2015
Mga Mamamalakaya ng mga Tao
Hunyo 2015


Mga Mamamalakaya ng mga Tao

Lahat ng tumanggap sa tawag na mamuno sa simbahan ay tumanggap sa paanyaya ng Tagapagligtas na maging mga mamamalakaya ng mga tao.

Habang pinalalaki namin ang aming anak sa Hawaii, nagpasalamat kaming mag-asawa sa kahanga-hangang mga Banal sa mga Huling Araw na tumulong sa amin. Tinanggap kami ng mahal na mga miyembrong ito at itinuring kaming kapamilya. Sa ilang pagkakataon isinama ng mga lalaki sa ward ang anak kong batang lalaki sa dagat para mangisda. Ang mga excursion na ito ay walang mga bangka kundi sa halip ay mga makalumang pamamaraan sa pangingisda na binuo ng mga Hawaiian noong araw.

Gamit ang gayong paraan, ang isang bihasang mangingisda ay buong ingat na itutupi at isususon ang isang bilog na lambat na may mga pabigat na nakakabit sa paligid. Pagkatapos ay maingat niyang dadalhin ang lambat sa isang lugar sa mabatong baybayin sa ibabaw ng isang malinaw na lawa ng tubig. Kapag nakita niyang may pumasok na mga isda sa lawa, sa tamang sandali at sa napakagaling na paraan, ihahagis niya ang lambat, na lubusang laladlad na parang malaking bilog sa tubig sa ibaba, at agad lulubog sa ilalim at mahuhuli ang nakatipong mga isda.

Bagama’t kahanga-hanga ang galing ng sinumang gayong mangingisda, siya ang unang magsasabi sa inyo na kung walang lambat na malinis, nasulsihan, at walang sira, walang saysay ang kanyang mga pinagsikapan. Alam ng mga bihasang mangingisda na ang kanilang tagumpay ay depende sa integridad o tibay ng kanilang mga lambat at na ang epektibo at saganang pangingisda ay hindi nagsisimula hangga’t hindi nasusuri at nasa kundisyon ang mga lambat.

Nakikita natin ang pag-unawa sa alituntuning ito sa orihinal na mga Apostol, na ang ilan ay pangingisda ang hanapbuhay. Ipinakilala tayo sa mga mangingisdang ito sa mga unang kabanata ng Mateo, Marcos, at Lucas, kung saan sila naghahagis, nagsusulsi, at naghuhugas ng kanilang mga lambat nang una nilang makaharap ang kanilang magiging Panginoon (tingnan sa Mateo 4:18, 21; Marcos 1:16, 19; Lucas 5:2). Pinakain ng mga lalaking ito ang kanilang pamilya at ang mga pamilya ng iba sa panghuhuli ng isda araw-araw. Ang kanilang kapalaran at pamilya ay nakaasa sa kanilang paghahanda at galing at sa integridad ng kanilang mga lambat.

Nang anyayahan sila ni Jesus na “magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao,” “pagdaka’y iniwan nila ang mga lambat,” “iniwan nila ang lahat, at nagsisunod sa kaniya” (Mateo 4:19, 20; Lucas 5:11; tingnan din sa Marcos 1:17–18).

Maraming beses kong naisip ang halimbawang ito habang iniisip ko na tumugon ang mga namumuno sa Simbahan nang may gayon ding pananampalataya sa paanyayang “magsisunod kayo sa hulihan ko.” Tulad ng sinaunang Simbahan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay pinamumunuan ng mga propeta at apostol, na iniwan ang kanilang mga lambat at pinaghirapang mga propesyon at nagkaroon ng mga bagong kasanayan upang makapaglingkod at makasunod sa Panginoon.

Mga Pinuno ng mga Tao

Ano ang ibig sabihin ng maging “mga mamamalakaya ng mga tao”? Sa Kanyang simpleng mga salita ng paanyaya sa naunang mga Apostol, pinasimulan ng Tagapagligtas ang magiging karaniwan at mabisang paraan ng Kanyang pagtuturo—pagtuturo na gumagamit ng mga talinghaga. Alam Niya na mauunawaan ng mga tinawag na sumunod sa Kanya, kahit paano, kung ano ang ibig Niyang sabihin sa mga salitang “mga mamamalakaya ng mga tao.”

