Ang Kanyang Biyaya ay Sapat
Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University noong Hulyo 12, 2011. Para sa buong teksto sa Ingles, bisitahin ang speeches.byu.edu.
Paano nakakatulong ang biyaya ng Diyos?
Minsan ay lumapit sa akin ang isang dalagita at nagtanong kung puwede kaming mag-usap. Sabi ko, “Siyempre. Ano ang maitutulong ko sa iyo?”
Sabi niya, “Hindi ko po talaga maunawaan ang kahulugan ng biyaya.”
Sumagot ako, “Ano ang hindi mo maunawaan?”
Sabi niya, “Alam ko po na kailangan kong gawin ang lahat ng kaya ko, at si Jesus na ang bahala sa iba, pero ni hindi ko po magawa ang lahat ng kaya ko.”
Sabi ko, “Ang totoo, ganap nang binayaran ni Jesus ang ating pagkakautang. Hindi Niya iyon binayaran lahat maliban sa ilang sentimo. Lubusan Niya itong binayaran. Tapos na.”
Sabi niya, “Ayos! E, di, wala na po akong kailangang gawin?”
“Naku, hindi,” sabi ko, “marami ka pang gagawin, pero hindi mo na babayaran ang utang na iyon. Lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli. Lahat tayo ay babalik sa piling ng Diyos para mahatulan. Kailangan pang malaman ayon sa ating pagsunod kung gaano natin hinahangad na makapiling ang Diyos at anong antas ng kaluwalhatian ang gusto nating matanggap.”
Inutusan tayo ni Cristo na sumampalataya sa Kanya, magsisi, gumawa at tumupad ng mga tipan, tanggapin natin ang Espiritu Santo, at magtiis hanggang wakas. Sa pagsunod sa ipinagagawa ni Cristo, hindi natin binabayaran ang mga hinihingi ng katarungan—ni ang pinakamaliit na bahagi nito. Sa halip, ipinapakita natin ang ating pasasalamat sa ginawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng pamumuhay na katulad Niya. Ang katarungan ay nangangailangan ng agarang kasakdalan o kaparusahan kapag nagkulang tayo. Dahil inako ni Jesus ang kaparusahang iyon, mabibigyan Niya tayo ng pagkakataong maging sakdal (tingnan sa Mateo 5:48; 3 Nephi 12:48) at matutulungan tayong makamit ang mithiing iyan. Mapapatawad Niya ang hindi mapapatawad ng katarungan kailanman, at maaari Niyang ipagawa sa atin ngayon ang lahat ng nais Niyang ipagawa (tingnan sa 3 Nephi 28:35).
Binabago Tayo ng Biyaya
Ang plano sa atin ni Cristo ay katulad sa isang ina na nagtuturo ng musika sa kanyang anak. Binabayaran ng ina ang piano teacher. Dahil binayaran ng Nanay ang buong utang, makakahiling siya sa kanyang anak ng isang bagay. Ano iyon? Magpraktis! Mababayaran ba ng pagpapraktis ng bata ang piano teacher? Hindi. Matutumbasan ba ng pagpapraktis ng bata ang ibinayad ng Nanay sa piano teacher? Hindi. Ang pagpapraktis ay nagpapakita ng pasasalamat ng anak sa napakagandang regalo ng Nanay. Nakikita iyon sa pagsasamantala niya sa napakagandang pagkakataong ibinibigay sa kanya ng Nanay para mapabuti ang kanyang buhay. Ang kagalakan ng Nanay ay hindi ang maibalik ang ibinayad niya kundi ang makita na napakinabangan ang kanyang regalo—ang makita na napabuti ang kanyang anak. Kaya nga patuloy niyang sinasabi na magpraktis, magpraktis, magpraktis.
