2014
Pagtanggap ng Patotoo sa Liwanag at Katotohanan
Nobyembre 2014


Pagtanggap ng Patotoo sa Liwanag at Katotohanan

Ang inyong personal na patotoo sa liwanag at katotohanan ay hindi lamang magpapala sa inyo at sa inyong mga inapo sa buhay na ito, kundi sa buong kawalang-hanggan.

Bilang isang piloto, pinapalipad ko ang eroplano nang maraming oras patawid sa mga kontinente at karagatan sa kadiliman ng gabi. Kapag minamasdan ko ang kalangitan sa gabi mula sa aking cockpit, lalo na ang Milky Way, madalas akong mamangha sa kalawakan at kalakhan ng mga likha ng Diyos—na inilalarawan sa mga banal na kasulatan na “mga daigdig na di mabilang.”1

Wala pang isang siglo ang nakararaan nang ipalagay ng karamihan sa mga astronomer na ang ating Milky Way galaxy lamang ang tanging galaxy na nasa sansinukob.2 Inakala nila na lahat ng naroon sa labas ng ating galaxy ay matinding kadiliman, walang-hanggang kahungkagan—walang laman, malamig, at walang mga bituin, liwanag at buhay.

1:1

Habang naging mas makabago ang mga teleskopyo—kabilang ang mga teleskopyo na maaaring ipadala sa kalawakan—nagsimulang maunawaan ng mga astronomer ang kamangha-mangha at halos di-malirip na katotohanan: ang sansinukob ay mas malaki at napakahirap maarok kaysa akala ng iba, at ang kalangitan ay puno ng di-mabilang na mga galaxy, na napakalayo sa atin, at bawat isa ay may bilyun-bilyong bituin.3

Sa napakaikling panahon, ang kaalaman natin tungkol sa sansinukob ay lubos na nagbago.

Ngayon ay nakikita natin ang ilan sa malalayong galaxy na ito.4

Alam natin na naroon ang mga ito.

Naroon na sila noon pa man.

Ngunit bago nagkaroon ng mahuhusay na kasangkapan ang tao na sapat upang matipon ang liwanag ng kalangitan at makita ang mga galaxy na ito, hindi tayo naniwalang posible ang bagay na iyon.

Ang kalakhan ng sansinukob ay hindi biglang nagbago, ngunit ang kakayahan nating makita at maunawaan ang katotohanang ito ay lubos na nagbago. At dahil sa dagdag na kaalamang iyan, naipakita sa tao ang mga maluwalhating tanawin na hindi natin naisip kailanman.

Mahirap para sa Atin na Paniwalaan ang Hindi Natin Nakikita

Kunwari ay nakabalik kayo sa nakaraang panahon at nakausap ninyo ang mga taong nabuhay isang libo o kahit isandaang taon pa ang nakalipas. Isiping sinisikap ninyong ilarawan sa kanila ang ilan sa makabagong mga teknolohiya na karaniwan lang sa atin ngayon. Halimbawa, ano kaya ang iisipin ng mga taong ito sa atin kung magkuwento tayo sa kanila tungkol sa mga jumbo jet, microwave oven, mga device na naglalaman ng maraming digital library, at mga video ng ating mga apo na agad nating naibabahagi sa milyun-milyong tao sa buong mundo?

Maaaring ang ilan ay maniwala sa atin. Karamihan ay kukutyain tayo, sasalungatin, o marahil ay patatahimikin o sasaktan tayo. Ang ilan ay maaaring gumamit ng lohika, katwiran, at impormasyon ayon sa pagkaalam nila upang ipakita na tayo ay nalilihis, mangmang, o mapanganib pa nga. Maaaring parusahan nila tayo sa pagtatangkang iligaw ang iba.

Ngunit mangyari pa, ang mga taong ito ang lubos na nagkakamali. Maaaring mabuti ang kanilang pakay at tapat sila. Maaaring lubos silang nakakatiyak na tama ang kanilang opinyon. Ngunit hindi lang sila nakakaunawa dahil hindi pa nila natatanggap ang mas buong liwanag ng katotohanan.

