Naglaan ng Tulong ang LDS Charities
Simula noong mga unang araw ng Panunumbalik, ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kilala sa determinasyon nilang tulungan at pasiglahin ang mga taong nagdurusa.
Nitong mga nakaraang taon, ang mga miyembro ng Simbahan at iba pa, sa pamamagitan ng bukas-palad na kontribusyon, ay naglaan ng paraan para matulungan ng Church Humanitarian Services program ang buhay ng mga tao sa buong mundo. Noong 2013 lamang, natulungan ng LDS humanitarian program ang mahigit 10.5 milyong katao sa 130 bansa.
Nagsimula ito sa pagbibigay ng kaginhawahan at pagkain hanggang sa paglalaan ng malinis na tubig; training sa mga komadrona at doktor para iligtas ang buhay ng libu-libong bagong silang na sanggol; at pagbibigay ng mga wheelchair. Bukod pa rito, ang Simbahan ay tumutulong sa pangangalaga sa mata at pagbibigay ng training, bakuna, at pagtulong sa mga komunidad na magtanim ng masusustansyang pagkain.
Pagtulong sa mga Refugee
Ang Simbahan ay patuloy at nagsisikap nang husto na matulungan ang mga refugee gayundin ang iba pa na nagdurusa sa mga kaguluhan at kakulangan ng mga pagkain. Kamakailan:
-
Ang Simbahan ay nagbigay ng libu-libong mga tolda at suplay ng pangunahing pagkain sa mga pamilya sa Chad at nagtayo ng mga poso, palikuran, at paliguan sa mga refugee camp sa Burkina Faso.
-
Sa rehiyon ng Jordan, Syria, Lebanon, Iraq at Kurdish, ang LDS Charities ay namahagi ng mga supot ng pagkain, kumot, medical supply, hygiene kit, kagamitan sa pagtulog at damit-panlamig. Sa rehiyon ng Iraq at Kurdish, nagpadala ng mga wheelchair at iba pang mga kagamitan para makakilos at ibinigay sa mga taong nasaktan sa kaguluhan.
-
Sa Gaza, nagbigay ng mga pharmaceuticals, gamot, at pulbos na gatas sa central hospital.
-
Sa Israel, ultrasound equipment ang ibinigay sa isang ospital.
-
Sa Ukraine at Russia, ang Simbahan ay nakipagtulungan sa United Nations Development Program sa paglalaan ng pagkain, tulugan, damit, at mga personal hygiene item para sa 30,000 katao na nawalan ng tirahan dahil sa kaguluhang sibil.
Ang LDS Charities ay nananatiling walang kinikilingan sa pulitika at tinutulungan ang mga tao anuman ang relihiyon nila.
Pagkakawanggawa
Tumutulong din ang Simbahan kapag may nangyayaring mga kalamidad.
-
Sa Sierra Leone at Liberia, ang Simbahan ay nagpadala ng 1,600 na mga boluntaryo sa lugar para magbigay ng training kung paano iiwasan ang Ebola virus at naglaan ng pagkain at pangunahing sanitasyon at medical supply.
-
Kasunod ng pagbaha sanhi ng matinding ulan sa Pakistan at India, ang Simbahan ay nagbigay ng mga pagkain, hygiene kit at medical supply.
-
Sa Tonga, winasak ng bagyo ang daan-daang kabahayan, pati na ang tirahan ng 116 na mga pamilya na miyembro ng Simbahan. Tutulong ang mga miyembro sa muling pagtatayo ng kanilang mga tahanan. Tumanggap sila ng training sa pagtatayo ng sarili nilang tirahan at pagkatapos ay hiniling sa kanila na tumulong sa pagtatayo ng bahay ng apat na tao. Ang Simbahan ay muling nagtatanim at nagbibigay ng training tungkol sa paghahalaman sa tahanan.
-
Sa Mexico, nang masira o mawasak ng bagyo ang libu-libong kabahayan, ang mga lokal na lider ng Simbahan ay nagbigay ng pagkain at tubig sa apektadong mga miyembro, at ang Simbahan ay nakipagtulungan sa pamahalaan ng estado sa pagbibigay ng pagkain.
Ang Magagawa Ninyo
Ang pagbibigay ng mga donasyon sa Humanitarian Aid fund ng Simbahan ay nagpapabilis sa pagtugon ng Simbahan sa mga krisis. Bukod pa rito, saanman sila naninirahan, ang mga miyembro ay maaaring magpakita ng pagmamahal na katulad ng kay Cristo, magbigay ng paglilingkod, at paggalang sa lahat ng tao. Ang pagpansin sa mga refugee at nandayuhan sa sarili nating komunidad, o sa mga dumaranas ng hirap, at ang pakikipagkaibigan sa kanila, pagpapakita ng malasakit, at pagtanggap ay gawain ni Cristo na hindi mawawalang-saysay.
Sa pamamagitan ng humanitarian organization, sinisikap ng Simbahan na masunod ang payo ni Pangulong Thomas S. Monson na “mapalalakas natin ang isaʼt isa; may kakayahan tayong tulungan ang mga napabayaan. Kapag may mata tayong nakakakita, taingang nakakarinig, at pusong nakababatid at nakadarama, kaya nating tumulong at sumagip” (“Ang Tawag na Maglingkod,” Liahona, Ene. 2001, 58).