2015
Napakasimple Ba ng Pagkain Ko?
Hunyo 2015


Napakasimple Ba ng Pagkain Ko?

Jennifer Klingonsmith, Utah, USA

illustration of casserole dish with hands clasping in front of it

Kinabukasan ng hapon naisip kong dalhan ng niluluto kong hapunan si Sister Morgan at ang kanyang asawa para sa kanilang anibersaryo.

Mga paglalarawan ni Bradley H. Clark

Sa loob ng ilang taon, binisita at tinuruan ko ang kapitbahay at kaibigan kong si Sister Morgan. Malaki ang tanda niya sa akin, kaya mas marami akong natutuhan sa kanya at sa buhay niya kaysa natutuhan niya sa akin mula sa mga visiting message ko.

Noong ako pa ang visiting teacher niya, si Sister Morgan ay napag-alamang may kanser. Namangha ako kung paano niya buong katapangang tiniis ang lahat ng panggagamot at nagawa pa niyang ngumiti palagi.

Sa isa sa aking mga pagbisita, binanggit niya na kinabukasan ay anibersaryo ng kanyang kasal. Di-nagtagal ay napunta ang usapan namin sa iba pang mga bagay, at natapos ang aming pag-uusap.

Kinabukasan ng hapon naisip kong dalhan ng niluluto kong hapunan si Sister Morgan at ang kanyang asawa para sa kanilang anibersaryo. Noong una hindi ko pinansin ang naisip kong iyon dahil karaniwang pang-araw-araw na pagkain lang ang niluluto ko. Tiyak na hindi makatarungang magpadala ng gayon kasimpleng pagkain sa gayon kaespesyal na okasyon.

Pero hindi pa rin iyon mawala sa isipan ko. Tinawagan ko ang asawa ko sa trabaho, na umaasang sasang-ayon siya na hindi nga magandang ideya iyon. Sa halip, hinikayat niya akong tawagan si Sister Morgan at sabihin dito na dadalhan ko siya ng hapunan.

Ang hiya ko sa simpleng pagkaing iyon at sa palagay ko na kayabangan iyon ang pumigil sa akin na tawagan ang kaibigan ko, pero hindi ko mapalis ang pakiramdam na dapat ko siyang bigyan ng hapunan. Kaya inilagay ko ang pagkain sa trey at kinakabahang tinawid ko ang kalsada.

Pagpasok ko sa kanilang bakuran, nakita ko sina Brother at Sister Morgan na pasakay sa kotse nila. Sinabi ko na dinalhan ko sila ng hapunan para sa kanilang anibersaryo at na sana ay okey lang iyon sa kanila.

Napangiti si Sister Morgan. Ipinaliwanag niya na napagpasiyahan nilang ipagdiwang ang kanilang anibersaryo sa isang lokal na fast-food restaurant dahil napagod siyang masyado sa pagpapagamot sa kanser para magluto pa o magpunta kahit saan. Mukhang gumaan ang pakiramdam niya dahil hindi na sila lalabas ng bahay para maghapunan.

Napanatag at natuwa ako nang tanggapin nila ang simpleng pagkaing dala ko.

Wala pang dalawang buwan pagkaraan, noong katatapos lang na makumpleto ni Sister Morgan ang mga panggagamot sa kanser, pumanaw ang kanyang mahal na asawa dahil sa biglang pagkakasakit. Ang kanilang anibersaryo ilang linggo pa lamang ang nakararaan ang kanilang naging huling anibersaryo.

Lubos kong natutuhan noong tag-init na iyon ang pagsunod sa marahan at banayad na tinig ng Espiritu sa paglilingkod sa iba. Ang paglilingkod na hinihiling—o ipinaparamdam—na ibigay natin ay maaaring hindi komportable, mahirap gawin, o simple sa ating paningin, ngunit maaaring iyon talaga ang kailangang gawin. Ang karanasang ito ay nagbigay sa akin ng tapang na maglingkod sa anumang tungkulin na kailangan ako ng Panginoon, at nagpalakas ng aking pananampalataya na gawin ang “dakilang gawain ng mga anghel” (“Bilang mga Magkakapatid sa Sion,” Himno, blg. 197).