Papanatagin Mo ang Landas ng Iyong mga Paa
Sa pag-asa natin kay Jesus bilang ating Huwaran at sa pagsunod sa Kanyang mga yapak, makababalik tayo nang ligtas sa ating Ama sa Langit.
Mahal kong mga kapatid, mapagpakumbaba akong nakatayo sa harapan ninyo ngayong umaga. Hinihiling ko ang inyong pananampalataya at panalangin para sa akin habang ibinabahagi ko sa inyo ang aking mensahe.
Lahat tayo ay nagsimula sa isang napakaganda at mahalagang paglalakbay nang lisanin natin ang daigdig ng mga espiritu at pumarito sa tinatawag na mortalidad na kadalasang puno ng pagsubok. Ang mga pangunahing layunin ng ating buhay sa lupa ay magkaroon ng katawang may laman at buto, magkaroon ng karanasan na mangyayari lamang kapag nawalay tayo sa ating mga magulang sa langit, at masubukan kung susunod tayo sa mga kautusan. Sa aklat ni Abraham kabanata 3 mababasa natin: “At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.”1
Nang pumarito tayo sa mundo, taglay natin ang dakilang kaloob mula sa Diyos—maging ang ating kalayaan. Sa napakaraming paraan may pribilehiyo tayong magpasiya para sa ating sarili. Dito ay natututo tayo sa mahihirap na karanasan. Nahihiwatigan natin ang mabuti at masama. Nakikilala natin ang pagkakaiba ng mapait sa matamis. Nalalaman natin na ang mga desisyon ang nagtatakda ng tadhana.
Natitiyak ko na nilisan natin ang ating Ama sa Langit na may matinding hangarin na makabalik sa Kanya, upang matamo natin ang kadakilaang ipinlano Niya para sa atin at labis nating hinahangad. Bagama’t hinahayaan tayong hanapin at sundan ang landas na aakay sa atin pabalik sa Ama sa Langit, hindi Niya tayo ipinadala rito nang walang direksyon at patnubay. Sa halip, binigyan Niya tayo ng mga kagamitang kailangan natin, at tutulungan Niya tayo kapag hiningi natin ang tulong Niya at ginawa ang lahat ng ating makakaya upang makapagtiis hanggang wakas at magtamo ng buhay na walang hanggan.
Para magabayan tayo nasa atin ang mga salita ng Diyos at ng Kanyang Anak na matatagpuan sa ating mga banal na kasulatan. Nasa atin ang payo at mga turo ng mga propeta ng Diyos. Higit sa lahat, binigyan tayo ng sakdal na halimbawang susundan—maging ang halimbawa ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo—at inutusan tayong sundan ang halimbawang iyon. Sinabi mismo ng Tagapagligtas: “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”2 “Ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin.”3 Nagtanong Siya, “Anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” At pagkatapos ay sumagot Siya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko.”4 “Namuno Siya at landas ay itinuro.”5
Sa pag-asa natin kay Jesus bilang ating Huwaran at sa pagsunod sa kanyang mga yapak, makababalik tayo nang ligtas sa ating Ama sa Langit upang makapiling Siya magpakailanman. Sabi ng propetang si Nephi, “Maliban sa ang tao ay magtiis hanggang wakas, sa pagsunod sa halimbawa ng Anak ng Diyos na buhay, siya ay hindi maaaring maligtas.”6
Ibinubulalas ng isang babae tuwing ikukuwento ang mga karanasan niya sa pagbisita sa Banal na Lupain, “Nilakaran ko ang nilakaran ni Jesus!”
Nalibot niya ang lugar kung saan nanirahan at nagturo si Jesus. Siguro tumayo siya sa isang malaking bato na dating tinayuan ni Jesus o minasdan niya ang kabundukang dating minasdan ni Jesus. Ang mga karanasang iyon mismo ay labis na niyang ikinatuwa; ngunit ang maglakad kung saan naglakad si Jesus ay hindi kasinghalaga ng mamuhay na tulad Niya. Ang pagtulad sa Kanyang mga kilos at pagsunod sa Kanyang halimbawa ay mas mahalaga kaysa pagtunton sa mga bakas na nilakaran Niya sa buhay na ito.
