Tulung-tulong sa Pagsagip
Para matulungan ang Tagapagligtas, kailangan tayong kumilos nang may pagkakaisa at pagkakasundo. Bawat tao, bawat katungkulan, at bawat tungkulin ay mahalaga.
Madalas nating marinig si Pangulong Thomas S. Monson na nagsasabing, “Tumulong sa pagsagip.”1 Isang kuwento sa Bagong Tipan ang naisip ko. Ito ay perpektong halimbawa ng isang paraan na magkakaisa sa pagtulong at pagsagip ang mga miyembro at missionary sa pamamagitan ng ward council. Matatagpuan ang kuwento sa Marcos 2:1–5. Natuklasan ko na ang mga pangyayaring ginamit ni Jesus para turuan tayo ng mga doktrina o alituntunin ay laging lubos na nagbibigay-inspirasyon at madaling maunawaan.
Isa sa mga tauhan sa salaysay na ito ay isang lalaking lumpo, isang taong hindi makakilos nang hindi inaalalayan. Ang lalaking ito ay maaari lamang manatili sa bahay, naghihintay na masagip.
Sa ating panahon, parang ganito iyan. Apat na katao ang ginagawa ang iniutos ng kanilang bishop na bisitahin ang isang lalaking lumpo sa tahanan nito. Parang nakikita ko na isa sa kanila ay mula sa Relief Society, ang isa ay mula sa elders quorum, ang isa naman ay mula sa Aaronic Priesthood, at ang huli ngunit mahalaga rin ay isang full-time missionary. Sa pinakahuling ward council, matapos pag-usapan ang mga pangangailangan sa ward, sinabi ng bishop kung sino ang mga “sasagipin.” Naatasan ang apat na ito na tulungan ang lalaking lumpo. Hindi na nila kailangan pang hintayin na siya mismo ang pumunta sa simbahan. Kailangang magpunta na sila sa kanyang tahanan at kausapin siya. Kailangan nilang tulungan siya, kaya kumilos na sila. Dadalhin ang taong ito kay Jesus.
“At sila’y nagsidating, na may dalang isang lalaking lumpo sa kaniya, na usong ng apat” (Marcos 2:3).
Ngunit maraming tao sa silid. Hindi sila makapasok sa pintuan. Tiyak ko na sinubukan nila ang lahat ng bagay na naisip nila, pero hindi talaga sila makapasok. Hindi nangyari ang mga bagay-bagay ayon sa plano. May mga balakid sa kanilang “pagsagip.” Ngunit hindi sila sumuko. Hindi nila iniwan ang lalaking lumpo sa may pintuan. Pinag-usapan nila kung ano ang susunod na gagawin—kung paano nila dadalhin ang lalaki kay Jesucristo para mapagaling. Ang pagtulong kay Jesucristo sa pagliligtas ng mga kaluluwa, para sa kanila, ay hindi napakahirap. Nagkasundo sila sa gagawin—hindi ito madali, pero ginawa nila.
“At nang hindi sila mangakalapit sa kaniya dahil sa karamihan, ay kanilang binakbak ang bubungan ng kaniyang kinaroroonan: at nang yao’y kanilang masira, ay inihugos nila ang higaang kinahihigan ng lumpo” (Marcos 2:4).
Iniakyat nila siya sa bubong. Ipagpalagay natin na walang hagdan para sila makapanhik, malamang na natagalan bago makaakyat ang bawat isa sa bubong. Sa palagay ko maaaring ganito ang nangyari: ang binatilyo mula sa kanilang ward ang unang aakyat sa bubong. Dahil bata pa at malakas, hindi gaanong mahirap ito para sa kanya. Ang kompanyon niya sa home teaching mula sa elders quorum at ang matangkad at malakas na full-time missionary ang buong-lakas na nagtulak sa kanya pataas. Ang miyembro ng Relief Society ang nagpapaalala sa kanila na mag-ingat at nagpapalakas ng kanilang loob. Babakbakin ng kalalakihan ang bubong habang patuloy namang pinapanatag ng miyembrong babae ang lalaking lumpo na naghihintay na mapagaling—upang makakilos na siya nang mag-isa at makalakad na.
