2014
Mga Anak na Babae ng Diyos na Nakipagtipan
Nobyembre 2014


Mga Anak na Babae ng Diyos na Nakipagtipan

Kapag ang mga anak na babae ng Diyos ay nakatuon sa templo at sa kanilang mga sagradong tipan, ang Diyos ay nagbibigay ng personal na mga pagpapala at sa makapangyarihang paraan.

Mahal kong mga kapatid, binabati ko kayo nang may labis na pagmamahal. Ngayon, saanman kayo naroon sa mundo, sana ay madama ninyo ang pagmamahal ng Panginoon at ang pagpapatotoo ng Espiritu sa inyong puso sa mensaheng inawit ng choir. Idaragdag ko ang aking patotoo sa kanila: Alam ko na ang aking Manunubos ay buhay at na mahal Niya ang bawat isa sa atin.

Ngayong gabi, tayo ay nagtitipon bilang mga anak na babaing nakipagtipan sa Diyos. Ang ating edad, kalagayan, at personalidad ay hindi magpapahiwalay sa atin, dahil higit sa lahat tayo ay Kanyang mga anak. Gumawa tayo ng tipan na laging alalahanin ang Kanyang Anak.

Ang kapangyarihan ng tipang iyan ng bawat isa ay umantig sa aking puso tatlong linggo na ang nakararaan nang dumalo ako sa isang binyag. Doon sa harapan ko nakaupo ang walong kasiya-siyang mga bata na mapitagan at nasasabik dahil sa wakas ay dumating na ang kanilang espesyal na araw. Ngunit nang tingnan ko ang kanilang masasayang mukha, hindi lang isang grupo ng mga bata ang nakita ko. Sa halip nakita ko sila gaya ng naiisip ko na pagkakita sa kanila ng Panginoon—bilang indibiduwal. Nakita ko sina Emma at Sophia at Ian at Logan at Aden at William at Sophie at Micah. Bawat tipan sa binyag ay ginagawa ng bawat isa. Bawat isa ay nakasuot ng puting damit, naroon sila—handa at may pagkukusa ang kanilang walong-taong-gulang na puso na gawin ang kanilang unang tipan sa Diyos.

Gunitain at ilarawan sa inyong isipan ang araw ng inyong binyag. Maalala man ninyo ang maraming detalye o ang iilan lang, sikaping madama ngayon ang kahalagahan ng tipan na personal ninyong ginawa. Pagkatapos tawagin ang inyong pangalan, kayo ay inilubog sa tubig at umahon bilang Kanyang anak na babae—anak ng tipan, handang tawagin sa pangalan ng Kanyang Anak at nangako na susundin Siya at ang Kanyang mga kautusan.

Ang pakikipagtipan sa Diyos ay tumutulong sa atin na malaman kung sino talaga tayo. Ikinokonekta tayo ng mga ito sa Kanya sa personal na paraan kung saan nadarama natin ang ating kahalagahan sa Kanyang paningin at ang ating lugar sa Kanyang kaharian. Sa paraang hindi natin lubos na maunawaan, bawat isa sa atin ay kilala at mahal Niya. Isipin ninyo—bawat isa sa atin ay may puwang sa Kanyang puso. Ang Kanyang hangarin ay piliin natin ang landas na maghahatid sa atin pabalik sa Kanya.

Mahalaga ang tipan sa binyag, ngunit ito ay simula lamang—ang pasukan na naglalagay sa atin sa landas tungo sa buhay na walang hanggan. Nasa dakong unahan ng ating paglalakbay ang mga tipan sa templo na gagawin at mga ordenansa ng priesthood na tatanggapin. Tulad ng paalala sa atin ni Elder David A. Bednar, “Noong tayo ay nabinyagan, sinimulan natin ang paglalakbay patungo sa templo.”1

Hindi lamang sa paggawa ng mga tipan kundi sa tapat ding pagtupad sa mga tipang ito ang siyang naghahanda sa atin sa pagtanggap ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ating inaasam, ating mithiin, at ating kagalakan.

Ako ay saksi sa kapangyarihan ng mga tipan habang minamasdan ko ang aking mga magulang, na minahal at ipinamuhay ang ebanghelyo. Malinaw kong nakita sa aking mahal na ina ang mga desisyon sa araw-araw ng isang anak na nakipagtipan sa Diyos. Kahit noong bata pa siya, ang kanyang mga pagpili ay nagpakita ng kanyang mga priyoridad at pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo. Nakita ko ang kapayapaan, ang kapangyarihan, at proteksyon na dumating sa kanyang buhay nang gumawa siya at tumupad sa mga sagradong tipan sa kanyang paglalakbay sa buhay. Ang kanyang buhay sa mundong ito ay nagpakita ng kanyang pagmamahal sa Tagapagligtas at ng kanyang hangaring sundin Siya. Ah, talagang gusto kong tularan ang kanyang halimbawa.

