Inihanda sa Isang Kakaibang Paraan
Nawa’y maghanda tayo na maging marapat na tumanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa at buong puso nating sundin ang kaugnay na mga tipan.
Pag-uwi ng aming bunsong anak na babae mula sa unang araw niya sa eskuwela, itinanong ko, “Kumusta ang eskuwela?”
Sagot niya, “Mabuti naman po.”
Gayunman, kinaumagahan nang gisingin ko siya para pumasok sa eskuwela, humalukipkip siya at mariing sinabi, “Pumasok na po ako!” Mukhang hindi ko siya naihanda o napaliwanagan na ang pagpasok sa eskuwela ay hindi lang minsanan kundi inaasahan siyang pumasok limang araw sa isang linggo sa loob ng napakaraming taon.
Habang pinag-iisipan natin ang alituntunin ng pagiging handa, ilarawan natin sa ating isipan ang sumusunod na tagpo. Kunwari’y nakaupo ka sa silid-selestiyal ng templo at napansin mo ang ilang magkasintahang ikakasal na mapitagang inaalalayan papasok at palabas habang naghihintay sila na makasal sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Isang babaeng ikakasal ang pumasok sa silid-selestiyal, na kahawak-kamay ang kanyang kasintahan. Suot niya ang isang simple ngunit magandang damit na pangtemplo at panatag, payapa, at magiliw ang ngiti sa kanyang mukha. Malinis at maayos siya ngunit hindi nakakaagaw-pansin. Naupo siya, lumingon-lingon, at saka biglang hindi niya napigilan ang damdamin. Mukhang napaiyak siya dahil sa paghanga at pagpipitagan kapwa sa lugar na kinaroroonan niya at sa sagradong ordenansang naghihintay sa kanila ng kanyang pinakamamahal sa buhay. Ang kanyang mga kilos ay tila nagsasabing, “Lubos ang pasasalamat ko na nasa bahay ako ng Panginoon ngayon, handang simulan ang isang walang hanggang paglalakbay kasama ang aking asawa sa walang hanggan.” Mukhang handa siya hindi lamang para sa isang kaganapan.
Ang mahal naming tinedyer na apong babae ay nag-iwan sa akin ng sulat sa unan ko kamakailan at sinabi sa isang bahagi: “Ang isang bagay na nakagulat po sa akin pagpasok ko sa templo ay ang payapa at magiliw na espiritung naroon. … Makakapunta ang mga tao sa templo para tumanggap ng inspirasyon.”1 Tama siya. Maaari tayong tumanggap ng inspirasyon at paghahayag sa templo—at ng kapangyarihang kayanin ang mga paghihirap sa buhay. Ang natututuhan niya tungkol sa templo sa palagian niyang pakikibahagi sa pagdadala ng pangalan ng sarili niyang pamilya para magawan ng binyag at kumpirmasyon sa templo ang maghahanda sa kanya na tumanggap ng karagdagang mga ordenansa, tipan, at pagpapala sa templo, kapwa para sa kanyang sarili at sa mga nasa kabilang panig ng tabing.
Itinuro ni Elder Russell M. Nelson na, “Habang inihahanda ang mga templo para sa mga tao, kailangang ihanda ng mga tao ang kanilang sarili para sa templo.”2
Nang basahin kong muli ang tungkol kay Kapitan Moroni sa Aklat ni Mormon, naalala ko na isa sa pinakamagagandang nagawa ni Moroni ay ang maingat niyang paghahanda sa mga Nephita na labanan ang nakakatakot na hukbo ng mga Lamanita. Ihihahanda Niya nang mabuti ang kanyang mga tao kaya nga nababasa natin na, “Masdan, sa … labis-labis na panggigilalas [ng mga Lamanita], [ang mga Nephita] ay nakahanda para sa kanila, sa isang kaparaanang hindi pa kailanman nalaman”3
Ang mga katagang iyon, “nakahanda … sa isang kaparaanang hindi pa kailanman nalaman,” ay talagang nakatawag sa aking pansin.
Paano tayo mas makapaghahanda para sa mga sagradong pagpapala ng templo? Itinuro ng Panginoon, “At muli, ako ay magbibigay sa inyo ng isang huwaran sa lahat ng bagay.”4 Isipin natin ang huwarang matatagpuan natin sa mga banal na kasulatan na makakatulong sa atin na mas makapaghanda. Ang paghahanda ni Moroni para labanan ang kaaway ay patuloy at tapat na pagsisikap, at gayundin ang kailangan sa huwarang ito.
