Joseph Smith
Pinili ng ating Manunubos ang isang banal na tao, isang mabuting tao, para pamunuan ang Panunumbalik ng kabuuan ng Kanyang ebanghelyo. Pinili niya si Joseph Smith.
Sa kanyang unang pagbisita kay Propetang Joseph Smith sa edad na 17, isang anghel ang tumawag kay Joseph sa kanyang pangalan at sinabi sa kanya na siya, si Moroni, ay isang sugo mula sa kinaroroonan ng Diyos at na ang Diyos ay may ipagagawa sa kanya. Isipin ninyo kung ano ang maaaring inisip ni Joseph nang sabihin sa kanya ng anghel na ang kanyang pangalan ay “makikilala sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa, lahi, at wika.”1 Siguro dahil sa pagkabiglang nabakas sa mga mata ni Joseph kaya inulit ni Moroni na siya ay pag-uusapan ng mga tao kapwa sa mabuti at masama.2
Ang pagsasalita ng mabuti tungkol kay Joseph Smith ay nangyari nang dahan-dahan; ang pagsasalita ng masama tungkol sa kanya ay agad nasimulan. “Lubos na nakapagtataka na ang isang di kilalang bata … ay dapat isiping … may sapat na kahalagahan upang tumawag ng … damdamin ng pinakamapait na pang-uusig at panlalait.”3
Bagama’t nadaragdagan ang pagmamahal kay Joseph, gayon din naman ang pagkapoot sa kanya. Sa edad na 38, siya ay pinaslang ng 150 mandurumog na lalaking may pintura sa mukha.4 Bagama’t biglang nagwakas ang buhay ng Propeta, ang mabubuti at masasamang sinabi tungkol kay Joseph ay nagsisimula pa lang.
Dapat ba tayong magulat sa masasamang sinabi laban sa kanya? Si Apostol Pablo ay tinawag noon na baliw at naguguluhan.5 Ang Pinakamamahal nating Tagapagligtas, ang Anak ng Diyos, ay tinawag na matakaw, manginginom ng alak, at sinasapian ng diyablo.6
Sinabi ng Panginoon kay Joseph ang kanyang tadhana:
“Ang mga dulo ng mundo ay magtatanong tungkol sa iyong pangalan, at ang mga hangal ay ilalagay ka sa panunuya, at ang impiyerno ay sisilakbo ang galit laban sa iyo;
“Samantalang ang dalisay ang puso, … ang marurunong, … at ang malilinis, ay maghahangad ng … mga pagpapala tuwina mula sa iyong kamay.”7
Bakit tinutulutan ng Panginoon na pagsalitaan ng masama ang mabubuti? Ang isang dahilan ay itinutulak ng oposisyon laban sa mga bagay ng Diyos ang mga naghahanap ng katotohanan na lumuhod sa panalangin para sa mga sagot.8
Si Joseph Smith ang Propeta ng Panunumbalik. Nagsimula ang kanyang espirituwal na gawain nang magpakita ang Ama at ang Anak, na sinundan ng napakaraming pagdalaw mula sa langit. Siya ang kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa pagpapalabas ng sagradong kasulatan, nawalang doktrina, at panunumbalik ng priesthood. Ang kahalagahan ng gawain ni Joseph ay nangangailangan ng higit pa sa katalinuhan; kailangan dito na tayo, tulad ni Joseph, ay “humingi sa Diyos.”9 Ang espirituwal na mga tanong ay dapat magkaroon ng espirituwal na mga sagot mula sa Diyos.
Marami sa mga taong ayaw sa gawain ng Panunumbalik ang hindi naniniwala na nakikipag-usap ang mga makalangit na nilalang sa mga tao sa mundo. Imposible, sabi nila, na ibinigay ng isang anghel ang mga laminang ginto at isinalin ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Sa kawalan ng paniniwalang iyan, agad nilang tinatanggihan ang patotoo ni Joseph, at ang ilan sa kasamaang-palad ay desididong siraan ang Propeta at ang kanyang pagkatao.
Tayo ay lalong nalulungkot kapag ang isang taong minsang nagpitagan kay Joseph ay tumatalikod sa kanyang pananalig at pagkatapos ay sinisiraan ang Propeta.10
“Ang pag-aaral tungkol sa Simbahan … sa tingin ng mga tumalikod dito,” sabing minsan ni Elder Neal A. Maxwell, ay “parang pag-interbyu kay Judas para maunawaan si Jesus. Laging mas maraming kuwento ang mga tumalikod tungkol sa kanilang sarili kaysa tungkol sa tinalikuran nila.”11
Sabi ni Jesus, “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang sa inyo’y nagsisiusig.”12 Maging mabait tayo sa mga namimintas kay Joseph Smith, batid sa ating puso na siya ay propeta ng Diyos at mapanatag na lahat ng ito ay matagal nang ipinropesiya ni Moroni.
Paano tayo dapat tumugon sa isang taong taos-pusong nagtatanong na nag-aalala sa mga negatibong komentong narinig o nabasa niya tungkol kay Propetang Joseph Smith? Mangyari pa, lagi tayong bukas sa tapat at tunay na mga tanong.
