Ligtas na Nagabayan Pauwi
Umaasa tayo sa kalangitan para sa patuloy na patnubay, upang masundan at matahak natin ang mabuti at wastong daan.
Mga kapatid, nakatipon tayo bilang isang malakas na grupo ng priesthood, dito sa Conference Center at sa iba’t ibang dako ng mundo. Karangalan kong magsalita sa inyo gayunman nagpapakumbaba ako sa responsibilidad na magsalita sa inyo. Dalangin ko na mapasaakin ang Espiritu ng Panginoon sa pagsasalita ko.
Pitumpu’t limang taon na ang nakalipas, noong Pebrero 14, 1939, sa Hamburg, Germany, nang ipagdiwang ang isang pista-opisyal. Sa gitna ng taimtim na mga talumpati, nagkakatuwaang mga tao, at pagtugtog ng mga makabayang awitin, ang bagong barkong-pandigmang Bismarck na nasa River Elbe ay pumalaot sa karagatan. Ito, ang pinakamalakas na barkong-pandigma sa ibabaw ng karagatan, ay larawan ng nakamamanghang armas at makinarya. Ang pagbuo nito ay nangailangan ng mahigit 57,000 mga blueprint para sa 380-millimeter na double-gun turrets na kontrolado ng radar. Ang barko ay may 28,000 milya (45,000 km) ng electrical circuit. Mahigit 35,000 tonelada ang bigat nito, at ang armor plate ang naglaan ng pinakamalaking kaligtasan. Kahanga-hangang tingnan, napakalaki, kamangha-mangha ang mga armas na pandigma, ipinalagay na hindi mapapalubog ang napakalaking barko.
Ang sinapit ng Bismarck ay dumating makalipas ang mahigit dalawang taon, nang noong Mayo 24, 1941, ang dalawang pinakamalakas na barkong-pandigma sa British Navy, ang Prince of Wales at ang Hood, ay nakidigma sa Bismarck at sa German cruiser na Prinz Eugen. Sa loob ng limang minuto pinalubog ng Bismarck sa kailaliman ng Atlantic ang Hood at lahat maliban sa tatlo sa mahigit 1,400 na mga tripulante nito. Ang isa pang barkong-pandigmang British, ang Prince of Wales, ay napinsala nang husto at umatras.
Nang sumunod na tatlong araw ang Bismarck ay paulit-ulit na nakipaglaban sa mga barkong-pandigma at eroplanong British. Sa kabuuan, itinuon ng British ang lakas ng limang barkong-pandigma, dalawang aircraft carrier, 11 cruiser, at 21 destroyer sa pagsisikap na hanapin at palubugin ang napakalaking Bismarck.
Sa mga digmaang ito, bahagya lamang ang pinsalang idinulot ng mga bomba sa Bismarck. Talaga nga bang hindi ito mapapalubog? Pagkatapos ay isang turpido ang tumama, na sumira sa timon ng Bismarck. Hindi na ito nakumpuni. Bagamat handa na ang mga kanyon at tripulante, ang tanging nagawa ng Bismarck ay mabagal na pag-ikot. Medyo malapit lang doon ang malakas na German air force. Hindi makarating ang Bismarck sa kanilang ligtas na daungan. Hindi mailaan ng dalawang ito ang kailangang kanlungan, dahil nawalan ng kakayahan ang Bismarck na sundan ang landas na dapat nitong tahakin. Walang timon; walang tulong; walang daungan. Malapit na ang wakas nito. Nagpaputok ng kanyon ang mga British nang wasakin at palubugin ng mga tripulanteng German ang minsa’y tila napakatibay na barkong-pandigma. Itinagilid ito ng nagngangalit na mga alon ng Atlantic at saka nilamon ng mga alon ang ipinagmamalaki ng German navy. Wala na ang Bismarck.1
Tulad ng Bismarck, bawat isa sa atin ay isang himala ng paglikha. Gayunman, ang paglikha sa atin ay hindi nilimitahan ng talino ng tao. Maaaring maimbento ng tao ang pinakakumplikadong makinarya ngunit hindi nila ito mabibigyan ng buhay o kakayahang mag-isip at magpasiya. Ito ay mga banal na kaloob, na tanging Diyos lamang ang nagkakaloob.
Tulad ng mahalagang timon ng isang barko, mga kapatid, inilaan sa atin ang daan upang malaman ang direksyong ating tatahakin. Ang parola ng Panginoon ay gumagabay sa lahat habang naglalayag tayo sa karagatan ng buhay. Ang layunin natin ay lakbayin ang tiyak na daan tungo sa ating minimithi—maging ang kahariang selestiyal ng Diyos. Ang taong walang layunin ay parang isang barkong walang timon, na malamang na hindi makarating sa kanyang daungan. Pinapayuhan tayo: planuhin ang inyong daan, ihanda ang inyong layag, ipuwesto ang inyong timon, at pumalaot na at maglayag.