Nang anyayahan ni Jesus ang isang mayamang lalaki na, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin,”7 hindi Niya layon na sundan lang Siya ng mayamang lalaking iyon paakyat at pababa sa mga burol at lambak ng kaparangan.
Hindi natin kailangang lumakad sa mga pampang ng Galilea o sa mga burol ng Judea para lakaran ang nilakaran ni Jesus. Malalakaran nating lahat ang landas na nilakaran Niya kapag ipinasiya natin, tuwing naririnig natin ang Kanyang mga salita, napupuspos ng Kanyang Espiritu ang ating puso, at ginagabayan tayo ng Kanyang mga turo, na sundan Siya sa paglalakbay natin sa buhay na ito. Ang Kanyang halimbawa ang tumatanglaw sa daan. Sabi Niya, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay.”8
Sa pagsisiyasat natin sa landas na nilakaran ni Jesus, makikita natin na dinanas din Niya ang maraming hamon na daranasin natin sa buhay.
Halimbawa, naranasan ni Jesus ang mabigo. Bagama’t dumanas Siya ng napakaraming kabiguan, ang isa sa mga nakakaantig ay ang kalungkutang nadama Niya para sa Jerusalem nang magwakas na ang Kanyang ministeryo sa mga tao. Tinalikuran ng mga anak ni Israel ang ligtas na pangangalagang inialok Niya sa kanila. Nang pagmasdan Niya ang lungsod na malapit nang mawasak, napuspos Siya ng matinding kalungkutan. Sa pagdadalamhati nagsumamo Siya, “Oh Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta, at mga bumabato sa mga sinugo sa kaniya! Makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang sariling mga sisiw, sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, at ayaw kayo!”9
Naranasan ni Jesus ang tuksuhin. Ang masamang si Lucifer, na tinipon ang pinakamatindi niyang sandata, ang kaakit-akit niyang panlilinlang, ay tinukso Siya na mag-ayuno nang 40 araw at 40 gabi. Hindi nagpatangay si Jesus; nilabanan Niya ang bawat tukso. Ang patapos Niyang sinabi: “Humayo ka, Satanas.”10
Naranasan ni Jesus ang masaktan. Isipin ang Getsemani, kung saan Siya ay “[nanlumo] … at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa.”11 At walang makalilimot sa Kanyang pagdurusa sa malupit na krus.
Bawat isa sa atin ay tatahak sa landas ng kabiguan, marahil dahil sa pagkakataong nawala, kapangyarihang naabuso, mga desisyon ng isang minamahal, o desisyon natin mismo. Mararanasan din nating maharap sa tukso. Mababasa natin sa ika-29 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan: “At talagang kinakailangan na ang diyablo ay tuksuhin ang mga anak ng tao, o hindi sila magiging kinatawan ng kanilang sarili.”12
Daranasin din natin ang masaktan. Tayo, bilang mga lingkod, ay hindi makakaasang mahigitan ang Panginoon, na nilisan ang buhay na ito matapos dumanas ng matinding hirap at pagdurusa.
Bagama’t daranas tayo ng mapait na kalungkutan, makasusumpong din tayo ng malaking kaligayahan.
Tayo, kasama si Jesus, ay maaaring sumunod. Hindi ito laging magiging madali, ngunit hayaang maging sawikain natin ang pamanang iniwan sa atin ni Samuel: “Narito, ang pagsunod ay maigi kay sa hain, at ang pagdinig kay sa taba ng mga tupang lalake”13 Alalahanin natin na ang bunga ng pagsuway ay pagkabihag at kamatayan, samantalang ang gantimpala sa pagsunod ay kalayaan at buhay na walang hanggan.
Tayo, tulad ni Jesus, ay maaaring maglingkod. Tulad sa isang maliwanag na tanglaw ng kabutihan ang buhay ni Jesus nang Siya ay maglingkod sa mga tao. Binigyan Niya ng lakas ang mga paa ng pilay, paningin ang mga mata ng bulag, pandinig ang mga tainga ng bingi.