Sa mga tanong tungkol sa pagkatao ni Joseph, maibabahagi natin ang mga salita ng libu-libong tao na personal siyang kilala at nagbuwis ng kanilang buhay para sa gawain na tumulong siyang itatag. Si John Taylor, na apat na beses binaril ng mga mandurumog na pumatay kay Joseph, ay ipinahayag kalaunan: “Nagbibigay-patotoo ako sa harapan ng Diyos, mga anghel, at mga tao, na [si Joseph] ay isang mabuti, kagalang-galang, [at] marangal na tao—… [at] na ang kanyang karakter pampubliko at pampribado ay hindi mapararatangan—at na siya ay nabuhay at namatay bilang isang tao ng Diyos.”13
Maaari nating paalalahanan ang taos-pusong nagtatanong na ang impormasyon sa Internet ay walang filter ng “katotohanan.” Ang ilang impormasyon, kahit nakakakumbinsi ito, ay hindi totoo.
Maraming taon na ang nakalipas may nabasa akong artikulo sa Time magazine na nag-ulat tungkol sa pagkatuklas sa isang liham, na isinulat daw ni Martin Harris, na salungat sa salaysay ni Joseph Smith ukol sa pagkatuklas sa mga lamina ng Aklat ni Mormon.14
Tumalikod ang ilang miyembro ng Simbahan dahil sa dokumento.15
Nakalulungkot na umalis sila kaagad. Makalipas ang ilang buwan natuklasan ng mga eksperto (at inamin ng nanghuhuwad) na ang sulat ay tahasang panlilinlang.16 Makatwiran din naman na pag-alinlanganan ninyo ang naririnig ninyo sa balita, ngunit kailanman ay huwag ninyong pagdudahan kailanman ang patotoo ng mga propeta ng Diyos.
Maaari nating ipaalala sa nagtatanong na ang ilang impormasyon tungkol kay Joseph, bagama’t totoo, ay maaaring ilahad na napakalayo ng konteksto sa kanyang sariling panahon at sitwasyon.
Inilarawan ni Elder Russell M. Nelson ang puntong ito. Sabi niya: “Naglilingkod ako noon bilang consultant sa pamahalaan ng Estados Unidos sa National Center for Disease Control sa Atlanta, Georgia. Minsan habang naghihintay ng taxi na maghahatid sa akin sa airport pagkatapos ng aming mga miting, nag-inat-inat ako sa damuhan para masikatan ng araw bago ako bumalik sa malamig na klima ng Utah. … Kalaunan nakatanggap ako ng isang retrato sa koreo na kuha ng isang retratistang may telephoto lens, at nakunan niya ang sandali ng pagrerelaks ko sa damuhan. Sa ilalim nito ay may caption, ‘Consultant ng gobyerno sa National Center.’ Totoo ang retrato, totoo ang nasa caption, ngunit ang katotohanan ay ginamit para lumikha ng maling impresyon.”17 Hindi natin binabalewala ang isang bagay na alam nating totoo dahil lamang sa isang bagay na hindi pa natin nauunawaan.
Maaari nating ipaalala sa nagtatanong na hindi lang si Joseph ang dinalaw ng mga anghel.
“Aming ipinapahayag sa mahinahong salita, na isang anghel ng Diyos ang bumaba mula sa langit, at … aming namasdan at nakita ang mga lamina.”18 Marami pa tayong maaaring banggitin.19
Dapat maunawaan ng taos-pusong nagtatanong na ang paglaganap ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay bunga ng gawain ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta.
Ngayon ay mayroon nang mahigit 29,000 kongregasyon at 88,000 missionary na nagtuturo ng ebanghelyo sa buong mundo. Milyun-milyong Banal sa mga Huling Araw ang naghahangad na sumunod kay Jesucristo, mamuhay nang marangal, pangalagaan ang mga maralita, at ibigay ang kanilang panahon at mga talento sa pagtulong sa iba.
Sabi ni Jesus:
“Hindi maaari na ang mabuting punong kahoy ay magbunga ng masama, at ang masamang punong kahoy ay magbunga ng mabuti. …
“… Kaya’t sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila.”20
Ang mga paliwanag na ito ay nakakakumbinsi, ngunit ang taos-pusong nagtatanong ay hindi dapat dito lamang umasa upang mahanap niya ang katotohanan.
Bawat naniniwala ay kailangan ng espirituwal na pagpapatibay ukol sa banal na misyon at pagkatao ni Propetang Joseph Smith. Totoo ito sa bawat henerasyon. Ang espirituwal na mga tanong ay nararapat sa espirituwal na mga sagot mula sa Diyos.
Kamakailan habang nasa East Coast ako, isang returned missionary ang kumausap sa akin tungkol sa isang kaibigan na nalito dahil sa impormasyong natanggap niya tungkol kay Propetang Joseph Smith. Ilang beses silang nagkausap, at ang returned missionary ay tila nagkaroon na rin ng kaunting pag-aalinlangan bunga ng mga talakayan.
