2014
Ang Aklat
Nobyembre 2014


Ang Aklat

Ang gawain sa family history at sa templo ay dapat maging regular na bahagi ng ating personal na pagsamba.

Noong 12-taong gulang ako na Boy Scout, nakatanggap ako ng isang regalo na magagamit ko sa Scouting. Isang maliit na palakol iyon na ang takip ay yari sa makapal na balat o katad! Nang sumunod na magdamagang hiking, gabi na nang makarating kami sa kampo, basa at giniginaw mula sa paglalakad sa daan na natabunan ng makapal na niyebe. Ang naisip ko lang ay gumawa ng malaking siga. Agad kong sinimulang sibakin ang isang natumbang puno gamit ang bago kong palakol. Habang nagsisibak ako, nainis ako dahil parang hindi ito makaputol nang husto. Sa inis ko, nilakasan ko pa ang pagsibak. Malungkot akong nagbalik sa kampo dala ang ilang piraso lang ng kahoy. Sa liwanag ng siga ng iba, natuklasan ko ang problema. Hindi ko naalis ang takip ng palakol. Gayunman, ang masasabi ko lang, nagkagutay-gutay ang takip. Ang aral: Naging abala ako sa ibang bagay.

Sa patuloy nating pagsisikap tungo sa kadakilaan, dapat nating gawin ang lahat ng kinakailangan at hindi maging abala sa pagtutuon ng pansin sa isa o dalawang bagay lamang na kinakailangan o iba pang mga bagay na walang kaugnayan. Ang paghahanap sa kaharian ng Diyos ay humahantong sa kagalakan at kaligayahan.1 Kung kinakailangan, dapat handa tayong magbago. Ang madalas at maliliit na pagwawasto ay di-gaanong masakit at nakaliligalig kaysa sa malalaking pagwawasto.

Kailan lang, nagpunta kami ni Sister Packer sa ilang bansa. Inihanda namin ang aming mga pasaporte at iba pang mga dokumento. Nagpabakuna kami, nagpadoktor, kumuha ng mga visa, at pinatatakan ang mga ito. Pagdating namin, siniyasat ang mga dokumento namin, at nang matugunan ang lahat ng kinakailangan, pinayagan kaming pumasok.

Ang pagiging karapat-dapat sa kadakilaan ay tulad ng pagpasok sa ibang bansa. Dapat kamtin ng bawat isa sa atin ang ating espirituwal na pasaporte. Hindi tayo ang nagtatakda ng mga kinakailangan, ngunit, dapat matugunan ng bawat isa sa atin ang lahat ng ito. Ang plano ng kaligtasan ay naglalaman ng lahat ng doktrina, batas, kautusan, at ordenansa na kailangan ng lahat para maging marapat sa kadakilaan.2 Sa gayon, “sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni [Jesucristo], ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas.”3 Tinutulungan tayo ng Simbahan ngunit hindi ito magagawa para sa atin. Ang maging marapat sa kadakilaan ay habang-buhay na pagsisikap.

Itinatag ni Cristo ang Kanyang Simbahan upang tulungan tayo. Siya ay tumawag ng 15 kalalakihan na sinang-ayunan natin bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag upang gabayan ang Simbahan at turuan ang mga tao. Ang Unang Panguluhan4 at ang Korum ng Labindalawang Apostol5 ay pantay sa kapangyarihan at karapatan,6 at ang senior na Apostol ang itinatalaga bilang Pangulo ng Simbahan. Ang Pitumpu ay tinatawag para tumulong.7 Ang mga lider ay hindi nagtatakda ng mga kinakailangan para sa kadakilaan. Ang Diyos ang nagtatakda! Ang mga lider na ito ay tinawag na magturo, magbigay-linaw, maghikayat, at magbabala upang manatili tayo sa tamang landas.8

