Malaya Magpakailanman, na Kumilos para sa Kanilang Sarili
Kalooban ng Diyos na maging malaya tayong kalalakihan at kababaihan na may kakayahang maabot ang ating buong potensyal kapwa sa temporal at sa espirituwal.
Kabilang sa dula ni William Shakespeare na The Life of King Henry V [Ang Buhay ni Haring Henry V] ang tagpo sa gabi sa kampo ng mga sundalong Ingles sa Agincourt bago sila nakidigma sa hukbong Pranses. Sa malamlam na liwanag at medyo nakabalatkayo, gumala si King Henry nang hindi nakikilala ng kanyang mga sundalo. Kinausap niya sila, na sinisikap sukatin ang sigla ng kanyang mga sundalo na mas kaunti kaysa sa mga kalaban, at dahil hindi nila siya nakilala, prangkahan silang nagsalita. Sa isang pag-uusap pinag-usapan nila kung sino ang mananagot sa mangyayari sa mga sundalo—ang hari ba o ang bawat sundalo.
Sa isang punto sinabi ni King Henry, “Palagay ko mas gusto ko pang mamatay sa hukbo ng hari kaysa ibang lugar; mabuti ang layon niya.”
Sumagot si Michael Williams, “Hindi natin alam iyan.”
Sumang-ayon ang kasama niya, “Tama, hindi na natin dapat alamin iyan; sapat nang alam natin na tauhan tayo ng hari: kung masama ang layon niya, wala tayong kasalanan dahil sumunod lang tayo sa kanya.”
Dagdag pa ni Williams, “Kung masama ang layon ng hari, siya lang ang mananagot sa lahat.”
Hindi nakapagtatakang tumutol si King Henry. “Bawat tauhan ng hari ay mananagot sa hari; ngunit bawat tao ay mananagot para sa kanyang sarili.”1
Hindi tinangka ni Shakespeare na ayusin ang debateng ito sa dula, at sa iba’t ibang kaparaanan ang debateng ito ay patuloy sa ating panahon—sino ang mananagot sa mangyayari sa ating buhay?
Kapag masama ang kinalabasan, malamang na masisi ang iba o maging ang Diyos. Kung minsan umaasa ang ilan sa iba, at ipinapasa ng mga tao o grupo sa ibang tao o sa pamahalaan ang responsibilidad para sa kanilang kapakanan. Sa espirituwal na mga bagay inaakala ng ilan na ang kalalakihan at kababaihan ay hindi kailangang magsikap na maging mabuti—dahil mahal tayo at inililigtas tayo ng Diyos “batay sa kung ano tayo.”
Ngunit layon ng Diyos na dapat kumilos ang Kanyang mga anak ayon sa kalayaang moral na ibinigay Niya sa kanila, “upang ang bawat tao ay managot sa kanyang sariling mga kasalanan sa araw ng paghuhukom.”2 Kanyang plano at kalooban na tayo mismo ang gumawa ng desisyon sa ating buhay. Hindi ang Diyos ang magpapatakbo ng buhay natin ni hindi Niya tayo kokontrolin na parang tayo ay Kanyang mga manika, gaya ng minsang iminungkahing gawin ni Lucifer. Ni hindi tatanggapin ng Kanyang mga propeta ang papel ng “puppet master” bilang kahalili ng Diyos. Sinabi ni Brigham Young: “Ayaw kong masiyahan ang sinumang Banal sa mga Huling Araw sa mundong ito, ni sa langit, sa anumang bagay na ginagawa ko, maliban kung pasayahin sila ng Espiritu ng Panginoong Jesucristo, ang diwa ng paghahayag. Nais kong sila mismo ang makaalam at maunawaan nila mismo.”3
Kaya hindi tayo inililigtas ng Diyos “sa kung ano tayo,” una, dahil “kung ano tayo” tayo ay marumi, at “walang maruming bagay ang makatatahan … sa kanyang kinaroroonan; sapagkat, sa wika ni Adan, Tao ng Kabanalan ang kanyang pangalan, at ang pangalan ng Kanyang Bugtong na Anak ay Anak ng Tao [ng Kabanalan].”4 At pangalawa, ang Diyos ay hindi kikilos para gawin tayong isang bagay na hindi naman natin piniling maging. Tunay na mahal Niya tayo, at dahil mahal Niya tayo, hindi Niya tayo pinipilit ni pinababayaan. Sa halip tinutulungan at ginagabayan Niya tayo. Tunay na ang katibayan ng pag-ibig ng Diyos ay ang Kanyang mga kautusan.
