2014
Pumili nang May Katalinuhan
Nobyembre 2014


Pumili nang May Katalinuhan

“Tumanggi sa kasamaan, at pumili ng mabuti” (Isaias 7:15).

Mahal kong mga kapatid, hangad ko ngayong gabi na magbahagi ng kaunting payo tungkol sa mga desisyon at pagpili.

Noong bata pa akong abugado sa San Francisco Bay Area, inasikaso ng aming law firm ang ilang papeles para sa kumpanyang gumawa ng Charlie Brown holiday TV specials.1 Naging idolo ko si Charles Shultz at ang kanyang likha—Peanuts, kasama sina Charlie Brown, Lucy, Snoopy, at iba pang kahanga-hangang mga tauhan.

Nasa isa sa paborito kong mga comic strip si Lucy. Naaalala ko na nasa isang mahalagang laro noon ang baseball team ni Charlie Brown—si Lucy ang nasa right field, at binatuhan siya ng isang bola na pumailanlang nang mataas sa ere. Puno ang mga base, at iyon ang huli sa ikasiyam na inning. Kung masasalo ni Lucy ang bola, mananalo ang kanyang team. Kung hindi masasalo ni Lucy ang bola, mananalo ang kalaban.

Sa isang tagpong nangyayari lamang sa comic strip, pinaligiran ng buong team si Lucy habang pababa ang bola. Inisip ni Lucy, “Kung masasalo ko ang bola, magiging bayani ako; kung hindi, pagtatawanan nila ako.”

Bumaba ang bola, at habang sabik na nakamasid ang kanyang mga kasamahan, hindi nasalo ni Lucy ang bola. Dahil sa inis, inihagis ni Charlie Brown ang kanyang guwantes sa lupa. Pagkatapos ay tumingin si Lucy sa kanyang mga kasamahan, namaywang, at sinabing, “Inaasahan ba ninyong masasalo ko ang bola samantalang nag-aalala ako sa foreign policy ng ating bansa?”

Isa ito sa maraming bola na hindi nasalo ni Lucy sa nakalipas na mga taon, at may bagong dahilan siya sa bawat pagkakataon.2 Kahit laging nakakatawa, ang mga dahilan ni Lucy ay pangangatwiran; ang mga ito ay hindi totoong dahilan ng kabiguan niyang saluhin ang bola.

Sa paglilingkod ni Pangulong Thomas S. Monson, madalas niyang ituro na mga desisyon ang nagpapasiya ng tadhana.3 Sa diwang iyan ang payo ko ngayong gabi ay iwaksi ang anumang pangangatwiran na humahadlang sa atin sa paggawa ng mabubuting desisyon, lalo na tungkol sa paglilingkod kay Jesucristo. Itinuro sa atin sa Isaias na kailangan tayong “tumanggi sa kasamaan, at piliin ang mabuti.”4

Naniniwala ako na napakahalaga sa ating panahon, kung saan malakas ang impluwensya ni Satanas sa puso ng mga tao sa maraming bago at tusong paraan, na pag-isipang mabuti ang ating mga pinipili at desisyon, ayon sa mga mithiin at layuning sinasabi natin na ating ipinamumuhay. Kailangan natin ng di-natitinag na katapatan sa mga kautusan at mahigpit na pagtupad sa mga sagradong tipan. Kapag tinulutan nating hadlangan tayo ng mga pangangatwiran para hindi natin matanggap ang mga endowment sa templo, magmisyon nang karapat-dapat, at makasal sa templo, lalo tayong mapapahamak. Nakalulungkot kapag sinabi natin na naniniwala tayo sa mga mithiing ito, subalit kinaliligtaan natin ang pag-uugaling kailangan sa araw-araw upang makamit ang mga ito.5

Ipinapahayag ng ilang kabataan ang kanilang mithiing makasal sa templo ngunit hindi nagdedeyt ng mga taong karapat-dapat sa templo. Ang totoo, ni hindi nakikipagdeyt ang ilan! Kayong mga binata, kapag hindi pa kayo nag-asawa gayong nasa hustong gulang na kayo, mas nagiging komportable kayo. Pero dapat ay lalo kayong maging hindi komportable! Maging “sabik sa paggawa”6 sa mga espirituwal na aktibidad at pakikihalubilo na akma sa inyong mithiing makasal sa templo.

