2014
Ang Dahilan ng Ating Pag-asa
Nobyembre 2014


Ang Dahilan ng Ating Pag-asa

Ang patotoo sa pag-asang hatid ng pagtubos ay isang bagay na hindi masusukat o mabibilang. Si Jesucristo ang pinagmumulan ng pag-asang iyon.

Ilang taon na ang nakararaan, nagpunta kami ni Sister Packer sa Oxford University. Hinahanap namin ang mga rekord ng aking ikapitong kalolo-lolohan. Ang pinuno ng Christ’s College sa Oxford, na si Dr. Poppelwell, ay napakabait at ipinakuha pa niya sa archivist ng kolehiyo ang mga rekord. Doon sa taong 1583 namin nakita ang pangalan ng aking ninuno, si John Packer.

Nang sumunod na taon bumalik kami sa Oxford para ibigay ang isang magandang set ng mga pamantayang aklat para sa library sa Christ’s College. Tila medyo naasiwa si Dr. Poppelwell. Siguro inisip niya na hindi kami talagang mga Kristiyano. Kaya tinawag niya ang chaplain ng kolehiyo para tanggapin ang mga aklat.

Bago ko iniabot sa chaplain ang mga banal na kasulatan, binuklat ko ang Topical Guide at ipinakita sa kanya ang isang paksa: 18 pahina, ng maayos na naka-print, single-spaced, na listahan ng mga reperensya sa paksa tungkol kay “Jesucristo.” Ito ay isa sa mga pinaka-komprehensibong compilation ng mga reperensya ng banal na kasulatan sa paksang tungkol sa Tagapagligtas na natipon sa kasaysayan ng mundo—isang patotoo mula sa Luma at Bagong Tipan, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas.

“Paano mo man sundan ang mga reperensyang ito,” sabi ko sa kanya, “magkakatabi, pataas-pababa, aklat sa aklat, paksa sa paksa—makikita mong iisa ang sinasabi ng mga ito, magkakaugnay na patotoo sa kabanalan ng misyon ng Panginoong Jesucristo—Kanyang pagsilang, buhay, Kanyang mga turo, Kanyang Pagkapako sa Krus, Kanyang Pagkabuhay na Muli, at Kanyang Pagbabayad-sala.”

Matapos ibahagi sa chaplain ang ilan sa mga turo ng Tagapagligtas, nagbago ang kapaligiran, at inilibot niya kami sa pasilidad, pati na sa bagong paghuhukay na naglantad sa mga mural na gawa noon pang panahon ng mga Romano.

Kabilang sa mga reperensya na nakalista sa Topical Guide ay iyong mula sa Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo: “Nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (2 Nephi 25:26).

Sa Kanyang sariling salita, sinabi ng Tagapagligtas, “Ako ang daan, katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6).

At mula sa Aklat ni Mormon, sinabi Niyang: “Masdan, ako ang siyang inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig upang tubusin ang aking mga tao. Masdan, ako si Jesucristo. … Sa akin ang buong sangkatauhan ay magkakaroon ng buhay, at yaong walang hanggan, maging sila na maniniwala sa aking pangalan; at sila ay magiging aking mga anak na lalaki at babae” (Eter 3:14).

Napakarami pang mga reperensya sa mga pamantayang aklat na nagpapahayag sa banal na papel ni Jesucristo bilang Manunubos ng lahat ng isinilang o isisilang pa sa mortalidad.

Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo lahat tayo ay tinubos mula sa Pagkahulog ng tao, na nangyari nang kumain sina Eva at Adan ng ipinagbabawal na bunga sa Halamanan ng Eden, tulad ng nakasaad sa 1 Mga Taga Corinto: “Sapagka’t kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (1 Mga Taga Corinto 15:22)

Itinuturo ng Aklat ni Mormon, “Sapagkat kinakailangan na ang pagbabayad-sala ay maisagawa …, kung hindi, ang buong sangkatauhan ay tiyak na hindi makaiiwas na masawi; oo, lahat ay naging matigas; oo, lahat ay nahulog at nangaligaw, at tiyak na masasawi maliban sa pamamagitan ng pagbabayad-sala … isang walang-katapusan at walang hanggang hain” (Alma 34:9–10).

