Ang Sakramento at ang Pagbabayad-sala
Ang ordenansa ng sakramento ay dapat na mas maging banal at sagrado sa bawat isa sa atin.
Noong gabi bago maganap ang mga pangyayari sa Getsemani at sa Kalbaryo, tinipon ni Jesus ang Kanyang mga Apostol upang sama-samang sumamba sa huling pagkakataon. Ang lugar ay sa silid sa itaas ng bahay ng isang disipulo sa Jerusalem, at panahon ito ng Paskua.1
Nakahain sa harap nila ang tradisyunal na pagkain tuwing Paskua, na kinabibilangan ng inialay na tupa, alak, at tinapay na walang lebadura, mga simbolo sa paglaya noon ng Israel sa pagkaalipin at kamatayan2 at ang magaganap na pagtubos na mangyayari pa lang.3 Nang patapos na ang pagkain, dumampot si Jesus ng tinapay, binasbasan at pinagputol-putol ito,4 at ibinigay ito sa Kanyang mga Apostol, sinasabing, “Kunin ninyo, kanin ninyo.”5 “Ito’y aking katawan na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.”6 Sa gayon ding paraan, kinuha Niya ang saro ng alak, binasbasan ito, at ipinasa sa mga nakapaligid sa Kanya, sinasabing: “Ang sarong ito’y ang bagong tipan sa aking dugo,”7 “na mabubuhos … para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.”8 “Gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.”9
Sa ganitong simple ngunit matinding paraan, itinatag ni Jesus ang isang bagong ordenansa para sa mga pinagtipanang tao ng Diyos. Hindi na padadanakin ang dugo ng hayop o susunugin ang laman ng hayop para makamit ang nakatutubos na sakripisyo ng isang Cristo na paparito pa lang.10 Sa halip, ang mga simbolo ng pinagputol-putol na laman at natigis na dugo ni Cristo na naparito na ang kakainin at iinumin bilang pag-alaala sa Kanyang nakatutubos na sakripisyo.11 Ang pakikibahagi sa bagong ordenansang ito ay magpapahiwatig sa lahat ng taimtim na pagtanggap kay Jesus bilang ang ipinangakong Cristo at lubos na kahandaang tularan Siya at sumunod sa Kanyang mga kautusan. Sa mga taong magpapakita ng pagtanggap at kahandaang ito sa kanilang pamumuhay, ang espirituwal na kamatayan ay “lalampas” sa kanila, at makatitiyak sa buhay na walang hanggan.
Sa sumunod na mga oras at mga araw, pumasok si Jesus sa Getsemani, dinala sa Kalbaryo, at matagumpay na nilisan ang libingan ng taga Arimatea. Matapos ang Kanyang paglisan mula sa kanila, ang matatapat na disipulo ni Jesus sa loob at labas ng Jerusalem ay nagsama-sama sa unang araw ng linggo upang “pagputolputulin ang tinapay”12 at sila’y nagsipanatiling “matibay.”13 Tunay ngang hindi lamang nila inalala ang paglisan ng kanilang Panginoon kundi nagpakita rin ng pasasalamat at pananampalataya sa Kanyang kagila-gilalas na Pagtubos sa kanila.
Mahalagang pansinin, na noong pinuntahan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo sa lupain ng Amerika, pinasimulan din Niya ang sakramento sa kanila.14 Sa paggawa nito, sinabi Niya: “Ito ay lagi ninyong gagawin,”15 at “ito ay magiging patotoo sa Ama na lagi ninyo akong naaalaala.”16 Muli, sa pagsisimula ng Panunumbalik, pinasimulan ng Panginoon ang ordenansa ng sakramento, na nagbibigay sa atin ng mga tagubiling katulad ng ibinigay Niya sa Kanyang mga naunang disipulo.17
Ang ordenansa ng sakramento ay tinawag na “isa sa pinakabanal at pinakasagradong mga ordenansa sa Simbahan.”18 Ito ay dapat na mas maging banal at sagrado sa bawat isa sa atin. Pinasimulan mismo ni Jesucristo ang ordenansa upang ipaalala sa atin kung ano ang ginawa Niya upang matubos tayo at ituro sa atin kung paano natin magagamit ang Kanyang Pagtubos at nang sa gayon ay muling makapiling ang Diyos.
