Mga Klasikong Ebanghelyo
Ano ang Ibig Sabihin ni Jesus sa Atin Ngayon?
Si Elder David B. Haight ay inorden bilang Apostol noong Enero 8, 1976, at naglingkod sa korum na iyon hanggang sa mamatay siya noong 2004. Bilang Assistant sa Konseho ng Labindalawa, ibinigay niya ang mensaheng ito sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 6, 1974. Para sa buong teksto sa Ingles, tingnan sa Mayo 1974 Ensign sa LDS.org.
Ang Jesus na kilala at pinaniniwalaan ko ay si Jesus na Cristo, ang Anak ng Diyos. Ang patotoong ito ay inihayag sa akin ng pagpapala at impluwensya ng Espiritu Santo. Alam ko na Siya … ang Tagapaglikha ng mundo at ng lahat ng narito, na Siya ang ating Tagapagligtas na nagmamahal sa bawat isa sa atin at namatay sa krus para sa atin, na nagtuturo sa atin ng pagkahabag at pagpapatawad, ang kaibigan ng lahat, ang manggagamot ng maysakit, ang tagapagbigay ng kapayapaan sa lahat na makikinig at maniniwala.
Ang makabagong tao ay hindi dapat malihis mula sa landas ng katotohanan noong unang panahon at sa mga huling araw—mga katotohanan at espirituwal na karanasan na nangyari nang lumakad na kasama at kausap ng mga propeta si Jesus. Ano ang kabuluhan ni Jesus sa mga sinaunang apostol? Ano ang kabuluhan Niya kay Pedro?
Sinabi ni Marcos, sa pagsusulat ng mga kaganapan sa umaga ng Pagkabuhay, na sina Maria Magdalena at Maria na ina ni Santiago ay sinabihan ng [dalawang anghel] na nakaharap nila habang papasok sila sa libingan, “Magsiyaon kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro” (Marcos 16:7). Sila ay inutusan na ipaalam ito kay Pedro. Nagmamadaling pumunta sina Pedro at Juan sa libingan. Pumasok si Pedro, nakita ang maayos na nakatuping damit na lino at ang panyo na itinali sa Kanyang ulo. Si Pedro ngayon ay personal na saksi sa dakilang kaganapang ito.
Sa araw ng Pentecostes, ipinangaral ni Pedro … ang maluwalhating ebanghelyo at nagpatotoo tungkol kay Jesus ng Nazaret. Nangasaktan ang puso ng mga tao at nagtanong, “Mga kapatid, anong gagawin namin?” (Mga Gawa 2:37). At si Pedro, taglay ang bagong napatibay na pananalig, ay sumagot, “Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo” (Mga Gawa 2:38). Tatlong libong kaluluwa ang naniwala at nangabinyagan. Nadama nila ang diwa at kapangyarihan ng senior na Apostol ng ating Panginoon. Mapagdududahan ba natin ang kabuluhan ni Jesus kay Pedro?
Lagi akong pinalalakas ng tindi at tibay ng pananalig ni Juan. Walang anumang pag-aalinlangan. Pinatotohanan niya: “Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios. … Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya. … Nasa kaniya ang buhay; at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao. At ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; at ito’y hindi napagunawa ng kadiliman” (Juan 1:1, 3–5). …
Maaaring higit sa kaya nating maunawaan ang ibig sabihin ni Jesus kay Nephi nang magpakita ang nabuhay na mag-uling Cristo sa kanlurang kontinente, na nagsasabing, “Masdan, ako si Jesucristo, na pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig.” …
Pagkatapos ay isinulat ni Nephi, “Ang maraming tao ay lumapit, at inihipo ang kanilang mga kamay sa kanyang tagiliran, at sinalat ang bakas ng pako sa kanyang mga kamay at kanyang mga paa” (3 Nephi 11:10, 15). … Sila ay Kanyang nakapiling, at sila ay makapagpapatotoo.
Ano ang kabuluhan ni Jesus sa batang si Joseph Smith? Ang pagpapakita ng Diyos Ama at ni Jesucristo sa batang propeta sa makabagong panahon ay inilarawan sa kanyang sariling salita: “Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw. … Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17). …
Ang espirituwal na kaalaman at espirituwal na karanasan ay hindi dapat at hindi kailangang maglaho sa isipan ng makabagong tao, dahil ang mga patotoo ng mga propeta noon at ngayon ay naitala para sa kapakinabangan ng tao, at ngayon nagpapatotoo ang mga naniniwala sa mga katotohanang ito. Dapat palitan ng makabagong tao ang mga kawalang-katiyakan at pag-aalinlangan ng hangaring malaman pa ang tungkol kay Jesus.
Ating responsibilidad at maluwalhating pagkakataon na palaging magpatotoo tungkol kay Jesus, ang Cristo. Dapat nating patotohanan sa mundo ang Kanyang pagkadiyos, na Siya ay isinilang sa laman na may kapwa banal at mortal na mga magulang. Pinili Siya para gampanan ang mahalagang misyon ng Panunumbalik at Pagtubos. Ginawa Niya ito—Siya ay ipinako sa krus at bumangon mula sa libingan, at sa gayon ay makapagsisisi ang bawat tao upang mabuhay muli sa pamamagitan ng kamangha-manghang Pagbabayad-Sala ni Jesus, banal man o makasalanan.
Lahat ay mailalagay sa landas tungo sa walang hanggang pag-unlad. Lahat ng tumatanggap sa Kanya at nagsisisi ay tatanggap ng kapatawaran ng kanyang nagawang mga kasalanan at ng pagkakataon na magtamo ng kadakilaan. “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6). Ang isipan ba ng tao ay posibleng magkaroon ng mas marangal na konsepto para sa tadhana ng tao? Si Jesucristo ang pinakasentro.
Sa tanong na “Ano ang kabuluhan ni Jesus sa makabagong tao?” Pinatototohanan ko na Siya ang lahat-lahat.