Ang Pangakong Liwanag

Tila ugali na ng tao na ipalagay na tama tayo kahit mali tayo. At kung ganito, ano pang pag-asa ang natitira sa atin? Nakatadhana ba tayong magpaanod sa karagatan ng magkakasalungat na impormasyon, at umasa na lamang sa sarili nating pagkaunawa?

Posible bang matagpuan ang katotohanan?

Ang layunin ng mensahe ko ay upang ipahayag ang masayang mensahe na ang Diyos Mismo—ang Panginoon ng mga Hukbo na nakaaalam ng buong katotohanan—ay nangako sa Kanyang mga anak na malalaman nila ang katotohanan sa kanilang sarili.

Mangyaring isipin ang kahalagahan ng pangakong ito:

Ang Walang Hanggan at Pinakamakapangyarihang Diyos, ang Lumikha ng malawak na sansinukob na ito, ay mangungusap sa mga taong dumudulog sa Kanya nang may matapat na puso at tunay na layunin.

Mangungusap Siya sa kanila sa mga panaginip, pangitain, isipan at damdamin.

Mangungusap Siya sa paraang di-mapag-aalinlanganan at higit na dakila kaysa karanasan ng tao. Bibigyan Niya sila ng banal na patnubay at mga sagot para sa kanilang personal na buhay.

Mangyari pa, may mga nangungutya at nagsasabing imposible ang bagay na iyon, na kung may Diyos, gagawa Siya ng mas dakilang mga bagay kaysa dinggin at sagutin ang panalangin ng isang tao.

Ngunit sinasabi ko sa inyo: May malasakit ang Diyos sa inyo. Siya ay makikinig, at sasagutin Niya ang inyong mga personal na tanong. Ang mga sagot sa inyong mga panalangin ay darating sa Kanyang sariling paraan at sa Kanyang sariling panahon, at samakatwid, kailangan ninyong matutong makinig sa Kanyang tinig. Nais ng Diyos na mahanap ninyo ang daan pabalik sa Kanya, at ang Tagapagligtas ang daan.5 Nais ng Diyos na makilala ninyo ang Kanyang Anak na si Jesucristo, at maranasan ang malaking kapayapaan at kagalakang nagmumula sa pagtahak sa landas ng banal na pagkadisipulo.

Mahal kong mga kaibigan, may isang simpleng eksperimento, na may garantiya mula sa Diyos, na matatagpuan sa isang aklat ng sinaunang banal na kasulatan na maaaring gawin ng bawat lalaki, babae, at bata na handang subukan ito:

Una, dapat ninyong saliksikin ang salita ng Diyos. Ibig sabihin ay basahin ang mga banal na kasulatan at pag-aralan ang mga salita ng mga sinauna at makabagong propeta tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo—hindi para mag-alinlangan o mamintas kundi upang taos na tuklasin ang katotohanan. Pagnilayan ang mga bagay na madarama ninyo, at ihanda ang inyong isipan na tanggapin ang katotohanan.6 “Kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo … na kayo ay magbibigay-puwang para sa [salita ng Diyos].”7

Pangalawa, dapat kayong mag-isip, magnilay, walang-takot na magsumikap na maniwala,8 at magpasalamat sa malaking awa ng Panginoon sa Kanyang mga anak mula pa sa panahon ni Adan hanggang sa ating panahon sa pagbibigay ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag upang mamuno sa Kanyang Simbahan at tulungan tayong hanapin ang daan pabalik sa Kanya.

