2014
Ang Batas ng Ayuno: Isang Personal na Responsibilidad na Pangalagaan ang mga Maralita at Nangangailangan
Nobyembre 2014


Ang Batas ng Ayuno: Isang Personal na Responsibilidad na Pangalagaan ang mga Maralita at Nangangailangan

Bilang mga alagad ng Tagapagligtas, may personal na responsibilidad tayong pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan.

Mahal kong mga kapatid, mahal ko ang priesthood, at gusto kong nakakasama kayo. Lubos akong nagpapasalamat na magkakasama tayong naglilingkod sa dakilang layuning ito.

Nabubuhay tayo sa pambihirang panahon. Ang mahimalang mga pag-unlad sa medisina, siyensya, at teknolohiya ay nakabuti sa pamumuhay ng marami. Subalit nakikita rin ang malaking pagdurusa at kapighatian ng mga tao. Bukod sa mga digmaan at alingawngaw ng digmaan, ang pagdami ng kalamidad—pati na mga pagbaha, sunog, lindol, at karamdaman—ay nakakaapekto sa buhay ng milyun-milyon sa buong mundo.

Nag-aalala at nagmamatyag ang pamunuan ng Simbahan sa kapakanan ng mga anak ng Diyos sa lahat ng dako. Kailan man at saan man maaari, ang tulong ng Simbahan ay inilalaan sa pagtugon sa mga nangangailangan. Halimbawa, noong nakaraang Nobyembre, hinagupit ng Bagyong Haiyan (Yolanda) ang Pilipinas.

Tinaguriang Category 5 super typhoon, nagdulot ng malaking pinsala at paghihirap ang Bagyong Haiyan. Buong mga lungsod ang nawasak; marami ang namatay; milyun-milyong tahanan ang lubhang napinsala o nawasak; at nawalan ng mahahalagang serbisyong tulad ng tubig at kuryente, at nasira ang mga padaluyan.

Naiparating nang napakaaga ang tulong ng Simbahan pagkatapos ng kalamidad na ito. Ang mga miyembro ng Simbahan na nakatira sa Pilipinas ay nagtulung-tulong sa pagsagip sa kanilang mga kapatid sa pagbibigay ng pagkain, tubig, damit, at mga hygiene kit kapwa sa mga miyembro at di-miyembro.

Ang mga meetinghouse ng Simbahan ay naging mga kanlungan sa libu-libong nawalan ng tirahan. Sa pamumuno ng Area Presidency at mga lider ng priesthood sa lugar, at marami sa kanila ang nawalan ng lahat ng kanilang ari-arian, inalam nila ang kalagayan at kaligtasan ng lahat ng miyembro. Nagsimulang mabuo ang inspiradong mga plano na maibalik ang mga miyembro sa maayos na pamumuhay at pag-asa sa sariling kakayahan.

Inilaan ang katamtamang suplay para tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na muling magtayo ng kanilang tirahang yari sa kahoy. Hindi lamang ito basta ibinigay nang walang kapalit. Binigyan ng training ang mga miyembro at nagtrabaho sila para sa kanilang sarili at pagkatapos ay para sa iba.

Ang isang naging pagpapala nito ay na samantalang natututo ang mga miyembro ng pagkakarpintero, pagtutubero, at iba pang mga kasanayan sa konstruksyon, nagkaroon sila ng magandang trabaho nang simulan ang muling pagtatayo ng mga tirahan sa kalapit na mga lungsod at komunidad.

Ang pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan ay pangunahing doktrina ng ebanghelyo at mahalagang bahagi sa walang-hanggang plano ngkaligtasan.

Bago ang Kanyang mortal na ministeryo, sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng Kanyang propeta: “Sapagka’t hindi mawawalan ng dukha sa lupain kailan man: kaya’t aking iniutos sa iyo, na aking sinasabi, [Bubuksan] mo nga ang iyong kamay sa iyong kapatid, sa nagkakailangan sa iyo, at sa dukha mo, sa iyong lupain.”1

Sa ating panahon, ang pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan ay isa sa apat na sagradong responsibilidad na itinakda ng Simbahan na tumutulong sa bawat isa at sa mga pamilya na maging marapat para sa kadakilaan.2

Ang pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan ay nagsasaalang-alang kapwa sa temporal at espirituwal na kaligtasan. Kabilang dito ang paglilingkod ng bawat miyembro ng Simbahan kapag sila mismo ang nangalaga sa mga maralita at nangangailangan, pati na rin ang opisyal na kawanggawa ng Simbahan, na pinangangasiwaan sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood.