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973), “Ang maging ‘mga mamamalakaya ng mga tao’ ay ibang paraan lang ng pagsasabing ‘maging mga pinuno ng mga tao.’ Kaya sa lengguahe ngayon sasabihin nating … : ‘Kung susundin ninyo ang aking mga utos, gagawin ko kayong mga pinuno ng mga tao.’”1

Ang isang pinuno ng mga tao ay isang taong tinawag upang tulungan ang iba na maging “tunay na mga tagasunod [ni] … Jesucristo” (Moroni 7:48). Sabi sa Handbook 2: Administering the Church, “Para magawa ito, sinisikap muna ng mga lider na maging matatapat na disipulo ng Tagapagligtas, at namumuhay sila sa bawat araw sa paraan na makababalik sila sa piling ng Diyos. Pagkatapos ay matutulungan nila ang iba na magkaroon ng malakas na patotoo at mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.”2

Lahat ng tumanggap sa tawag na mamuno sa Simbahan ay tumanggap sa paanyaya ng Tagapagligtas na maging mga mamamalakaya ng mga tao.

Mga Lambat at mga Council

Fishermen in their boat.  They are casting a net into the water.  Seven of the disciples are casting their fishing net into the sea.  Outtakes include more of the disciples casting their nets into the ocean, trying to pull their nets filled with fish back into the boat, the filming cast and crew as well as the equipment used to film, and emptying their nets into the boat.

Mula sa pinakamataas na lebel ng pamunuan sa Simbahan hanggang sa Aaronic Priesthood quorum at mga Young Women class presidency, ang mga pinuno ay inorganisa sa mga council. Inutusan ang mga pinuno na maghanda sa espirituwal, lubos na makibahagi sa mga council, maglingkod sa iba, ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo, at pangasiwaan ang mga priesthood at auxiliary organization ng Simbahan. Bukod pa riyan, magtatatag sila ng pagkakaisa at pagkakasundo sa Simbahan, ihahanda nila ang iba na maging mga pinuno at guro, magbibigay sila ng responsibilidad, at titiyakin nila na pananagutan nila ito.3

Tulad ng paggamit ng naunang mga Apostol sa kanilang kaalaman tungkol sa pangingisda para maging mga mamamalakaya ng mga tao, maipapamuhay natin ang mga alituntuning matatagpuan sa paggamit nila ng mga lambat sa mga council ng Simbahan. Gaya ng isang lambat, ang mga council na ito ay organisado at handang tipunin ang mga anak ng Ama sa Langit—na bawat miyembro ng council ay kumikilos bilang isang mahalagang hibla ng lambat. Tulad ng isang lambat na epektibo lamang kung walang sira, nanganganib din ang ating mga council kapag ang mga miyembro nito ay hindi organisado, nakatuon, at kumikilos tulad ng nararapat.

Ang mga pinuno ng mga council ay sumusunod sa halimbawa ng mga sinaunang Apostol na mamamalakaya sa regular na pagsusuri at pagsusulsi sa mga “lambat” na ito. Ginagawa ito ng mga pinuno ng council sa pagbibigay ng regular na training, pamumuno sa mga council meeting, pagbibigay ng feedback na napapanahon at angkop sa mga miyembro ng council, at pagbibigay ng pagmamahal, panghihikayat, at papuri. Walang makakapalit sa epektibong lakas at kakayahang magtipon ng mga council na kumikilos nang nararapat.

Ang Ward Council

Marahil ang council na may pinakamalaking oportunidad na impluwensyahan ang bawat miyembro ng Simbahan ay ang ward council. Ang kalalakihan at kababaihan sa council na ito ay talagang tinawag na maging mga mamamalakaya ng mga tao na may tungkuling mamuno sa gawain ng kaligtasan sa ward, ayon sa patnubay ng bishop. Nakatira at naglilingkod sila sa kani-kanilang ward, kung saan maaari nilang makilala at makasalamuha ang mga taong pinamumunuan nila.

