2015
Pagtitiwala sa mga Pagtiyak ng Panginoon
Hunyo 2015


Pagtitiwala sa mga Pagtiyak ng Panginoon

Maaaring hindi tayo laging maligtas mula sa ating mga pagsubok, ngunit kapag hinangad natin ang mga katiyakang mula sa Panginoon, malalaman natin na magiging maayos ang lahat kahit sa panahon ng mga pagsubok.

Mongolian young woman standing by a curtained window looking out.

Naupo ako sa silid-selestiyal ng templo, na pinag-iisipan ang direksyong pinatutunguhan ng buhay ko—na walang dudang lihis sa plano ko. Tulad ng iba pang mga young adult, puno ng pangamba ang isipan ko: Paano ko mapagsasabay ang pagkakaroon ng matataas na marka at paglilibang? Dapat ba akong magbitiw sa trabaho? humanap ng isa pang trabaho? Paano ako makakaipon ng pera kung wala akong kita? Bakit wala pa akong asawa? At marami pang tanong na masakit sa loob. Nagpunta ako sa templo para mapanatag, na ipinagdarasal na mabigyan ako ng katiyakan na ginagabayan ako ng Ama sa Langit. “Magiging maayos ba ang takbo ng buhay ko?” tanong ko. Dumating ang sagot nang mabilis at malinaw sa aking isipan: “Lahat ay mainam.”

Sa sandaling iyon, naunawaan ko na kahit hindi ayon sa plano ko ang takbo ng buhay ko, naaayon pa rin ito sa Kanyang plano at Siya ang gumagabay dito. Ang matamis na katiyakan na alam Niya ang nangyayari sa akin at pinangangalagaan Niya ako, kahit hindi Niya laging inaalis ang mga pagsubok ko, ay nakatulong na malagpasan ko ang maraming paghihirap. Kapag ating naunawaan, hinangad, at hinintay ang mga katiyakang ito, malalaman natin na pinalalakas tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng mga pasaning ipinabalikat sa atin.

Katiyakang Maliligtas

Malinaw na hindi palaging agarang pag-aalis ng ating mga pagsubok ang sagot ng Panginoon sa ating mga pagsamo. Sa halip, maaaring biyayaan Niya tayo ng mahahalagang sandali ng katiyakan sa pamamagitan ng personal na paghahayag—katiyakan na Siya ang gumagabay sa ating buhay at ililigtas Niya tayo mula sa ating mga pagsubok. Maaaring hindi tayo iligtas ng mga katiyakang ito mula sa ating mga pagsubok ngunit marahil ay bibigyan tayo nito ng lakas na kailangan natin para iligtas ang ating sarili, kahit ang pagliligtas na iyon ay kapanatagan lamang mula sa Espiritu Santo. Napansin ko ang maraming halimbawa sa mga banal na kasulatan kung paano madalas magpadala ng katiyakan ang Panginoon bago sumapit ang pagliligtas.

Habang pinamumunuan ni Helaman ang kanyang 2,060 kabataang mandirigma at iba pang mga hukbong Nephita, natanggap nila ang pagtiyak ng Panginoon. Matapos maghintay ng suplay at karagdagang hukbo nang maraming buwan, halos mamatay na sila sa gutom bago dumating ang pagkain at ang maliit na grupo ng kalalakihan. Dahil sa pangambang hindi makasapat ang kaunting karagdagang ito, sa huli ay bumaling sila sa Panginoon at “ibinuhos [ang kanilang] mga kaluluwa sa panalangin sa Diyos, upang palakasin [sila] at iligtas [sila].” Matapos silang manalangin, isinalaysay ni Helaman, “Kami ay dinalaw ng mga paniniyak ng Panginoon nating Diyos na ililigtas niya kami; oo, hanggang sa siya ay bumulong ng kapayapaan sa aming mga kaluluwa, at nagbigay sa amin ng malaking pananampalataya, at pinapangyaring kami ay umasa ng aming kaligtasan sa kanya” (Alma 58:10–11). Ang mga katiyakang ito ay nagbigay kay Helaman at sa kanyang mga mandirigma ng lakas na magpatuloy at magtagumpay laban sa kanilang mga kaaway.

Natanggap din ni Joseph Smith ang pagtiyak ng Panginoon habang nakakulong sa Liberty Jail. Nang manalangin siya nang taimtim, sinabi sa kanya:

“Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang;

At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas; ikaw ay magtatagumpay sa lahat ng iyong mga kaaway” (D at T 121:7–8).

Ang pagtiyak na ito ay nagbigay kay Joseph ng lakas ng loob at katatagan na magpatuloy sa kabila ng mga paghihirap na halos di-makayanan.

Sa mga ito at sa iba pang mga halimbawa (tingnan, halimbawa, ang Mosias 24:8–16), hindi lamang basta inalis ng Panginoon ang mga pagsubok mula sa matatapat. Bagkus, dinalaw Niya sila nang may pagtiyak na talagang ililigtas Niya sila sa sarili Niyang takdang panahon. Ang mga pagtiyak na ito, tulad nga ng sabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay parang “mga silahis ng espirituwal na sikat ng araw” na inilalagay ng Ama sa Langit sa ating landas “para magliwanag ang [ating] daraanan.”1 Kung minsan ang pagtiyak na iyan lamang ang kailangan natin para patuloy na harapin ang mga pagsubok, batid na magkakaroon nga ng lubos na kaligtasan.

