Pagmamahal at Pakikisalamuha sa mga Taong Naiiba
Bilang mga tagasunod ni Cristo dapat tayong mamuhay nang payapa sa mga taong hindi natin kapareho ng pinahahalagahan o hindi tinatanggap ang mga turo na pinagbatayan ng mga ito.
I.
Sa mga huling araw ng Kanyang ministeryo sa lupa, ibinigay ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang tinawag Niyang “isang bagong utos” (Juan 13:34). Tatlong beses na inulit, ang utos na iyan ay simple ngunit mahirap: “Kayo’y mangagibigan sa isa’t isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo” (Juan 15:12; tingnan din sa talata 17). Ang turong mahalin ang isa’t isa ay naging pangunahing turo sa ministeryo ng Tagapagligtas. Ang pangalawang dakilang utos ay “iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:39). Itinuro pa ni Jesus, “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway” (Mateo 5:44). Ngunit ang utos na mahalin ang iba tulad ng pagmamahal Niya sa Kanyang kawan ay para sa Kanyang mga disipulo—at sa atin—isang hamon na kakaiba. “Ang totoo,” ang turo sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson noong nakaraang Abril, “ang pag-ibig ang pinakadiwa ng ebanghelyo, at si Jesucristo ang ating Huwaran. Ang Kanyang buhay ay pamana ng pag-ibig.”1
Bakit napakahirap mahalin ang isa’t isa nang tulad ng pagmamahal ni Cristo? Napakahirap nito dahil kailangan nating mamuhay kasama ang mga taong hindi natin katulad ang mga paniniwala at pinahahalagahan at mga sinusunod na tipan. Sa Kanyang Panalangin ng Pamamagitan, na inusal bago ang Pagpapako sa Kanya sa Krus, ipinagdasal ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod: “Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita: at kinapootan sila ng sanglibutan, sapagka’t hindi sila taga sanglibutan, gaya ko naman na hindi taga sanglibutan” (Juan 17:14). Pagkatapos ay nagsumamo Siya sa Ama, “Hindi ko idinadalangin na alisin mo sila sa sanglibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama” (talata 15).
Dapat tayong mabuhay sa mundo ngunit hindi maging makamundo. Kailangan nating mabuhay sa mundo dahil, tulad ng itinuro ni Jesus sa isang talinghaga, ang Kanyang kaharian ay “parang lebadura,” na ang layunin ay paalsahin ang buong masa sa pamamagitan ng impluwensya nito (tingnan sa Lucas 13:21; Mateo 13:33; tingnan din sa I Mga Taga Corinto 5:6–8). Hindi iyan magagawa ng Kanyang mga tagasunod kung makikisalamuha lamang sila sa mga taong kapareho nila ang mga paniniwala at kaugalian. Ngunit itinuro din ng Tagapagligtas na kung mahal natin Siya, susundin natin ang Kanyang mga utos (tingnan sa Juan 14:15).
II.
Ang ebanghelyo ay maraming itinuturo tungkol sa pagsunod sa mga kautusan habang namumuhay sa kalipunan ng mga taong may ibang mga paniniwala at kaugalian. Ang mga turo tungkol sa pagtatalo ay napakahalaga. Nang makita ng nabuhay na muling si Cristo na pinagtatalunan ng mga Nephita ang paraan ng pagbibinyag, nagbigay Siya ng malinaw na tagubilin tungkol sa tamang pagsasagawa ng ordenansang ito. Pagkatapos ay itinuro Niya ang dakilang alituntuning ito:
“Hindi dapat magkaroon ng mga pagtatalu-talo sa inyo, na kagaya noon; ni huwag kayong magkakaroon ng mga pagtatalo sa inyo hinggil sa mga paksa ng aking doktrina, na kagaya noon.
“Sapagkat katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa.
“Masdan, ito ang … aking doktrina, na ang mga gayong bagay ay maiwaksi” (3 Nephi 11:28–30; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Hindi lamang ang mga taong sumusuway sa utos tungkol sa binyag ang binalaan ng Tagapagligtas na huwag makipagtalo. Ipinagbabawal Niya sa lahat ang pagtatalo. Kahit ang mga sumusunod sa mga utos ay hindi dapat udyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit. Ang “ama ng pagtatalo” ay ang diyablo; ang Tagapagligtas ay ang Pangulo ng Kapayapaan.