Kung itinuturing ng anak na sobrang mag-utos ang Nanay na magpraktis siya (“Inay naman, bakit ko ba kailangang magpraktis? ‘Yung ibang mga bata nga, hindi nagpapraktis! Magiging propesyonal na manlalaro naman ako ng baseball e!”), siguro ay dahil hindi pa siya nakakaunawa ayon sa pagkaunawa ng Nanay. Hindi niya nauunawaan na mapapabuti ang buhay niya kung pipiliin niyang maging mas mahusay.
Sa gayon ding paraan, dahil binayaran na ni Jesus ang katarungan, masasabi Niya sa atin ngayon na: “Magsisunod kayo sa hulihan ko” (Mateo 4:19); “[Tuparin] ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). Kung sa tingin natin ay sobra-sobra na ang mga ipinagagawa Niya sa atin, siguro ay dahil hindi pa tayo nakakaunawa ayon sa pagkaunawa ni Cristo. Hindi pa natin nauunawaan na tinutulungan Niya tayong marating ang dapat nating kahinatnan.
Sinabi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang nagsising makasalanan ay dapat pagdusahan ang kanyang mga kasalanan, ngunit hindi kaparusahan o kabayaran ang layunin nito. Ang layunin nito ay pagbabago” (The Lord’s Way [1991], 223; binigyang-diin sa orihinal). Ihalintulad natin ito sa batang piyanista: Ang bata ay kailangang magpraktis ng piyano, ngunit hindi kaparusahan o kabayaran ang layunin nito. Ang layunin nito ay pagbabago.
Ang himala ng Pagbabayad-sala ay hindi lamang na maaari tayong mabuhay pagkatapos nating mamatay kundi maaari tayong mabuhay nang mas masagana (tingnan sa Juan 10:10). Ang himala ng Pagbabayad-sala ay hindi lamang na maaari tayong maging malinis at maaliw kundi maaari tayong magbago (tingnan sa Mga Taga Roma 8). Nilinaw sa mga banal na kasulatan na walang maruming bagay na makapananahanang kasama ng Diyos (tingnan sa Alma 40:26), ngunit walang anumang bagay na hindi nagbago na gugustuhing manahanan doon.
Ang himala ng Pagbabayad-sala ay hindi lamang na tayo ay makauuwi kundi—sa mahimalang paraan—mapapanatag tayo roon. Kung hindi tayo inutusan ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na sumampalataya at magsisi, hindi natin hahangaring magbago. Isipin ang inyong mga kaibigan at kapamilya na piniling mamuhay nang hindi sumasampalataya at nagsisisi. Ayaw nilang magbago. Hindi nila sinisikap na talikuran ang kasalanan at mapanatag sa harap ng Diyos. Bagkus, sinisikap nilang talikuran ang Diyos at napapanatag sila sa kasalanan. Kung hindi tayo inutusan ng Ama at ng Anak na makipagtipan at hindi Nila ibinigay ang kaloob na Espiritu Santo, walang paraan para magbago. Maiiwan tayo magpakailanman na kapangyarihan ng isipan lamang ang taglay, hindi ang Kanyang kapangyarihan. Kung hindi tayo inutusan ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na magtiis hanggang wakas, hindi maisasagawa ang mga pagbabagong iyon sa paglipas ng panahon. Ang mga ito ay paimbabaw lamang magpakailanman sa halip na tumimo sa ating puso’t isipan at nagiging bahagi natin—bahagi ng ating pagkatao. Sa madaling salita, kung hindi tayo inutusan ni Jesus na palaging sumunod, hindi tayo kailanman magiging mga Banal.
