2015
Mga Turo ng Tagapagligtas tungkol sa Pagiging Disipulo
Hunyo 2015


Mga Turo ng Tagapagligtas tungkol sa Pagiging Disipulo

Sa salaysay ni Lucas tungkol sa huling paglalakbay ni Jesucristo patungong Jerusalem, binigyan tayo ng Tagapagligtas ng malinaw na huwaran kung paano sumunod sa Kanya.

Jesus Christ depicted sitting and teaching HIs disciples who are sitting and standing around Him.

Ipininta ni Justin Kunz

Apat na buwan lang bago namatay ang Tagapagligtas, “nang nalalapit na ang mga kaarawan na siya’y tatanggapin sa itaas, ay pinapanatili [o tiniyak] niyang [naka]harap ang kaniyang mukha … sa Jerusalem” (Lucas 9:51).1 Sa nagdaang mga linggo, inihandang mabuti ni Jesucristo ang Kanyang mga disipulo sa mga paghihirap at di-pangkaraniwang espirituwal na mga kaganapang mangyayari sa hinaharap.

Halimbawa, matapos magpatotoo si Pedro tungkol sa kabanalan ni Jesucristo sa Cesarea ni Filipo, nangusap ang Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo tungkol sa Kanyang paparating na kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli sa unang pagkakataon sa simple at malinaw na pananalita (tingnan sa Mateo 16:13–21; Marcos 8:27–31; Lucas 9:18−22).2 Isinama rin ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan “sa isang mataas na bundok,” kung saan “nagbagong-anyo siya sa harap nila” (Mateo 17:1–2). Doon, ipinagkaloob ng Tagapagligtas, ni Moises, at ni Elijah ang mga susi ng priesthood kina Pedro, Santiago, at Juan. Pinanatag at pinalakas din nina Moises at Elijah si Jesus nang sila ay “nangaguusapan ng tungkol sa kaniyang pagkamatay na malapit niyang ganapin sa Jerusalem” (Lucas 9:31).3 Tinukoy ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang karanasang ito sa bundok na “ang simula ng wakas” ng mortal na ministeryo ni Jesucristo.4

Ipinapakita ng mga kaganapang ito na nang “pinapanatili [ni Jesucristo na naka]harap ang kaniyang mukha … sa Jerusalem,” alam na alam Niya na sinisimulan na Niya ang paglalakbay na magwawakas sa Kanyang kamatayan. Nakatala sa aklat ni Lucas, na napakadetalyado tungkol sa paglalakbay na ito, na nang ang Tagapagligtas ay “yumaon sa kaniyang lakad sa mga bayan at mga nayon, na nagtuturo, at naglalakbay na tungo sa Jerusalem” (Lucas 13:22), isang pangkat ng mga disipulo—ng kalalakihan at kababaihan—ang sumama sa kanya (tingnan sa Lucas 11:27).5 Habang sama-samang naglalakad, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga alagad ang mga kailangan sa pagiging disipulo. Kapag pinag-aralan natin ang mga turo ng Tagapagligtas sa konteksto ng paglalakbay na ito, magkakaroon tayo ng mas malaking pagpapahalaga sa kung paano Niya pinagtibay ang Kanyang mga tagubilin sa pagiging disipulo sa tulong ng kapangyarihan ng Kanyang sariling halimbawa.

Tatlong Tugon sa Tagubilin ni Jesucristo na “Sumunod sa Akin”

Bago sinimulan ng Tagapagligtas ang Kanyang huling paglalakbay patungong Jerusalem, sinabi Niya: “Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin sa araw-araw ang kaniyang krus, at sumunod sa akin” (Lucas 9:23). Kalaunan, nang maglakbay si Jesus at ang Kanyang mga disipulo patungong Jerusalem, “may nagsabi sa kaniya, [Panginoon,] susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon” (Lucas 9:57). Sumagot ang Tagapagligtas na “ang Anak ng tao ay walang kahiligan [ng] kaniyang ulo” (Lucas 9:58), na marahil ay nagsasaad na “napakahirap ng buhay para sa kanya,” tulad ng napunang minsan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at na “madalas na magiging ganito” para sa mga taong pipiliing sumunod sa Kanya.6