Bagama’t umasa akong mapapalakas niya ang kanyang kaibigan, nag-alala ako sa kanyang sariling patotoo. Mga kapatid, hayaan ninyong bigyan ko kayo ng babala: hindi ninyo matutulungan ang iba kung hindi matatag ang sarili ninyong pananampalataya.
Ilang linggo na ang nakalipas sumakay ako ng eroplano papuntang South America. Itinuon ng flight attendant ang aming pansin sa video tungkol sa kaligtasan. “Malamang na hindi naman mangyari,” pagbabala sa amin, “pero kung magbago ang cabin pressure, bubukas ang mga panel sa itaas ng inyong upuan, at lilitaw ang mga oxygen mask. Kapag nangyari ito, abutin at hatakin ang mask. Ilagay ang mask sa inyong ilong at bibig. Isuot ang elastic strap sa inyong ulo at i-adjust ang mask kung kailangan.” Sumunod ang babalang ito: “Tiyaking i-adjust muna ang sarili ninyong mask bago tulungan ang iba.”
Ang negatibong komentaryo tungkol kay Propetang Joseph Smith ay madaragdagan pa habang papalapit ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ang mga katotohanang may halong kasinungalingan at panlilinlang ay hindi mababawasan. May mga kapamilya at kaibigan na mangangailangan ng tulong ninyo. Ngayon ang panahon para i-adjust ang inyong espirituwal na oxygen mask para handa kayong tulungan ang iba na naghahanap ng katotohanan.21
Ang patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith ay maaaring dumating sa atin sa magkakaibang paraan. Maaari itong dumating habang nakaluhod kayo sa panalangin, na hinihiling sa Diyos na patunayan na siya ay totoong propeta. Maaari itong dumating habang binabasa ninyo ang salaysay ng Propeta tungkol sa Unang Pangitain. Ang patotoo ay maaaring magpadalisay sa inyong kaluluwa habang paulit-ulit ninyong binabasa ang Aklat ni Mormon. Maaari itong dumating kapag nagpatotoo kayo tungkol sa Propeta o habang nasa templo kayo at natatanto na sa pamamagitan ni Joseph Smith ay ipinanumbalik ang banal na kapangyarihang magbuklod sa lupa.22 Taglay ang pananampalataya at tunay na layunin, ang inyong patotoo kay Propetang Joseph Smith ay lalakas. Ang dumaraming water balloon volleys mula sa mga manonood ay maaaring makabasa sa inyo, ngunit hindi nito kailangang mapatay kailanman ang nag-aalab na apoy ng inyong pananampalataya.
Sa mga kabataang nakikinig ngayon o nagbabasa ng mga salitang ito, may hamon ako sa inyo: Magkaroon ng sariling patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith. Hayaan ang inyong tinig na makatulong sa katuparan ng propesiya ni Moroni na magsalita ng kabutihan tungkol sa Propeta. Narito ang dalawang ideya: Una, maghanap ng mga talata sa Aklat ni Mormon na nadarama at alam ninyong talagang totoo. At ibahagi ang mga ito sa pamilya at mga kaibigan sa family home evening, seminary, at sa inyong mga klase sa Young Men at Young Women, na kinikilala na si Joseph ay kasangkapan sa mga kamay ng Diyos. Susunod, basahin ang patotoo ni Propetang Joseph Smith sa Mahalagang Perlas o sa polyetong ito, na ngayon ay nasa 158 wika. Makikita ninyo ito online sa LDS.org o sa mga missionary. Ito ang sariling patotoo ni Joseph tungkol sa tunay na nangyari. Basahin ito nang madalas. Isiping irekord ang patotoo ni Joseph Smith sa sarili ninyong tinig, pakinggan ito palagi, at ibahagi ito sa mga kaibigan. Ang pakikinig sa patotoo ng Propeta sa sarili ninyong tinig ay makatutulong sa pagkakaroon ninyo ng patotoong hangad ninyo.
May mga dakila at kagila-gilalas na araw sa hinaharap. Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang dakilang layuning ito … ay patuloy na lalaganap, at babaguhin at pagpapalain nito ang mga buhay. … Walang puwersa sa buong mundo ang makapipigil sa gawain ng Diyos. Anuman ang mangyari, ang dakilang gawaing ito ay susulong.”23
Ibinibigay ko sa inyo ang aking patotoo na si Jesus ang Cristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Pinili Niya ang isang banal na tao, isang mabuting tao, para pamunuan ang Panunumbalik ng kabuuan ng Kanyang ebanghelyo. Pinili niya si Joseph Smith.
Pinatototohanan ko na si Joseph Smith ay isang tapat at marangal na tao, isang disipulo ng Panginoong Jesucristo. Ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagpakita sa kanya. Totoong isinalin niya ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.
Sa ating lipunan sa kabilang-buhay, malinaw nating mauunawaan ang sagradong tungkulin at banal na misyon ni Propetang Joseph Smith. Malapit nang dumating ang araw na iyon, kayo at ako, at ang milyun-milyon pa ay “i[ta]tanghal si ‘Joseph’ sa sandaigdigan.”24 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.