Mga Tanong at mga Sagot
“Nais subukan ng isa sa mga kaibigan ko ang isang masamang bagay kahit minsan lang para maunawaan niya ang mga tao kapag pinag-usapan nila ito. Paano ko maipauunawa sa kanya na hindi iyon magandang ideya?”
Ang isa sa pinakamabubuting bagay na magagawa mo ay ipaalala sa kaibigan mo kung bakit tayo may mga kautusan. Binibigyan tayo ng Ama sa Langit ng mga kautusan dahil mahal Niya tayo at alam Niya na magpapaligaya at makakatulong ito sa atin na maging katulad Niya.
Sa Bagong Tipan, sinabi ng Tagapagligtas, “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). Ipatanto mo sa kaibigan mo na ang pagpili ng tama ay nagpapakita ng pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at pasasalamat para sa Kanyang Pagbabayad-sala at ebanghelyo.
Maaari mo ring ipaalala sa kanya na ang paggawa ng masasamang bagay ay humahantong sa masasamang bunga, kahit minsan lang ito gawin. Hindi tayo maaaring magkasala at makaiwas sa mga epekto nito pagkatapos. Ang sadyang pagsuway sa mga kautusan ay parang paglayo sa Ama sa Langit at pagsasabi sa Kanya na hindi Siya kasinghalaga ng ating mga kaibigan o ng ibang tao.
Mahal tayo ng Ama sa Langit, at papatnubayan Niya tayo sa pamamagitan ng Espiritu kapag sinunod natin ang Kanyang mga utos. Kung tayo ay masunurin, tuturuan tayo ng Espiritu nang higit kaysa matututuhan natin sa paggawa ng kasalanan.
Hindi Natin Kailangang Subukang Magkasala
Ituturo ko sa kaibigan mo na “sapagkat sinasabi ko sa inyo na ano mang mabuti ay nagbubuhat sa Diyos; at ano mang masama ay nagbubuhat sa diyablo” (Alma 5:40). Ipaliliwanag ko rin na bawat kilos ay may mga bunga at na hindi tayo dapat gumawa ng anumang bagay na makasasama sa atin. Hindi natin kailangang maranasan ang kasamaan. Napakarami nang kasamaan sa paligid natin, at madaling makita na maraming taong nabubuhay sa kalungkutan dahil hindi nila sinusunod ang mga kautusan.
Vinicius S., edad 17, São Paulo, Brazil
Sabihin Kung Paano Mo Pinaglalabanan ang Tukso
Sabihin sa kaibigan mo na ang talagang mahalaga ay ang kanyang katayuan sa harapan ng Panginoon. Hindi natin dapat ipagpalit sa temporal na karanasan ang ating walang-hanggang kaligtasan. Mas matutulungan mo rin ang kaibigan mo kung masasabi mo sa kanya kung paano mo pinaglabanan ang tukso.
Emily G., edad 19, Puerto Rico
Tayo ay May Banal na Potensyal
Maipapaliwanag mo nang maayos sa kaibigan mo na bagama’t tila hindi naman makasasama ang isang masamang pasiya, maaari tayong ihantong nito sa mas mabibigat na kasalanan. Maaari mo ring ibahagi ang talatang ito sa banal na kasulatan: “Ako, ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang” (D at T 1:31). Ipaalala sa kaibigan mo na minsan lang tayo magkasala ay mababawasan na ang ating kakayahang makinig sa tinig ng Espiritu. Higit sa lahat, ipaalam sa kanya na mahal mo siya at ang paggawa ng mga tamang pasiya ay bahagi ng kanyang banal na potensyal bilang anak ng Diyos.
Adriana F., edad 17, Arizona, USA
Ang Minsang Pagkakasala ay Makapipinsala Na
Lahat ng masamang bagay, kahit minsan mo lang gawin, ay magpapalayo sa Espiritu. Kapag lumayo ang Espiritu, magiging mas madali kay Satanas na tuksuhin kang gumawa ng iba pang masasamang bagay. Gayundin, kailangan mong pagsisihan ang lahat ng kasalanan mo kahit ilang beses mong gawin ito, at ang pagsisisi sa mabibigat na kasalanan ay maaaring maging matagal at masakit na proseso.
Emily L., edad 14, Utah, USA
Manatiling Matatag
Tiyakin sa kanya na mahal mo siya at gusto mo siyang tulungan na piliin ang tama. Alam ko mula sa sariling karanasan na hindi natin kailangang gayahin ang pasiya ng iba para maunawaan ang taong iyon. Kapag ipinamuhay natin ang ebanghelyo, ipapaalam sa atin ng Espiritu kung paano maunawaan ang mga tao. Ipaalala sa kaibigan mo na kailangan siyang manatiling matatag para matulungan niya ang iba na sundin ang mga kautusan. Ipagdasal na matulungan at mapaglingkuran mo siya.
Vanina P., edad 19, Buenos Aires, Argentina
Baka Hindi Ka na Makatigil
Sasabihin ko sa kaibigan ko na huwag na niya itong isipin. Hindi magandang ideya na gumawa ng masama nang minsan dahil baka hindi ka na makatigil kapag nasimulan mo na ito. Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng mga kautusan para tulungan tayong manatiling ligtas at maligaya.
Douglas B., edad 13, California, USA
Maliit Ito sa Simula
Minsa’y sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland na “ang paglalakbay nang milya-milya ay nagsisimula sa unang paghakbang, kaya mag-ingat kayo sa paghakbang” (“Huwag nang Magbigay-Puwang sa Kaaway ng Aking Kaluluwa,” Liahona, Mayo 2010, 45). Ipauunawa ko sa kaibigan ko na gumagamit si Satanas ng maliliit na tukso para maakay tayo sa landas ng kasamaan. Kapag sinubukan mong gawin ang isang masamang bagay kahit minsan lang, tinutulutan mo si Satanas at ang kanyang mga alagad na tuksuhin kang gawin ito nang paulit-ulit.
Similoni F., edad 18, Utah, USA