Pangatlo, dapat ninyong hilingin sa inyong Ama sa Langit, sa pangalan ng Kanyang Anak na si Jesucristo, na ipaalam sa inyo ang katotohanan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Magtanong nang may matapat na puso at may tunay na layunin, nang may pananampalataya kay Cristo.9

May pang-apat ding hakbang, na ibinigay sa atin ng Tagapagligtas: “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kalooban [ng Diyos], ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili.”10 Sa madaling salita, kapag sinisikap ninyong alamin ang katotohanan ng mga alituntunin ng ebanghelyo, dapat muna ninyong ipamuhay ang mga ito. Subukan ang doktrina ng ebanghelyo at ang mga turo ng Simbahan sa sarili ninyong buhay. Gawin ito nang may tunay na layunin at matibay na pananampalataya sa Diyos.

Kung gagawin ninyo ang mga bagay na ito, may pangako sa inyo ang Diyos—na nakatali sa Kanyang salita11—na Kanyang ipaaalam ang katotohanan sa inyo sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Pagkakalooban Niya kayo ng higit na liwanag na magtutulot sa inyo na makakita sa kadiliman at masaksihan ang maluluwalhating bagay na hindi maunawaan ng mga mata ng tao.

Maaaring sabihin ng ilan na napakahirap sundin ang mga hakbang o hindi ito sulit na pagsikapan. Ngunit sinasabi ko na ang personal na patotoong ito sa ebanghelyo at sa Simbahan ang pinakamahalagang bagay na maaari ninyong matamo sa buhay na ito. Hindi lamang ito magpapala at gagabay sa inyo sa buhay na ito, kundi may tuwirang epekto rin ito sa inyong buhay sa buong kawalang-hanggan.

Ang mga Bagay ng Espiritu ay Mauunawaan Lamang sa pamamagitan ng Espiritu

Ang mga siyentipiko ay nahirapang unawain ang kalakhan ng sansinukob hanggang sa magkaroon ng mga makabagong kasangkapang magbibigay ng higit na liwanag upang maunawaan nila ang mas kumpletong katotohanan.

Itinuro ni Apostol Pablo ang katulad na alituntunin tungkol sa espirituwal na kaalaman. “Ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios,” pagsulat niya sa mga taga-Corinto, “sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.”12

Sa madaling salita, kung gusto ninyong makilala ang espirituwal na katotohanan, kailangan kayong gumamit ng mga tamang kasangkapan. Hindi ninyo mauunawaan ang espirituwal na katotohanan gamit ang mga kasangkapang hindi kayang tuklasin ito.

Sinabi sa atin ng Tagapagligtas sa ating panahon, “Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw.”13

Kapag mas itinuon natin ang ating puso’t isipan sa Diyos, mas maraming liwanag mula sa langit ang magpapadalisay sa ating kaluluwa. At tuwing kusa at masigasig nating hinahangad ang liwanag na iyon, ipinapakita natin sa Diyos ang ating kahandaang tumanggap ng mas marami pang liwanag. Unti-unti, ang mga bagay na dating malabo, madilim, at malayo ay nagiging malinaw, maliwanag, at pamilyar sa atin.

Gayon din, kung ilalayo natin ang ating sarili sa liwanag ng ebanghelyo, ang ating sariling liwanag ay nagsisimulang dumilim—hindi sa loob ng isang araw o isang linggo kundi paunti-unti sa paglipas ng panahon—hanggang sa gunitain natin at hindi natin maunawaan kung bakit pa tayo naniwala na totoo ang ebanghelyo. Ang dati nating kaalaman ay magmumukha pang kamangmangan sa atin dahil ang minsa’y napakalinaw ay muling nagiging madilim, malabo, at malayo.

Kaya nga iginiit ni Pablo na ang mensahe ng ebanghelyo ay kamangmangan sa mga yaong napapahamak, “ngunit ito’y kapangyarihan ng Dios sa [mga yaong] nangaliligtas.”14

Walang Litmus Test

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang lugar para sa mga tao na may lahat ng uri ng patotoo. May ilang miyembro ng Simbahan na ang patotoo ay matibay at nag-aalab sa kanilang puso. Ang iba naman ay nagsisikap pang malaman ito sa kanilang sarili. Ang Simbahan ay isang tahanan para magkasama-sama ang lahat, anuman ang lalim o lakas ng ating patotoo. Wala akong alam na palatandaan sa mga pintuan ng ating mga meetinghouse na nagsasabing, “Ganito dapat kataas ang iyong patotoo para makapasok ka.”

