Isang Di-inaasahang Tanong sa Interbyu
Alvin A., Philippines
Pagkatapos ng misyon ko, nahirapan akong makahanap ng trabaho. Kalaunan ay may nag-interbyu sa akin. Magandang oportunidad ang katungkulang iyon kung matanggap ako, pero nag-alala ako na baka hindi pa sapat ang karanasan ko. Ako na ang iinterbyuhin, at kinakabahang umupo ako sa harap ng manager. Nang sumulyap ako sa mesa niya, nakita ko ang isang papel na pinagsulatan ng mga itatanong niya sa mga aplikante. Kumabog ang puso ko. Mahirap intindihin ang mga salitang ginamit sa mga tanong.
Nakita ng manager ang résumé ko at nagsimulang itanong ang karanasan ko sa trabaho. Nang mabasa niya ang “full-time missionary,” itinanong niya kung masasabi ko sa kanya ang itinuro ko sa mission.
Nagkuwento ako sa kanya tungkol sa mga propeta, sa plano ng kaligtasan, at sa walang-hanggang pamilya. Ngumiti siya at nagsabing, “Gusto kong bumisita ka sa amin para makilala mo ang aking pamilya.”
Muli niyang kinuha ang papel na may mga tanong sa interbyu. Kinabahan na naman ako. Itinanong niya, “May matitirhan ka ba rito sa Manila?” Hindi na niya hinintay ang sagot ko at sinabing, “Kailangan mo nang humanap ng matitirhan. Magsisimula ka na bukas.”
Isang himala iyon. Hindi ko kailanman malilimutan kung paano nakatulong ang isang mission sa aking interbyu sa trabaho.