Tulad ng nangyari sa napakalaking Bismarck, gayon din sa tao. Ang pagtulak ng mga makina at lakas ng mga elise ay walang silbi kapag walang direksyon, walang pagtutuunan ng enerhiya, walang gagabay sa lakas ng timon, na hindi nakikita, at hindi gaanong malaki ngunit talagang mahalaga ang papel na ginagampanan.
Inilaan ng ating Ama ang araw, buwan, at mga bituin—mga liwanag sa kalangitan na gagabay sa mga magdaragat na naglalayag. Habang tinatahak natin ang landas ng buhay, naglalaan Siya sa atin ng malinaw na daanan at itinuturo Niya ang daan patungo sa gusto nating puntahan. Nagbababala Siya: mag-ingat sa mga pagliko, bitag, at patibong. Hindi tayo malilinlang ng mga taong aakay sa atin tungo sa lihis na landas, mga tuso at mapang-akit na kasalanan na nag-aanyaya sa lahat ng dako. Sa halip, nananalangin muna tayo; nakikinig tayo sa marahan at banayad na tinig na nangungusap sa kaibuturan ng ating kaluluwa ng magiliw na paanyaya ng Panginoon, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”2
Gayunman may mga taong hindi nakikinig, na hindi susunod, na mas gustong tahakin ang landas na sila mismo ang gumawa. Kadalasan ay nagpapatangay sila sa mga tuksong nakapaligid sa ating lahat na maaaring magmukhang kaakit-akit.
Bilang mga mayhawak ng priesthood, inilagay tayo sa mundo sa magulong panahon. Naninirahan tayo sa masalimuot na mundo na maraming alitan sa lahat ng dako. Sinisira ng pulitika ang katatagan ng mga bansa, nag-aagawan sa kapangyarihan ang mga diktador, at may ilang bahagi ng lipunan na tila laging naaapi, pinagkaitan ng oportunidad at iniwang nakadarama ng kabiguan. Ang pagtatalu-talo ng mga tao ay lagi nating naririnig, at napaliligiran tayo ng mga kasalanan.
Responsibilidad nating maging karapat-dapat sa lahat ng maluwalhating pagpapala na inilaan sa atin ng ating Ama sa Langit. Saanman tayo magpunta, taglay pa rin natin ang ating priesthood. Nakatayo ba tayo sa mga dakong banal? Sana, bago ninyo ilagay sa panganib ang inyong sarili at ang inyong priesthood sa pagpunta sa mga lugar o paggawa ng mga bagay na hindi marapat para sa inyo o sa priesthood na iyon, tumigil sandali upang pag-isipan ang mga ibubunga nito.
Tayong mga inorden sa priesthood ng Diyos ay makagagawa ng kaibhan. Kapag pinananatli natin ang ating kadalisayan at iginalang ang ating priesthood, nagiging mabuting halimbawa tayo na tutularan ng iba. Ipinayo ni Apostol Pablo, “Ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.”3 Isinulat din niya na ang mga alagad ni Cristo ay dapat maging “tulad sa mga ilaw sa sanglibutan.”4 Ang pagpapakita ng halimbawa ng kabutihan ay makatutulong na pagliwanagin ang mundong lalo pang dumidilim.
Matatandaan ng marami sa inyo si Pangulong N. Eldon Tanner, na naglingkod bilang tagapayo sa apat na Pangulo ng Simbahan. Nagpakita siya ng di-nagbabagong halimbawa ng kabutihan sa kanyang trabaho sa industriya, sa paglilingkod sa pamahalaan sa Canada, at bilang Apostol ni Jesucristo. Ibinigay niya sa atin ang inspiradong payo na ito: “Walang magdudulot ng higit na galak at tagumpay kaysa mamuhay ayon sa mga turo ng ebanghelyo. Maging halimbawa; maging impluwensya sa kabutihan.”