Hindi ko pinagsasawaan ang magandang talinghaga ng Tagapagligtas tungkol sa limang matatalino at limang mangmang na dalaga. Bagama’t ang talinghagang ito ay tumutukoy sa pagiging handa para sa Ikalawang Pagparito ng ating Tagapagligtas, maihahalintulad natin ito sa pagiging handa para sa mga pagpapala ng templo, na maaaring maging katulad ng isang espirituwal na piging para sa mga taong handa rin.
Sa Mateo 25 mababasa natin:
“Kung magkagayon ay makakatulad ang kaharian ng langit sa sangpung dalaga, na kinuha ang kanilang mga ilawan, at nagsilabas upang salubungin ang kasintahang lalaki.
“At ang lima sa kanila’y matatalino, at ang lima’y mangmang. …
“[Sila na] matatalino ay nangagdala ng langis sa kanilang sisidlan na kasama ng kanilang mga ilawan.
“Samantalang nagtatagal nga ang kasintahang lalake, ay nangagantok silang lahat at nangakatulog.
“Datapuwa’t pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya.
“Nang magkagayo’y nagsipagbangong lahat ang mga dalagang yaon, at pinagigi ang kanilang mga ilawan.
“At sinabi ng mga mangmang sa matatalino, Bigyan ninyo kami ng inyong langis; sapagka’t nangamamatay ang aming mga ilawan.
“Datapuwa’t nagsisagot ang matatalino, na nangagsasabi, Baka sakaling hindi magkasiya sa amin at sa inyo: magsiparoon muna kayo sa nangagbibili, at magsibili kayo ng ganang inyo.
“At samantalang sila’y nagsisiparoon sa pagbili, ay dumating ang kasintahang lalake; at ang mga nahahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging ng kasalan: at inilapat ang pintuan.
“Pagkatapos ay nagsirating naman ang mga ibang dalaga, na nagsisipagsabi, Panginoon, Panginoon, buksan mo kami.
“Datapuwa’t sumagot siya at sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala.”5
Sa palagay ko walang sinuman, lalo na sa mga malambot ang puso, na hindi nalulungkot para sa mga mangmang na dalaga. At gustong sabihin ng ilan sa atin sa iba na, “Hindi ka ba puwedeng mamigay para maging maligaya ang lahat?” Pero isipin ninyo ito. Ito ay ikinuwento ng Tagapagligtas, at tinawag Niya ang lima sa kanila na “matatalino” at ang lima sa kanila na mga “mangmang.”
Habang itinuturing natin ang talinghagang ito bilang huwaran ng paghahanda para sa templo, isipin ang mga salita ng isang makabagong propeta na nagturo na “ang langis ng espirituwal na kahandaan ay hindi maaaring ipamigay.”6 Tumulong si Pangulong Spencer W. Kimball sa paglilinaw kung bakit ang limang “matatalinong” dalaga ay hindi makapagbigay ng langis ng kanilang mga ilawan sa mga “mangmang” nang sabihin niyang: “Ang pagdalo sa mga sacrament meeting ay nagdaragdag ng langis sa ating mga ilawan, bawat patak sa paglipas ng mga taon. Ang pag-aayuno, panalangin ng pamilya, home teaching, pagkontrol ng pita ng katawan, pangangaral ng ebanghelyo, pag-aaral ng mga banal na kasulatan—bawat gawa ng katapatan at pagsunod ay isang patak na nadaragdag sa ating imbak na langis. Ang mga gawa ng kabaitan, pagbabayad ng mga handog at ikapu, malilinis na kaisipan at kilos … —ang mga ito rin ay mahalagang kontribusyon sa langis na sa hatinggabi ay mailalagay natin sa ating mga ilawan na naubusan na ng langis.”7
Nakikita ba ninyo ang huwaran ng pagiging handa—bawat patak—na makatutulong sa atin habang iniisip natin kung paano tayo magiging mas masigasig sa ating paghahanda para matanggap ang sagradong mga ordenansa para sa ating sarili at sa iba? Ano pa ang mumunti at simpleng bagay na maaari nating gawin para madagdagan ng mahahalagang espirituwal na patak ng langis ang ating mga ilawan ng paghahanda?
