Mga Magulang: Ang Pangunahing mga Guro ng Ebanghelyo sa Kanilang mga Anak
Matapos masabi at magawa ang lahat, ang tahanan pa rin ang pinakamagandang lugar sa pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Sabi ni Ben Carson tungkol sa kanyang sarili, “Ako ang pinakamahina sa aming klase sa ikalimang baitang.” Isang araw sinagutan ni Ben ang 30 tanong sa math test. Ang estudyante sa likod niya ang nag-tsek nito at ibinalik ito sa kanya. Sinimulang tawagin ng gurong si Mrs. Williamson ang pangalan ng bawat estudyante para itala ang iskor nila. Sa huli, si Ben na ang tinawag niya. Dahil sa hiya, pabulong niyang sinabi ang iskor. Akala ni Mrs. Williamson ay “9” ang sinabi niya, kaya sinabi nitong malaki ang iniunlad ni Ben dahil nakaiskor ito ng 9 sa 30. Ang estudyante sa likod ni Ben ay sumigaw ng, “Hindi po siyam! … Wala po siyang … tamang sagot.” Sinabi ni Ben na para siyang hihimatayin.
Kasabay niyon, ang ina ni Ben na si Sonya ay may kinakaharap ding mga problema. Isa siya sa 24 na anak, nakatapos lamang ng ikatlong baitang, at hindi marunong magbasa. Nag-asawa siya sa edad na 13, nakipagdiborsyo, may dalawang anak na lalaki, at nakatira sila sa lugar ng mga iskuwater sa Detroit. Magkagayunman, napakasipag niya at matibay ang pananalig na tutulungan silang mag-iina ng Diyos kung gagawin nila ang kanilang bahagi.
Isang araw isang mahalagang pagbabago ang dumating sa buhay nilang mag-iina. Natanto ni Sonya na ang matatagumpay na tao na ipinaglilinis niya ng bahay ay may mga aklatan—nagbabasa sila. Pagkatapos ng trabaho, umuwi siya at pinatay niya ang telebisyong pinapanooran ni Ben at ng kanyang kapatid. Ganito ang sinabi niya: Sobra ang panonood ninyo ng telebisyon. Mula ngayon tatlong programa lang ang puwede ninyong panoorin sa isang linggo. Kapag wala kayong ginagawa pumunta kayo sa library—magbasa ng dalawang aklat sa isang linggo at ikuwento ninyo ito sa akin.
Nagulat ang mga bata. Sinabi ni Ben na hindi pa siya nakabasa ng aklat sa buong buhay niya maliban kapag kailangang gawin ito sa paaralan. Tumutol sila, nagreklamo, nangatwiran, pero walang nangyari. Pagkatapos ay naisip ni Ben, “Nagbigay siya ng utos. Ayaw ko iyon, pero ang determinasyon niya na makita kaming humusay ay nagpabago sa takbo ng buhay ko.”
At napakalaki ng pagbabagong idinulot nito. Sa ikapitong baitang siya ang nanguna sa kanyang klase. Pagkatapos ay nag-aral siya sa Yale University bilang iskolar, pagkatapos ay sa Johns Hopkins medical school, kung saan sa edad na 33 ay naging chief siya ng pediatric neurosurgery at bantog na surgeon sa buong mundo. Paano nangyari iyon? Dahil sa isang ina na ginampanan ang kanyang tungkulin bilang magulang kahit wala silang gaanong karangyaan sa buhay.1
Nakasaad sa mga banal na kasulatan ang papel na ginagampanan ng mga magulang—na tungkulin nilang ituro sa kanilang mga anak ang “doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo” (D at T 68:25).