Pagkatapos, “sinabi [ng Panginoon] sa iba, Sumunod ka sa akin,” (Lucas 9:59), ngunit hiniling ng lalaki na payagan muna siyang makauwi at ilibing ang kanyang ama. Sumagot si Jesus, “Pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay; datapuwa’t yumaon ka at ibalita mo ang kaharian ng Dios” (Lucas 9:60).7 Ang mga salita ng Tagapagligtas ay hindi nangangahulugan na maling ipagluksa ang pagkawala ng isang mahal sa buhay (tingnan sa D at T 42:45). Sa halip, binibigyang-diin nito na katapatan sa Panginoon ang pinakamataas na prayoridad ng isang disipulo.

Sinabi ng ikatlong tao, “Susunod ako sa iyo, Panginoon; datapuwa’t pabayaan mo akong magpaalam muna sa mga kasangbahay ko” (Lucas 9:61). Sumagot si Jesus gamit ang isang analohiya tungkol sa isang mag-aararo, na ang tungkulin ay magtuon sa nasa harapan sa halip na sa nasa likuran (tingnan sa Lucas 9:62). Ang aral para sa taong ito ay sumunod lamang sa halimbawa ng Tagapagligtas, na “[pinanatiling naka]harap ang kaniyang mukha … sa Jerusalem” (Lucas 9:51) at hindi lumingon.

Ang Pagdaan sa Samaria

Nang magdaan si Jesus at ang Kanyang mga disipulo sa Samaria patungo sa Jerusalem, ang ilan sa mga Samaritano “ay hindi … siya tinanggap” (Lucas 9:53)—malamang ay dahil nahalata nila na si Jesus at ang Kanyang disipulo ay mga Judio.8 Bilang tugon, humingi ng pahintulot sina Santiago at Juan na magpababa ng apoy mula sa langit para tupukin ang mga nandusta sa kanila (tingnan sa Lucas 9:52–54). Sa mainit na sitwasyong ito, nagpakita ng pasensya at pagtitimpi ang Tagapagligtas habang pinagsasabihan ang Kanyang mga disipulo na gayon din ang gawin (tingnan sa Lucas 9:55–56).

Hindi nagtagal pagkatapos nito, ikinuwento ng Tagapagligtas ang talinghaga ng mabuting Samaritano (tingnan sa Lucas 10:25–37). Bukod pa sa nasagot ang mga tanong ng mapagkunwaring abugado, maaaring naipaalala ng talinghagang ito sa mga disipulo ng Tagapagligtas na walang itinatangi ang utos na “[ibigin] … ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Lucas 10:27; tingnan din sa mga talata 25–29).

Fine art depiction of the parable of the Good Samaritan.

Gaya ng mabuting Samaritano, naglingkod si Jesus sa bawat sugatang kaluluwang nakaharap Niya.

Detalye mula sa Ang Mabuting Samaritano, ni Philip Richard Morris © Blackburn Museum and Art Gallery, Lancashire, UK/The Bridgeman Art Library International

Bukod dito, maaaring nakakita ng mga pagkakatulad ang mga disipulo ng Tagapagligtas sa mga kilos ng mabuting Samaritano at mga kilos ni Jesus. Ang pagmamahal na ipinakita ng mabuting Samaritano sa isang Judio ay halimbawa ng ipinakitang pag-ibig ni Jesus sa kapwa para sa masusungit na Samaritano kamakailan. Gayundin, sa mga linggong darating, masasaksihan ng mga disipulo ng Tagapagligtas na makakasalubong ni Jesus ang maraming sugatang kaluluwa sa daan patungong Jerusalem (tingnan sa Lucas 13:10–17; 14:1–6; 17:11–19; 19:1–10). Gaya ng mabuting Samaritano, na tumigil sa isang lansangang mapanganib at pinamumugaran ng mga magnanakaw at inuna ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili, paglilingkuran ni Jesus ang bawat sugatang kaluluwang nakaharap Niya, na hindi iniisip ang Kanyang sarili kahit papalapit na Siya sa Kanyang sariling kamatayan.

