Patotoo ni Mia
Ang awtor ay naninirahan sa Missouri, USA.
“[Ang Banal na Espiritu]’y bumubulong bilang munting tinig. Sa Diyos at kay Cristo ito’y nagpapatotoo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 56).
Lampas na ang oras ng pagtulog ni Mia, pero gising pa siya. Nakaupo siya sa sahig ng kuwarto niya, at pinag-iisipan ang isang bagay na binasa ni Sister Duval sa Primary: “Darating ang panahon na walang lalaki o babaeng makapagtitiis sa hiram na liwanag.”1
“Ang patotoo ay parang liwanag sa ating kalooban,” paliwanag ni Sister Duval. “At kailangan ng bawat isa sa atin na magkaroon ng sariling patotoo. Sa gayon ay maaari tayong maging matatag kapag mahirap ang buhay at tinutukso tayo ni Satanas.”
Inihilig ni Mia ang kanyang ulo sa kama. “Gusto kong magkaroon ng patotoo na ang ebanghelyo ay totoo,” naisip niya. Pero paano ka ba talaga nagkaroon ng patotoo? Alam niya na kasama roon ang pagdarasal.
“Magdarasal ako,” pagpapasiya niya. Magdarasal siya at hindi titigil hanggang sa maipaalam sa kanya na ang Simbahan ay totoo. Handa siyang magdasal sa buong magdamag kung kailangan!
Lumuhod siya. “Mahal na Ama sa Langit,” bulong niya, “gusto ko pong malaman kung totoo ang Simbahan. Gusto ko pong madama ito sa puso ko at malaman lang.”
Naghintay si Mia. Wala siyang nadama maliban sa payapang pakiramdam na lagi niyang nadarama kapag nagdarasal siya. Ano ang mali sa ginagawa niya? Nasaan ang kanyang patotoo?
Parang matagal na siyang nakaluhod nang bumukas nang kaunti ang pinto sa kanyang kuwarto at sumilip ang tatay niya.
“Nasilip ko sa ilalim ng pinto na bukas pa ang ilaw mo,” sabi nito. “Nagbabasa ka na naman ba?” Pagkatapos ay nakita nitong may luha sa mga pisngi ni Mia. Lumuhod ito at niyakap siya. “Ano’ng problema?”
Tumahimik sandali si Mia. Pagkatapos ay itinanong niya, “Itay, paano po ba magkaroon ng patotoo?”
Niyakap siya nang mahigpit ni Itay. “Magandang tanong iyan. Ang hangaring magkaroon ng patotoo ay isa sa mga unang hakbang.”
Nadama ni Mia na nagsisimulang mapawi ang bigat sa kanyang kalooban.
“Ang pagkakaroon ng patotoo ay hindi karaniwang nangyayari sa isang pagdarasal. At kahit mayroon kang patotoo, kailangan mo itong patuloy na palakasin.”
“Pero saan po ba nagmumula ang patotoo?” tanong ni Mia.
“Ang patotoo ay nagmumula sa Espiritu Santo,” sabi ni Itay. “Sumigla at gumanda na ba ang pakiramdam mo sa family home evening o sa simbahan?”
Pinag-isipan iyon ni Mia. “Nang basbasan ninyo ako bago nagpasukan sa eskuwela, gumanda po ang pakiramdam ko.” Nag-isip pa siya. “At lagi pong masigla ang pakiramdam ko kapag naririnig kong magsalita si Pangulong Monson sa pangkalahatang kumperensya. At kapag mabait ako sa mga kaibigan ko o nagbabasa ako ng aking mga banal na kasulatan, masaya rin po ako.”
Ngumiti si Itay. “Ang mga damdaming iyon ay ang Espiritu Santo na nangungusap sa iyo. Ipinadarama niya sa iyo ang mga iyon kapag may ginagawa kang tama o may naririnig kang totoo.”
“Masigla at masaya po ako ngayon,” sabi ni Mia. “Iyon po ba ang Espiritu Santo?”
Muli siyang niyakap ni Itay. “Oo. Sinasabi niya sa iyo na ang mga bagay na pinag-uusapan natin ay totoo. At iyan ang paraan para magkakaroon ka ng patotoo.”
Nang mahiga na si Mia kalaunan, hindi niya inisip na mayroon na siyang ganap na patotoo, pero maganda at masigla pa rin ang pakiramdam niya na ang sinabi sa kanya ni Itay ay totoo. Alam niya na simula pa lamang ang damdaming ito.
Namaluktot sa kanyang mainit na kumot si Mia at pumikit. Bago siya natulog, bumulong siya, “Salamat po, Ama sa Langit, sa pagtulong sa akin na magkaroon ng patotoo. At salamat po sa Inyo para sa tatay ko.”