2014
Manatili sa Bangka at Kumapit nang Mahigpit!
Nobyembre 2014


Manatili sa Bangka at Kumapit nang Mahigpit!

Kung mananatili tayong nakatuon sa Panginoon, pangangakuan tayo ng walang katulad na pagpapala.

Kamakailan, isinama ng isang kaibigan ko ang kanyang anak na lalaki sa pamamangka sa Colorado River na daraan sa Cataract Canyon, na nasa timog-silangang Utah. Ang canyon ay kilala sa pagkakaroon nito ng 14 na milya (23 km) na napakabilis na agos ng tubig na lubhang mapanganib.

Sa paghahanda para sa kanilang pakikipagsapalaran, binasa nilang mabuti ang web page ng National Park Service, na naglalaman ng mahalagang impormasyon tungkol sa kahandaan ng sarili at tungkol sa karaniwan at tagong mga panganib.

Sa simula ng paglalakbay, binasa ng isang bihasang gabay sa ilog ang mahahalagang tagubiling pang-kaligtasan, na nagbibigay-diin sa tatlong mahahalagang patakarang titiyak sa ligtas na paglalakbay ng grupo sa pagdaan sa mabibilis na agos ng tubig. “Unang patakaran: manatili sa bangka! Pangalawang patakaran: laging magsuot ng life jacket! Pangatlong patakaran: laging ikapit nang mahigpit ang inyong dalawang kamay!” Pagkatapos ay sinabi niyang muli, nang mas mariin, “Higit sa lahat, tandaan ang unang patakaran: manatili sa bangka!”

Ipinaalala sa akin ng pakikipagsapalarang ito ang ating buhay sa mundo. Karamihan sa atin ay dumaranas ng mga panahon sa ating buhay na ikinasisiya ang payapang agos ng buhay. May mga panahon naman na nahaharap tayo sa mabibilis na agos na maihahambing sa mga yaong matatagpuan sa 14-na-milyang kahabaan ng Cataract Canyon—mga hamon na maaaring kabilangan ng mga sakit sa katawan at isipan, pagkamatay ng isang mahal sa buhay, mga bigong pangarap at pag-asam, at—para sa ilan—maging ng kawalan ng pananampalataya sa harap ng mga problema, katanungan, at pag-aalinlangan sa buhay.

0:17

Ang Panginoon sa Kanyang kabutihan ay naglaan ng tulong, kabilang na ang bangka, mahahalagang suplay tulad ng mga life jacket, at bihasang mga gabay sa ilog na nagbibigay ng patnubay at tagubiling pang-kaligtasan para tulungan tayong makapaglayag sa ilog ng buhay patungo sa ating huling destinasyon.

Isipin natin ang unang patakaran: manatili sa bangka!

Karaniwan nang inihahalintulad ni Pangulong Brigham Young “ang Minamahal na Barko ng Sion” sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Sinabi niyang minsan: Tayo ay nasa kalagitnaan ng karagatan. May dumating na bagyo, at, sabi nga ng mga magdaragat, masyado siyang nahirapan sa paglalayag. ‘Hindi ako mananatili rito,’ sabi ng isa; ‘Hindi ako naniniwala na ito ang “Barko ng Sion.’” ‘Ngunit tayo ay nasa kalagitnaan ng karagatan.’ ‘Wala akong pakialam, hindi ako mananatili rito.’ Hinubad niya ang kanyang kasuotan, at tumalon sa dagat. Malulunod [ba siya]? Oo. Ganoon din ang mga titiwalag sa Simbahang ito. Ito ay ang ‘Minamahal na Barko ng Sion,’ manatili tayo rito.”1

