May Plano ang Panginoon para sa Atin!
Kung ipagpapatuloy natin ang uri ng pamumuhay natin sa kasalukuyan, matutupad kaya ang mga ipinangakong pagpapala?
Napakalaking pribilehiyo ang maging bahagi ng makasaysayang sandaling ito na maaaring piliin ng mga tagapagsalita sa pangkalahatang kumperensya na magsalita sa sarili nilang wika. Nang huli akong magsalita sa pulpitong ito, nag-alala ako sa punto ko sa Ingles. Ngayon, nag-aalala naman ako sa bilis ng pagsasalita ko sa Portuges. Ayaw kong magsalita nang mas mabilis kaysa sa mga subtitle.
Naranasan na o mararanasan pa lamang nating lahat ang paggawa ng malaking desisyon sa ating buhay. Dapat ko bang ituloy ang propesyong ito o ang isang iyon? Dapat ba akong magmisyon? Siya ba ang taong dapat kong pakasalan?
Ito ay mga sitwasyon sa iba’t ibang aspeto ng ating buhay kung saan ang maliit na pagbabago ng direksyon ay maaaring magkaroon ng mahahalagang bunga sa hinaharap. Sa mga salita ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Sa maraming taon ng paglilingkod sa Panginoon … , natutuhan ko na ang kaligayahan at kalungkutan sa bawat tao, sa buhay may-asawa, at sa pamilya ay kadalasang nangyayari dahil lamang sa maliliit na bagay” (“Dahil Lamang sa Kaunting Paglihis,” Liahona, Mayo 2008, 58).
Paano kaya natin maiiwasan ang maliliit na pagkakamaling ito?
Gagamit ako ng sariling karanasan sa paglalarawan ng aking mensahe.
Sa pagtatapos ng 1980s, ang aming pamilya ay binubuo ng aking asawang si Mônica, dalawa sa apat naming anak, at ako. Nakatira kami noon sa São Paulo, Brazil, nagtatrabaho ako sa isang magandang kumpanya, nakatapos na ako sa kolehiyo, at kare-release ko lang bilang bishop ng ward na kinabilangan namin. Maganda ang takbo ng buhay, at lahat ay tila siyang nararapat—hanggang sa isang araw ay binisita kami ng isang dati na naming kaibigan.
Nang papaalis na siya, mayroon siyang sinabi at itinanong na nagpabago sa aking mga pananaw. Sabi niya, “Carlos, tila maayos ang lahat sa iyo, sa pamilya mo, sa propesyon mo, at sa paglilingkod mo sa Simbahan, pero—” at saka niya itinanong, “kung patuloy kang mamumuhay nang ganito, matutupad kaya ang mga pagpapalang ipinangako sa patriarchal blessing mo?”
Hinding-hindi ko naisip ang patriarchal blessing ko sa ganitong paraan. Binabasa ko ito paminsan-minsan pero kahit kailan ay hindi ko inasam ang mga pagpapalang ipinangako sa hinaharap at hindi sinuri kung paano ako namumuhay sa kasalukuyan.
Pagkaalis niya, nagtuon ako sa aking patriarchal blessing, na iniisip na, “Kung patuloy kaming mamumuhay nang ganito, matutupad kaya ang mga ipinangakong pagpapala?” Matapos ang kaunting pagninilay, pakiramdam ko ay may ilang kailangang baguhin, lalo na sa pag-aaral at propesyon ko.
Hindi iyon isang desisyon sa pagitan ng tama at mali kundi sa pagitan ng maganda at mas maganda, tulad ng itinuro sa atin ni Elder Dallin H. Oaks nang sabihin niyang: “Habang iniisip natin ang iba’t ibang pagpipilian, dapat nating tandaan na hindi sapat na maganda ang isang bagay. Ang ibang mga pagpipilian ay mas maganda, at may iba pang pinakamaganda” (“Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Liahona, Nob. 2007, 105).
Paano natin ngayon matitiyak na ginagawa natin ang pinakamagandang desisyon?
Narito ang ilang alituntuning natutuhan ko.