Tinutulungan Tayo ng Biyaya
“Pero hindi ba ninyo alam na napakahirap magpraktis? Hindi ako masyadong magaling magpiyano. Maling nota ang natitipa ko. Matagal akong matuto.” Sandali lang. Hindi ba bahagi ng pagkatuto ang lahat ng iyan? Kapag mali ang pagtipa sa nota ng isang batang piyanista, hindi natin sinasabi na hindi na siya nararapat magpraktis. Hindi natin inaasahang hindi siya magkakamali. Inaasahan lang natin na patuloy siyang magsisikap. Maaaring pagiging perpekto ang mithiin niya sa huli, ngunit sa ngayon makukuntento na tayo sa pag-unlad niya tungo sa tamang direksyon. Bakit napakadaling unawain ng pananaw na ito sa konteksto ng pag-aaral ng piyano ngunit napakahirap unawain sa konteksto ng pag-aaral ng mga bagay na espirituwal?
Napakaraming lumalayo sa Simbahan dahil sawa na silang makadama na parang lagi silang may pagkukulang. Sinikap na nila noon, ngunit patuloy nilang nadarama na parang hindi sapat ang nagagawa nila. Hindi nila nauunawaan ang biyaya.
Hindi dapat maging dalawa lamang ang pagpipilian kailanman: ang maging perpekto o sumuko. Kapag nag-aaral ng piyano, ang pinagpipilian lang ba ay ang magtanghal sa Carnegie Hall o tumigil na lang? Hindi. Ang pag-unlad at paglago ay nangangailangan ng sapat na panahon. Ang pag-aaral ay nangangailangan ng sapat na panahon. Kapag naunawaan natin ang biyaya, nauunawaan natin na ang Diyos ay may mahabang pagtitiis, na ang pagbabago ay isang proseso, at na ang pagsisisi ay isang huwaran sa ating buhay. Kapag naunawaan natin ang biyaya, nauunawaan natin na patuloy ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Cristo at ang Kanyang lakas ay sakdal sa ating kahinaan (tingnan sa II Mga Taga Corinto 12:9). Kapag naunawaan natin ang biyaya, tayo ay maaari, tulad ng nakasaad sa Doktrina at mga Tipan, na “magpatuloy sa pagtitiyaga hanggang sa [tayo] ay maging ganap” (D at T 67:13).
Ang biyaya ay hindi isang makina na nagiging aktibo lamang kapag naubos ang ating gasolina. Sa halip, ito sa tuwina ang pinagmumulan ng ating lakas. Hindi ito ang liwanag sa dulo ng lagusan kundi ang liwanag na tumatanglaw sa ating pagdaan sa lagusan. Ang biyaya ay hindi nakakamtan kung saan-saan. Natatanggap ito dito mismo at ngayon mismo.
Ang Biyaya ay Sapat
Sapat ang biyaya ni Cristo (tingnan sa Eter 12:27; D at T 17:8)—sapat para bayaran ang ating mga pagkakautang, sapat para baguhin tayo, at sapat para tulungan tayo hangga’t nangyayari ang pagbabagong iyon. Itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon na lubos tayong umasa sa “kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” (2 Nephi 2:8). Sa paggawa nito, hindi natin matutuklasan—tulad ng pinaniniwalaan ng ilang Kristiyano—na walang hinihingi sa atin si Cristo. Bagkus, matutuklasan natin kung bakit marami Siyang hinihingi sa atin at ang lakas na gawin ang lahat ng ipinagagawa Niya (tingnan sa Mga Taga Filipos 4:13). Ang biyaya ay hindi ang kawalan ng matataas na inaasahan ng Diyos. Ang biyaya ay ang presensya ng kapangyarihan ng Diyos (tingnan sa Lucas 1:37).
Sapat ang biyaya ng Diyos. Sapat ang biyaya ni Jesus. Sapat na ito. Ito lang ang kailangan natin. Huwag sumuko. Magsikap pa. Huwag tumakas at magdahilan. Umasa sa Panginoon at sa Kanyang sakdal na lakas. Huwag maghanap ng taong masisisi. Maghanap ng taong tutulong sa inyo. Hanapin si Cristo, at, kapag ginawa ninyo ito, madarama ninyo ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan at banal na tulong na tinatawag nating Kanyang kamangha-manghang biyaya.