Sa isa pang pagkakataon, sinabi ni Pangulong Young na nag-alala rin siya sa mga taong naliligaw ng landas kapag sila ay pinagpapala—kapag maayos ang buhay: “Sa maaliwalas na panahon, kapag naglalayag ang minamahal na barko ng Sion sa banayad na simoy ng hangin, [at] tahimik ang lahat sa kubyerta, gustong sumakay ng ilang kalalakihan sa maliliit na bangka para … lumangoy, at ang ilan ay nalulunod, ang ilan ay natatangay ng agos, at ang iba naman ay nagbabalik sa barko. Manatili tayo sa minamahal na barko at dadalhin tayo nito [nang ligtas] sa daungan; huwag kayong mag-alala.”2

At sa huli, ipinaalala ni Pangulong Young sa mga Banal: “Tayo ay nasa minamahal na barko ng Sion. … [Ang Diyos] ang nasa timon at mananatili roon. … Maayos ang lahat, umawit ng Hallelujah, dahil ang Panginoon ay naririto. Siya ang nag-uutos, gumagabay at namamahala. Kung ang mga tao ay lubos na magtitiwala sa kanilang Diyos, hindi tatalikuran ang kanilang mga tipan ni ang kanilang Diyos, gagabayan Niya tayo sa tama.”3

Sa mga hamong kinakaharap natin ngayon, paano tayo mananatili sa Minamahal na Barko ng Sion?

Narito ang paraan. Kailangang patuloy tayong magbalik-loob sa pamamagitan ng pagpapaibayo ng ating pananampalataya kay Jesucristo at katapatan sa Kanyang ebanghelyo habang tayo’y nabubuhay—hindi lang minsan, kundi palagi. Nagtanong si Alma, “At ngayon masdan, sinasabi ko sa inyo, aking mga kapatid [na lalaki at babae], kung inyo nang naranasan ang pagbabago ng puso, at kung inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?”4

Ang bihasang mga gabay sa ilog ngayon ay maihahalintulad sa mga apostol at propeta at inspiradong lokal na priesthood at auxiliary leader ng Simbahan. Tinutulungan nila tayong makarating nang ligtas sa ating huling destinasyon.

Kamakailan, nagsalita ako sa seminar ng mga bagong mission president at pinayuhan ko ang mga lider na ito:

“Ituon ang missionary sa mga turo ng mga pinuno ng Simbahan. … Hindi namin gagawin at … hindi namin magagawang iligaw [kayo].

“At kapag tinuruan ninyo ang mga missionary na magtuon sa aming mga turo, turuan silang huwag sundin kailanman yaong mga nag-aakala na mas alam nilang pangasiwaan ang mga gawain ng Simbahan kaysa … sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo” sa pamamagitan ng mga lider ng priesthood na may hawak ng mga susi sa pangungulo.

“Natuklasan ko sa aking paglilingkod na yaong mga naligaw [at] nalito ay karaniwang yaong mga tao na kadalasan ay … nalilimutan na kapag nagsasalita ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawa sa nagkakaisang tinig, ito ang tinig ng Panginoon para sa panahong iyon. Ipinaalala sa atin ng Panginoon, ‘Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa’ [D at T 1:38].”5

Sa madaling salita, kapag nilisan nila ang Minamahal na Barko ng Sion—naliligaw sila; nag-aapostasiya sila. Ang malungkot, kadalasan ay dumaranas sila ng di-sinadyang mga kapinsalaan sa maikling panahon na kalaunan ay nagtatagal, hindi lamang para sa kanila kundi maging para sa kanilang pamilya.

Ang ating lokal na mga lider ng Simbahan, tulad ng bihasang mga gabay sa ilog, ay natuto sa mga karanasan sa buhay; sinanay at tinuruan ng mga apostol at propeta at iba pang mga pinuno ng Simbahan; at, higit sa lahat, natuto sa Panginoon.