Tinuruan ng Tagapagligtas sina Maria at Marta

Sa Kanyang paglalakbay patungong Jerusalem, tumigil si Jesus sa bahay ni Marta (tingnan sa Lucas 10:38). Habang si Marta ay “naliligalig sa maraming paglilingkod” (Lucas 10:40), ang kanyang kapatid na si Maria ay “naupo rin naman sa mga paanan [ni Jesus], at pinakikinggan ang kaniyang salita” (talata 39). Ang malugod na pagtanggap ay napakahalaga sa lipunan ng mga Judio, at tila si Marta ay masigasig na naghangad na gampanan ang mga inaasahan sa kultura tungkol sa kanyang tungkulin bilang punong-abala.9

Bagama’t nagpakita si Marta ng kahanga-hangang katapatan at pananampalataya sa Tagapagligtas sa ibang pagkakataon (tingnan sa Juan 11:19–29), dito ay nagreklamo siya, “Panginoon, wala bagang anoman sa iyo, na pabayaan ako ng aking kapatid na babae na maglingkod na magisa? iutos mo nga sa kaniya na ako’y tulungan niya” (Lucas 10:40). Para matulungan ang mga miyembro ng Simbahan na matuto ng mahalagang aral mula sa sitwasyong ito, minsa’y binanggit ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mensahe ni Propesor Catherine Corman Parry sa Brigham Young University devotional:

“Hindi nagpunta ang Panginoon sa kusina para sabihin kay Marta na tumigil sa pagluluto at makinig. Mukhang kuntento siya na hayaan itong maglingkod sa kanya sa anumang paraang gusto niya, hanggang sa hatulan nito ang paglilingkod ng iba. … Ang pagpapahalaga [ni Marta] sa sarili … ang nagtulak sa Panginoon na pagsabihan ito, hindi ang kaabalahan nito sa paghahanda ng pagkain.”10

Fine art depiction of Jesus Christ talking to Mary and Martha.

Gaya nina Maria at Marta, kailangang matuto tayong kalimutan ang ating sarili habang naglilingkod at hangarin ang kalooban ng Panginoon.

Detalye mula sa Si Cristo sa Bahay nina Marta at Maria, ni Jan (Johannes) Vermeer © Scottish National Gallery, Edinburgh/Bridgeman Images

Ang pangunahing pagkakamali ni Marta sa pagkakataong ito ay tila ang pagtuon sa kanyang sarili—kahit naglilingkod siya sa iba. Ipinaunawa ng Tagapagligtas kay Marta na hindi sapat na basta paglingkuran ang Panginoon at ang ating kapwa. Kailangang matuto tayong kalimutan ang ating sarili habang tayo’y naglilingkod at hangarin ang kalooban ng Panginoon para magabayan ang ating mga hangarin at layunin pati na ang ating mga kilos (tingnan sa Lucas 9:24; D at T 137:9). Kailangang daigin ng mga disipulo ang ugaling isipin muna ang kanilang sarili at matutuhang maglingkod sa Ama sa Langit at sa Kanyang mga anak na ang mata ay “nakatuon sa [Kanyang] kaluwalhatian” (D at T 88:67). Kalaunan, nang mamatay ang kanyang kapatid, ipinakita ni Marta ang nakatuon niyang pananampalataya nang iwanan niya ang lahat at salubungin ang Tagapagligtas nang marinig niya na parating na Siya (tingnan sa Juan 11:19–20).

Ipinaliwanag ng Tagapagligtas ang mga Kailangan sa Pagiging Disipulo

Paglaon sa paglalakbay ng Tagapagligtas patungong Jerusalem, hiniling ng isang lalaki, “Guro, iutos mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana” (Lucas 12:13). Sumagot si Jesus sa pamamagitan ng paglutas sa ugat ng problema ng lalaki: “Mangagmasid kayo, at kayo’y mangagingat sa lahat ng kasakiman: sapagka’t ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya” (Lucas 12:15). Pagkatapos ay ikinuwento Niya ang talinghaga ng mayamang hangal (tingnan sa Lucas 12:16–21).