Ipinagpapaliban ng ilan ang pag-aasawa hanggang sa makatapos ng pag-aaral at magkaroon ng trabaho. Kahit tanggap na ng lahat sa mundo, ang pangangatwirang ito ay hindi nagpapakita ng pananampalataya, taliwas sa payo ng mga makabagong propeta, at hindi tugma sa tamang doktrina.

Kamakailan ay may nakilala akong isang mabait na binatilyo. Ang kanyang mga mithiin ay makapagmisyon, makapag-aral, makasal sa templo, at magkaroon ng tapat at maligayang pamilya. Tuwang-tuwa ako sa kanyang mga mithiin. Ngunit habang nag-uusap kami, naging malinaw sa akin na ang kanyang pag-uugali at mga pasiya ay hindi nakaayon sa kanyang mga mithiin. Nadama ko na talagang gusto niyang magmisyon at umiiwas siyang magkasala nang mabigat na hahadlang sa kanya na magmisyon, ngunit ang ginagawa niya araw-araw ay hindi naghahanda sa kanya sa pisikal, emosyonal, sosyal, intelektuwal, at espirituwal na mga hamon na haharapin niya.7 Hindi siya natutong magsikap. Hindi siya seryoso sa pag-aaral o sa seminary. Nagsisimba siya, pero hindi nagbabasa ng Aklat ni Mormon. Nag-uukol siya ng maraming oras sa video games at social media. Akala niya ay sapat na ang makapagmisyon siya. Mga kabataang lalaki, mangyaring ibalik ang karapat-dapat na pagkilos at maging seryoso sa paghahanda na maging kinatawan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.

Ang inaalala ko ay hindi lamang ang malalaking desisyon sa buhay kundi pati na ang maliliit—ang araw-araw na buhay sa mundo at ang tila karaniwang mga desisyon na halos pinag-uukulan natin ng ating buong panahon. Sa mga bagay na ito, kailangan nating gamitin ang moderasyon, pagbalanse, at lalo na ang katalinuhan. Mahalagang iwaksi ang mga pangangatwiran at gumawa ng pinakamaiinam na pasiya.

Ang isang napakagandang halimbawa ng pangangailangan ng moderasyon, pagbalanse, at katalinuhan ay sa paggamit ng Internet. Magagamit ito sa pagtulong sa gawaing misyonero, sa pagtulong sa mga responsibilidad ng priesthood, sa paghahanap ng mahal nating mga ninuno para sa mga sagradong ordenansa sa templo, at marami pang iba. Malaki ang impluwensya nito para sa kabutihan. Alam din natin na maghahatid ito ng maraming kasamaan, kabilang na ang pornograpiya, kalupitan gamit ang digital device,8 at paglalagay ng walang kabuluhang komentaryo. Maaari din itong humantong sa walang katapusang kamangmangan. Tulad ng nakaaantig na turo ni Brother Randall L. Ridd sa huling pangkalahatang kumperensya, tungkol sa Internet, “Maaari kayong mabitag sa di mahahalagang bagay na sasayang sa inyong oras at magpapahina sa inyong kakayahang gumawa ng mabuti.”9

Ang mga panggagambala at oposisyon sa kabutihan ay hindi lamang sa Internet; nasa buong paligid ito. Naaapektuhan nito hindi lamang ang mga kabataan kundi tayong lahat. Nabubuhay tayo sa mundo na talagang nagkakagulo.10 Napaliligiran tayo ng walang-katapusang mga pagpapamalas ng “masasayang aktibidad” at mga imoral at walang-kabuluhang buhay. Ang mga ito ay ipinapakita sa halos lahat ng media bilang normal na pag-uugali.

Nagbabala kamakailan si Elder David A. Bednar sa mga miyembro na maging totoo sa paggamit ng social media.11 Binigyang-diin ito ng kilala at mapag-isip na lider na si Arthur C. Brooks. Napuna niya na kapag gumagamit tayo ng social media, inilalahad lang natin ang masasayang detalye ng ating buhay ngunit hindi ang hirap natin sa pag-aaral o trabaho. Nagpapakita tayo ng hindi kumpletong buhay—kung minsan ay sa mayabang o di-totoong paraan. Ibinabahagi natin ang buhay na ito, at pagkatapos ay pinag-uukulan natin ang “halos lubos … na pakunwaring buhay ng [ating] ‘mga kaibigan’ sa social media.” Giit ni Brooks, “Hindi talaga maganda sa pakiramdam ang iukol ang ilang oras mo sa pagkukunwaring mas masaya ka kaysa sa totoong nadarama mo, at iukol ang iba pang oras mo sa pagtingin kung gaano ang tila higit na kasayahan ng iba kaysa sa iyo.”12

