalas ko itong mapanaginipan. Nagigising akong umiiyak at paulit-ulit na nagtatanong kung, “Bakit? Bakit pinapayagan ng Panginoon na mangyari ang ganitong uri ng trahedya? Bakit kailangan itong mangyari sa magandang pamilyang ito?” Isang araw, habang pinag-iisipan ko ang mga tanong na ito, dinampot ko ang isang manwal at nabasa ko ang mga salitang ito mula kay Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985):
“Kung iisipin nating mortalidad lang ang buhay, ang sakit, kalungkutan, kabiguan, at maikling buhay ay magiging kalamidad. Ngunit kung titingnan natin ang buhay bilang kawalang-hanggan, na sakop nito ang buhay noong bago tayo isinilang at ang walang hanggang hinaharap, ang lahat ng pangyayari ay mailalagay natin sa dapat nitong kalagyan. …
“Hindi ba’t nahaharap tayo sa mga tukso para subukin ang ating katatagan, sa karamdaman para matuto tayong magtiyaga, sa kamatayan para maging imortal tayo at luwalhatiin?”1
Nang sandaling iyon, nagpasiya akong kalimutan na ang aking kalungkutan at tumingin sa ipinangako at mangyayari sa hinaharap. Nakita ko sa aking isipan si Brother Chen na muling masayang kasama ang kanyang pamilya. Ang tagpong iyon ay nagdulot sa akin ng kapayapaan. Alam ko na bibigyan tayo ng Ama sa Langit ng karunungan at lakas ng loob na harapin ang mga paghihirap.