Sa talinghaga, ang isang dahilan siguro kaya tinawag ng Diyos na hangal ang mayamang lalaki ay ang kasakiman nito. Sa Lucas 12:17–19 ginamit ng mayamang lalaki ang mga salitang ko at akin nang 12 beses, na naghahayag ng malasakit niya sa sarili.11 Hindi lamang nilukob ng kasakiman ang lalaki, kundi bigo rin siyang kilalanin ang pinagmumulan ng kanyang mga kayamanan. Hindi niya kinilala sa anumang paraan, tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, na “ang lupa” ang “namumunga [na]ng sagana” (Lucas 12:16), ni hindi siya nagpasalamat sa Panginoon sa paglikha ng daigdig kung saan yumabong ang kanyang mga pananim. Sa huli’y hinatulan ang lalaki hindi dahil sa matalinong pag-iimbak ng mga temporal na bagay kundi dahil hindi siya espirituwal na handa para sa hinaharap. Dahil “hindi mayaman sa Diyos” (Lucas 12:21), kalaunan ay pinagkaitan ang lalaki hindi lamang ng kayamanang pansamantala niyang naipon sa mundo kundi maging ng “isang kayamanan sa langit na hindi nagkukulang” (Lucas 12:33). Ang kanyang mga pagpapasiya sa buhay ay iniwan siyang hikahos sa kawalang-hanggan.

Kabaligtaran ng mayamang hangal na nagtago ng mga materyal na ari-arian bago siya namatay nang di-inaasahan, sadyang humayo si Jesus tungo sa Kanyang kamatayan, kusang ibinigay sa Diyos ang lahat ng mayroon Siya at buong pagkatao Niya—kabilang na ang Kanyang buhay at Kanyang buong kalooban (tingnan sa Lucas 22:42; Mosias 15:7). Sinabi Niya, “Ako’y may isang bautismo upang ibautismo sa akin; at gaano ang aking kagipitan hanggang sa ito’y maganap!” (Lucas 12:50). Dahil Siya ay nabinyagan na sa tubig, ang tinutukoy ni Jesus dito ay ang Kanyang Pagbabayad-sala. Di-magtatagal at Siya ay magpapakababa-baba sa lahat ng bagay at ang Kanyang katawan ay mapupuno ng dugo at pawis kapag nagdusa Siya para sa ating mga kasalanan at dumanas ng ating mga pasakit at paghihirap.12

Kalaunan, nang balaan ng ilang Fariseo si Jesus na hahangarin ni Herodes Antipas na ipapatay Siya, pinagtibay lang ng Tagapagligtas na patuloy Niyang sasamantalahin ang bawat pagkakataong turuan, basbasan, at pagalingin ang iba (tingnan sa Lucas 13:31–33). Gugugulin Niya ang mga huling araw ng Kanyang mortal na buhay—tulad ng lahat ng Kanyang araw noon—sa paglilingkod sa iba.

Habang papalapit sa Jerusalem, inutusan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo na pahalagahan ang pagiging disipulo—na pag-isipang mabuti ang pasiya nilang sumunod sa Kanya (tingnan sa Lucas 14:25–28). Hindi Niya hinangad na pagmukhaing kasiya-siya ang mahihirap na katotohanang makakaharap nila kung magpapatuloy sila bilang Kanyang mga disipulo. Sa halip, matatag Niyang ipinahayag: “Sinoman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad ko” (Lucas 14:33). Gayunman, nangako rin ang Tagapagligtas na kapag kinalimutan natin ang ating sarili sa landas ng pagkadisipulo, mas marami tayong matatamo bilang kapalit (tingnan sa Lucas 9:24). Kabilang sa mga pagpapalang ipinangako Niya sa Kanyang mga disipulo ang “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (D at T 59:23).