Kung minsan parang puno tayo ng kahangalan, walang-katuturang ingay, at patuloy na pagtatalo. Kapag pinag-isipan natin ito at sinuring mabuti ang ating paligid, kakaunti ang makatutulong sa atin sa walang-hanggang paghahanap ng mabubuting mithiin. Isang ama ang matalinong tumugon sa kanyang mga anak sa marami nilang hiling na makisali sa walang kabuluhang mga bagay na ito. Tinanong lang niya sila, “Gagawin ba kayo nitong mas mabuting tao?”

Kapag pinangatwiranan natin ang mga maling pasiya, malaki man o maliit, na hindi nakaayon sa ipinanumbalik na ebanghelyo, nawawala ang mga pagpapala at proteksyong kailangan natin at madalas tayong mabitag sa kasalanan o maligaw ng landas.

Nag-aalala ako lalo na tungkol sa kamangmangan13 at pagkahumaling sa “bawat bagong bagay.” Sa Simbahan hinihikayat at iginagalang natin ang lahat ng uri ng katotohanan at kaalaman. Ngunit kapag inihiwalay ang kultura, kaalaman, at mga gawi ng lipunan sa plano ng kaligayahan ng Diyos at sa mahalagang papel ni Jesucristo, di-maiiwasang magkawatak-watak ang lipunan.14 Sa ating panahon, sa kabila ng mas malaking pag-unlad sa maraming aspeto, lalo na sa siyensya at komunikasyon, gumuguho na ang mahahalaga at pangunahing mga pinahahalagahan at nababawasan ang lubos na kaligayahan at kapakanan ng tao.

Nang anyayahang magsalita si Apostol Pablo sa Mars Hill sa Athens, nakita niya ang ilan sa kunwaring katalinuhang ito at ang kawalan ng tunay na katalinuhang umiiral ngayon.15 Sa Ang Mga Gawa mababasa natin ang salaysay na ito: “Lahat nga ng mga Ateniense at ang mga taga ibang bayang nakikipamayan doon ay walang ibang ginagawa, kundi ang magsipagsaysay o mangakinig ng anomang bagay na bago.”16 Binigyang-diin ni Pablo ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Nang matanto ng mga tao na tungkol sa relihiyon ang kanyang mensahe, nilibak siya ng ilan; binalewala siya ng iba na sinasabing, “Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.”17 Nilisan ni Pablo ang Athens nang bigo. Sumulat si Dean Frederic Farrar tungkol sa pagbisitang ito: “Sa Athens wala siyang itinatag na simbahan, sa Athens hindi siya nag-iwan ng sulat, at sa Athens, madalas kapag naparaan siya sa kalapit na lugar nito, hindi na siya muling tumatapak doon.”18

Naniniwala ako na ang inspiradong mensahe ni Elder Dallin H. Oaks na nagkukumpara sa “maganda, mas maganda, pinakamaganda” ay nagbibigay ng epektibong paraan na masuri ang mga desisyon at priyoridad.19 Maraming desisyon ang hindi naman masama, ngunit kapag ang mga ito ay umubos ng lahat ng ating oras at humadlang sa pinakamaganda nating mga desisyon, kung gayon ang mga ito ay nakasasama na sa atin.

Kahit ang makabuluhang mga adhikain ay kailangang suriin upang malaman kung hadlang na ang mga ito sa pinakamagagandang mithiin. Nagkaroon kami ng di-malilimutang pag-uusap ng aking ama noong tinedyer ako. Hindi siya gaanong naniniwala na ang mga kabataan ay nakatuon o naghahanda para sa mahahalagang mithiin na panghabang-buhay—gaya ng pagtatrabaho at pagtustos sa pamilya.