Mahalaga sa plano ng Panginoon para sa pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan ang batas ng ayuno. “Itinatag ng Panginoon ang batas ng ayuno at mga handog-ayuno upang pagpalain ang Kanyang mga tao at maglaan ng paraan para mapaglingkuran nila ang mga nangangailangan.”3

Bilang mga alagad ng Tagapagligtas, may personal na responsibilidad tayong pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan. Ang matatapat na miyembro ng Simbahan sa lahat ng dako ay tumutulong sa pamamagitan ng pag-aayuno buwan-buwan—na hindi kumakain at umiinom sa loob ng 24 na oras—at pagkatapos ay ibinibigay sa Simbahan ang halagang katumbas man lang ng pagkaing kakainin sana nila.

Ang mga salita ni Isaias ay dapat isaalang-alang nang may panalangin at ituro sa bawat tahanan:

“Hindi baga ito ang ayuno na aking pinili: na kalagin ang mga tali ng kasamaan, na pagaanin ang mga pasan at papaging layain ang napipighati, at iyong alisin ang lahat ng atang?

“Hindi baga ang magbahagi ng iyong tinapay sa gutom, at dalhin mo sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan? pagka nakakakita ka ng hubad, na iyong bihisan; at huwag kang magkubli sa iyong kapuwa-tao?”4

Pagkatapos ay itinala pa ni Isaias ang magagandang pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa mga sumusunod sa batas ng ayuno. Sabi niya:

“Kung magkagayo’y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw; at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay likod.

“Kung magkagayo’y tatawag ka, at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya’y magsasabi, Narito ako. …

“At kung magmamagandang-loob ka sa gutom, at iyong sisiyahan ng loob ang nagdadalamhating kaluluwa; kung magkagayo’y sisilang ang iyong liwanag sa kadiliman, at ang iyong kadiliman ay magiging parang katanghaliang tapat;

“At papatnubayan ka ng Panginoon na palagi, at sisiyahan ng loob ang iyong kaluluwa sa mga tuyong dako.”5

Tungkol sa mga talatang ito, ganito ang sabi ni Pangulong Harold B. Lee: “Ang maraming pagpapalang nagmumula [sa pag-aayuno] ay nilinaw sa bawat dispensasyon, at sinasabi rito sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng dakilang propetang ito kung bakit may pag-aayuno, at ang mga pagpapalang nagmumula sa pag-aayuno. … Kung pag-aaralan ninyo … ang ika-58 kabanata ng aklat ni Isaias malinaw ninyong makikita kung bakit nais ng Panginoon na magbayad tayo ng mga handog-ayuno, kung bakit nais Niyang mag-ayuno tayo. Iyon ay dahil kapag ginawa natin ito makakatawag tayo at sasagot ang Panginoon. Makadaraing tayo at sasabihin ng Panginoon, ‘Narito ako.’”

Sinabi pa ni Pangulong Lee: “Gusto ba nating malagay sa sitwasyon na makakatawag tayo at hindi siya sasagot? Dadaing tayo sa ating kapighatian at hindi niya tayo sasamahan? Sa palagay ko panahon na para isipin natin ang mahahalagang alituntuning ito dahil ito ang mangyayari sa hinaharap, na higit nating kakailanganin ang mga pagpapala ng Panginoon, kapag ang paghatol ay ibinuhos nang walang halo sa buong daigdig.”6

Ang ating mahal na propeta, si Pangulong Thomas S. Monson, ay nagpatotoo tungkol sa mga alituntuning ito—isang patotoo na nagmula sa kanyang sariling karanasan. Sabi Niya: “Walang miyembro ng Simbahan na nakatulong sa mga nangangailangan ang nakakalimot o nagsisisi sa karanasang iyon. Ang kasipagan, katipiran, pag-asa sa sarili, at pagbabahagi sa iba ay hindi na bago sa atin.”7

Mga kapatid, ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mga taong gumagawa ng tipan at sumusunod sa mga kautusan. Wala akong maisip na anumang batas, anumang kautusan, na mas madaling sundin, kung susundin nang tapat, at nagbibigay ng mas malalaking pagpapala kaysa sa batas ng ayuno. Kapag nag-ayuno tayo at nagbigay ng tapat na handog-ayuno, inaambag natin sa kamalig ng Panginoon ang halagang katumbas ng pagkaing hindi natin kinain. Hindi kailangang magbigay ng sobra sa halagang karaniwang ginagastos. Gayundin, pinangangakuan tayo ng di-karaniwang mga pagpapala, tulad ng sinabi ko kanina.

Ang batas ng ayuno ay angkop sa lahat ng miyembro ng Simbahan. Kahit ang maliliit na bata ay maaaring turuang mag-ayuno, simula sa hindi pagkain nang isang beses at pagkatapos ay dalawa, kapag kaya na nilang unawain at sundin ang batas ng ayuno. Dapat simulan ng mga mag-asawa, dalaga’t binata, kabataan, at bata ang ayuno sa panalangin, na nagpapasalamat sa mga pagpapala sa kanilang buhay habang humihiling ng mga pagpapala at lakas sa Panginoon habang nag-aayuno. Nakukumpleto ang pagsunod sa batas ng ayuno kapag naibigay na ang handog-ayuno sa kinatawan ng Panginoon, ang bishop.