“Ang mga miyembro ng ward council ay nagsisikap na tulungan ang mga tao na magkaroon ng patotoo, tumanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa, tuparin ang mga tipan, at maging inilaang mga alagad ni Jesucristo (tingnan sa Moroni 6:4–5). Responsibilidad ng lahat ng miyembro ng ward council ang kapakanan ng mga miyembro ng ward.”4

Ang mga miyembro ng ward council ay may mahalagang papel sa pagpapabilis ng gawain ng kaligtasan. Kapag ang ward council ay hindi kumikilos na tulad ng nararapat, bumabagal ang gawain. Nanganganib ang kakayahan ng “lambat” na magtipon, at kakaunti ang nagagawa ng council. Ngunit kapag ang ward council ay organisado at nakatuon sa pagpapalakas sa mga indibiduwal at pamilya, kagila-gilalas ang resulta.

May alam akong isang ward na nahirapan dahil hindi epektibo ang ward council. Mahirap para sa bishop na sundin ang tagubiling matatagpuan sa Handbook 2 dahil komportable siya sa kanyang mga paraan at gusto niya ang mga dati niyang ginagawa. Gayunman, matapos ang maraming pagpapayo at training ng isang mapagmahal na stake president, lumambot ang puso ng bishop, nagsisi, at masigasig na sinimulang organisahin ang ward council ayon sa tagubilin. Pinanood niya ang mga training video na makikita sa LDS.org, binasa niya ang mga bahagi 4 at 5 ng Handbook 2, at kumilos siya ayon sa kanyang natutuhan.

Agad tinanggap ng mga miyembro ng ward council ang mga pagbabago, at nakadama sila ng pagmamahal at pagkakaisa nang magtuon sila sa pagpapalakas sa mga indibiduwal at pamilya. Sa bawat miting, matagal silang nag-usap tungkol sa mga investigator, bagong binyag, di-gaanong aktibong miyembro, at miyembro na may mga pangangailangan. Nagsimulang mapalapit ang kanilang puso sa mga kapatid na ito, at nagsimulang mangyari ang mga himala.

Iniulat ng bishop na matapos gawin ang mga pagbabagong ito sa ward council, halos agad-agad na nagsimulang magsimba ang dating di-kilala at di-gaanong aktibong mga miyembro. Sinabi ng mga miyembrong ito na bigla silang naantig na bumalik sa Simbahan. Sinabi nila na nakatanggap sila ng malinaw at nakahihikayat na impresyon na kailangan nilang muling makisalamuha sa mga Banal. Alam nila na mamahalin sila at na kailangan nila ang suportang ibibigay ng mga miyembro.

Sinabi sa akin ng bishop na natitiyak niya na hinintay lang siya ng Ama sa Langit na sundin ang payong natanggap niya at organisahin ang ward council ayon sa tagubilin bago Siya makapaglagak ng hangarin sa puso’t isipan ng mga di-gaanong aktibong miyembrong ito na bumalik sa pagiging aktibo sa Simbahan. Natanto ng bishop na kailangan niyang lumikha ng mapagmahal at mapangalagang kapaligiran na kailangan ng mga miyembrong ito bago sila akaying bumalik ng Espiritu. Ipinaalala sa akin ng kanyang mga salita ang karanasan ni Pedro na mamamalakaya:

“At lumulan [si Jesus] sa isa sa mga daong, na kay Simon, at ipinamanhik niya dito na ilayo nang kaunti sa lupa. At siya’y naupo, at nagturo sa karamihan buhat sa daong.

“At pagtigil niya ng pagsasalita, ay sinabi niya kay Simon, Pumaroon ka sa laot, at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang mamalakaya.

“At sumagot si Simon at sinabi, Guro, sa buong magdamag ay nagsipagpagal kami, at wala kaming nahuli: datapuwa’t sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat.

“At nang magawa nila ito, ay nakahuli sila ng lubhang maraming isda” (Lucas 5:3–6).

Kapag pinakinggan at sinunod natin ang payo sa atin ng mga makabagong propeta, tagakita, at tagapaghayag—na tunay na “mga mamamalakaya ng mga tao”—at sinuri natin at sinulsihan ang ating mga lambat habang naglilingkod, ang kakayahan nating pabilisin ang gawain ng kaligtasan ay lubhang madaragdagan at tayo ay magiging mga kasangkapan sa mga kamay ng Ama sa Langit para tipunin ang Kanyang mga anak.

Mga Tala

  1. Harold B. Lee, sa Conference Report, Okt. 1960, 15.

  2. Handbook 2: Administering the Church (2010), 3.1.

  3. Tingnan sa Handbook 2, 3.2.1–5; 3.3.2–4.

  4. Handbook 2, 4.4.