Unang Alituntunin: Kailangan Nating Isaalang-alang ang Ating mga Opsiyon na Isinasaisip ang Mithiin
Ang paggawa ng mga desisyong makakaapekto sa buhay natin at ng mga mahal natin nang hindi iniisip ang mas malawak na kahihinatnan nito ay maaaring magdulot ng ilang panganib. Gayunman, kung iisipin natin ang maaaring ibunga ng mga desisyong ito sa hinaharap, makikita natin nang mas malinaw ang pinakamagandang landas na tatahakin sa ngayon.
Ang pagkaunawa kung sino tayo, bakit tayo narito, at ano ang inaasahan sa atin ng Panginoon sa buhay na ito ay magbibigay sa atin ng mas malawak na pananaw na kailangan natin.
Makakakita tayo ng mga halimbawa sa mga banal na kasulatan kung saan ang pagkakaroon ng mas malawak na pananaw ay nagbibigay-linaw sa landas na dapat tahakin.
Nakausap ni Moises ang Panginoon nang harapan, nalaman ang plano ng kaligtasan, at sa gayon ay mas naunawaan ang kanyang tungkulin bilang propeta ng pagtitipon ng Israel.
“At ang Diyos ay nangusap kay Moises, sinasabing: Masdan, ako ang Panginoong Diyos na Pinakamakapangyarihan. …
“… At ipakikita ko sa iyo ang gawa ng aking mga kamay. …
“At ako ay may gawain para sa iyo, Moises, aking anak” (Moises 1:3–4, 6).
Sa pagkaunawang ito, natiis ni Moises ang maraming taon na puno ng hirap sa disyerto at inakay ang Israel pabalik sa bayan nito.
Si Lehi, ang dakilang propeta sa Aklat ni Mormon, ay nanaginip, at sa kanyang mga pangitain ay nalaman niya ang kanyang misyon na akayin ang kanyang pamilya patungo sa isang lupang pangako.
“At ito ay nangyari na, na inutusan ng Panginoon ang aking ama, maging sa isang panaginip, na nararapat niyang ipagsama ang kanyang mag-anak at lumisan patungo sa ilang.
“… At iniwan niya ang kanyang tahanan, at ang lupaing kanyang mana, at ang kanyang ginto, at ang kanyang pilak, at ang kanyang mahahalagang bagay” (1 Nephi 2:2, 4).
Nanatiling tapat si Lehi sa pangitaing ito sa kabila ng hirap sa paglalakbay at pangangailangang iwanan ang maginhawang buhay sa Jerusalem.
Si Propetang Joseph Smith ay isa pang dakilang halimbawa. Sa maraming paghahayag, simula sa Unang Pangitain, natapos niya ang kanyang misyon na ipanumbalik ang lahat ng bagay (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26).
At paano kaya tayo? Ano ang inaasahan ng Panginoon sa bawat isa sa atin?
Hindi natin kailangang makakita ng anghel para makaunawa. Mayroon tayong mga banal na kasulatan, templo, mga buhay na propeta, mga patriarchal blessing, mga inspiradong lider, at, higit sa lahat, may karapatan tayong tumanggap ng personal na paghahayag na gagabay sa ating mga desisyon.
Pangalawang Alituntunin: Kailangan Nating Maging Handa para sa mga Hamon na Darating
Ang pinakamagandang landas sa buhay ay bihirang maging pinakamadali. Kadalasan, kabaligtaran iyon. Maaari nating tularan ang halimbawa ng mga propetang nabanggit ko.
Hindi naging madali ang paglalakbay nina Moises, Lehi, at Joseph Smith kahit tama ang kanilang mga desisyon.
Handa ba tayong tanggapin ang bunga ng ating mga desisyon? Handa ba tayong iwanan ang ating maginhawang buhay para makarating sa mas magandang lugar?
Babalikan ko ang tungkol sa aking patriarchal blessing, naipasiya ko noong panahong iyon na dapat kong hangaring mag-aral pa at mag-aplay ng scholarship sa isang American university. Kung mapipili ako, kailangan kong magbitiw sa trabaho, ibebenta ang lahat ng gamit namin, at maninirahan sa Estados Unidos bilang iskolar nang dalawang taon.
Ang mga test na tulad ng TOEFL at GMAT ang unang mga hamon na kailangang malagpasan. Kinailangan ang tatlong mahahabang taon ng paghahanda, maraming “hindi,” at ilang “siguro” bago ako natanggap sa isang unibersidad. Naaalala ko pa ang tawag sa telepono na natanggap ko sa pagtatapos ng ikatlong taon mula sa taong nag-aasikaso sa mga scholarship.