Gayundin, itinuturo sa Biblia na “ang mga pantas na tao ay nagaalis ng poot” (Mga Kawikaan 29:8). Itinuro ng naunang mga Apostol na dapat nating “sundin ang mga bagay na makapapayapa” (Mga Taga Roma 14:19) at “[sabihin ang] katotohanan na may pagibig” (Mga Taga Efeso 4:15), “sapagka’t ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Dios” (Santiago 1:20). Sa makabagong paghahayag iniutos ng Panginoon na ang mabubuting balita ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay dapat ipahayag ng “bawat tao sa kanyang kapwa, sa kahinahunan at kaamuan” (D at T 38:41), “sa buong kababaang-loob, … hindi nanlalait laban sa yaong mga manlalait” (D at T 19:30).
III.
Kahit hangad nating magpakumbaba at umiwas na makipagtalo, hindi natin dapat ikompromiso o pag-alinlanganan ang ating katapatan sa mga katotohanang nauunawaan natin. Dapat patuloy nating panindigan ang ating mga pinaniniwalaan o mga pinahahalagahan. Dahil sa ebanghelyo ni Jesucristo at sa mga tipang ginawa natin tayo ay tiyak na makikipaglaban sa walang-hanggang labanan ng tama at mali. Kailangang may panigan sa labanang iyon.
Ipinakita ng Tagapagligtas ang paraan nang konprontahin Siya ng mga kumakalaban sa Kanya dahil sa isang babae na “nahuli … sa kasalukuyan ng pangangalunya” (Juan 8:4). Nang mapahiya dahil sa sariling pagpapaimbabaw, umalis ang mga nagparatang at iniwang mag-isa si Jesus kasama ang babae. Pinakitaan Niya ito ng kabaitan nang hindi Niya ito hinatulan noong sandaling iyon. Ngunit mahigpit din Niyang iniutos sa kanya na “huwag ka nang magkasala” (Juan 8:11). Ang mapagkandiling kabaitan ay kailangan, ngunit ang tagasunod ni Cristo—tulad ng Panginoon—ay dapat manindigan sa katotohanan.
IV.
Tulad ng Tagapagligtas, ang Kanyang mga tagasunod kung minsan ay may nakakaharap na maling pag-uugali, at sa panahong ito kapag pinanindigan nila ang tama ayon sa pagkaunawa nila, sila ay binabansagan kung minsan na mga “makaluma” o “panatiko.” Maraming makamundong mga paniniwala at kaugalian ang humahamon sa mga Banal sa mga Huling Araw. Ang talamak sa mga ito ngayon ay ang matinding pagtatangkang gawing legal ang pagpapakasal ng mga taong magkapareho ng kasarian sa maraming estado at lalawigan sa Estados Unidos at Canada at sa marami pang ibang bansa sa mundo. Kasalamuha rin natin ang ilang hindi naniniwala sa kasal. Ang ilan ay ayaw magkaroon ng mga anak. Ilan naman ang ayaw na ipinagbabawal ang pornograpiya o iligal na droga. Isa pang halimbawa—na pamilyar sa karamihan ng mga nagsisisampalataya—ay ang hamon na mamuhay kasama ang asawa o pamilyang iba ang paniniwala o makihalubilo sa mga katrabaho na hindi sumasampalataya.
Sa mga inilaang lugar na tulad ng mga templo, bahay-sambahan, at mga tahanan natin, dapat nating ituro ang katotohanan at ang mga utos nang malinaw at puspusan batay sa pagkaunawa natin sa plano ng kaligtasan na ipinahayag sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang karapatan nating gawin ito ay protektado ng garantiyang ibinigay ng konstitusyon hinggil sa kalayaan sa pananalita at relihiyon, gayundin ng karapatan sa privacy na kinikilala maging sa mga bansang walang pormal na mga garantiya mula sa konstitusyon.
