Buhay na Walang Hanggan—ang Makilala ang Ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo
Ang Diyos at si Cristo ay literal na Mag-ama—magkahiwalay at magkaibang nilalang na lubos na nagkakaisa sa Kanilang layunin.
Maraming taon na ang nakalipas sinamantala ko ang pagkakataong pag-aralan ang huling patotoo ng mga propeta sa bawat dispensasyon. Bawat isa ay matibay na nagpatotoo tungkol sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.
Habang binabasa ko ang mga patotoong ito—at marami pang ibang tulad nito sa paglipas ng mga taon—laging naaantig ang puso ko sa napakadakilang pagmamahal ng Ama sa Langit sa Kanyang panganay na Anak at kung paano ipinakita ni Jesus ang Kanyang pagmamahal sa pagsunod sa kalooban ng Kanyang Ama. Pinatototohanan ko na kapag ginawa natin ang kailangan nating gawin para makilala Sila at ang Kanilang pagmamahal sa isa’t isa, makakamit natin “ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos”—maging ang buhay na walang hanggan.1 Sapagkat “ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.”2
Paano natin matatanggap ang kaloob na ito? Dumarating ito sa pamamagitan ng personal na paghahayag, na binanggit at itinuro sa umagang ito.
Naaalala ba ninyo ang unang pagkakataon na nalaman ninyong may Diyos at nadama ang Kanyang pagmamahal? Noong bata pa ako, madalas akong tumingala sa kalangitang puno ng mga bituin at nagninilay at dinarama ang Kanyang presensya. Tuwang-tuwa akong galugarin ng tingin ang kagila-gilalas na mga likha ng Diyos—mula sa maliliit na insekto hanggang sa nagtataasang mga puno. Nang makita ko kung gaano kaganda ang mundong ito, nalaman kong mahal ako ng Ama sa Langit. Nalaman ko na ako ay Kanyang literal na anak sa espiritu, na lahat tayo ay Kanyang mga anak.
Paano ko nalaman ito? maaaring itanong ninyo. Itinuturo sa mga banal na kasulatan, “Sa iba ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng Espiritu Santo na malaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at … sa iba ay ipinagkaloob na maniwala sa kanilang mga salita, upang sila rin ay magkaroon ng buhay na walang hanggan kung sila ay patuloy na magiging matapat.”3 Sa pananaw ko, hindi ibig sabihin niyan na aasa na lang ang ilang tao sa patotoo ng iba.
Lumakas ang sarili kong patotoo nang malaman ko ang tungkol sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas mula sa mga turo at patotoo ng aking mga magulang, guro, mga banal na kasulatan—na masigasig kong binabasa—at lalo na ng Espiritu Santo. Sa aking pagsampalataya at pagsunod sa mga kautusan, pinatotohanan ng Espiritu Santo na ang natututuhan ko ay totoo. Sa ganyang paraan ko nalaman sa sarili ko.
Sa prosesong ito, mahalaga ang paghahangad ng personal na paghahayag. Inaanyayahan ni Nephi ang bawat isa sa atin na “magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.”4
Bago ang ikawalong kaarawan ko, ninais kong malaman pa ang tungkol sa binyag. Binasa ko ang mga banal na kasulatan at nanalangin. Nalaman ko na matatanggap ko ang kaloob na Espiritu Santo kapag ako ay nakumpirma. Nagsimula ko na ring maunawaan na ang Diyos at si Cristo ay literal na Mag-ama—magkahiwalay at magkaibang nilalang na lubos na nagkakaisa sa Kanilang layunin. “Tayo’y nagsisiibig [sa Kanila], sapagka’t [Sila’y] unang umibig sa atin.”5 At maraming beses kong nakita kung paano Sila nagmamahalan at nagtutulungan para sa ating ikabubuti. Pakinggan ang ilan sa maraming talata na nagtuturo ng katotohanang ito:
Nang Kanyang ituro ang buhay bago tayo isinilang, binanggit ng Ama sa Langit si Jesucristo bilang “aking Minamahal na Anak, na aking Minamahal at Pinili mula pa sa simula.”6 Nang likhain ng Ama ang mundo, ginawa Niya ito “sa pamamagitan ng [Kanyang] Bugtong” na Anak.7
Ang ina ni Jesus na si Maria, ay sinabihan na kanyang isisilang “ang Anak ng Kataastaasan.”8 At noong si Jesus ay bata pa, sinabi Niya sa Kanyang ina na Siya ay dapat “maglumagak sa bahay ng [Kanyang] Ama.”9 Makalipas ang ilang taon, nang binyagan ang Tagapagligtas, nagsalita ang Ama sa Langit mula sa kalangitan, sinasabing, “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.”10
Upang maturuan ang Kanyang mga disipulo na manalangin, sinabi ni Jesus ang mga salitang ito:
“Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo.
“Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.”11
Itinuro niya kay Nicodemo, “Gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak.”12 At ipinaliwanag Niya ang Kanyang mga himala sa pagsasabing, “Hindi makagagawa ang Anak ng anoman sa kaniyang sarili, kundi ang makita niyang gawin ng Ama; sapagka’t ang lahat ng mga bagay na … ginagawa [ng Ama], ay ang mga ito rin naman ang ginagawa ng Anak sa gayon ding paraan.”13
Habang papalapit na ang oras ng Pagbabayad-sala, nanalangin si Jesus, sinasabing: “Ama, dumating na ang oras. … Niluwalhati kita sa lupa: [Naganap ko na ang] gawa na ipinagawa mo sa akin.”14 At nang pasanin na Niya ang bigat ng ating mga kasalanan, Siya ay nagsumamo, “Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.”15 At sa Kanyang huling sandali sa krus, nanalangin si Jesus, “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” at pagkatapos ay sumigaw, “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu.”16
Pagkatapos ay binisita niya ang mga espiritu ng mga nangamatay, sa daigdig ng mga espiritu, upang bigyan sila ng “kapangyarihang magbangon, matapos ang kanyang pagkabuhay na mag-uli mula sa patay, upang pumasok sa kaharian ng kanyang Ama.”17 Matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, nagpakita Siya kay Maria Magdalena, sinasabing, “Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama.”18
Nang pumunta Siya sa mga tao sa kontinente ng Amerika, ipinakilala Siya ng Kanyang Ama na nagsasabing, “Masdan, ang Minamahal kong Anak, na siya kong labis na kinalulugdan, sa kanya ay niluwalhati ko ang aking pangalan.”19 Sa pagbaba ni Jesus sa mga tao na nasa templo, ipinakilala Niya ang Kanyang sarili na nagsasabing: Masdan, ako si Jesucristo. … [Aking] … niluwalhati ang Ama sa pagdadala ko ng mga kasalanan ng sanlibutan.”20 Nang ituro Niya ang Kanyang doktrina, ipinaliwanag Niya:
“Ito ang doktrinang ibinigay ng Ama sa akin; at ako ay nagpapatotoo sa Ama, at ang Ama ay nagpapatotoo sa akin.”21
“Katotohanang … ang Ama at ako ay isa.”22
Nakikita ba natin ang huwaran sa mga banal na kasulatang ito na nagpapatotoo na ang Ama at Anak ay magkahiwalay at magkaibang nilalang? Kung gayon, paano Sila naging isa? Hindi dahil sa Sila ay iisang tao kundi dahil nagkakaisa Sila sa layunin, kapwa tapat sa “[pagsa]sakatuparan [ng] kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”23
Si Jesus ay isang Diyos, subalit patuloy Niyang inilalarawan ang Kanyang sarili bilang hiwalay na nilalang sa pamamagitan ng pagdarasal sa Kanyang Ama at sa pagsasabing ginagawa Niya ang kalooban ng Kanyang Ama. Sa Kanyang ministeryo sa mga Nephita, nagsumamo Siya, “Ama, ako ay nananalangin hindi para sa sanlibutan, kundi para sa mga yaong ibinigay ninyo sa akin mula sa sanlibutan, … upang ako ay mapasakanila kagaya ninyo, Ama, na nasa akin, upang tayo ay maging isa, upang ako ay luwalhatiin sa kanila.”24
Nasasaisip ito, hindi tayo magtataka na nagsimula ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa pagpapakita ng hindi lamang isa kundi dalawang niluwalhating nilalang. Tungkol sa kanyang Unang Pangitain, pinatotohanan ni Propetang Joseph Smith: “Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”25
Ang batang Propeta, na pumasok sa kakahuyan upang malaman kung aling simbahan ang aaniban, ay pumaroon nang may matibay na pananampalataya at lumabas na may kaalaman at patotoo tungkol sa tanging Diyos na tunay at kay Jesucristo, na isinugo ng Diyos. Si Joseph, tulad ng mga propetang nauna sa kanya, ay naging kasangkapan sa pagpapanumbalik sa mundo ng kaalamang aakay tungo sa buhay na walang hanggan.
Maaari din ninyong mahanap ang ating Ama sa Langit at “ang Jesus na ito na siyang [pinatotohanan] ng mga propeta at apostol,”26 sa mga banal na kasulatan at sa pangkalahatang kumperensyang ito. Sa paghahangad ninyo ng personal na patotoo—ng inyong personal na paghahayag— matutuklasan ninyo na ang Ama sa Langit ay naglaan ng natatanging paraan upang malaman ninyo mismo ang katotohanan: sa pamamagitan ng ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, isang personaheng espiritu na kilala natin bilang Espiritu Santo.
“At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito”—kabilang na ang ibinahagi ko ngayon—“ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
“At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo [nang may katiyakan] ang katotohanan ng lahat ng bagay.”27
Mga kapatid, pinatototohanan ko na nais ng ating Ama sa Langit na hanapin natin ang kaalamang ito ngayon. Ang mga salita ng propetang si Helaman ay dumadaing mula sa alabok: “Tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan … , isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak.”28 Tunay na hindi tayo babagsak.
Ang matibay na saligang iyan ay si Jesucristo. Siya ang “Bato ng Langit.”29 Kapag itinayo natin ang bahay natin sa Kanya, ang mga ulan ng mga huling araw ay maaaring bumuhos, ang mga baha ay maaaring dumating, ang mga hangin ay maaaring umihip, ngunit hindi tayo babagsak. Hindi tayo babagsak, dahil ang ating tahanan at ating pamilya ay masasalig kay Cristo.30
Pinatototohanan ko na ang gayong tahanan ay “isang bahay ng kaluwalhatian.”31 Doon ay nagtitipon tayo upang manalangin sa ating Ama sa Langit sa pangalan ng Kanyang Pinakamamahal na Anak. Doon natin Sila niluluwalhati at pinasasalamatan. Doon ay tinatanggap natin ang Espiritu Santo at “ang pangakong [Kanyang ibinigay] sa [atin] na buhay na walang hanggan, maging ang kaluwalhatian ng kahariang selestiyal.”32
Pinatototohanan ko na ang ating Tagapagligtas ay si Jesucristo, na Siya ay buhay, na minamahal at pinangangalagaan tayo ng ating Walang Hanggang Ama sa Langit, na may propeta tayo sa dispensasyong ito—maging si Pangulong Thomas S. Monson—upang pamunuan at gabayan tayo. Ang Banal na Espiritu ay nagpapatotoo na ito ay totoo sa bawat isa na sumusunod at naghahangad ng kaalaman. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.