Mga bishop, kayo ang namamahala sa pagkakawanggawa sa ward. Kayo ay may sagradong tungkulin na hanapin at pangalagaan ang mga maralita. Sa tulong ng Relief Society president at mga lider ng korum ng Melchizedek Priesthood, ang inyong mithiin ay tulungan ang mga miyembro na tulungan ang kanilang sarili at tumayo sa sarili nilang paa. Pinangangasiwaan ninyo ang temporal at espirituwal na mga pangangailangan ng mga miyembro sa maingat na paggamit ng mga handog-ayuno bilang pansamantalang suporta at pandagdag na tulong sa mga kamag-anak at komunidad. Kapag mapanalangin ninyong ginamit ang mga susi ng priesthood at ang kakayahang makahiwatig sa pagtulong sa mga maralita at nangangailangan, mauunawaan ninyo na ang tamang paggamit ng mga handog-ayuno ay nilayong suportahan ang buhay, hindi ang uri ng pamumuhay.

Mga Aaronic Priesthood quorum president, may hawak kayong mga susi at may kapangyarihan kayong mangasiwa sa mga panlabas na ordenansa. Tumutulong kayo sa bishop at nagtuturo sa mga miyembro ng korum tungkol sa mga tungkulin nila sa priesthood at sa paghahanap sa mga miyembro ng Simbahan upang bigyan sila ng mga pagkakataong mag-ambag sa ayuno. Kapag ginampanan ninyong mga mayhawak ng Aaronic Priesthood ang inyong mga responsibilidad at ipinaabot ang pagkakataong ito sa lahat ng miyembro ng Simbahan, madalas ninyong naipagkakaloob ang ipinangakong mga pagpapala ng ayuno sa mga taong maaaring higit na nagangailangan nito. Makikita ninyo na ang pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan ay may kapangyarihang palambutin ang matitigas na puso at nagpapala sa buhay ng mga hindi madalas magsimba.

Sinabi ni Pangulong Monson, “Ang mga bishop na inoorganisa ang kanilang mga korum ng Aaronic Priesthood upang makibahagi sa pangongolekta ng mga handog-ayuno ay lalong magtatagumpay sa sagradong responsibilidad na ito.”8

Mga bishop, alalahanin na magkakaiba ang sitwasyon sa bawat lugar at bawat bansa. Ang pagbabahay-bahay ng mga miyembro ng korum ng Aaronic Priesthood ay maaaring hindi praktikal sa rehiyong tinitirhan ninyo. Gayunman, hinihikayat namin kayo na mapanalanging isipin ang payo ng propeta at maghangad ng inspirasyon sa angkop na mga paraan para magampanan ng mga mayhawak ng Aaronic Priesthood sa inyong ward ang kanilang tungkulin sa pakikibahagi sa pangongolekta ng mga handog-ayuno.

Sa kabanata 27 ng 3 Nephi, itinanong ng nagbangon na Panginoon, “Anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” Sagot Niya, “Maging katulad ko.”9 Kapag tinaglay natin ang pangalan ni Cristo sa ating sarili at sinikap na sundin Siya, matatanggap natin ang Kanyang larawan sa ating mukha at magiging higit tayong katulad Niya. Ang pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan ay kalakip ng ministeryo ng Tagapagligtas. Kasama iyon sa lahat ng Kanyang ginagawa. Tinutulungan Niya ang lahat at pinasisigla tayo. Ang Kanyang pamatok ay malambot at magaan ang Kanyang pasan. Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na maging higit na katulad ng Tagapagligtas sa pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan, sa tapat na pagsunod sa batas ng ayuno, at sa bukas-palad na pagbibigay ng handog-ayuno. Mapagpakumbaba kong pinatototohanan na ang tapat na pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan ay nagpapakita ng mataas na espirituwalidad at magpapala kapwa sa nagbigay at sa tumanggap. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Deuteronomio 15:11.

  2. Tingnan sa Handbook 2: Administering the Church (2010), 2.2.

  3. Handbook 2, 6.1.2.

  4. Isaias 58:6–7.

  5. Isaias 58:8–11.

  6. Harold B. Lee, “Listen, and Obey” (Welfare Agricultural Meeting, Apr. 3, 1971), kopya ng typescript, 14, Church History Library, Salt Lake City.

  7. Thomas S. Monson, “Handa Ba Tayo?” Liahona, Set. 2014, 4.

  8. Thomas S. Monson, sa isang pulong kasama ang Presiding Bishopric, Peb. 28, 2014.

  9. 3 Nephi 27:27.