Sa isa pang pagkakataon sa taong ito, nagsalita ako sa mga young adult ng Simbahan sa CES devotional brodkast noong Mayo. Sabi ko:

“Narinig ko na inaakala ng ilang tao na ang mga lider ng Simbahan ay nabubuhay nang ‘malayo sa katotohanan.’ Nakalimutan nila na kami ay kalalakihan at kababaihang puno ng karanasan, at napakaraming lugar na ang aming napuntahan at iba’t ibang tao na ang nakahalubilo namin. [Dahil sa] aming mga tungkulin ngayon ay talagang nakakarating kami sa iba’t ibang panig ng mundo, kung saan namin nakakadaupang-palad ang mga namumuno sa pulitika, relihiyon, negosyo, at kawanggawa sa mundo. Bagama’t nabisita na namin ang [mga lider sa] White House sa Washington, D.C., at mga lider ng bansa [at relihiyon] sa buong mundo, nabisita na rin namin ang pinakaabang [mga pamilya at tao] sa mundo …

“Kapag pinag-isipan ninyong mabuti ang aming buhay at ministeryo, malamang na umayon kayo na nabubuhay kami sa mundo sa mga paraang iilan lang ang nakararanas. Matatanto ninyo na mas ‘malayo sa realidad’ ang buhay ng maraming tao kaysa sa amin …

Gayunman, may kani-kanya at pinagsama-samang karunungan ang [mga pinuno ng Simbahan] na dapat makapanatag. Naranasan na naming lahat iyan, pati na ang mga epekto ng iba’t ibang batas at patakaran ng tao, at mga kabiguan, trahedya, at kamatayan sa sarili naming pamilya. Alam namin ang nangyayari sa inyong buhay.”6

Kasama ng unang patakaran ayon sa paggamit ko nito, tandaan ang pangalawa at pangatlong patakaran: laging magsuot ng life jacket, at ikapit nang mahigpit ang dalawang kamay. Ang mga salita ng Panginoon ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan at mga turo ng mga apostol at propeta. Nagbibigay ito sa atin ng payo at tagubilin na, kapag sinunod, ay magiging espirituwal na life jacket at tutulungan tayong malaman kung paano ikakapit nang mahigpit ang ating dalawang kamay.

Kailangan nating maging katulad ng mga anak ni Mosias na “naging malakas sa kaalaman ng katotohanan.” Maaari tayong maging kalalakihan at kababaihan na “may malinaw na pang-unawa.” Maisasagawa lamang ito kapag “sinaliksik [natin] nang masigasig ang mga banal na kasulatan, upang malaman [natin] ang salita ng Diyos.”7

Sa pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan at mga salita ng nakaraan at kasalukuyang mga apostol at propeta, dapat tayong magtuon sa pag-aaral, pamumuhay, at pagmamahal sa doktrina ni Cristo.

Bukod pa sa pagkakaroon ng nakagawiang personal na pagbabasa ng mga banal na kasulatan, kailangan nating tularan ang mga anak ni Mosias at ituon ang ating sarili “sa maraming panalangin, at pag-aayuno.”8

Tila napakahalaga ng mga bagay na ito na hindi madaling sukatin. Manatiling nakatuon sa mga simpleng bagay na ito, at iwasang magambala.

Dahil may kilala akong mga tao na hindi nanatili sa bangka at hindi ikinapit nang mahigpit ang dalawang kamay sa mga panahon ng pagsubok at problema o hindi nanatili sa bangka sa mga panahon ng kapanatagan, napansin ko na marami sa kanila ang nawala ang tuon sa mga pangunahing katotohanan ng ebanghelyo—na siyang dahilan kung bakit sila sumapi sa Simbahan; kung bakit sila nanatiling lubos na tapat at aktibo sa pamumuhay sa mga pamantayan ng ebanghelyo at tinulungan ang iba sa pamamagitan ng tapat at sagradong paglilingkod; at kung paanong ang Simbahan ay naging “isang lugar para sa espirituwal na pangangalaga at pag-unlad”9 sa kanilang buhay.