Sa publiko, may iba pang dapat isaalang-alang ang mga sinasabi at ginagawa ng mga relihiyosong tao. Ang kalayaan sa relihiyon ay naaangkop sa halos lahat ng ginagawa ng tao, ngunit ito ay nararapat gawin nang may pagsasaalang-alang sa mga paniniwala at kaugalian ng iba. Maaaring ipagbawal ng batas ang mga pag-uugali na itinuturing na mali o hindi katanggap-tanggap, tulad ng seksuwal na pang-aabuso, karahasan, o terorismo, kahit pa ginawa ito ng mga ekstremista o panatiko sa ngalan ng relihiyon. Ang mga pag-uugaling hindi lubos na mali, hindi man katanggap-tanggap sa ilang relihiyon, ay kailangang hayaan na lamang kung ito ay ginawang batas batay sa itinawag ng propeta sa Aklat ni Mormon na “tinig ng mga tao” (Mosias 29:26).
Sa mga pakikipag-usap natin sa mga tao, nawa’y sundin nating lahat ang mga turo ng ebanghelyo na mahalin ang ating kapwa at iwasan ang pagtatalo. Ang mga tagasunod ni Cristo ay dapat maging halimbawa ng paggalang. Dapat nating mahalin ang lahat ng tao, pakinggan silang mabuti, at isaalang-alang ang tapat nilang pinaniniwalaan. Hindi man tayo sumasang-ayon, hindi rin tayo dapat nakikipagtalo. Ang pananaw at pagsasalita natin ukol sa mga kontrobersyal na paksa ay hindi dapat maging dahilan ng pagtatalo. Dapat nating ipaliwanag at panindigan ang ating pinaniniwalaan nang may katalinuhan at impluwensyahan sa kabutihan ang mga tao. Sa paggawa nito, hangad nating huwag makasakit ng iba ang tapat nating paniniwala sa ating relihiyon at ang kalayaan nating gawin ito. Hinihikayat natin ang lahat na sundin ang Ginintuang Panuntunan ng Tagapagligtas: “[Anumang] bagay na ibig ninyong sa inyo’y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila” (Mateo 7:12).
Kung hindi manaig ang ating pinaniniwalaan, tanggapin natin nang maluwag sa kalooban ang di magandang bunga nito at igalang pa rin ang mga sumasalungat sa atin. Anuman ang mangyari, dapat na pakitunguhan natin nang mabuti ang lahat, salungatin ang anumang pang-aapi, kabilang ang pang-aapi sa lahi, etniko, paniniwala o di paniniwala sa relihiyon, at pananaw ukol sa kasarian.
V.
Natalakay ko na ang mga pangkalahatang alituntunin. Tatalakayin ko naman ngayon kung paano dapat iangkop ang mga alituntuning iyon sa karaniwang mga sitwasyon kung saan higit na dapat sundin ang mga turo ng Tagapagligtas.
Sisimulan ko ito sa natututuhan ng ating mga anak sa kanilang paglalaro. Kadalasang ikinasasama ng loob ng mga tao rito sa Utah na hindi mga Mormon ang hindi pagpayag ng ilan sa mga miyembro natin na makipagkaibigan ang kanilang mga anak sa mga batang iba ang relihiyon. Tiyak na maituturo natin sa ating mga anak ang mga pinahahalagahan at pamantayan nang hindi nila kailangang iwasan o pakitaan ng kawalang-galang ang sinumang naiiba sa atin.
Maraming guro sa simbahan at paaralan ang nalulungkot sa paraan ng pakikitungo sa isa’t isa ng ilang kabataan, kabilang na ang mga kabataang LDS. Kabilang sa utos na mangag-ibigan sa isa’t isa ang mahalin at igalang ang lahat anuman ang kanilang relihiyon at lahi, kultura, at katayuan sa buhay. Hinihikayat namin ang lahat ng kabataan na iwasan ang pananakot, pang-iinsulto, o pagsasalita ng masama at pagkilos na sadyang nakasasakit sa iba. Lahat ng ito ay labag sa utos ng Tagapagligtas na magmahalan.