Dapat (at tunay tayong) nagagalak sa inorden na plano ng Diyos na nagtutulot sa ating gumawa ng mga pagpili para kumilos para sa ating sarili at maranasan ang mga ibubunga, o gaya ng nakasaad sa banal na kasulatan upang “[matikman] ang pait, upang [ating] matutuhang pahalagahan ang mabuti.”5 Lubos tayong nagpapasalamat na sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay nadaig ang orihinal na kasalanan upang maisilang tayo sa mundong ito nang hindi pinarurusahan sa kasalanang ginawa ni Adan.6 Dahil natubos mula sa Pagkahulog, nagsisimula tayong mamuhay nang malinis sa harapan ng Diyos at “naging malaya magpakailanman, nakikilala ang mabuti sa masama; kumikilos para sa [ating] sarili at hindi pinakikilos.”7 Maaari nating piliin kung anong uri ng tao natin nais maging, at sa tulong ng Diyos, maaari pa tayong maging tulad Niya.8
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbubukas ng landas tungo sa maaari nating kahinatnan. Sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, mabubura ang ating kabiguang ipamuhay ang selestiyal na batas nang ganap at palagian at maaari tayong magkaroon ng katangian ni Cristo. Gayunman, hinihingi ng katarungan na huwag mangyari ito hangga’t hindi tayo handang pumayag at makibahagi. Gayon na ito noon pa man. Ang presensya natin mismo sa lupa bilang mga pisikal na nilalang ang bunga ng pagpili ng bawat isa sa atin na makibahagi sa plano ng ating Ama.9 Sa gayon, ang kaligtasan ay hindi bunga lamang ng kalooban ng Diyos, at hindi rin ito nangyayari nang dahil lamang sa kalooban ng Diyos.10
Ang katarungan ay isang mahalagang katangian ng Diyos. Maaari tayong sumampalataya sa Diyos dahil Siya ay lubos na mapagkakatiwalaan. Itinuturo sa atin sa mga banal na kasulatan na “ang Diyos ay hindi lumalakad sa mga liku-likong landas, ni siya ay bumabaling sa kanan ni sa kaliwa, ni siya ay nagpapabagu-bago sa yaong kanyang sinabi, samakatwid ang kanyang landas ay tuwid, at ang kanyang hakbangin ay isang walang hanggang pag-ikot”11 at na “hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao.”12 Nakasalig tayo sa banal na katangian ng katarungan para sa pananampalataya, tiwala, at pag-asa.
Ngunit bunga ng pagiging lubos na makatarungan, may ilang bagay na hindi magagawa ng Diyos. Hindi Niya makatwirang maililigtas ang ilan at mapaparusahan ang iba. Siya ay “hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang.”13 Hindi Niya matutulutang mangibabaw ang awa sa katarungan.14
Ang katotohanan na itinakda ng Diyos ang alituntunin ng awa ay malakas na katibayan ng Kanyang katarungan. Siya ay makatarungan kaya Siya nagbuo ng paraan para magkaroon ng mahalagang papel ang awa sa ating walang-hanggang tadhana. Kaya ngayon, “isinasagawa ng katarungan ang lahat ng kanyang hinihingi, at inaangkin din ng awa ang lahat ng kanya.”15
Alam natin na “ang mga pagdurusa at ang kamatayan niya na walang ginawang kasalanan, na … lubos na kinalulugdan [ng Ama]; … ang dugo ng [Kanyang] Anak na nabuhos”16 ang tumutugon sa mga hinihingi ng katarungan, nagpaparating ng awa, at tumutubos sa atin.17 Magkagayunman, “alinsunod sa katarungan, ang plano ng pagtubos ay hindi maisasakatuparan, kung hindi tanging sa mga hinihingi ng pagsisisi.”18 Ang pangangailangan at pagkakataong magsisi ang nagtutulot sa awa na isagawa ang tungkulin nito nang hindi pinangingibabawan ang katarungan.
