2013
Nananatiling Malakas na Panawagan
Setyembre 2013


Nananatiling Malakas na Panawagan

Ipinahayag ng mga propeta at apostol na “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa mundo” ay mas mahalaga ngayon kaysa noong unang ilathala ito.

Sa isang mundong nanganganib ang kasal at pagsasama ng mga pamilya, isang dokumento ang partikular na nagbibigay ng linaw at patnubay. Sinabi ng mga propeta at apostol na “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ay mahalaga o mas mahalaga ngayon tulad nang ilathala ito noong 1995.1

Makabagong Bandila ng Kalayaan

Ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak ay nananatiling isang “panawagang … protektahan at palakasin ang mga pamilya,” ayon kay Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol.2

Ang ating mundo ay katulad ng unti-unting lumalalang lipunan ng mga Nephita sa Aklat ni Mormon, at hinikayat ni Elder Ballard ang mga Banal sa mga Huling Araw na “iwagayway [ang pagpapahayag] tulad ng ‘bandila ng kalayaan’ ni Heneral Moroni, at tapat na ipamuhay ang mga tuntunin nito.”3

Mahalaga sa Kaligayahan

Ang mundo ay lumilikha ng iba’t ibang daan tungo sa kaligayahan. Ngunit iginigiit ng mga propeta ngayon na ang pinakamalaking posibilidad para lumigaya ay matatagpuan sa selestiyal na kasal.4

Kung tayo ay mamumuhay at kikilos ayon sa ating kaalaman na ang mga pamilya ay maaaring maging walang hanggan, ipinangako ni Elder Ballard na “maaakit natin ang mundo. Ang mga magulang na ilalagay sa unang priyoridad ang kanilang pamilya ay maaakit sa Simbahan. …

“Dahil sa pagsentro natin sa pamilya dapat magpunyagi ang mga Banal sa mga Huling Araw na maging pinakamahusay na mga magulang sa mundo. Dapat tayong bigyan nito ng malaking paggalang sa ating mga anak, na tunay nating mga kapatid sa espiritu, at dahil dito’y dapat tayong mag-ukol ng anumang oras na kailangan upang mapalakas ang ating pamilya. Tunay ngang walang higit na mahalagang nauugnay sa kaligayahan—kapwa sa atin at sa ating mga anak—kaysa kung gaano natin minamahal at sinusuportahan ang isa’t isa sa pamilya.”5

Lakas na Higit pa sa Taglay Ninyo

Pinayuhan ni Elder Ballard ang mga pamilya sa lahat ng dako na kumuha ng kopya ng pagpapahayag at iayon ang kanilang sarili sa mga turo nito.

“Maging pinakamahusay at gawin ang pinakamainam na magagawa ninyo. Bibigyan kayo ng Diyos ng lakas na higit pa sa taglay ninyo habang sinisikap ninyo araw-araw na gampanan ang pinakasagradong responsibilidad sa buhay na ibinigay Niya sa Kanyang mga anak. Makinig sa tinig ng Espiritu at sa payo ng mga buhay na propeta. Maging masigla. Hindi kayo inilagay ng Diyos sa mundo para mabigo, at ang mga pagsisikap ninyo bilang mga magulang ay hindi ituturing na kabiguan maliban kung susuko kayo.”6

Pag-asam sa Buhay na Walang Hanggan

Itinuturo sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak na ang mga pamilya ay maaaring magkasama-sama magpakailanman. Itinuro ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na “bagamat ang kaligtasan ay nasa tao, ang kadakilaan ay nasa pamilya. … Kapag nabuklod ang isang pamilya sa templo, ang pamilyang iyon ay nagiging walang hanggan tulad mismo ng kaharian ng Diyos.”7

Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na ang ating pamilya ay “hindi lamang napakahalaga sa lipunan at sa Simbahan kundi maging sa pag-asam natin sa buhay na walang hanggan.”8

Isang Maagang Babala tungkol sa Panahong Darating

Nagbabala si Pangulong Eyring na ang mga ibubunga ng pagbabalewala sa mga turo sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak “ay higit na makapipinsala kaysa kawalan lang ng kapayapaan sa buhay na ito o sa kawalan ng kaligayahan.”9

Ang pagpapahayag ay isang propesiya, wika niya, dahil nagbababala ito laban sa mismong mga bagay na nakapagpahina sa mga pamilya sa nagdaang mga taon. Inulit niya ang babala at panawagang kumilos ayon sa sinabi ng propeta sa pagtatapos ng pagpapahayag:

“Kami ay nagbababala na ang mga taong lumalabag sa mga tipan ng kalinisang-puri, nang-aabuso ng asawa o anak, o bigo sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin sa mag-anak ay mananagot balang-araw sa harap ng Diyos. At gayon din, kami ay nagbababala na ang pagkakawatak-watak ng mag-anak ay magdudulot sa mga tao, mga komunidad, at mga bansa ng mga kapahamakang sinabi na noon pa ng mga sinauna at makabagong propeta.”10

Isang Dokumento para sa Buong Mundo

Nang ilabas ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak sa general Relief Society meeting noong Setyembre 23, 1995, sinabi niya na layon nitong “balaan at balaan nang maaga”11 ang mundo laban sa paglihis mula sa mga pamantayan nito. Mula noon, ang dokumento ay nailathala na sa maraming wika, paulit-ulit na tinalakay sa pangkalahatang kumperensya, at nakadisplay sa mga meetinghouse at tahanan sa buong mundo. Ito ay isang pagpapahayag na ibinigay ng mapagmahal na Ama sa Langit sa pamamagitan ng propeta upang patnubayan ang Kanyang mga anak—patnubay na higit na kailangan ngayon.

Mga Tala

  1. Tingnan sa M. Russell Ballard, “Ang Pinakamahalaga ay Kung Ano ang Mananatili Hanggang sa Kabilang Buhay,” Liahona, Nob. 2005, 41.

  2. M. Russell Ballard, “Ang Pinakamahalaga ay Kung Ano ang Mananatili Hanggang sa Kabilang Buhay,” 41.

  3. M. Russell Ballard, “Ang Pinakamahalaga ay Kung Ano ang Mananatili Hanggang sa Kabilang Buhay,” 42.

  4. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Selestiyal na Kasal,” Liahona, Nob. 2008, 92–94.

  5. M. Russell Ballard, “Ang Pinakamahalaga ay Kung Ano ang Mananatili Hanggang sa Kabilang Buhay,” 42.

  6. M. Russell Ballard, “Ang mga Sagradong Responsibilidad ng Pagiging Magulang,” Liahona, Mar. 2006, 17.

  7. Russell M. Nelson, “Selestiyal na Kasal,” 92, 93.

  8. Henry B. Eyring, “The Family,” Liahona, Okt. 1998, 23.

  9. Henry B. Eyring, Liahona, Okt. 1998, 23.

  10. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  11. Gordon B. Hinckley, “Stand Strong against the Wiles of the World,” Ensign, Nob. 1995, 100.

Paglalarawan nina Craig Dimond at Cody Bell © IRI