Itinuro ni Joseph Smith ang mahalagang katotohanang ito: “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon [ay] ang patotoo ng mga apostol at propeta tungkol kay Jesucristo, na ‘Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit;’ at lahat ng iba pang bagay ay mga kalakip lamang nito, patungkol sa ating relihiyon.”10

Kung mananatili tayong nakatuon sa Panginoon, pangangakuan tayo ng walang katulad na pagpapala: “Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”11

Kung minsan nagsisimulang magtuon ang matatapat na Banal sa mga Huling Araw at tapat na mga investigator sa “mga kalakip”na alituntunin sa halip na sa mga pangunahing alituntunin. Ibig sabihin, tinutukso tayo ni Satanas upang malihis mula sa simple at malinaw na mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Yaong mga nalihis ay madalas tumigil sa pakikibahagi ng sakramento dahil sila ay natuon, at naging abala, sa di-gaanong mahalagang mga gawain o turo.

Ang iba ay maaaring magtuon sa mga tanong at pag-alinlanganan ang nadama nila. Mangyari pa, ang pagkakaroon ng mga tanong at pag-aalinlangan ay hindi angkop sa tapat na pagkadisipulo. Kamakailan, ipinahayag ng Kapulungan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nauunawaan namin na paminsan-minsan ay magtatanong ang mga miyembro ng Simbahan tungkol sa doktrina, kasaysayan, o gawain ng Simbahan. Ang mga miyembro ay laging malayang itanong ang mga iyon at taimtim na maghangad na higit na makaunawa.”12

Alalahanin, si Joseph Smith mismo ay nagkaroon ng mga tanong na nagpasimula sa Pagpapanumbalik. Naghangad siya ng katotohanan at, tulad ni Abraham, natagpuan niya ang mga sagot sa pinakamahahalagang tanong sa buhay.

Ang mahahalagang tanong ay nakatuon sa pinakamahalaga—ang plano ng Ama sa Langit at ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Dapat tayong akayin ng ating paghahanap na maging mabait, magiliw, mapagmahal, mapagpatawad, mapagpasensya, at tapat na mga disipulo. Kailangan ay handa tayo, tulad ng itinuro ni Pablo, na “[dalhin ang] mga pasanin ng isa’t isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo.”13

Ang dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa ay kinabibilangan ng pagtulong, pagsuporta, at pag-unawa sa lahat, pati na sa maysakit, mahina, may kapansanan, aba sa espiritu at katawan, naghahanap ng katotohanan at naguguluhan, at maging ang iba pang mga miyembrong disipulo—kabilang na ang mga pinuno ng Simbahan na tinawag ng Panginoon na maglingkod sa maikling panahon.

Mga kapatid, manatili sa bangka, gamitin ang inyong life jacket, ikapit nang mahigpit ang inyong dalawang kamay. Iwasan ang mga bagay na nakagagambala! At kung mahulog ang sinuman sa inyo mula sa bangka, amin kayong hahanapin, makikita, at paglilingkuran at hihilahin nang ligtas pabalik sa Minamahal na Barko ng Sion, kung saan ang ating Diyos Ama at ang Panginoong Jesucristo ang namamahala at gagabayan tayo sa tama, na pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young (1997), 94.

  2. Brigham Young, “Discourse,” Deseret News, Ene. 27, 1858, 373.

  3. Brigham Young, “Remarks,” Deseret News, Nob. 18, 1857, 291.

  4. Alma 5:26.

  5. M. Russell Ballard, “Mission Leadership” (mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission president, Hunyo 25, 2014), 8.

  6. M. Russell Ballard, “Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos,” (Church Educational System devotional, Mayo 4, 2014); lds.org/broadcasts.

  7. Alma 17:2.

  8. Alma 17:3.

  9. Liham ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, Hunyo 28, 2014.

  10. Joseph Smith, Elders’ Journal, Hulyo 1838, 44.

  11. 2 Nephi 31:20.

  12. Liham ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, Hunyo 28, 2014.

  13. Mga Taga Galacia 6:2.