Sabi niya, “Carlos, may maganda at masamang balita ako sa iyo. Ang magandang balita ay kasama ka sa tatlong finalist sa taong ito.” Iisa lang ang bakanteng puwesto noon. “Ang masamang balita ay isa sa mga kandidato ay anak ng isang kilalang tao, ang isa naman ay anak din ng isa pang kilalang tao, at saka ikaw.”
Mabilis akong sumagot, “At ako … ako ay anak ng Diyos.”
Ang nakakatuwa, hindi isinaalang-alang ang katayuan ng magulang sa lupa sa pagdedesisyon, at natanggap ako sa taong iyon, noong 1992.
Tayo ay mga anak ng Makapangyarihang Diyos. Siya ang ating Ama, mahal Niya tayo, at may plano Siya para sa atin. Hindi tayo nabubuhay para lang magsayang ng oras, tumanda, at mamatay. Gusto ng Diyos na umunlad tayo at makamit natin ang ating potensyal.
Sa mga salita ni Pangulong Thomas S. Monson: “Bawat isa sa inyo, may-asawa o wala, anuman ang edad, ay may pagkakataong matuto at umunlad. Lawakan ang inyong kaalaman, kapwa intelektuwal at espirituwal, hanggang sa lubos ninyong makamit ang inyong banal na potensyal” (“The Mighty Strength of the Relief Society,” Ensign, Nob. 1997, 95).
Pangatlong Alituntunin: Kailangan Nating Ibahagi ang Pananaw na Ito sa mga Taong Mahal Natin
Maraming beses na tinangka ni Lehi na ipaunawa kina Laman at Lemuel ang kahalagahan ng pagbabagong ginagawa nila. Nagreklamo sila habang naglalakbay dahil ayaw nilang paniwalaan ang pangitain ng kanilang ama. Sa kabilang banda, hiniling ni Nephi sa Panginoon na ipakita sa kanya ang nakita ng kanyang ama.
“At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, matapos na marinig ang lahat ng salita ng aking ama, hinggil sa mga bagay na nakita niya sa pangitain, … ako … ay nagnais ding aking makita, at marinig, at malaman ang mga bagay na ito, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (1 Nephi 10:17).
Sa pangitaing ito, hindi lang nadaig ni Nephi ang mga hamon ng paglalakbay kundi naakay rin niya ang kanyang pamilya noong kailangan na.
Kapag nagdesisyon tayong tahakin ang isang landas, malamang na maapektuhan ang mga taong mahal natin, at maramdaman din ng ilan ang mga resulta ng pasiyang ito. Mas mabuting makita nila ang nakikita natin at makiisa sa ating mga paniniwala. Hindi ito laging posible, ngunit kapag nangyari ito, mas madali ang paglalakbay.
Sa sariling karanasan na ginamit ko sa paglalarawan, walang-dudang kinailangan ko ang suporta ng asawa ko. Bata pa ang mga anak namin at wala pang gaanong masabi, ngunit mahalaga ang suporta ng asawa ko. Naaalala ko na, noong una, kinailangan naming pag-usapang mabuti ni Mônica ang pagbabago sa mga plano hanggang sa mapanatag siya at magtiwala. Dahil nagkaisa kami sa pananaw na ito, hindi lamang niya sinuportahan ang pagbabago kundi naging mahalagang bahagi rin siya sa tagumpay nito.
Alam ko na ang Panginoon ay may plano para sa atin sa buhay na ito. Kilala Niya tayo. Alam Niya ang pinakamainam para sa atin. Hindi dahil nasa ayos ang mga bagay-bagay ay hindi na natin dapat isipin paminsan-minsan kung mayroon pang mas maganda. Kung ipagpapatuloy natin ang uri ng pamumuhay natin sa kasalukuyan, matutupad kaya ang mga ipinangakong pagpapala?
Ang Diyos ay buhay. Siya ang ating Ama. Ang Tagapagligtas na si Jesucristo ay buhay, at alam ko na dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ay magkakaroon tayo ng lakas na madaig ang ating mga hamon sa araw-araw. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.