Nalaman natin mula kay Elder Richard G. Scott na ang “pagiging karapat-dapat ng ating sarili ay mahalagang sangkap para matamasa ang mga pagpapala ng templo. … Ang karapat-dapat na pag-uugali ay nahuhubog sa buhay na hindi nagbabago sa pagpili ng tama na nakasentro sa mga turo ng Guro.”8 Gustung-gusto ko ang salitang hindi nagbabago. Ang hindi pagbabago ay pagiging matatag, matapat, at maaasahan. Napakagandang paglalarawan ng alituntunin ng pagiging karapat-dapat!
Ipinaaalala sa atin sa Bible Dictionary: “Tahanan lamang ang makahahambing sa kasagraduhan ng templo.”9 Akma ba ang ating tahanan o apartment sa paglalarawang iyan? Isang mahal na dalaga sa aming ward ang dumating sa aming tahanan kamakailan. Batid na kababalik lang ng kuya niya mula sa misyon, tinanong ko siya kung ano ang pakiramdam nang makauwi itong muli. Masarap daw ang pakiramdam, pero itinatanong daw nito paminsan-minsan kung puwedeng hinaan ang pagpapatugtog niya ng musika. Sabi niya, “At ni hindi nga masama ang tugtuging iyon!” Maaaring makabuluhang suriin natin ang ating sarili paminsan-minsan upang matiyak na madarama natin ang Espiritu sa ating tahanan. Habang inihahanda natin ang ating mga tahanan kung saan malugod na tinatanggap ang Espiritu, mas magiging “palagay” ang ating kalooban kapag pumasok na tayo sa bahay ng Panginoon.
Kapag inihanda natin ang ating sarili na karapat-dapat na pumasok sa templo at tapat tayo sa mga tipan sa templo, ipagkakaloob ng Panginoon ang “napakaraming pagpapala”10 sa atin. Kamakailan ay binaligtad ng butihing kaibigan kong si Bonnie Oscarson ang isang talata nang sabihin niyang, “Sa kanya na hihingan ng marami ay bibigyan ng mas marami.”11 Talagang sang-ayon ako riyan! Dahil nagpupunta tayo sa templo para tumanggap ng walang hanggang mga pagpapala, hindi tayo dapat magulat na mas mataas na pamantayan ang kailangan para maging marapat sa mga pagpapalang iyon. Muling itinuro ni Elder Nelson: “Dahil ang templo ay bahay ng Panginoon, itinalaga Niya ang mga pamantayan para makapasok dito. Pumapasok ang isang tao bilang Kanyang bisita. Ang magkaroon ng [temple recommend] ay walang katumbas na pribilehiyo at nakikitang palatandaan ng pagsunod sa Diyos at sa Kanyang mga propeta.”12
Ang mga world-class athlete at university doctoral student ay gumugugol ng maraming oras at araw at linggo at buwan at maging ng mga taon ng paghahanda. Ang bawat patak sa araw-araw na paghahanda ay kailangan upang manguna sila. Gayundin naman, ang mga naghahangad na maging marapat sa kadakilaan sa kahariang selestiyal ay inaasahang ipamumuhay ang mas mataas na pamantayan ng pagsunod na nagmumula sa unti-unti at araw-araw na pagsunod.
Habang patuloy at masigasig nating dinaragdagan ng bawat patak ng langis ang ating mga espirituwal na ilawan, sa paggawa ng mga munti at simpleng bagay na ito, mapapanatili natin ang ating mga ilawan na “may langis at nagniningas”13 na may pambihirang paghahanda. Ang guwapo kong asawa, na isang stake president, ay nagsabi kailan lang na halos palagi niyang nalalaman kapag ang isang tao ay handa at karapat-dapat na pumasok sa templo, dahil “natatanglawan nila ang silid” pagpasok nila para kumuha ng temple recommend.
Sa panalangin sa paglalaan ng Kirtland Temple, hiniling ni Propetang Joseph Smith sa Panginoon “na ang lahat ng taong papasok sa pintuan ng bahay ng Panginoon ay madama ang inyong kapangyarihan, … nang sila ay lumaki sa inyo, at makatanggap ng kaganapan ng Espiritu Santo, … at maging handa na matamo ang bawat kinakailangang bagay.”14
Dalangin ko na maging higit pa sa isang beses ang pagpunta natin sa templo. Nawa’y maghanda tayo na maging marapat na tumanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa at buong puso nating sundin ang kaugnay na mga tipan. Kapag ginawa natin ito, alam ko na magiging marapat tayong tumanggap ng ipinangakong mga pagpapala ng kaganapan ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan ng Panginoon sa ating tahanan at kani-kanyang buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.