Namatay si Cristo upang iligtas ang mga tao nang walang kundisyon kundi upang mag-alay ng pagsisisi. Umaasa tayo “nang lubos sa awa niya na makapangyarihang magligtas”19 sa proseso ng pagsisisi, ngunit ang pagkilos para magsisi ay kusang-loob na pagbabago. Kaya sa paggamit sa pagsisisi bilang kondisyon sa pagtanggap ng kaloob na biyaya, ibinibigay pa rin sa atin ng Diyos ang sariling pananagutan. Iginagalang at pinalalakas ng pagsisisi ang ating kalayaang moral: “At sa gayon mabibigyang-kasiyahan ng awa ang hinihingi ng katarungan, at yayakapin sila ng mga bisig ng kaligtasan, samantalang siya na hindi magkakaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi ay nakalantad sa buong batas na hinihingi ng katarungan; anupa’t siya lamang na may pananampalataya tungo sa pagsisisi ang madadala sa dakila at walang hanggang plano ng pagtubos.”20
Ang maling pag-unawa sa katarungan at awa ng Diyos ay iba; ang pagtatwa sa pag-iral o pangingibabaw ng Diyos ay iba rin, ngunit sa kahit alin dito ay kaunti lang ang makakamit natin—minsan talagang kakaunti—kaysa sa ating ganap at banal na potensiyal. Ang isang Diyos na walang hinihingi ay tulad sa isang Diyos na hindi umiiral. Ang mundong walang Diyos, buhay na Diyos na nagtatakda ng mga batas sa kagandahang-asal para pamahalaan at gawing perpekto ang Kanyang mga anak, ay isang mundo na walang katotohanan o katarungan sa huli. Ito ay isang mundo kung saan tanggap ng lahat na ang tama at mali ay depende sa tao.
Ang ibig sabihin ng depende sa tao ay ang tao mismo ang may pinakamataas na awtoridad sa kanyang sarili. Siyempre, hindi lamang ang mga nagtatatwa sa Diyos ang yumayakap sa pilosopiyang ito. Naniniwala pa rin ang ilang nananalig sa Diyos na sila mismo ang magpapasiya kung ano ang tama at mali. Ipinahayag ito ng isang young adult nang ganito: “Palagay ko hindi ko masasabi na ang Hinduismo ay mali o ang Katolisismo ay mali o ang pagiging Episcopalian ay mali—depende lang ito sa pinaniniwalaan mo. … Palagay ko walang tama at mali.”21 Sagot ng isa pa, nang matanong kung ano ang batayan ng kanyang paniniwala sa relihiyon: “Para sa akin—diyan talaga ang bagsak niyan. Ibig kong sabihin walang anumang may awtoridad na sabihin kung ano ang dapat na paniwalaan mo?”22
Sa mga naniniwala na maaaring totoo ang anuman o lahat ng bagay, ang pagpapahayag ng katotohanan para sa lahat na walang pinapanigan at permanente ay parang pamimilit—“Hindi ako dapat mapilitang maniwala na totoo ang isang bagay na ayaw ko.” Ngunit hindi niyan binabago ang katotohanan. Ang pag-ayaw sa batas ng gravity ay hindi mapipigil ang pagbagsak ng isang tao kung mahulog siya sa bangin. Totoo rin iyan sa walang-hanggang batas at katarungan. Ang kalayaan ay hindi natatamo sa pag-ayaw rito kundi sa paggamit nito. Mahalaga iyan sa sariling kapangyarihan ng Diyos. Kung hindi sa katunayan ng permanente at di-mababagong mga katotohanan, mawawalan ng kabuluhan ang kaloob na pagpili dahil hindi natin makikinita o masasabi kailanman ang mga bunga ng ating mga kilos. Tulad ng pagkapahayag ni Lehi rito: “Kung sasabihin ninyong walang batas, sasabihin din ninyong walang kasalanan. Kung sasabihin ninyong walang kasalanan, sasabihin din ninyong walang katwiran. At kung walang katwiran ay walang kaligayahan. At kung walang kabutihan ni kaligayahan ay walang kaparusahan ni kalungkutan. At kung wala ang mga bagay na ito ay walang Diyos. At kung walang Diyos ay wala tayo, ni ang mundo; sapagkat hindi sana magkakaroon ng paglikha sa mga bagay, ni kumikilos o pinakikilos, anupa’t, lahat ng bagay ay tiyak na maglalaho.”23
