Magkapatid sa Ebanghelyo
Ang awtor ay naninirahan sa Mexico State, Mexico.
Dahil nakikita ko ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa aking buhay, gusto kong ibahagi ito sa kaibigan ko.
Mahal ko ang kaibigan kong si Lupita na parang kapatid. Nagkakilala kami sa ikaanim na baitang at pareho kaming kabilang sa marching band ng paaralan. Nang sumunod na pasukan lalo kaming nagkalapit at talagang nagsimula kaming umasa sa isa’t isa. Ikinuwento niya sa akin ang mga hirap na dinanas niya noon sa bahay nila dahil wala roon ang tatay niya at hindi maibigay ng nanay niya ang atensyong kailangan niya. Alam ko na malungkot siya na hindi naging malaking bahagi ng buhay niya ang kanyang mga magulang. Nag-iisa siya, pero naroon ako palagi para sa kanya.
Mapalad akong maisilang sa isang tahanan kung saan may ebanghelyo kami ni Jesucristo. Nagdulot ito ng kapayapaan sa buhay ko na hindi nadarama ng marami sa mga kaibigan ko. Dahil nakikita ko ang mga pagpapalang dulot ng ebanghelyo sa akin, gusto kong ibahagi ito kay Lupita.
Kinausap ko siya tungkol sa Simbahan at niyaya ko siyang sumama sa akin sa Mutual. Pumayag siya at nagsimulang sumama sa amin ng pamilya ko sa simbahan at sa mga aktibidad ng ward. Ipinakilala ko siya sa mga missionary, na tinuruan siya ng ebanghelyo at inanyayahan siyang magpabinyag. Nagkaroon siya ng patotoo, at nang tanungin niya ang nanay niya kung puwede siyang magpabinyag, pumayag ito.
Ang araw ng kanyang binyag ay napakaespesyal dahil nakipagtipan siya sa ating Ama sa Langit na aalalahanin Siya at susundin ang Kanyang mga kautusan. Nagpatotoo ako sa kanya nang araw na iyon at sinabi ko sa kanya na nasa tamang lugar siya at ipinagmamalaki siya ng Ama sa Langit. Mahal ko si Lupita at masayang-masaya ako na kaibigan ko siya at ngayon ay kapatid ko sa ebanghelyo. Alam ko na magiging mas masaya ang buhay niya dahil siya at ang magiging pamilya niya sa hinaharap ay magtatamasa ng mga pagpapala ng ebanghelyo.
Nagpasalamat si Lupita sa akin na ipinasiya kong ibahagi ang ebanghelyo sa kanya. Sinabi niya na simula nang magsimba siya, naging mas maganda ang buhay niya at nakadama siya ng kapayapaan. Alam ko na iyon ang Espiritu na nagpapatunay ng katotohanan sa kanya. Sinabi rin niya na magpapakasal siya sa templo balang-araw. Nagpapasalamat ako sa aking Ama sa Langit dahil natagpuan ko ang kaibigan ko at dahil sa kagalakang nadama ko nang ibahagi ko ang bagay na pinakamahalaga para sa akin.