Maaaring hindi perpekto ang ating pamumuhay, at may mga kaparusahan sa ating mga pagkakamali, ngunit bago tayo pumarito sa lupa, pumayag tayong pasakop sa Kanyang mga batas at tanggapin ang parusa sa paglabag sa mga batas na iyon.

“Sapagkat ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios;

“Palibahasa’y inaring-ganap na walang bayad ng kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus” (Mga Taga Roma 3:23–24).

Isinagawa ng Tagapagligtas ang Pagbabayad-sala, na naglalaan ng paraan para tayo maging malinis. Si Jesucristo ang nabuhay na muling Cristo. Sinasamba at kinikilala natin Siya dahil nagdusa Siya para sa ating lahat at tiniis Niya ang hirap para sa bawat isa sa atin, kapwa sa Halamanan ng Getsemani at sa krus. Pinasan Niya ang lahat nang buong pagpapakumbaba at walang-hanggang pag-unawa sa Kanyang banal na tungkulin at layunin.

Ang mga taong magsisisi at tatalikod sa kasalanan ay makikita ang Kanyang maawaing bisig na nakaunat pa rin. Ang mga nakikinig at sumusunod sa Kanyang mga salita at sa salita ng Kanyang mga piling lingkod ay mapapayapa at makauunawa kahit sa gitna ng matinding pighati at lungkot. Ang bunga ng Kanyang sakripisyo ang magpapalaya sa atin mula sa mga epekto ng kasalanan upang mapawi ang panunurot ng budhi at makadama ng pag-asa.

Kung hindi Niya ginawa ang Pagbabayad-sala, wala sanang pagtubos. Mahihirapan tayong mamuhay sa mundo kung di tayo mapapatawad kailanman sa mga kamalian natin, kung hindi natin madadalisay ang ating sarili at magpapatuloy.

Ang awa at biyaya ni Jesucristo ay hindi limitado sa mga taong nagkakasala o nagkukulang, kundi saklaw nito ang pangako ng walang hanggang kapayapaan sa lahat ng tatanggap at susunod sa Kanya at sa Kanyang mga turo. Ang Kanyang awa ang tagapagpagaling, maging sa sugatang walang-muwang.

Kamakailan ay nakatanggap ako ng sulat mula sa isang babae na nagsabing dumanas siya ng matinding dusa sa kanyang buhay. Isang napakalaking pagkakamali, na hindi niya tinukoy pero ipinahiwatig niya, ang ginawa laban sa kanya. Inamin niya na nahirapan siyang labanan ang napakapait na damdamin. Sa kanyang galit, nagsusumigaw sa kanyang isipan na, “Kailangang may magbayad sa napakalaking kamaliang ito.” Sa sandaling ito ng matinding kalungkutan at pagtatanong, isinulat niya na bigla niyang nadama ang sagot: “May nagbayad na nito.”

Kung hindi natin alam kung ano ang magagawa ng sakripisyo ng Tagapagligtas para sa atin, mabubuhay tayong nababagabag na nakagawa tayo ng hindi tama o nakasakit ng isang tao. Ang pagkakonsiyensya na kalakip ng mga pagkakamali ay maaaring mahugasan. Kung hangad nating maunawaan ang Kanyang Pagbabayad-sala, magpipitagan tayo sa Panginoong Jesucristo, sa Kanyang ministeryo sa lupa, at sa Kanyang banal na misyon bilang ating Tagapagligtas.