Sa mga bagay na kapwa temporal at espirituwal, ang pagkakataong tumanggap ng personal na responsibilidad ay isang kaloob na bigay ng Diyos at kung wala ito ay hindi natin makakamit ang ating potensyal bilang mga anak ng Diyos. Ang personal na pananagutan ay nagiging karapatan at tungkulin na kailangan nating ipagtanggol palagi; sinalungat na ito bago pa Nilikha ang mundo. Kailangan nating ipagtanggol ang pananagutan laban sa mga tao at grupo (na kung minsa’y maganda ang layon) na pinaaasa tayo sa iba. At kailangan natin itong ipagtanggol laban sa sarili nating kagustuhang iwasan ang kailangang gawin upang magkaroon ng mga talento, kakayahan, at espirituwal na kahustuhan.
May kuwento tungkol sa isang lalaking ayaw talagang kumilos. Gusto niyang may mag-asikaso sa bawat kailangan niya. Akala niya, obligasyon ng Simbahan o pamahalaan, o ng dalawang ito, na buhayin siya dahil nagbayad siya ng kanyang ikapu at buwis. Wala siyang makain pero ayaw niyang magtrabaho para buhayin ang sarili. Desperado at yamot, ipinasiya ng mga taong nagsikap na tulungan siya na dahil ayaw niyang magtrabaho para buhayin ang sarili, mabuti pang dalhin na lang nila siya sa sementeryo at hayaan siyang mamatay. Papunta sa sementeryo, sabi ng isang lalaki, “Hindi natin magagawa ito. May kaunting mais akong ibibigay sa kanya.”
Kaya ipinaliwanag nila ito sa lalaki, at itinanong niya, “Naalisan na ba ng buhok?”
Sagot nila, “Hindi pa.”
“Kung gayon,” sabi niya, “dalhin na ninyo ako.”
Kalooban ng Diyos na tayo ay maging malalayang kalalakihan at kababaihan na may kakayahang maabot ang ating buong potensyal kapwa sa temporal at sa espirituwal, na maging malaya tayo sa nakapanliliit na mga limitasyon ng kahirapan at pagkaalipin sa kasalanan, na magkaroon tayo ng paggalang sa sarili at kalayaan, na maging handa tayo sa lahat ng bagay upang makapiling Siya sa Kanyang kahariang selestiyal.
Wala sa hinagap ko na makakamit ito sa pagsisikap lamang natin nang walang sapat at patuloy na tulong mula sa Kanya. “Nalalaman naming naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.”24 At hindi natin kailangang kamtin ang katamtamang lebel ng kakayahan o kabutihan bago tumulong ang Diyos—ang banal na tulong ay mapapasaatin sa bawat oras ng bawat araw, saan man tayo naroon sa landas ng pagsunod. Ngunit alam ko na bukod sa paghahangad ng tulong Niya, kailangan nating magsikap, magsisi, at piliin ang Diyos para palagi Siyang makakilos sa ating buhay nang may katarungan at kalayaang moral. Ang pakiusap ko ay tanggapin lamang ang responsibilidad at kumilos para may maitulong sa atin ang Diyos.
Pinatototohanan ko na ang Diyos Ama ay buhay, na ang Kanyang Anak na si Jesucristo ang ating Manunubos, at ang Banal na Espiritu ay sumasaatin. Walang dudang nais Nila tayong tulungan, at ang kakayahan Nilang gawin ito ay walang hanggan. Tayo nang “gumising, at bumangon mula sa alabok, … upang ang mga tipan ng Amang Walang Hanggan na kanyang ginawa sa [atin] ay matupad.”25 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.