Ang makabuluhang pag-aaral at paghahandang makapagtrabaho ay laging nangunguna sa rekomendadong mga priyoridad ng aking ama. Naunawaan niya na ang mga extracurricular activity, gaya ng debate at pamamahala sa lupon ng mga estudyante ay maaaring may tuwirang koneksyon sa ilan sa mahahalaga kong mithiin. Hindi niya gaanong maunawaan ang matagal kong paglalaro ng football, basketball, baseball, at pagtakbo. Inamin niya na maaaring magdagdag ng lakas, tibay, at teamwork ang athletics ngunit iginiit niya na marahil ay mas magandang magtuon sa iisang sport sa mas maikling panahon. Sa kanyang pananaw, maganda ang sports ngunit hindi iyon ang pinakamaganda para sa akin. Nag-alala siya na ang ilang sports ay tungkol sa pagiging tanyag o sikat sa lugar kapalit ng mas mahahalagang mithiing panghabang-buhay.

Dahil sa karanasang ito, ang isa sa mga dahilan kaya ko gusto ang kuwento ni Lucy sa paglalaro ng baseball ay dahil, sa pananaw ng aking ama, dapat ay nag-aaral ako ng foreign policy at hindi nag-aalala kung masasalo ko ang bola. Dapat kong linawin na mahilig ang nanay ko sa sports. Pumupunta siya sa lahat ng mga laro maliban lang kung nasa ospital siya.

Nagpasiya akong sundin ang payo ng tatay ko at huwag maglaro sa intercollegiate sports sa kolehiyo. Pagkatapos ay ipinaalam sa akin noon ng aming high school football coach na kami ni Merlin Olsen ay gustong makasama ng Stanford football coach sa pananghalian. Maaaring hindi kilala ng mga nakababata sa inyo si Merlin. Isa siya sa mga pinakamahusay na Amerikanong defensive football player sa Logan High School football team kung saan ako ang quarterback, safety, at sumalo sa mga bolang sinipa nang mataas at nagbalik nito sa goal namin. Sa high school na-recruit si Merlin ng halos lahat ng pinakamahuhusay na college football team sa buong bansa. Sa kolehiyo napanalunan niya ang Outland Trophy bilang pinakamahusay na interior lineman sa bansa. Sa huli, ikatlo si Merlin sa napiling maglaro sa isang team para sa National Football League at kamangha-mangha ang laro niya sa 14 na magkakasunod na Pro Bowls. Nakasama siya sa Pro Football Hall of Fame noong 1982.20

Nananghalian kami kasama ang Stanford coach sa Bluebird restaurant sa Logan, Utah. Matapos kaming magkamayan, hindi na niya ako muling tiningnan. Kinausap niya si Merlin at hindi niya ako pinansin. Pagkatapos mananghali, sa unang pagkakataon, bumaling siya sa akin pero hindi niya maalala ang pangalan ko. Pagkatapos ay sinabi niya kay Merlin, “Kung pipiliin mo ang Stanford at gusto mong isama ang kaibigan mo, maganda naman ang mga marka niya at maaaring magawan iyon ng paraan.” Pinagtibay sa akin ng karanasang ito na dapat kong sundin ang matalinong payo ng tatay ko.

Wala akong hangad na hadlangan ang pagsali sa sports o paggamit ng Internet o iba pang makabuluhang mga aktibidad na gusto ng mga kabataan. Ito ang klase ng mga aktibidad na nangangailangan ng moderasyon, pagbalanse, at katalinuhan. Kapag ginamit nang may katalinuhan, pagyayamanin nito ang ating buhay.

Gayunman, hinihikayat ko ang lahat, bata at matanda, na pag-aralan ang inyong mga mithiin at layunin at sikaping mas disiplinahin ang sarili. Ang ating araw-araw na pag-uugali at mga pasiya ay dapat umayon sa ating mga mithiin. Kailangan nating iwaksi ang mga pangangatwiran at hadlang. Napakahalagang magpasiya ayon sa ating mga tipan na maglingkod kay Jesucristo sa kabutihan.21 Hindi natin dapat ibaling ang ating tingin, o ilaglag ang bolang iyon sa anumang dahilan.

Ang buhay na ito ang panahon upang maghanda sa pagharap sa Diyos.22 Tayo ay mga taong masaya at maligaya. Pinahahalagahan natin ang pagiging masayahin at ang hindi-planadong oras sa piling ng mga kaibigan at pamilya. Ngunit kailangan nating maunawaan na napakahalaga ng layunin na kailangan nating pagbatayan sa pamumuhay at sa lahat ng ating pasiya. Ang mga hadlang at pangangatwirang naglilimita sa pag-unlad ay talagang nagdudulot ng pinsala, ngunit kapag patuloy nitong pinahihina ang pananampalataya natin kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan, malaking kapahamakan na ang dulot nito.

