Mensahe ng Unang Panguluhan
Pagpapabilis ng Gawain
Alam ba ninyo na ang ipinanumbalik na Simbahan ay 98 taon na bago ito nagkaroon ng 100 stake? Ngunit wala pang 30 taon ang nakalipas, inorganisa na ng Simbahan ang pangalawang 100 stake nito. At pagkaraan lang ng walong taon nagkaroon ng mahigit 300 stake ang Simbahan. Ngayon mahigit 3,000 na ang mga stake natin.
Bakit napakabilis ng pag-unlad na ito? Dahil ba sa mas kilala na tayo? Dahil ba may magagandang chapel tayo?
Mahalaga ang mga bagay na ito, ngunit lumalago ang Simbahan ngayon dahil sinabi ng Panginoon noon na mangyayari ito. Sa Doktrina at mga Tipan, sinabi Niya, “Masdan, aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito.”1
Tayo, bilang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit, ay ipinadala sa mundo sa panahong ito upang makabahagi tayo sa pagpapabilis ng dakilang gawaing ito.
Sa pagkaalam ko, hindi kailanman sinabi ng Panginoon na ang Kanyang gawain ay dito lamang sa mortalidad. Sa halip, ang Kanyang gawain ay hanggang sa kawalang-hanggan. Naniniwala ako na minamadali Niya ang Kanyang gawain sa daigdig ng mga espiritu. Naniniwala rin ako na ang Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod doon, ay inihahanda ang maraming espiritu na tanggapin ang ebanghelyo. Ang trabaho natin ay saliksikin ang ating mga yumaong ninuno at magpunta sa templo at isagawa ang mga sagradong ordenansa na magbibigay sa mga nasa kabilang buhay ng mga pagkakataong tulad ng sa atin.
Bawat mabuting Banal sa mga Huling Araw na nasa daigdig ng mga espiritu ay abala, sabi ni Pangulong Brigham Young (1801–77). “Ano ang ginagawa nila roon? Nangangaral sila, nangangaral sa lahat ng oras, at inihahanda ang daan para sa atin na mapabilis ang ating gawain na magtayo ng mga templo rito at kung saan pa.”2
Ngayon, ang gawain sa family history ay hindi madali. Para sa inyo na nagmula sa Scandinavia, nakikibahagi ako sa kabiguan ninyo. Halimbawa, sa angkan kong Swedish, ang pangalan ng lolo ko ay Nels Monson; ang apelyido ng tatay niya ay hindi Monson kundi Mons Okeson. Ang pangalan ng tatay ni Mons ay Oke Pederson, at ang pangalan ng tatay niya ay Peter Monson—bumalik na naman sa Monson.
Inaasahan ng Panginoon na gagawin nating mabuti ang ating gawain sa family history. Sa palagay ko ang una nating kailangang gawin kung gusto nating magawang mabuti ang ating gawain ay hangaring mapasaatin ang Espiritu ng ating Ama sa Langit. Kapag namuhay tayo nang matwid ayon sa paraang alam natin, bubuksan Niya ang daan para matamo natin ang mga pagpapalang masigasig nating hinahangad.
Magkakamali tayo, ngunit wala ni isa sa atin ang magiging eksperto sa gawain sa family history nang hindi muna nagiging baguhan sa gawaing ito. Samakatwid, kailangan tayong maging masigasig sa gawaing ito, at maghandang dumanas ng hirap. Hindi madali ang gawaing ito, ngunit iniatas ito ng Panginoon sa inyo, at iniatas Niya ito sa akin.
Sa paggawa ninyo ng family history, daraan kayo sa mga balakid, at sasabihin ninyo sa inyong sarili, “Wala na akong iba pang magagawa.” Kapag ganyan ang nadama ninyo, lumuhod at hilingin sa Panginoon na buksan ang daan, at bubuksan Niya ang daan para sa inyo. Ipinahahayag ko na ito ay totoo.
Mahal ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak na nasa daigdig ng mga espiritu tulad ng pagmamahal Niya sa inyo at sa akin. Hinggil sa gawain ng pagliligtas sa ating mga yumaong ninuno, sinabi ni Propetang Joseph Smith, “At ngayon habang mabilis na isinasagawa ang mga dakilang layunin ng Diyos, at ang mga bagay na binabanggit tungkol sa mga Propeta ay natutupad, nang itatag ang kaharian ng Diyos sa lupa, at ipanumbalik ang sinaunang pagkakaayos ng mga bagay-bagay, ipinakita sa atin ng Panginoon ang tungkulin at pribilehiyong ito.”3
Hinggil sa ating mga ninuno na pumanaw nang walang kaalaman sa ebanghelyo, ipinahayag ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918), “Sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap para sa kanila ay makakalag ang gapos ng kanilang pagkakaalipin, at maglalaho ang kadiliman na bumabalot sa kanila, upang sumikat ang liwanag sa kanila at maririnig nila sa daigdig ng espiritu ang gawain na isinagawa para sa kanila ng kanilang mga anak dito sa lupa, at magagalak silang kasama ninyo sa pagsasagawa ninyo ng mga tungkuling ito.”4
Milyun-milyon ang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit na hindi kailanman narinig ang pangalan ni Cristo bago sila namatay at napunta sa daigdig ng mga espiritu. Ngunit ngayon ay naituro na sa kanila ang ebanghelyo at hinihintay nila ang araw na gagawin natin ang pagsasaliksik na kailangan upang mahawi ang daan upang makapasok tayo sa bahay ng Panginoon at maisagawa para sa kanila ang gawaing hindi na nila mismo magagawa.
Mga kapatid, pinatototohanan ko na pagpapalain tayo ng Panginoon kapag tinanggap at tinugunan natin ang hamong ito.