Bilang mga magulang, tayo ang dapat maging pangunahing mga guro at halimbawa ng ebanghelyo sa ating mga anak—hindi ang bishop, Sunday School, Young Women o Young Men, kundi ang mga magulang. Bilang kanilang pangunahing mga guro ng ebanghelyo, maituturo natin sa kanila ang kapangyarihan at katotohanan ng Pagbabayad-sala—ang kanilang pagkatao at banal na tadhana—at sa paggawa nito ay nabibigyan sila ng matibay na pundasyong mapagsasaligan. Matapos masabi at magawa ang lahat, ang tahanan pa rin ang pinakamagandang lugar sa pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Mga isang taon na ang nakaraan, nasa Beirut, Lebanon, ako dahil sa isang tungkulin. Habang naroon, nalaman ko ang tungkol sa isang 12-taong-gulang na batang babaeng si Sarah. Ang kanyang mga magulang at dalawang nakatatandang kapatid ay sumapi sa Simbahan sa Romania ngunit pagkatapos ay kinailangan nilang bumalik sa kanilang bayan noong si Sarah ay 7 taong gulang pa lang. Sa kanilang bayan ay walang Simbahan, walang mga organisadong yunit, walang Sunday School o Young Women program. Makaraan ang limang taon nalaman ng pamilyang ito na may isang branch sa Beirut at, bago ako dumating, pinasama nila ang kanilang 12-taong-gulang na anak na si Sarah sa nakatatandang mga kapatid, para mabinyagan. Habang naroon, nagdaos ako ng isang debosyonal tungkol sa plano ng kaligtasan. Madalas magtaas ng kamay si Sarah at sinagot niya ang mga tanong.
Pagkatapos ng pulong, at batid na wala siyang alam tungkol sa Simbahan, nilapitan ko siya at tinanong, “Sarah, paano mo nalaman ang mga sagot sa mga tanong na iyon?” Agad siyang sumagot, “Tinuruan po ako ni Inay.” Walang Simbahan sa kanilang komunidad, ngunit may ebanghelyo naman sila sa kanilang tahanan. Ang kanyang ina ang kanyang pangunahing guro ng ebanghelyo.
Si Enos ang nagsabi, “Ang mga salitang madalas kong marinig na sinasabi ng aking ama hinggil sa buhay na walang hanggan, at ang kagalakan ng mga banal, ay tumimo nang malalim sa aking puso” (Enos 1:3). Walang alinlangan kung sino ang naging pangunahing guro ng ebanghelyo kay Enos.
Naaalala ko ang aking ama na nakaupo sa tabi ng fireplace, nagbabasa ng mga banal na kasulatan at iba pang mabubuting aklat, at umuupo ako sa kanyang tabi. Naaalala ko ang mga kard na itinatago niya sa bulsa ng kanyang polo na may nakasulat na mga sipi mula sa mga banal na kasulatan at kay Shakespeare at mga bagong salitang isinasaulo niya at pinag-aaralan. Naaalala ko ang mga tanong tungkol sa ebanghelyo at pag-uusap sa hapag-kainan. Naaalala ko na maraming beses akong isinama ni Itay para dalawin ang matatanda—at tumitigil kami para bumili ng sorbetes para sa isang tao o ng manok para sa hapunan ng isa pa o para makipagkamay nang may nakaipit na pera para magpaalam. Naaalala ko ang magandang pakiramdam at pagnanais na maging katulad niya.
Naaalala ko ang aking ina, na edad 90 o mahigit pa, na nagluluto sa kusina ng kanyang condominium at masayang umaalis na may dalang isang tray ng pagkain. Itinanong ko kung saan siya pupunta. Sagot niya, “Ah, magdadala ako ng kaunting pagkain sa matatanda.” Naisip ko, “Inay, kayo ang matanda na.” Hindi sasapat kailanman ang pasasalamat ko sa aking mga magulang, na pangunahin kong mga guro ng ebanghelyo.
Ang isa sa pinakamakabuluhang mga bagay na magagawa natin bilang mga magulang ay ituro sa ating mga anak ang bisa ng panalangin, hindi lamang ang pagdarasal nang regular. Noong mga 17 taong gulang ako, nakaluhod ako sa tabi ng kama ko, at umuusal ng panalangin sa gabi. Hindi ko alam na nakatayo pala sa may pintuan si Inay. Pagkatapos kong magdasal, sinabi niya, “Tad, hinihiling mo ba sa Panginoon na tulungan kang makahanap ng isang mabuting asawa?”