Tulad ng ipinaliwanag sa handbook of instructions: “Para maisakatuparan ang layunin nitong tulungan ang mga tao at pamilya na maging marapat sa kadakilaan, nakatuon ang pansin ng Simbahan sa mga responsibilidad na itinakda ng Diyos. Kabilang dito ang pagtulong sa mga miyembro na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, pagtipon sa Israel sa pamamagitan ng gawaing misyonero, pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan, at pagtulong sa kaligtasan ng mga yumao sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga templo at pagsasagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa.”9 Kinakailangan ang apat na ito at ang lahat ng iba pang mga batas, kautusan, at ordenansa at hindi ito opsiyonal. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa paggawa sa bawat isa sa mga ito, nadaragdagan ng kinakailangang tatak ang ating mga espirituwal na pasaporte.

Sa kumperensyang ito ay tinuturuan tayo tungkol sa mga pagbabago na tutulong sa ating lahat na maging mas handa.

Ang pamilya ang sentro sa plano ng kaligtasan kaya siguro tinawag din itong “dakilang plano ng kaligayahan.”10 Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer, “Ang pinakalayunin ng lahat ng ginagawa sa Simbahan ay na ang lalaki at kanyang asawa at kanilang mga anak ay maaaring maging maligaya sa tahanan.”11

Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball, “Ang tagumpay ng bawat isa sa atin at ng buong Simbahan ay nakabatay sa kung gaano tayo katapat na nakatuon sa pamumuhay ng ebanghelyo sa tahanan.”12 Ang gawain sa templo at family history ay bahagi ng pamumuhay ng ebanghelyo sa tahanan. Dapat ay mas aktibidad ito ng pamilya kaysa aktibidad ng Simbahan.

Muling binigyang-diin ang gawain sa family history at templo ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa.13 Ang tugon ninyo sa gawaing ito ay magpapaibayo sa kagalakan at kaligayahan ninyo at ng inyong pamilya.

Mula sa Doktrina at mga Tipan mababasa natin: “Ang dakilang araw ng Panginoon ay nalalapit na. … Tayo, samakatwid, bilang isang simbahan at mga tao, at bilang mga Banal sa mga Huling Araw, maghain sa Panginoon ng isang handog sa kabutihan; at ating ialay sa kanyang banal na templo, … ang isang aklat na naglalaman ng mga talaan ng ating mga patay, na magiging karapat-dapat sa lahat ng pagtanggap.”14

Ang “aklat” na ito ay ihahanda gamit ang mga talaan ng mga pangalan at ordenansa sa FamilyTree database ng Simbahan.

Tinitingnan ko at dinaragdagan ang mga nakatala sa database na ito dahil gusto kong isama sa aklat ang mga pangalan ng lahat ng mahal ko. Hindi ba’t ginagawa rin ninyo ito?

Sinasabi sa Doktrina at mga Tipan bahagi 128, “Sapagkat tayo kung wala [ang ating mga ninuno] ay hindi magagawang ganap; ni sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap.”15

Ang family history ay higit pa sa genealogy, mga patakaran, pangalan, petsa, at lugar. Higit pa ito sa pagtutuon ng pansin sa nakaraan. Kabilang din sa family history ang kasalukuyan habang lumilikha tayo ng sarili nating kasaysayan. Kabilang dito ang mga darating na panahon habang hinuhubog natin ang kasaysayan sa hinaharap sa pamamagitan ng ating mga inapo. Ang isang bata pang ina, halimbawa, na nagbabahagi ng mga kuwento at larawan ng kanyang pamilya sa kanyang mga anak ay gumagawa ng gawain sa family history.

Tulad ng pakikibahagi sa sakramento, pagdalo sa mga pulong, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at personal na pagdarasal, ang paggawa ng gawain sa family history at templo ay dapat na maging regular na bahagi ng ating pagsamba. Ang tugon ng ating mga kabataan at ng iba pa sa paanyaya ng propeta ay nagbibigay-inspirasyon at nagpapatunay na ang gawaing ito ay maaari at dapat gawin ng lahat ng miyembro anuman ang kanilang edad.

