2013
Kailangan ng mga Kabataang Lalaki sa Panahong Ito ng Mabubuting Huwaran
Setyembre 2013


Kailangan ng mga Kabataang Lalaki sa Panahong Ito ng Mabubuting Huwaran

Malaki ang maitutulong ng mabubuting huwaran sa mga tinedyer sa isa sa pinakamahahalagang bahagi ng kanilang buhay.

Sa high school, may dalawang mithiin si Todd Sylvester: maging mahusay na manlalaro ng basketball at makilala bilang pinakamahilig dumalo sa party sa paaralan.

Sa edad na 14, nagsimulang uminom at magdroga si Todd. Hindi siya miyembro ng Simbahan, at ayon sa paliwanag niya, hindi hinutok ng kanyang mga magulang ang kanyang pag-uugali “sa anumang paraan.” Sa paglipas ng mga taon, sinira ng pagkalulong niya sa droga at alak ang dati’y maganda niyang kinabukasan sa pagiging mahusay na manlalaro ng basketball at naisip niyang magpakamatay.

Ang malungkot, ang mga nangyari sa buhay ni Todd ay makikita sa buhay ng maraming kabataang lalaki ngayon, maging sa buhay ng mga miyembro ng Simbahan. Gayunman, wala si Todd ng isang bagay na mayroon ang mga kabataang lalaki sa Simbahan: mabubuting huwaran. Malaki ang maitutulong ng mga lider ng Simbahan sa mga tinedyer sa isa sa pinakamahahalagang bahagi ng kanilang buhay. Dahil sa nangyari sa kanya, nagsisikap ngayon si Todd, na sumapi sa Simbahan sa edad na 22, na maging mabuting halimbawa sa mga kabataan sa kanyang ward.

Nagbago si Brother Sylvester nang umusal siya ng isang simpleng panalangin sa pinakamadilim na panahon ng kanyang buhay: “Diyos, kailangan ko po ng tulong.” Makalipas ang isa’t kalahating buwan, tinawagan siya ng isang dating kaibigan, na miyembro ng Simbahan, at sinabing, “Todd, nagkainspirasyon akong sabihin sa iyo na kailangan ka namin. … Marami kang taong matutulungan, lalo na ang mga kabataan at mga bata.”

Pagkaraan ng ilang taon, matapos siyang mabinyagan at makasal sa templo, si Brother Sylvester ay tinawag na maglingkod sa Young Men program—isang tungkuling humantong sa 14 na taong paglilingkod sa mga kabataang lalaki.

Gamit ang kanyang nakaraan bilang pangganyak sa tungkulin niyang tulungan ang mga kabataang lalaking pinaglilingkuran niya, nakahanap ng paraan si Brother Sylvester para makaugnay sa mga paghihirap na pinagdaraanan ng mga binatilyo. “Palagay ko karamihan sa mga bata ay takot magsalita kapag nahihirapan sila,” wika niya. “Pero ikinuwento ko ang buhay ko sa mga batang ito taun-taon. Palagay ko dahil diyan, kampante silang lapitan ako at sabihing, ‘May problema po ako sa pornograpiya o pag-inom ng alak o iniisip ko pong magpakamatay.’” Masusuportahan sila ni Brother Sylvester sa kanilang pagsisisi, kasama na rito ang pakikipag-usap sa bishop.

Ang mga lider na nakikinig at mapagmahal na tumutugon sa mga kabataan sa kritikal na mga panahong ito ay maaring lumikha ng matibay na ugnayan na huhubog sa pagkatao ng isang kabataan. Sinabi ni Mat Duerden, isang assistant professor sa Brigham Young University na nagtapos ng PhD sa youth development, “Ang pagbibinata o pagdadalaga ay panahon [kung kailan ang indibiduwal] ay nagkakaroon ng sariling pagkakakilanlan: mga pinahahalagahan, paniniwala, tungkulin, atbp. Iyan ay isang proseso ng pagtuklas. Bahagi ng prosesong iyan ang pagtanggap ng puna mula sa kapwa nila tinedyer o mga magulang o iba pang nakatatanda, at maaaring makaimpluwensya nang husto kung magmumula ito sa isang respetado at iginagalang na nakatatanda.”

Sabi pa ni Brother Duerden, “Ang pinakaepektibong pagtuturo ay nakabatay sa paggalang sa isa’t isa at sa damdamin ng kabataan na may isang taong tunay na nagmamalasakit sa kanila paano man siya manamit o magsalita.”

“Karamihan sa mga binatilyo ay sabik makaugnayan ang kanilang ama,” sabi ni Brother Sylvester. “Kung wala sila nito, ang isa pang pinakamainam ay ang magkaroon sila ng makakausap na nakatatandang lalaki, na makakapalitan ng mga ideya, at hindi sila huhusgahan, kukutyain, o pipintasan dahil sa mga problema nila. Hindi ako naroon para halinhan ang kanilang ama, pero gusto kong naroon ako para makausap nila sa makabuluhang paraan.”

Bagama’t mahalaga ang tungkulin ng mga lider ng Simbahan sa pagtuturo sa isang tinedyer, sinabi ng mga propeta at apostol na ang pangunahing mga huwaran para sa mga kabataan ay ang kanilang magulang. Halimbawa, sinabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Mga ama, kayo ang pangunahing huwaran ng pagkalalaki para sa inyong mga anak na lalaki. Kayo ang pinakamakabuluhang tagapagturo nila, at sa maniwala kayo’t sa hindi, kayo ay hinahangaan nila sa maraming paraan. Ang inyong mga salita at halimbawa ay malaking impluwensya sa kanila” (“Mga Mag-ama: Isang Kalugud-lugod na Ugnayan,” Liahona, Nob. 2009, 47).

Ang matibay na ugnayan ni Brother Sylvester sa mga kabataang lalaki ay hindi agarang nangyari; kinailangan niyang patibayin ang mga ugnayang iyon sa maraming taon ng paglilingkod. Sa 20 kabataang lalaking tinuruan niya, 17 ang nagmisyon. Hindi kukulangin sa 5 sa kanila ang walang balak magmisyon bago nila nakilala si Brother Sylvester.

“Nahikayat ko ang mga batang ito dahil alam nila na talagang mahal ko sila,” sabi ni Brother Sylvester. “Alam nila ito—hindi dahil sinabi ko ito kundi dahil ipinakita ko ito. Talagang nagtuon ako sa pagkakaroon nila ng ugnayan sa kanilang Tagapagligtas. Nadama ko lang na iyan ang susi para makayanan nila ang lahat ng bagay at makasulong sila sa buhay at magtagumpay.”

Sa pagtulong sa mga kabataang lalaki na magkaroon ng ugnayan sa Tagapagligtas, umasa si Brother Sylvester na aakayin sila ng kanilang mga patotoo na magmisyon, makasal sa templo, at magpalaki ng isang mabuting pamilya. “Iyan ang plano ng kaligayahan,” wika niya. “Kaya nga mahalagang [tulungan ang mga kabataan].”

Mga paglalarawan ni Welden C. Andersen