Talagang nagulat ako sa tanong niya. Wala pa sa isipan ko ang bagay na iyon. Ang iniisip ko ay basketball at pag-aaral. Kaya, sumagot ako ng, “Hindi po,” at sinagot niya ito ng, “Naku, dapat mong ipagdasal iyon, anak; iyon ang magiging pinakamahalagang desisyong gagawin mo.” Tumimo nang malalim ang kanyang mga salita sa puso ko, kaya sa sumunod na anim na taon, ipinagdasal kong tulungan ako ng Diyos na makahanap ng isang mabuting asawa. Ah, sinagot nga Niya ang panalanging iyon.
Bilang mga magulang, maaari nating ituro sa ating mga anak na ipagdasal ang mga bagay na walang hanggan ang bunga—na ipagdasal na magkaroon ng lakas na maging malinis ang moralidad sa isang mundong puno ng pagsubok, maging masunurin, at magkaroon ng tapang na panindigan ang tama.
Walang dudang karamihan sa ating mga kabataan ay nagdarasal sa gabi, ngunit marahil ay marami sa kanila ang nahihirapang makagawian na personal na manalangin tuwing umaga. Bilang mga magulang, bilang kanilang pangunahing mga guro ng ebanghelyo, maaari nating itama ito. Sinong magulang sa panahon ng Aklat ni Mormon ang hahayaang makidigma ang kanilang mga anak na walang suot na baluti sa dibdib at pananggalang at espada na poprotekta sa kanila kapag tinangka silang patayin ng kaaway? Subalit ilan sa atin ang hinahayaang lumabas ng pintuan ang ating mga anak tuwing umaga sa pinakamapanganib sa lahat ng digmaan, upang harapin si Satanas at ang napakarami niyang tukso, nang walang suot na espirituwal na baluti sa dibdib at pananggalang at espada na nagmumula sa nagpoprotektang bisa ng panalangin? Sinabi ng Panginoon, “Manalangin tuwina, … nang iyong mapagtagumpayan si Satanas” (D at T 10:5). Bilang mga magulang, maikikintal natin sa ating mga anak ang kagawian at bisa ng panalangin tuwing umaga.
Maituturo din natin sa ating mga anak na gamitin nang matalino ang kanilang oras. Kung minsan, tulad ni Sonya Carson, kakailanganin nating limitahan nang may pagmamahal ang oras na ginugugol ng ating mga anak sa telebisyon at iba pang mga electronic device na sa maraming pagkakataon ay kumokontrol sa kanilang buhay. Sa halip ay maaari nating kailanganing ituon ang kanilang oras sa mas makabuluhang mga aktibidad na nauukol sa ebanghelyo. Maaaring sa una ay tumutol sila, ang ilan ay magrereklamo, ngunit tulad ni Sonya Carson, kailangan nating makita ang epekto nito sa hinaharap at panindigan ito. Balang-araw mauunawaan at pahahalagahan ng ating mga anak ang ating ginawa. Kung hindi natin gagawin ito, sino ang gagawa nito?
Maaari nating tanungin ang ating sarili: natatanggap ba ng ating mga anak ang ating pinakamasigasig na espirituwal, intelektuwal, at malikhaing mga pagsisikap, o ang natitira nating oras at mga talento, matapos nating ibigay ang lahat sa ating tungkulin sa Simbahan o propesyon? Sa buhay na darating, hindi ko alam kung may mga titulo pang katulad ng bishop o Relief Society president, ngunit alam ko na ang mga titulong mag-asawa, ama at ina, ay magpapatuloy at igagalang, sa mga mundong walang katapusan. Isang dahilan iyan kaya napakahalagang gampanan ang ating mga responsibilidad bilang mga magulang dito sa lupa upang makapaghanda tayo para sa yaong mas dakila, ngunit kahalintulad, na mga responsibilidad sa buhay na darating.
Bilang mga magulang, maaari tayong magpatuloy sa buhay nang may katiyakan na hindi tayo pababayaang mag-isa ng Diyos kailanman. Hindi tayo kailanman bibigyan ng Diyos ng isang responsibilidad nang walang tulong mula sa Kanya—mapapatotohanan ko iyan. Tayo nawa sa ating banal na tungkulin bilang mga magulang, at sa tulong ng Diyos, ay maging pangunahing mga guro ng ebanghelyo at halimbawa sa ating mga anak, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.