Sa pinaghati-hati at putol-putol na tinapay, ipinapakita natin na inaalaala natin ang pisikal na katawan ni Jesucrito—ang katawang binugbog sa sakit, dusa, at lahat ng uri ng tukso,19 ang katawang dumanas ng matinding paghihirap na dahilan para labasan ng dugo sa bawat butas ng balat,20 ang katawang sinugatan at pusong sinaktan habang nakapako sa krus.21 Ipinapakita nating naniniwala tayo na bagama’t ang katawan ding yaon ay inihimlay sa kamatayan, ibinangon itong muli mula sa libingan, hindi na muling makadarama ng sakit, pagkabulok, o kamatayan.22 At sa pagkain sa tinapay, kinikilala natin na, tulad ng mortal na katawan ni Cristo, ang ating mga katawan ay palalayain mula sa mga gapos ng kamatayan, matagumpay na magbabangon mula sa libingan, at magbabalik sa ating walang hanggang espiritu.23
Sa isang maliit na tasa ng tubig, ipinapakita natin na inaalala natin ang itinigis na dugo ni Jesus at ang espirituwal na paghihirap na dinanas Niya para sa buong sangkatauhan. Naaalala natin ang pagdurusa na naging sanhi ng pagtulo ng malalaking patak ng dugo sa Getsemani.24 Naaalala din natin ang pagbugbog at paghampas na tiniis Niya sa kamay ng mga humuli sa Kanya.25 Naaalala natin ang dugong dumaloy mula sa kanyang mga kamay, mga paa at tagiliran habang nasa Kalbaryo.26 At naaalala natin ang sariling paglalarawan Niya sa Kanyang pagdurusa: “Kung gaano kasakit ay hindi mo nalalaman, kung gaano kasidhi ay hindi mo nalalaman, oo, kung gaano kahirap dalhin ay hindi mo nalalaman.”27 Sa pag-inom sa tubig, kinikilala natin na ang Kanyang dugo at pagdurusa ang nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan at na tutubusin Niya ang ating mga kasalanan kapag sinusunod at tinatanggap natin ang mga alituntunin at ordenansa ng Kanyang ebanghelyo.
Sa gayon, sa tinapay at tubig, naaalala natin ang Pagtubos ni Cristo sa atin mula sa kamatayan at kasalanan. Ang pagkakasunud-sunod ng tinapay at tubig ay mahalaga. Sa pagkain sa tinapay, ipinapaalala sa atin ang tiyak nating pagkabuhay na mag-uli, na hindi lamang pagsasamang muli ng katawan at espiritu. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagkabuhay na Mag-uli, lahat tayo ay ibabalik sa kinaroroonan ng Diyos.28 Inihaharap sa atin ng katotohanang iyan ang mahalagang tanong ng ating buhay. Ang mahalagang tanong na kinakaharap ng lahat sa atin ay hindi kung tayo ba ay mabubuhay kundi sino ang makakasama natin pagkamatay natin. Bagama’t bawat isa sa atin ay babalik sa kinaroroonan ng Diyos, hindi lahat sa atin ay mananatili sa piling Niya.