Ang Simbahan ay hindi lamang para sa mga perpektong tao, kundi para lahat ay “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa Kanya.”15 Ang Simbahan ay para sa mga taong tulad ko at ninyo. Ang Simbahan ay isang lugar ng pagtanggap at pangangalaga, hindi ng paghihiwalay o pamimintas. Ito ay isang lugar kung saan tumutulong tayo na mahikayat, mapasigla, at masuportahan ang isa’t isa habang hinahanap nating lahat ang banal na katotohanan.

Sa huli, tayong lahat ay manlalakbay na naghahangad ng liwanag ng Diyos sa pagtahak natin sa landas ng pagkadisipulo. Hindi natin isinusumpa ang iba dahil sa tindi ng liwanag na taglay nila o hindi nila taglay; sa halip, pinangangalagaan at hinihikayat natin ang lahat ng liwanag hanggang sa luminaw, lumiwanag, at tumatag ito.

Isang Pangako sa Lahat

Aminin natin na kadalasan ang pagkakaroon ng patotoo ay hindi nakakamtan sa loob ng isang minuto, isang oras, o isang araw. Hindi ito minsan lang at tapos na. Ang pagtatamo ng espirituwal na liwanag ay panghabambuhay.

Ang inyong patotoo tungkol sa buhay na Anak ng Diyos at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay maaaring hindi agad dumating tulad ng nais ninyo, ngunit ipinapangako ko sa inyo: kung gagawin ninyo ang inyong bahagi, darating ito.

At ito ay magiging maluwalhati.

Ibinibigay ko sa inyo ang aking personal na patotoo na ang espirituwal na katotohanan ay pupuspos sa inyong puso at maghahatid ng liwanag sa inyong espiritu. Maghahayag ito sa inyo ng dalisay na katalinuhan na may matinding kagalakan at makalangit na kapayapaan. Naranasan ko na ito sa aking sarili sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Tulad ng pangako sa sinaunang mga banal na kasulatan, ang di-masambit na presensya ng Espiritu ng Diyos ay magpapaawit sa inyo ng awit ng mapagtubos na pag-ibig,16 magtutuon ng inyong mga mata sa langit, at magpapataas ng inyong tinig sa pagpuri sa Kataas-Taasang Diyos, ang inyong Kanlungan, inyong Pag-asa, inyong Tagapagtanggol, inyong Ama. Ipinangako ng Tagapagligtas na kung maghahanap kayo, makatatagpo kayo.17

Pinatototohanan ko na ito ay totoo. Kung hahanapin ninyo ang katotohanan ng Diyos, yaong tila malabo, hindi makita, at malayo ngayon ay unti-unting mahahayag at lilinaw at magiging malapit sa inyong puso sa pamamagitan ng liwanag ng biyaya ng Diyos. Ang maluluwalhating espirituwal na bagay, na hindi makita ng mata ng tao, ay ihahayag sa inyo.

Pinatototohanan ko na ang espirituwal na liwanag na ito ay makakamtan ng bawat anak ng Diyos. Liliwanagin nito ang inyong isipan, paghihilumin ang inyong puso, at magpapagalak sa inyong mga araw. Mahal kong mga kaibigan, huwag sana ninyong ipagpaliban ang paghahanap at pagpapalakas ng inyong sariling patotoo sa banal na gawain ng Diyos, maging sa gawain ng liwanag at katotohanan.

Ang inyong personal na patotoo sa liwanag at katotohanan ay hindi lamang magpapala sa inyo at sa inyong mga inapo sa buhay na ito, kundi sa buong kawalang-hanggan, sa mga daigdig na walang katapusan. Ito ang aking patotoo at iniiwan ko sa inyo ang aking basbas sa pangalan ni Jesucristo, amen.