Ang pagsasama ng mga magulang ko bilang mag-asawa ay nagsimula sa di-pangkaraniwang paraan. Ito ay noong 1936. Seryoso ang pagdedeyt nila at nagpaplanong magpakasal nang matanggap ni Itay ang isang liham na nag-anyaya sa kanya na maglingkod bilang full-time missionary sa South Africa. Nakasaad sa liham na kung siya ay karapat-dapat at handang maglingkod, dapat niyang kausapin ang kanyang bishop. Mapapansin ninyo na ibang-iba ang paraan ng pagtawag sa missionary noong mga panahong iyon! Ipinakita ni Itay ang liham sa kanyang mahal na si Helen, at nagpasiya sila nang walang alinlangan na maglilingkod siya.

Sa loob ng dalawang linggo bago siya umalis, araw-araw na nagkikita sina Inay at Itay para sabay na kumain sa tanghali sa Memory Grove malapit sa kabayanan ng Salt Lake City. Sa isa sa mga tanghaliang ito, dahil humingi si Inay ng patnubay sa pamamagitan ng pag-aayuno at panalangin, sinabi niya sa kanyang mahal na si Claron na kung gusto pa rin nito, magpapakasal siya kay Claron bago ito umalis. Noong mga unang araw ng Simbahan, ang kalalakihan ay tinatawag kung minsan na magmisyon at iniiwan ang asawa at pamilya nila. Ganyan din ang nangyari kina Inay at Itay. Sa pahintulot ng kanyang mga priesthood leader, nagpasiya silang magpakasal bago siya umalis para magmisyon.

Sa Salt Lake Temple, natanggap ni Inay ang kanyang endowment, at pagkatapos ikinasal sila sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan ni Pangulong David O. McKay. Napakasimple ng kasal nila. Walang mga retrato, walang magandang damit-pangkasal, walang mga bulaklak, at walang handaan upang ipagdiwang ang okasyon. Lubos silang nakatuon sa templo at sa kanilang mga tipan. Para sa kanila, ang mga tipan ang pinakamahalaga sa lahat. Anim na araw lang pagkatapos ng kasal at sa pagpapaalam na puno ng iyakan, umalis si Itay papuntang South Africa.

Gayunman ang kanilang pagpapakasal ay hindi lamang dahil sa matinding pagmamahal nila sa isa’t isa. Mahal din nila ang Panginoon at hangad na maglingkod sa Kanya. Ang mga sagradong tipan sa templo na ginawa nila ay nagbigay sa kanila ng katatagan at lakas na matiis ang dalawang taong pagkakahiwalay. Nagkaroon sila ng walang hanggang pananaw sa layunin ng buhay at sa ipinangakong pagpapala na ibinibigay sa mga taong tapat sa kanilang mga tipan. Lahat ng pagpapalang ito ay higit pa sa kanilang sakripisyo at pansamantalang pagkakahiwalay.

Bagama’t hindi talaga madaling paraan iyon para masimulan ang buhay may-asawa, napatunayang mainam na paraan iyon sa pagtatatag ng saligan para sa walang-hanggang pamilya. Habang lumalaki ang pamilya, alam namin kung ano ang pinakamahalaga sa aming mga magulang. Iyon ay ang kanilang pagmamahal sa Panginoon at ang kanilang matibay na pangako na tutuparin ang ginawa nilang mga tipan. Kahit pumanaw na ang mga magulang ko, ang kanilang halimbawa ng kabutihan ay patuloy na nagpapala sa aming pamilya.

Ang halimbawa ng kanilang buhay ay makikita sa mga salita ni Sister Linda K. Burton: “Ang pinakamainam na paraan para mapatatag ang pamilya, ngayon o sa hinaharap, ay tuparin ang mga tipan.”2

Ang panahon ng kanilang paghihirap at pagsubok ay nagpatuloy. Tatlong taon matapos bumalik si Itay mula sa kanyang misyon, sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at tulad ng karamihan, nagpalista siya sa militar. Apat na taon na naman siyang wala sa bahay habang naglilingkod sa navy, sakay ng mga barkong-pandigma sa Pacific.

Iyon ay mahirap na panahon para sa mga magulang ko na muling magkahiwalay. Ngunit para sa aking ina, ang mga araw ng kalungkutan, pag-aalala, at kawalan ng katiyakan ay kinapalooban din ng mga pagbulong ng Espiritu na nangungusap ng mga walang hanggang pangako, ng kapanatagan at kapayapaan sa gitna ng unos.

Sa kabila ng mga pagsubok sa kanyang buhay, si Inay ay biniyayaan ng kaligayahan, kagalakan, pagmamahal, at paglilingkod. Ang pagmamahal niya sa Tagapagligtas ay nakita sa kanyang pamumuhay. Nagkaroon siya ng kahanga-hangang pakikipag-ugnayan sa langit at ng kaloob at kakayahang mahalin at tulungan ang lahat ng nakapaligid sa kanya. Ang kanyang pananampalataya sa Diyos at pag-asa sa Kanyang mga pangako ay mababakas sa mga salita ni Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa templo nang sabihin niyang, “Walang sakripisyong napakalaki, walang kapalit na napakabigat, walang pagsisikap na napakahirap upang matanggap ang mga pagpapalang iyon.”3

Sa lahat ng panahon sa kanyang buhay, si Inay ay napalakas at napagpala dahil sa pagmamahal niya sa Panginoon at sa mga tipang ginawa at tinupad niya nang tapat.