Pagpapatuloy niya: “Bawat isa sa atin ay naorden noon pa man para sa ilang gawain bilang hinirang na lingkod [ng Diyos] na nakita niyang karapat-dapat gawaran ng priesthood at kapangyarihang kumilos sa kanyang pangalan. Laging tandaan na umaasa ang mga tao sa inyong pamumuno at iniimpluwensyahan ninyo ang buhay ng mga tao sa kabutihan man o sa kasamaan, na siya ring mararanasan sa mga henerasyong darating.”5
Napapalakas tayo ng katotohanan na ang pinakamalakas na puwersa sa mundo ngayon ay ang kapangyarihan ng Diyos kapag ito ay kumilos sa pamamagitan ng tao. Upang ligtas na makapaglayag sa karagatan ng mortalidad, kailangan natin ang patnubay ng Walang-Hanggang Magdaragat na iyon—maging ang dakilang Jehova. Humihingi tayo, nananalangin tayo upang makatanggap ng tulong ng langit.
Ang isang kilalang halimbawa ng taong hindi nanalangin sa Diyos ay si Cain, na anak nina Eva at Adan. Malaki ang potensyal ngunit mahina ang determinasyon, tinulutan ni Cain ang kasakiman, inggit, pagsuway, at maging ang pagpatay upang sirain ang sariling timon na gabay sana niya tungo sa kaligtasan at kadakilaan. Mas hinangad ni Cain ang makamundong bagay kaysa mga bagay ng langit; nagkasala si Cain.
Sa ibang panahon ng isang masamang hari, isang lingkod ng Diyos ang sinubukan. Sa tulong ng langit, binigyang-kahulugan ni Daniel ang nakasulat sa pader para sa hari. Hinggil sa inialok na mga gantimpala—maging ang maharlikang kasuotan, gintong kuwintas, at kapangyarihan sa pulitika—sinabi ni Daniel, “Iyo na ang iyong mga kaloob, at ibigay mo ang iyong mga ganting pala sa iba.”6 Malaking kayamanan at kapangyarihan ang inialok kay Daniel, mga gantimpalang kumakatawan sa mga bagay ng mundo at hindi sa Diyos. Tumutol si Daniel at nanatiling tapat.
Kalaunan, nang sambahin ni Daniel ang Diyos sa kabila ng utos na bawal iyon, itinapon siya sa yungib ng mga leon. Nakasaad sa Biblia na kinaumagahan, “[Inilabas] si Daniel mula sa yungib, at walang anomang sugat [na] nasumpungan sa kaniya, sapagka’t siya’y tumiwala sa … Diyos.”7 Sa panahon ng kagipitan, ang determinasyon ni Daniel na manatiling tapat ay nagbunga ng proteksyon at naglaan ng santuwaryo ng kaligtasan. Ang proteksyon at kaligtasang iyon ay maaaring mapasaatin kapag nanatili tayong tapat pabalik sa ating walang-hanggang tahanan.
Ang orasan ng kasaysayan, tulad ng mga buhangin sa hourglass, ay nagpapakita ng paglipas ng oras. May mga bagong tauhan sa entablado ng buhay. Ang mga problema ng ating panahon ay nagbabanta ng panganib sa atin. Sa buong kasaysayan ng mundo, walang-kapagurang kumikilos si Satanas para wasakin ang mga alagad ng Tagapagligtas. Kung patatangay tayo sa kanyang mga tukso, tayo—tulad ng napakalaking Bismarck—ay mawawalan ng timon na gagabay sa atin tungo sa kaligtasan. Sa halip, kahit naliligiran tayo ng modernong pamumuhay, nananalangin tayo sa Diyos na patuloy tayong patnubayan, upang masundan at matahak natin ang mabuti at wastong daan. Sasagutin ng ating Ama sa Langit ang ating tapat na pagsamo. Kapag hinangad natin ang tulong ng langit, ang ating timon, hindi tulad ng sa Bismarck, ay hindi masisira.
Sa pagsisimula ng ating kani-kanyang paglalakbay, nawa’y makapaglayag tayo nang ligtas sa karagatan ng buhay. Nawa’y magkaroon tayo ng tapang na tulad ng kay Daniel, upang manatili tayong matatag at tapat sa kabila ng kasalanan at tuksong nakapaligid sa atin. Nawa ang ating patotoo ay maging kasinglalim at kasinglakas ng patotoo ni Jacob, na kapatid ni Nephi, na nang harapin ng isang taong naghangad na wasakin ang kanyang pananampalataya sa anumang paraan ay nagsabing, “Hindi ako maaaring matinag.”8
Sa pamamagitan ng pananampalataya na pumapatnubay sa ating paglalakbay, mga kapatid, masusumpungan din natin ang ating ligtas na daan pauwi—pauwi sa Diyos, upang manirahan sa piling Niya nang walang hanggan. Nawa’y mangyari iyan sa bawat isa sa atin, ang dalangin ko sa sagradong pangalan ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas at Manunubos, amen.