Itinuro ng Tagapagligtas na ang pagtatalo ay sa diyablo. Iyan ay tiyak na nagtuturo ng salungat sa ilang karaniwang sinasabi at ginagawa sa pulitika ngayon. Ang makasalamuha ang mga taong iba ang pananaw at patakaran sa buhay ay kailangan sa pulitika, ngunit ang pagkakaibang ito ay hindi dapat gawing personal na pagtuligsa na nagiging hadlang sa pamamalakad ng gobyerno at nagpapahirap sa nasasakupan nito. Dapat nating tigilang mag-usap nang may poot at sa halip ay igalang ang pagkakaiba-iba ng opinyon.
Ang pinakamahalagang lugar na maiiwasan natin ang pagtatalo at kawalang-paggalang bunga ng pagkakaiba ay sa ating tahanan at relasyon sa pamilya. Hindi maiiwasan na magkaroon ng mga pagkakaiba—maliliit at malalaking pagkakaiba. Patungkol sa malaking pagkakaiba, isang halimbawa nito ang pagsasama nang hindi kasal ng isang kapamilya. Bunga nito, dalawang mahalagang bagay ang apektado—ang ating pagmamahal sa kapamilya at ang katapatan natin sa kautusan. Tulad ng halimbawa ng Tagapagligtas, makapagpapakita tayo ng kabaitan at mapaninindigan pa rin ang katotohanan sa pamamagitan ng pagwaksi sa mga bagay na nag-uudyok o tila kumukunsinti pa sa alam nating mali.
Magtatapos ako sa isa pang halimbawa tungkol sa ugnayan ng pamilya. Sa isang stake conference sa Midwest mga 10 taon na ang lumipas, sinabi sa akin ng isang babaeng miyembro na 12 taon na siyang sinasamahang magsimba ng kanyang asawa ngunit ayaw nitong sumapi sa Simbahan. Ano raw ang dapat niyang gawin. Pinayuhan ko siyang patuloy niyang gawin ang tama at maging matiyaga at mabait sa kanyang asawa.
Mga isang buwan ang lumipas ganito ang iniliham niya sa akin: “Inisip ko na sapat na naging matiyaga ako sa loob ng 12 taon, pero hindi ako sigurado kung talaga bang naging mabait ako tungkol dito. Kaya talagang nagsumigasig ako nang mahigit isang buwan, at nagpabinyag siya.”
Malaki ang nagagawa ng kabaitan, lalo na sa pamilya. Sabi pa sa sulat niya: “Lalo pa akong nagpapakabait ngayon dahil gusto naming mabuklod sa templo sa taong ito!”
Pagkalipas ng anim na taon, sinulatan niya akong muli: “Ang asawa ko ay tinawag at itinalaga [nito lang] bilang bishop ng [aming ward].”2
VI.
Sa napakaraming ugnayan at sitwasyon sa buhay, kailangan nating makisalamuha sa mga taong naiiba sa atin. Kung sadyang kailangan, ang pinaniniwalaan natin sa mga pagkakaibang ito ay hindi dapat itatwa o ipagwalang-bahala, subalit bilang mga tagasunod ni Cristo dapat tayong mamuhay nang payapa sa mga taong hindi natin kapareho ng pinahahalagahan o hindi tinatanggap ang mga turo na pinagbatayan ng mga ito. Ang plano ng kaligtasan ng Ama, na nalaman natin sa inihayag sa atin ng propeta, ay nagtulot sa atin na mamuhay sa mundo at sumunod sa Kanyang mga kautusan. Kabilang diyan ang utos na mahalin ang ating kapwa na may iba’t ibang kultura at paniniwala nang tulad ng pagmamahal Niya sa atin. Tulad ng itinuro ng propeta sa Aklat ni Mormon, kailangan nating patuloy na lumakad nang may katatagan, na may “pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao” (2 Nephi 31:20).
Ang mamuhay sa gitna ng ligalig ay mahirap na sa atin, ngunit marahil, ang utos ng Tagapagligtas na mahalin ang isa’t isa gaya ng pagmamahal Niya sa atin ang siyang pinakamalaking hamon sa atin. Dalangin ko na maunawaan natin ito at hangaring ipamuhay sa lahat ng ating mga pakikipag-ugnayan at gawain, sa pangalan ni Jesucristo, amen.