Dalangin ko na bilang isang grupo ng mga mayhawak ng priesthood, iayon natin ang ating pag-uugali sa mararangal na layuning kailangang tuparin ng mga naglilingkod sa Panginoon. Sa lahat ng bagay dapat nating tandaan na pagiging “matatag sa pagpapatotoo kay Jesus” ang malaking pagsubok na naghihiwalay sa mga kahariang selestiyal at terestriyal.23 Nais nating maparoon sa kahariang selestiyal. Bilang isa sa Kanyang mga Apostol, taimtim kong pinatototohanan na totoo ang Pagbabayad-sala at kabanalan ni Jesucristo na ating Tagapagligtas. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Lee Mendelson-Bill Melendez Production TV Specials.

  2. Mula sa mga buwan ng Saturn na nakakagambala sa kanya, hanggang sa pag-aalala tungkol sa posibleng nakalalason na mga sangkap sa kanyang guwantes, laging may katwiran si Lucy kung bakit hindi niya nasalo ang bola.

  3. Tingnan sa “Decisions Determine Destiny,” kabanata 8 sa Pathways to Perfection: Discourses of Thomas S. Monson (1973), 57–65.

  4. Isaias 7:15.

  5. “Kung ang paggawa ay kasindali ng pag-alam kung ano ang mabuting gawin, naging mga kapilya na sana ang mga simbahan, at naging mga palasyo na ng mga prinsipe ang mga dampa ng maralita” (William Shakespeare, The Merchant of Venice, act 1, scene 2, lines 12–14).

  6. Doktrina at mga Tipan 58:27.

  7. Tingnan sa Adjusting to Missionary Life (buklet, 2013), 23–49.

  8. Tingnan sa Stephanie Rosenbloom, “Dealing with Digital Cruelty,” New York Times, Ago. 24, 2014, SR1.

  9. Randall L. Ridd, “Ang Piling Henerasyon,” Liahona, Mayo 2014, 56.

  10. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:26.

  11. Tingnan sa David A. Bednar, “To Sweep the Earth as with a Flood” (mensaheng ibinigay sa BYU Campus Education Week, Ago. 19, 2014); lds.org/prophets-and-apostles/unto-all-the-world/to-sweep-the-earth-as-with-a-flood.

  12. Arthur C. Brooks, “Love People, Not Pleasure,” New York Times, Hulyo 20, 2014, SR1.

  13. Sa kasamaang-palad, ang dibersiyon o libangan na lumalaganap sa ating panahon ay puro kamangmangan. Nang isa-isahin ng Tagapagligtas ang ilan sa mga bagay na maaaring makasama sa tao, isinama Niya ang kamangmangan (tingnan sa Marcos 7:22).

  14. Nangyari ito sa sinaunang Greece at Rome, gayundin sa mga sibilisasyon sa Aklat ni Mormon.

  15. Tingnan sa Frederic W. Farrar, The Life and Work of St. Paul (1898), 302. May iba’t ibang klase ng pilosopo, kabilang na ang mga Epicureo at Estoico, mga grupong magkalaban na inilarawan ng ilan na mga Fariseo at Saduceo sa daigdig ng mga pagano. Tingnan din sa Quentin L. Cook, “Pagtingin nang Lampas sa Tanda,” Liahona, Mar. 2003, 21–24.

  16. Ang Mga Gawa 17:21.

  17. Ang Mga Gawa 17:32.

  18. Farrar, The Life and Work of St. Paul, 312.

  19. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Liahona, Nob. 2007, 104–8.

  20. Si Merlin Olsen ay isang hall of fame na manlalaro ng football, artista, at NFL commentator para sa NBC. Napanalunan niya ang Outland Trophy sa paglalaro ng football para sa Utah State University. Naglaro siya sa pro football para sa Los Angeles Rams. Sa TV gumanap siya bilang Jonathan Garvey kasama si Michael Landon sa Little House on the Prairie at nagkaroon ng sariling TV program na, Father Murphy. Pumanaw na si Merlin (Mar. 11, 2010), at nami-miss namin siya.

  21. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:5.

  22. Tingnan sa Alma 34:32.

  23. Doktrina at mga Tipan 76:79.