2013
Hindi Ako Kailanman Sinigawan ng Panginoon
Setyembre 2013


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Hindi Ako Kailanman Sinigawan ng Panginoon

Wala akong magawa habang minamasdan ang aming panganay na anak na lalaki na nahuhulog sa mga patibong ni Satanas, at madalas kong ipakita ang aking takot sa pagiging galit. Kinailangan kong baguhin ang sarili ko sa halip na baguhin ang anak ko.

Noong bata pa ang apat naming anak, inakala naming mag-asawa na kung magpapakita kami ng mabuting halimbawa at palalakihin sila sa ebanghelyo na puno ng pagmamahal at patuloy na gagawin ito, sila ay talagang hindi lilisya sa landas na iyon.

Isang araw ng tag-init napilitan kaming kalimutan ang pag-aakalang iyon. Ang panganay naming anak, na mga 14 anyos, ay sumama sa kanyang mga kaibigan para mag-swimming. Pagdating ko sa swimming pool kasama ang mas maliliit na anak ko, parang nakita ko siyang may hawak na sigarilyo. Nag-alala ako, kaya kinausap ko siya tungkol dito kalaunan. Sinabi lang niya na nagkamali ako. Sa kasamaang-palad, iyon na ang simula ng kanyang mga kasinungalingan.

Sa paglipas ng panahon lalo niyang inilayo ang kanyang sarili sa amin. Hindi na siya madaling lapitan at madalas nagagalit nang walang dahilan. Alak, droga, masasamang salita, at maraming kasinungalingan ang idinagdag sa pagsisigarilyo. At ang kanyang pakikitungo sa pamilya ay hindi na namin nakayanan.

Noong una sinikap naming limitahan ang kanyang mga aktibidad para protektahan siya, pero lalo lang siyang nagmatigas. Walang epekto ang disiplina. Nang pagsabihan ko siya at hinamon siyang magbago, ang pag-uusap namin ay madalas na naging malakas na pagtatalo na lalong naglayo sa aming dalawa.

Masakit para sa akin at sa aking asawa ang mga pangamba namin sa aming panganay na anak. Sinikap naming humanap ng patnubay sa pamamagitan ng panalangin, ngunit wala akong nagawa habang minamasdan ko ang panganay kong anak na pinipili ang gayon kapanganib na landas. Habang nagdarasal kami, nadama namin na dapat naming bigyan ng space o luwagan ang aming anak sa halip na kontrolin siya gamit ang mas istriktong mga patakaran. Parang hindi ito magbubunga ng maganda at parang hindi tama o makatuwiran, ngunit lahat ng hakbang na ginawa namin noon para matigil ang kanyang ginagawa ay hindi nagtagumpay. Kaya pinili naming parusahan o pagbawalan siya kapag tuwiran lamang na naaapektuhan ng kanyang kilos ang aming buhay-pamilya.

Sa kabila ng pagsisikap na sundin ang payo ng Panginoon, nakita naming mas lumala ang situwasyon. Nahirapan akong labanan ang aking mga pag-aalinlangan at kabiguan. Sinikap naming mag-asawa na palaging magdaos ng family home evening at panalangin ng pamilya, ngunit masyado akong nakokonsiyensya sa tuwing naiisip ko na nagkulang kami at sa tuwing mali ang pakikitungo ko sa aming anak. Lagi akong umiiyak noon, hindi makatulog, at kung minsan pagud na pagod ang aking katawan na halos hindi normal ang kilos ko.

Hindi na tulad ng dati ang aming buhay-pamilya. Ang mga family home evening ay palaging nagtatapos sa kaguluhan at pagtatalo. Lalo pa akong naging mainisin sa mga mahal ko sa buhay at ipinaalam ito sa kanila nang malakas.

