Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Nawa’y pagnilayan natin ang mga katotohanang narinig natin, at matulungan tayo nito na maging mas magigiting na disipulo.
Mga kapatid, naranasan natin ang dalawang maluwalhating araw na puno ng mga inspiradong mensahe. Naantig ang ating mga puso at napalakas ang ating pananampalataya nang makibahagi tayo sa diwang nadama sa mga sesyon ng kumperensyang ito. Sa ating pagtatapos, nagpapasalamat tayo sa ating Ama sa Langit sa maraming pagpapala Niya sa atin.
Napasigla tayo at nabigyang-inspirasyon ng magandang musikang narinig sa mga sesyon. Ang mga panalanging naibigay ay mas naglapit sa atin sa langit.
Nais kong ipahayag ang taos-pusong pasasalamat ng buong Simbahan sa ating mga Kapatid na na-release sa kumperensyang ito. Hahanap-hanapin natin sila. Ang kanilang kontribusyon sa gawain ng Panginoon ay napakalaki at madarama ng susunod na mga henerasyon.
Nawa’y makauwi tayo sa ating mga tahanan na may pasiya sa ating puso na maging mas mabuti pa kaysa dati. Nawa’y maging mas mabait at maalalahanin tayo nang kaunti. Nawa’y naisin nating tumulong, hindi lamang sa ating kapwa miyembro kundi maging sa mga hindi miyembro. Kapag kahalubilo natin sila, nawa’y igalang natin sila.
May mga taong nahihirapan sa mga hamon araw-araw. Ipadama natin ang ating malasakit sa kanila, at tulungan sila. Kapag pinangalagaan natin ang isa’t isa, pagpapalain tayo.
Nawa’y maalala natin ang matatanda at ang mga taong may karamdaman. Sa pagbisita natin sa kanila, malalaman nila na sila ay minamahal at pinahahalagahan. Nawa’y sundin natin ang utos na “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina.”1
Nawa’y maging tapat tayo at marangal, na sinisikap na gawin ang tama sa lahat ng panahon at sa lahat ng sitwasyon. Nawa’y maging matatapat na tagasunod tayo ni Cristo, mga halimbawa ng kabutihan, nang tayo ay maging “mga ilaw sa sanglibutan.”2
Mga kapatid, salamat sa inyong mga dalangin para sa akin. Pinalalakas at pinasisigla ako nito habang pinagsisikapan ko nang buong puso at lakas na gawin ang kalooban ng Diyos at paglingkuran Siya at kayo.
S paglisan natin sa kumperensyang ito, dalangin kong pagpalain ng langit ang bawat isa sa inyo. Nawa’y ligtas kayong makauwi sa inyong tahanan at datnan itong maayos. Nawa’y pagnilayan natin ang mga katotohanang narinig natin, at matulungan tayo nitong maging mas magigiting na disipulo kaysa bago nagsimula ang kumperensyang ito.
Hanggang sa muli nating pagkikita pagkaraan ng anim na buwan, hinihiling ko ang mga pagpapala ng Panginoon para sa inyo at, sa katunayan, para sa ating lahat, at ginagawa ko ito sa Kanyang banal na pangalan—maging si Jesucristo, na ating Panginoon at Tagapagligtas—amen.