Habang nabubuhay tayo sa mundo, bawat isa sa atin ay madudungisan ng kasalanan at paglabag.29 Makakaisip, makakapagsalita, at makakagawa tayo nang hindi tama.30 Sa madaling salita, tayo ay magiging marumi. At ang bunga ng karumihan sa harapan ng Diyos, ay malinaw na inihayag ni Jesus: “Walang maruming bagay ang makatatahan … sa kanyang kinaroroonan.”31 Ang katotohanang iyan ay malinaw na naipaunawa kay Nakababatang Alma na, noong pagsabihan siya ng isang banal na anghel, ay giniyagis, pinahirapan, sinaktan ng kanyang karumihan kung kaya’t hinangad niyang “mawasak kapwa kaluluwa at katawan, upang hindi [siya] madalang tumayo sa harapan ng … Diyos.”32
Sa pag-inom ng tubig ng sakramento, itinuturo sa atin kung paano tayo malilinis mula sa kasalanan at paglabag at sa gayon ay makatatayo sa harapan ng Diyos. Sa pagdanak ng Kanyang dugo na walang sala, natugunan ni Jesucristo ang hinihingi ng katarungan para sa lahat ng kasalanan at paglabag. Pagkatapos ay nag-alok Siya na gagawin tayong malinis kung magkakaroon tayo ng pananampalataya sa Kanya na sapat upang magsisi; tanggapin ang lahat ng ordenansa at tipan ng kaligtasan, simula sa pagbibinyag; at tanggapin ang Espiritu Santo. Kapag natanggap na natin ang Espiritu Santo, tayo ay nalinis na at nadalisay. Ang doktrinang ito ay napakalinaw na ipinabatid ni Jesus:
“Walang maruming bagay ang makapapasok sa … kaharian [ng Diyos]; … walang makapapasok sa kanyang kapahingahan maliban sa mga yaong nahugasan ang kanilang mga kasuotan ng aking dugo. …
“Ngayon, ito ang kautusan: Magsisi, lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, at lumapit sa akin at magpabinyag sa aking pangalan, upang kayo ay pabanalin sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo, upang kayo ay makatayong walang bahid-dungis sa aking harapan sa huling araw.”33
Ito ang doktrina ni Cristo.34 Kapag ating tinanggap ang doktrinang ito at namuhay alinsunod dito, tayo ay nahugasan sa dugo ni Cristo at nalinis.35
Sa pamamagitan ng panalangin ng sakramento, ipinapahayag natin ang pagtanggap sa doktrinang ito ni Cristo at ang pangako nating mamuhay ayon dito. Sa ating pagsusumamo sa Diyos, ang ating Amang walang Hanggan, ipinahahayag natin na “lagi nating aalalahanin” ang Kanyang mahal na Anak. Una, pinatutunayan natin ang “kahandaan” nating umalala. Pagkatapos ay pinatutunayan natin na “talagang” tayo ay umaalala. Sa paggawa nito, tayo ay gumagawa ng sagradong mga pangako na sumampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagtubos sa atin mula sa kamatayan at kasalanan.
Ipinapahayag pa natin na ating “susundin ang kanyang mga utos.” Iyan ay taimtim na pangako na magsisi. Kung ang ating mga inisip, sinabi, o ginawa noong nakalipas na panahon ay hindi kasiya-siya, muli tayong nangangako na higit na iayon ang ating buhay sa Kanyang kalooban sa darating na panahon.
Susunod, ipinahahayag natin na tayo ay “pumapayag na taglayin sa [ating] sarili ang pangalan ng … Anak.”36 Iyan ay sagradong pangako na magpasakop sa Kanyang awtoridad at gawin ang Kanyang gawain, na kinabibilangan ng pagtanggap sa ating sarili ng bawat nakapagliligtas na ordenansa at tipan.37
Kapag naging tapat tayo sa mga alituntuning ito, ipinangako sa atin sa mga panalangin ng sakramento na “mapapasa[atin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin].”38 Ang muling pagtanggap sa Espiritu ay isang pinakamataas na pagpapala dahil ang Espiritu ang siyang naglilinis at nagpapadalisay sa atin mula sa kasalanan at paglabag.39
Mga kapatid, ang pinakamahalagang pangyayari sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Siya na gumawa ng Pagbabayad-sala ay binigyan tayo ng ordenansa ng sakramento upang tulungan tayo na huwag lamang umalala kundi kamtin din ang mga pagpapala ng dakilang Pagbabayad-salang ito. Ang patuloy at tapat na pakikibahagi sa sagradong ordenansang ito ay tumutulong sa atin na patuloy na tanggapin at ipamuhay ang doktrina ni Cristo matapos mabinyagan at sa gayon ay hangarin na lubusang maging ganap na mapabanal. Tunay ngang ang ordenansa ng sakramento ay tumutulong sa atin na matapat na magtiis hanggang wakas at matanggap ang kaganapan ng Ama nang tulad ng pagtanggap dito ni Jesus, nang biyaya sa biyaya.40
Pinatotohanan ko ang kapangyarihan ni Jesucristo na tubusin tayong lahat mula sa kamatayan at kasalanan at ang kapangyarihan ng mga ordenansa ng Kanyang priesthood, kabilang na ang sakramento, upang ihanda tayo na “[makita] ang mukha ng Diyos, maging [ang] Ama, at [mabuhay].”41 Nawa’y tumanggap tayo ng sakramento sa susunod na linggo, at sa bawat linggo pagkatapos niyon, na may mas malalim at matapat na layunin, ang siyang dalangin ko sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.