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ipinanumbalik para ipalaganap sa buong mundo ang kaalaman tungkol sa buhay at mga turo ng Tagapagligtas. Ang kumperensyang ito ay ibinobrodkast sa 94 na wika gamit ang satellite sa 102 mga bansa at makukuha sa Internet sa bawat bansa kung saan naroon ang Simbahan. Mayroon tayong mahigit 3,000 stake. Ang ating mga full-time missionary ay lampas na sa 88,000, at ang mga miyembro ng Simbahan ay lampas na sa 15 milyon. Ang mga bilang na ito ay katibayan na ang “batong tinibag mula sa bundok hindi ng mga kamay” ay patuloy na lumalaganap, at kalaunan ay pupunuin nito “ang buong mundo” (D at T 65:2).

Ngunit gaano man ang maging paglaki ng organisasyon ng Simbahan o kahit ilang milyon pa ang sumapi dito, gaano man karami ang mga kontinente at bansang pasukin ng ating mga missionary o kahit ilan pang wika ang salitain natin, ang tunay na tagumpay ng ebanghelyo ni Jesucristo ay susukatin sa espirituwal na lakas ng bawat miyembro nito. Kailangan natin ang lakas ng pananalig na matatagpuan sa puso ng bawat tapat na disipulo ni Cristo.

Ang patotoo sa pag-asang hatid ng pagtubos ay isang bagay na hindi masusukat o mabibilang. Si Jesucristo ang pinagmumulan ng pag-asang iyon.

Hangad nating palakasin ang patotoo ng mga bata at matanda, may asawa at wala. Kailangan nating ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata, ng bawat lahi at bansa, sa mayaman at sa maralita. Kailangan natin ang mga bagong binyag at ang mga miyembro nating mula sa mga pioneer. Kailangan nating hanapin ang mga lumihis ng landas at tulungan silang bumalik sa kawan. Kailangan natin ang karunungan at kaalaman at espirituwal na lakas ng bawat isa. Bawat miyembro ng Simbahang ito bilang isang indibiduwal ay mahalagang bahagi ng katawan ng Simbahan.

“Sapagka’t kung paanong ang katawan ay iisa, at mayroong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ng katawan, bagama’t marami, ay iisang katawan: gayon din naman si Cristo.

“Sapagka’t sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa iisang katawan. …

“Sapagka’t ang katawan ay hindi iisang sangkap, kundi marami” (1 Mga Taga Corintho 12:12–14).

Bawat miyembro ay nagsisilbing patotoo sa buhay at mga turo ni Jesucristo. Kalaban natin ang mga puwersa ng kaaway, at kailangan natin ang bawat isa para magtagumpay tayo sa gawain ng Tagapagligtas na ipinagagawa sa atin.

Maaaring iniisip ninyo, “Ano ang magagawa ko? Isang tao lang ako.”

Walang dudang may mga pagkakataong nakadama ng pag-iisa si Joseph Smith. Naging dakila siya, ngunit nagsimula siya bilang 14-na-taong-gulang na batang may katanungang: “Alin sa lahat ng [simbahan] … ang dapat kong sapian?” (tingnan sa Joseph Smith–Kasaysayan 1:10). Umunlad ang pananampalataya at patotoo ni Joseph sa Tagapagligtas gaya ng dapat na pag-unlad ng sa atin, “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon” (2 Nephi 28:30; tingnan din sa D at T 128:21). Lumuhod si Joseph para manalangin, at dumating ang kagila-gilalas na mga bagay dahil sa panalanging iyon at sa Unang Pangitain.

Bilang isa sa Labindalawang Apostol, pinatototohanan ko ang Panginoong Jesucristo. Siya ay buhay. Siya ang ating Manunubos at ating Tagapagligtas. “Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3). Siya ang namumuno sa Simbahang ito. Siya ay kilala ng Kanyang mga lingkod. Sa pagsulong natin sa hinaharap nang may tiwala, ang Kanyang Espiritu ay mapapasaatin. Walang katapusan ang Kanyang kapangyarihan na pagpalain at pamahalaan ang buhay ng mga taong naghahangad ng katotohanan at kabutihan. Nagpapatotoo ako sa Kanya sa pangalan ni Jesucristo, amen.