Nanalangin si Jesus. Tinuruan Niya tayo kung paano manalangin nang bigyan Niya tayo ng magandang panalanging kilala natin bilang Panalangin ng Panginoon. At sino ang makalilimot sa Kanyang panalangin sa Getsemani na, “Huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo”?14
Ang iba pang mga tagubiling ibinigay sa atin ng Tagapagligtas ay abot-kamay natin, na matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Sa Kanyang Sermon sa Bundok, sinasabi Niya sa atin na maging maawain, mapagpakumbaba, matwid, dalisay ang puso, mga tagapamayapa. Tinuturuan Niya tayo na matapang na manindigan sa ating mga paniniwala, kahit pa tayo kutyain at usigin. Inuutusan Niya tayong pagliwanagin ang ating ilaw upang makita ito ng iba at luwalhatiin ang ating Ama sa Langit. Tinuturuan Niya tayong maging malinis ang moralidad kapwa sa ating isip at gawa. Sinasabi Niya sa atin na mas mahalagang mag-ipon ng kayamanan sa langit kaysa sa lupa.15
Ang Kanyang mga talinghaga ay nagtuturo nang may kapangyarihan at awtoridad. Sa salaysay tungkol sa mabuting Samaritano, tinuturuan Niya tayong mahalin at paglingkuran ang ating kapwa.16 Sa Kanyang talinghaga ng mga talento, tinuturuan Niya tayong paghusayin ang ating sarili at sikaping maging perpekto.17 Sa talinghaga ng nawawalang tupa, inuutusan Niya tayong sagipin ang mga nalihis ng landas at naligaw.18
Habang sinisikap nating gawing sentro si Cristo sa ating buhay sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang mga salita, pagsunod sa Kanyang mga turo, at pagtahak sa Kanyang landas, nangangako Siyang bibigyan Niya tayo ng buhay na walang hanggan na sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan ay ating nakamit. Wala nang mas matayog pang adhikain kaysa rito, na piliin nating tanggapin ang Kanyang pamamaraan at maging Kanyang mga disipulo at gawin ang Kanyang gawain habambuhay. Wala nang iba, wala nang iba pang desisyong magagawa tayo, na makapagbibigay sa atin ng maibibigay Niya.
Habang iniisip ko ang mga tunay na nagsikap na sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas at tumahak sa Kanyang landas, agad kong naiisip ang mga pangalan nina Gustav at Margarete Wacker—dalawa sa higit na nagtataglay ng katangian ni Cristo na nakilala ko. Sila ay mga German na nandayuhan sa silangang Canada, at nakilala ko sila nang maglingkod ako bilang mission president doon. Si Brother Wacker ay isang barbero. Kahit kakaunti ang kabuhayan, ibinahagi nila ang lahat ng mayroon sila. Hindi sila biniyayaan ng mga anak, ngunit kinalinga nila ang lahat ng taong pumasok sa kanilang tahanan. Hinanap ng matatalino at mayayamang lalaki at babae ang mapagpakumbaba at hindi nakapag-aral na mga lingkod na ito ng Diyos at itinuring na mapalad sila kung makasama nila ang mga ito nang kahit isang oras man lang.
Pangkaraniwan ang kanilang anyo, hindi diretso at mahirap intidihin ang pagsasalita nila ng Ingles, at simple lang ang kanilang tirahan. Wala silang sariling kotse o telebisyon, ni hindi nila ginawa ang anumang mga bagay na karaniwang pinapansin ng mga tao. Subalit ang matatapat ay madalas bumisita sa kanila upang madama ang diwang naroon. Ang kanilang tahanan ay langit sa lupa, at ang diwang ipinadama nila ay dalisay na kapayapaan at kabutihan.
Maaari ding mapasaatin ang diwang iyan at maibahagi ito sa iba kapag tinatahak natin ang landas ng ating Tagapagligtas at sinusundan natin ang Kanyang sakdal na halimbawa.
Mababasa natin sa Mga Kawikaan ang payo na, “Papanatagin mo ang landas ng iyong mga paa.”19 Sa paggawa natin nito, magkakaroon tayo ng pananampalataya, maging ng hangarin, na tahakin ang landas na tinahak ni Jesus. Hindi tayo magdududa na nasa landas tayo na gustong ipatahak sa atin ng ating Ama. Ang halimbawa ng Tagapagligtas ay nagsisilbing balangkas para sa lahat ng ating ginagawa, at ang Kanyang mga salita ay maaasahang gabay. Ang Kanyang landasin ang ligtas na aakay sa atin pauwi. Nawa’y ito ang ating maging pagpapala, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, na aking minamahal, pinaglilingkuran, at pinatototohanan, amen.