Natanto naming mag-asawa na hindi namin mahahayaan ang aming pamilya na matalo ng sitwasyon. Nagpasiya kami na ituloy ang pagsunod sa payo ng Panginoon at ng mga propeta, kaya sinikap naming magdaos ng biglaan, di-pormal na mga family home evening kasama ang mga anak na handang makibahagi. Ngunit hindi ko pa rin matanggap na ang panganay naming anak ay nahulog sa mga patibong ni Satanas. Sa pamamagitan ng panalangin, pag-aayuno, at pag-asa—lahat ng natitira pang kaya naming gawin—ipinaubaya namin sa Panginoon ang aming pasanin at nagtiwala sa Kanya.

Lumala ang mga problema. Nang minsang hirap na hirap na ako, humiling ako sa asawa ko ng basbas ng priesthood. Umasa akong makarinig ng mga salita ng kapanatagan at panghihikayat. Ngunit alam ng Panginoon ang tunay kong mga pangangailangan. Pinayuhan ako sa pakikipagtalo ko nang malakas sa aking anak. Ipinabatid sa akin ng Panginoon na hindi Niya ako kailanman sinigawan—ngunit palagi kong sinisigawan ang mga anak ko.

Sa basbas na iyon, lalo pa akong pinayuhan na kailangan kong kausapin ang anak ko tungkol sa mga pag-aalala ko para sa kanya sa halip na pagalitan siya. Natanto ko na ang galit at pamimintas ko ay pagpapakita pala ng mga pinangangambahan ko sa kanya. Palagi ko siyang kinakalaban, at ginagawa niya ang lahat ng paraan para ipagtanggol ang kanyang sarili. Nag-isip ako ng mga paraan para baguhin ang aking pag-uugali.

Sa panahong ito, naglilingkod ako bilang guro sa institute. Nalaman ko na hindi mahirap harapin nang mahinahon at may pagsasaalang-alang ang mga kabataan sa simbahan dahil hindi ko kailangang paglabanan ang damdamin ng isang ina.

Sinikap kong tingnan ang anak ko hindi batay sa pananaw ng isang ina na nag-aalala kundi bilang ibang tao. Ang istratehiya na ito, at ang maraming panalangin at pag-aayuno, ay nakatulong para pigilan ang aking damdamin at makita ang aking anak—na halos 18 anyos na—nang may bagong pananaw. Muli kong nakita ang kanyang mabubuting katangian. Nakayanan kong sabihin ang nadarama ko at ang mga pag-aalala ko sa kanya nang taos-puso at hindi nagagalit.

Ito ang lumikha ng pagbabago sa aming relasyon. Marami kaming pinag-usapan ng anak ko, at nakayanan ko na hayaang danasin niya ang mga bunga ng kanyang pag-uugali. Kaming mag-asawa ay nagpapayo lamang sa kanya at sinasabi sa kanya ang mga paraan para malutas niya ang kanyang mga problema.

Unti-unti niyang tinanggap ang aming pagmamahal at suporta. Ang pakikitungo namin sa kanya, makaraan ang limang mahihirap na taon, ay kakikitaan na ngayon ng respeto o paggalang. Ang kanyang buhay, sa maraming aspeto, ay magulo pa rin, pero naisasaayos na niya ito. Unti-unti niyang nakikilala kung ano ang talagang mahalaga sa buhay at ano ang nagbibigay ng walang hanggang kapanatagan.

Ang pagkilos ayon sa payo ng Panginoon ay nakatulong para lumigayang muli ang aming buhay-pamilya. Natutuhan naming mag-asawa na hubugin ang aming buhay at aming buhay-pamilya sa halip na hubugin ang buhay ng aming anak.

Alam ko na ngayon ang ibig sabihin ng ipagkatiwala ang aking mga anak sa Panginoon. Mas kilala Niya sila kaysa sa akin. Natutuhan ko na hindi ko kailangang panagutan ang lahat ng mga desisyon ng aking anak. Natuklasan naming mag-asawa na ang pinakamainam na tulong na maibibigay namin sa aming anak ay ang bumaling sa Panginoon at magtiwala sa Kanyang kalooban at payo.

Paglalarawan ni Ben Sowards