Kailangan sa pagsagip na ito ang pagtutulungan ng lahat. Sa kritikal na sandali, kailangan ang maingat na koordinasyon para maibaba ang lumpo mula sa bubong. Ang apat na taong ito ay dapat kumilos nang nagkakaisa at nagkakasundo. Hindi sila dapat magtalu-talo. Kailangang sabay-sabay nilang maibaba ang lalaking lumpo. Kung may naunang magbaba ng lubid, mahuhulog sa higaan ang lalaki. Hindi niya kayang mangunyapit nang mag-isa dahil sa mahina niyang katawan.
Para matulungan ang Tagapagligtas, kailangan tayong kumilos nang may pagkakaisa at pagkakasundo. Bawat tao, bawat katungkulan, at bawat tungkulin ay mahalaga. Dapat tayong makiisa sa ating Panginoong Jesucristo.
Sa wakas, ang maysakit at lumpong lalaki ay nasa harapan na ni Jesus. “At pagkakita ni Jesus sa kanilang pananampalataya ay sinabi sa lumpo, Anak, ipinatatawad ang iyong mga kasalanan” (Marcos 2:5). Si Jesus ay naawa sa kanya at pinagaling siya—hindi lamang sa pisikal kundi maging sa espirituwal: “Anak, ipinatatawad ang iyong mga kasalanan.” Hindi ba’t napakaganda niyan? Ayaw ba nating mangyari din iyan sa ating lahat? Walang alinlangang gusto ko.
May kilala ba tayo na espirituwal na lumpo, isang taong hindi kayang bumalik sa Simbahan sa sarili lang niya? Maaaring siya ay isa sa ating mga anak, isa sa ating mga magulang, asawa, o isang kaibigan.
Ngayong mas marami nang full-time missionary sa bawat yunit ng Simbahan, makatutulong sa mga bishop at branch president na gamitin pa nang husto ang kanilang ward at branch council. Maaaring hikayatin ng bishop ang bawat miyembro ng ward council na ilista ang mga pangalan ng mga taong kailangang tulungan. Pag-uusapang mabuti ng mga miyembro ng ward council kung paano sila lubos na makatutulong. Pakikinggang mabuti ng mga bishop ang mga ideya at mag-aatas ng gagawin.
Ang mga full-time missionary ay malaking tulong sa mga ward sa ganitong mga pagsagip. Sila ay bata at puno ng sigla. Gustung-gusto nilang magkaroon ng listahan ng mga pangalan ng mga taong matutulungan. Masaya sila na makasamang maglingkod ang mga miyembro ng ward. Alam nila na ang mga ito ay malaking oportunidad para makahanap ng matuturuan. Sila ay tapat sa pagpapatatag ng kaharian ng Panginoon. Sila ay may malakas na patotoo na lalo nilang matutularan si Cristo kapag kasama sila sa mga pagsagip na ito.
Sa pagtatapos, ibabahagi ko sa inyo ang isa pang natatagong kayamanan sa kuwentong ito sa banal na kasulatan. Ito ay sa talata 5: “At pagkakita ni Jesus sa kanilang pananampalataya” (idinagdag ang pagbibigay-diin). Hindi ko ito napansin noon—kanilang pananampalataya. Ang pinagsama-sama nating pananampalataya ay may epekto rin sa kapakanan ng iba.
Sino ang mga taong iyon na binanggit ni Jesus? Maaaring kabilang dito ang apat na taong nagbuhat sa lalaking lumpo, ang tao mismo, ang mga tao na nagdasal para sa kanya, at lahat ng yaong nakikinig sa pangangaral ni Jesus at tahimik na nagsasaya sa kanilang puso para sa mangyayaring himala. Maaaring kabilang din ang isang asawa, magulang, anak na lalaki o babae, missionary, pangulo ng korum, pangulo ng Relief Society, bishop, at kaibigan sa malayong lugar. Matutulungan natin ang isa’t isa. Dapat ay palagi tayong sabik sa pagsagip sa mga taong nangangailangan.
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay Diyos ng mga himala. Si Jesucristo ay nagmamahal sa ating lahat at may kapangyarihang magligtas at magpagaling, kapwa pisikal at espirituwal. Kapag tinulungan natin Siya sa Kanyang misyong magligtas ng mga kaluluwa, tayo man ay maliligtas din sa pagsasagawa nito. Ito ay pinatototohanan ko sa Kanyang banal na pangalan, maging si Jesucristo, amen.