Sa aming lugar, itinuturing nila na magkasintahan na kayo sa unang deyt pa lang. Paano makikipagdeyt sa iba’t ibang tao ang isang tao nang hindi nasasabihan na siya ay walang delikadesa o hindi tapat?
Malaking hamon ito sa maraming kabataang Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo. Pinapayuhan sila na “iwasan ang madalas na pakikipagdeyt sa iisang tao” para hindi sila magkaroon ng seryosong relasyon sa murang edad (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 4). Ngunit sa kultura ng halos buong mundo, nagiging magkasintahan muna ang isang lalaki at isang babae bago pa man sila unang magdeyt; gayundin naman, ang minsang pagdedeyt ay maaaring magpahiwatig na magkasintahan na sila at hindi na puwedeng makipagdeyt sa iba. Sa gayong kultura, ang pakikipagdeyt sa iba’t ibang tao ay mukhang nakakasira sa “relasyon” at maaari kang magkaroon ng reputasyon na ikaw ay walang delikadesa o hindi tapat. Kaya ano ang dapat mong gawin?
Una sa lahat, tiyakin na alam ng lahat ang iyong paniniwala at katapatan sa mga pamantayan ng Panginoon tungkol sa kalinisang-puri at kadalisayang seksuwal para walang magduda sa iyong pagkatao at pag-uugali. Susunod, maaari mong pagsikapang pagandahin ang kultura sa pakikipagdeyt sa paligid mo sa pamamagitan ng pagpapaalam sa kanila ng mga tuntunin ng Simbahan. Kung pag-aalinlanganan ng mga tao ang mga pamantayan mo sa pakikipagdeyt, tanungin sila kung bakit nila iniisip, kung wala naman silang balak na mag-asawa kaagad, na kailangan nilang magkaroon ng emosyonal at pisikal na relasyon at makipagkasintahan sa napakamurang edad. Yayain silang sumamang magdeyt na may kasamang iba pa para makita nila ang saya kapag lumalabas nang magkakasama nang hindi nakakagawa ng imoralidad na dulot ng maagang pag-iibigan. At ipaalam sa kanila ang patnubay at payo sa inyo ng mga buhay na propeta at apostol.