Tulad ng ipinaliwanag ni Elder Quentin L. Cook, “Mayroon na tayo [ngayong] doktrina, mga templo, at teknolohiya.”16 Ang paggawa ng gawain ngayon ay mas madali at kakaunting miyembro lamang ang inuuna ito. Ang gawain ay nangangailangan pa rin ng oras at sakripisyo, ngunit makakaya itong gawin ng lahat, at nang mas madali kumpara noong nakalipas na ilang taon.

Para matulungan ang mga miyembro, tinipon ng Simbahan ang mga rekord at naglaan ng mga kasangkapan upang marami ang magawa sa ating sariling tahanan o sa ward at templo. Naalis na ang karamihan sa mga hadlang o balakid. Anuman ang inakala ninyo noon, iba na ngayon!

Gayunpaman, may isang hadlang na hindi maaalis ng Simbahan. Iyon ay ang pag-aatubili ng bawat isa na gawin ang gawain. Ang kailangan lang dito ay pagpapasiya at kaunting pagsisikap. Hindi ito nangangailangan ng malaking panahon. Ang kaunting oras lang na palagian ay magdudulot na ng galak sa gawain. Magdesisyon na kumilos, matuto at magpatulong sa iba. Tutulungan nila kayo! Ang mga pangalang nahanap ninyo at nadala sa templo ay magiging mga talaan para sa “aklat.”17

Bagama’t tumaas ang bilang ng mga miyembrong nakikilahok, natuklasan namin na kaunting miyembro lamang ang regular na nagsasaliksik at nagsasagawa ng mga ordenasa sa templo para sa kanilang pamilya.18 Dapat nating baguhin ang ating mga priyoridad ukol sa bagay na ito. Huwag salungatin ang pagbabago, tanggapin ito! Ang pagbabago ay bahagi ng dakilang plano ng kaligayahan.

Ang gawaing ito ay kailangang magawa, hindi para sa kapakanan ng Simbahan kundi para sa ating mga patay at sa ating sarili. Kailangan natin at ng ating yumaong mga ninuno ang mga tatak sa ating mga espirituwal na pasaporte.

Ang “pag-uugnay”19 ng ating mga pamilya sa lahat ng henerasyon ay mangyayari lamang sa mga templo sa pamamagitan ng ordenansa ng pagbubuklod. Simple lang ang mga hakbang: maghanap lamang ng isang pangalan at dalhin ito sa templo. Sa pagdaan ng mga araw matutulungan na rin ninyo ang iba na gawin ito.

Bagamat may iilang eksepsyon, lahat—lahat—ay makagagawa nito!

May kaakibat na pisikal na mga pagpapala ang gawaing ito. Maraming magulang at pinuno ang nag-aalala tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng mundo at sa epekto nito sa pamilya at sa mga kabataan.

Ipinangako ni Elder David A. Bednar: “Inaanyayahan ko ang mga kabataan ng Simbahan na matutuhan at maranasan ang Diwa ni Elias. … Ipinapangako ko na mapoprotektahan kayo laban sa tumitinding impluwensya ng kaaway. Sa pakikibahagi at pagmamahal ninyo sa banal na gawaing ito, kayo ay pangangalagaan sa inyong kabataan at [sa] habambuhay.”20

Mga kapatid, panahon na upang alisin ang takip ng ating mga palakol at magtrabaho. Huwag nating ipagpalit ang kadakilaan natin o ang kadakilaan ng ating pamilya sa mga bagay na di-gaanong mahalaga.

Ito ang gawain ng Diyos, na gagawin kapwa ng mga miyembro at di-miyembro, bata at matanda, lalaki at babae.

Magtatapos ako sa pagbanggit ng unang talata ng himno 324, na pinapalitan ang isang kataga:

Magbangon, O [mga Banal] ng Diyos!

Ating ginawa’y di gaanong mahalaga.

Buong isipa’t lakas, puso’t kaluluwa,

Sa Hari ng mga Hari, paglilingkod ay isagawa.21

Si Jesucristo ang Hari! Nagpapatotoo ako sa Kanya sa pangalan ni Jesucristo, amen.