Mga Hakbang Tungo sa Kaligayahan
Mula sa isang mensaheng ibinigay sa mga kabataan sa Salta, Argentina, noong Nobyembre 2011.
Ang mga utos ay hindi ibinigay para maghigpit kundi para gawing posible ang tunay nating hinahangad at ang nais para sa atin ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa atin.
Kung minsan, may ilang taong nalilito, na iniisip na ang mga kautusan ay paghihigpit o mga sagabal na nagpapagulo sa buhay, na nag-aalis ng mga pagkakataon o kaligayahan o kasiyahan sa buhay. Ang totoo, pinoprotektahan at ginagabayan tayo ng mga kautusan tungo sa kaligayahan. Ang mga ito ay hindi paghihigpit kundi para gawing posible—para makamtan natin sa buhay na ito at sa kabilang-buhay—ang tunay nating hinahangad at ang nais para sa atin ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa atin.
Ang mga ito ay parang mga baitang ng hagdanan. Bawat hakbang ay maaaring kumatawan sa isang kautusan, at sa bawat kautusang sinusunod natin, makakaakyat tayo. Pagkatapos, kung nauunawaan natin ang diwa ng mga kautusan, hihingi pa tayo ng iba. Hindi tayo naghihinanakit hinggil sa mga kautusan; humihingi pa tayo ng iba para lalo tayong umunlad. At nagbibigay ang Ama sa Langit na nagmamahal sa atin ayon sa ating mga hangarin. Kung hangad natin ito, bibigyan Niya tayo ng iba pang mga kautusan para mapadali ang ating pag-unlad.
Kaya, mga kabataan, huwag sana kayong magreklamo tungkol sa mga kautusan. Huwag sabihing, “Ayaw ko nang maragdagan iyan,” sa halip ay sabihing, “Sige pa, sige pa. Gusto kong umunlad. Gusto kong lumigaya. Gusto kong maging katulad ng aking Ama sa Langit. At ipinapakita sa akin ng mga kautusan kung paano gawin ito. Inaakay ako ng mga ito tungo sa pag-unlad at pinoprotektahan din ako mula sa masama at sa mga bagay na sumisira sa kaligayahan—at kung minsan ay pinoprotektahan din nito ang buhay mismo.”
Umaasa ako na kumbinsido kayo. Dapat nating gawin ang lahat ng bagay na kailangan para masunod ang mga kautusan, kahit tila nag-iisa tayo sa paggawa nito.