Bagama’t wala tayong pagkakataong sumama kay Jesucristo patungong Jerusalem, maipapakita natin ang ating kahandaang tularan ang paglalakbay na iyon sa sarili nating buhay. Ang pag-alaala sa sariling kahandaan ng Tagapagligtas na magsakripisyo at maglingkod alinsunod sa kalooban ng Ama sa Langit ay makapagbibigay sa atin ng lakas na “humayo … at gayon din ang gawin” (Lucas 10:37).

Mga Tala

  1. Tingnan sa A. B. Bruce, The Training of the Twelve (1971), 240.

  2. Kasama sa ipinahiwatig na mga pagtukoy sa pagdurusa at kamatayan ng Tagapagligtas mula sa naunang mga pagkakataon sa Kanyang ministeryo ang Mateo 9:15; 16:4; Juan 2:19; 3:14.

  3. Tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ, ika-3 ed. (1936), 373.

  4. James E. Talmage, Jesus the Christ, 373.

  5. Salungat sa Marcos at Mateo, na maikli lang ang pagbanggit sa paglisan ng Tagapagligtas mula sa Galilea sa huling pagkakataon sa buhay na ito at sa Kanyang paglalakbay patungong Jerusalem (tingnan sa Mateo 19:1–2; Marcos 10:1), nagtuon ng malaking pansin si Lucas sa paglalakbay na ito (tingnan sa Lucas 9:51–53; 13:22, 34; 17:11; 18:31; 19:11). Malaki ang pagkakaiba ng nilalaman ng Evangelio ni Juan sa buod na mga Evangelio nina Mateo, Marcos, at Lucas at hindi nabanggit ang huling paglisan ng Tagapagligtas mula sa Galilea patungong Jerusalem.

  6. Jeffrey R. Holland, “The Inconvenient Messiah,” Ensign, Peb. 1984, 68.

  7. Ang paggalang sa mga magulang ay napakahalaga sa kulturang Judio, kabilang na ang responsibilidad na maglaan ng wastong libing para sa kanila. Matapos ihanda ang isang bangkay para sa libing at ilagay ito sa isang libingan, karaniwan ay nagbabalik ang mga miyembro ng pamilya makalipas ang isang taon para ilagay ang mga buto sa isang kahong bato na tinatawag na ossuary, na nanatili sa libingan bilang pangalawang libing sa gitna ng mga labi ng iba pang pumanaw na mga kapamilya. (Tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel, Eric D. Huntsman, at Thomas A. Wayment, Jesus Christ and the World of the New Testament [2006], 78–79.) Kung tinutukoy ng disipulo sa sitwasyong ito ang pangalawang libing sa halip na ang agarang pangangailangang asikasuhin ang bangkay ng kanyang kamamatay na ama, kung gayon ay namalas sa kanyang kahilingan ang hangaring unahin ang isang tradisyong kultural kaysa sa isang natatanging pagkakataong sumama sa Anak ng Diyos patungong Jerusalem at maturuan Niya.

  8. May malaking pagkapoot sa pagitan ng mga Judio at mga Samaritano noong panahon ni Cristo. Karaniwa’y umiwas ang dalawang grupong ito na makahalubilo ang isa‘t isa. Sa ganitong sitwasyon, malinaw na pinagkaitan ng mga Samaritano si Jesus at ang Kanyang mga disipulo ng kaugaliang mga elemento ng mabuting pakikitungo, tulad ng pagkain at matutuluyan. (Tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel at Thomas A. Wayment, Making Sense of the New Testament [2010], 140; Ralph Gower, The New Manners and Customs of Bible Times [1987], 241–42.)

  9. Tingnan sa Gower, New Manners and Customs of Bible Times, 244–45; Fred H. Wight, Manners and Customs of Bible Lands (1953), 69–77.

  10. Sa Dallin H. Oaks, “‘Judge Not’ and Judging,” Ensign, Ago. 1999, 12–13; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  11. Tingnan sa Jay A. Parry and Donald W. Parry, Understanding the Parables of Jesus Christ (2006), 122.

  12. Tingnan sa Lucas 22:44; Alma 7:11–13; Doktrina at mga Tipan 19:18; 88:6.