Walang duda na iba ang mga detalye ng inyong buhay sa buhay ni Inay. Ngunit ang mga alituntunin mula sa kanyang buhay ay angkop sa ating lahat. Kapag ang mga anak na babae ng Diyos ay nakatuon sa templo at sa kanilang mga sagradong tipan, ang Diyos ay nagbibigay ng personal na mga pagpapala at sa makapangyarihang paraan. Tulad ng halimbawa ni Inay sa akin, ang pasiya ninyong paniwalaan at tuparin ang mga tipan ay mag-iiwan ng mahalagang pamana ng pananampalataya sa inyong mga inapo. Kaya, mahal kong mga kapatid, paano natin makakamtan ang kapangyarihan at mga pagpapala ng mga tipan sa templo? Ano ang magagawa natin ngayon upang makapaghanda para sa mga pagpapalang iyon?

Sa paglalakbay ko, nalaman ko na may mga kababaihan sa lahat ng edad, sa lahat ng kalagayan, na ang buhay ay nagbibigay ng kasagutan sa mga tanong na ito.

Nakilala ko si Mary pagkatapos ng kanyang ikawalong kaarawan. Tulad ng iba, siya ay sabik sa paggawa ng family history at nakapag-ambag na ng mahigit 1,000 pangalan para sa gawain sa templo. Inihahanda na ngayon ni Mary ang kanyang sarili para sa pagpapala ng pagpasok sa templo pagtuntong niya ng 12 taong gulang.

Si Brianna ay 13 anyos at gustung-gusto niya ang gawain sa family history at sa templo. Tinanggap niya ang hamon ni Elder Neil L. Andersen tungkol sa templo.4 Siya ay naghanda ng daan-daang pangalan para sa gawain sa templo at isinama ang kanyang pamilya at mga kaibigan sa pagsasagawa ng mga pagpapabinyag sa templo. Sa sagradong gawaing ito, ang puso ni Brianna ay bumaling hindi lamang sa kanyang mga magulang sa lupa kundi gayundin sa kanyang Ama sa Langit.

Bagamat si Anfissa ay abalang young adult na nagtatrabaho at pumapasok sa graduate school, may oras pa rin siya na pumunta sa templo bawat linggo. Humihingi siya ng inspirasyon at nakadarama ng kapayapaan habang naglilingkod sa bahay ng Panginoon.

Si Katya, na miyembro sa Ukraine, ay mahal na mahal ang templo. Bago itinayo ang templo sa Kyiv, siya at ang iba pa sa kanyang branch ay nagsakripisyong bumiyahe nang 36 na oras sakay ng bus para pumunta sa templo minsan sa isang taon sa Germany. Ang matatapat na Banal na ito ay nangagdasal, inaral ang mga banal na kasulatan, kumanta ng mga himno, at pinag-usapan ang ebanghelyo habang nagbibiyahe sila. Sabi ni Katya sa akin, “Nang makarating kami sa templo, handa na kaming tanggapin ang ibibigay ng Panginoon sa amin.”

Kung gusto nating matanggap ang lahat ng pagpapalang bukas-palad na ipagkakaloob sa atin ng Diyos, ang tinatahak natin sa lupa ay dapat patungo sa templo. Ang mga templo ay tanda ng pagmamahal ng Diyos. Inaanyayahan Niya tayong lahat na lumapit, matuto sa Kanya, madama ang Kanyang pagmamahal, at tanggapin ang mga ordenansa ng priesthood na kailangan para sa buhay na walang hanggan sa piling Niya. Bawat tipan ay ginagawa ng bawat isa. Bawat malaking pagbabago ng puso ay mahalaga sa Panginoon. At ang pagbabago ng iyong puso ay makagagawa ng malaking kaibhan sa iyo. Sapagkat sa pagpunta natin sa Kanyang banal na bahay, tayo ay “[masasakbitan ng Kanyang] kapangyarihan, … ang [Kanyang] pangalan … ay mapapasa[atin], … ang [Kanyang] kaluwalhatian … ay [babalot sa atin], at ang [Kanyang] mga anghel ay [mangangalaga sa atin].”5

Ibinabahagi ko sa inyo ang aking tiyak na patotoo na ang ating mapagmahal na Ama sa Langit ay buhay. Sa pamamagitan ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, ang lahat ng inaasam, lahat ng pangako, at lahat ng pagpapala ng templo ay natutupad. Nawa’y magkaroon tayo ng pananampalataya na magtiwala sa Kanya at sa Kanyang mga tipan, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. David A. Bednar, “Marangal na Humawak ng Pangalan at Katayuan,” Liahona, Mayo 2009, 98.

  2. Linda K. Burton, “Wanted: Mga Kamay at mga Pusong Magpapabilis sa Gawain,” Liahona, Mayo 2014, 123.

  3. Thomas S. Monson, “Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” Liahona, Mayo 2011, 92.

  4. Tingnan sa templechallenge.lds.org.

  5. Doktrina at mga Tipan 109:22.