Paghahanap ng mga Katiyakan

Mahirap ang buhay. May mga pagkakataon na nagdududa tayo, nagkukulang tayo ng tiwala sa ating sarili at sa kakayahan nating malagpasan ang pagsubok, nawawalan tayo ng pag-asa. Para bang wala nang katapusan ang mga pagsubok. At bagaman tumatanggap tayo kung minsan ng katiyakan kahit hindi natin pinagsikapan, mas madalas kaysa hindi na kailangan nating hanapin ang mga katiyakang nagsasabi sa atin na may kapahingahan mula sa ating mga pagsubok.

Ang mga katiyakan ng Panginoon ay madalas dumating sa pamamagitan ng tinig ng Kanyang mga lingkod: mga lider natin, mga guro sa institute at Sunday School, at lalo na sa Kanyang mga propeta at apostol. Ipinaalala sa atin ni Carol F. McConkie, unang tagapayo sa Young Women general presidency, na “sa kanilang mga salita naririnig natin ang tinig ng Panginoon at nadarama ang pagmamahal ng Tagapagligtas.”2

Dumarating din ang mga katiyakang ito sa pamamagitan ng tinig ng Espiritu kapag taos-puso tayong nakikipag-usap sa Ama sa Langit sa taimtim na panalangin, nagbabasa at nagninilay ng mga banal na kasulatan, dumadalo sa templo at sa mga miting natin sa Simbahan, naglilingkod sa iba at nagsisikap na gawin ang tama. Sa madaling salita, dumarating ang katiyakan na nagmumula sa Panginoon kapag ating “hahanapin siya ng buo [nating] puso at ng buo [nating] kaluluwa” (Deuteronomio 4:29) at susundin ang Kanyang mga utos.

Si Helaman at ang kanyang mga hukbo ay tumanggap ng pagtiyak pagkaraan ng maraming taos-pusong panalangin; tumanggap si Joseph Smith ng pagtiyak matapos magdasal at magnilay-nilay. Sa dalawang sitwasyon, sinubukan ng Panginoon ang kanilang tiyaga at pananampalataya bago nagbigay ng katiyakan—isang magandang paalala na sa oras ng pagsubok dapat tayong patuloy na manampalataya at magtiyaga.

Naghihintay ng mga Pagtiyak

Mongolian young woman standing by a window looking out.

Tulad ng anupamang susubok sa kakayahan nating magtiyaga, ang mga pagtiyak ng Panginoon ay maaaring hindi mangyari sa paraan o sa panahong inaasahan natin. Kailangan nating ipagdasal na magkaroon ng “mga mata na maititingin” (Ezekiel 12:2) sa patnubay ng Panginoon at sa mga pagtiyak Niya sa ating buhay. Nagpahayag si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kung paano nakapaloob sa magigiliw na awa ng Panginoon ang mga pagtiyak na ito at sinabing ang mga ito ay “hindi basta-basta nangyayari o nagkakataon lamang. Sa katapatan at pagsunod, natatanggap natin ang mahahalagang kaloob na ito at, kadalasan, tinutulungan tayo ng Panginoon na makilala ang mga ito sa Kanyang takdang panahon.”3

Kadalasan, ang paghihintay sa pagliligtas man o sa pagtiyak ay nangangailangan ng tiyaga na higit pa sa iniisip nating taglay natin. Maaari nating kailanganing harapin ang mabibigat na pagsubok bago makatanggap ng anumang uri ng pagtiyak. Tulad ng ipinaliwanag ni Elder Scott, ang “mga silahis ng mga espirituwal na sikat ng araw” na inilaan ng Panginoon ay “madalas dumating matapos ang matinding pagsubok, bilang katibayan ng habag at pagmamahal ng isang Ama na nakakaalam ng lahat. Itinuturo nito ang daan tungo sa mas malaking kaligayahan, higit na pang-unawa, at pinalalakas ang [ating] determinasyong tanggapin at sundin ang Kanyang kalooban.”4 Kapag nanatili tayong tapat at masunurin sa gitna ng ating mga pagsubok, ang mga pagtiyak ng Panginoon ay darating upang tulungan tayong patuloy na maging gayon.

Ang Ating Pinakadakilang Katiyakan

Sa huli, kahit madalas tiyakin sa atin na alam ng Ama sa Langit ang nangyayari sa atin at ang ating sitwasyon, hindi ito sapat para tulungan tayong magtiis hanggang wakas kung wala tayong pananampalataya at pag-asa kay Jesucristo. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-Sala, lubos tayong makakaasa na balang-araw ay ililigtas tayo mula sa lahat ng ating pagsubok. Malalaman din natin na ang ating Tagapagligtas ay nariyan para lubos tayong damayan, sapagkat Siya ay “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay, sa gayon kanyang nauunawaan ang lahat ng bagay” (D at T 88: 6). Nauunawaan Niya ang ating mga pagsubok at kalungkutan dahil Kanyang “[dinanas ang] mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso … upang malaman niya … kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:11–12).

Sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang malaking katiyakan sa plano ng Diyos ay ang ipinangakong isang Tagapagligtas, isang Manunubos, na sa pamamagitan ng pananampalataya natin sa Kanya ay matagumpay nating malalagpasan ang mga pagsubok na iyon. … Tanging sa pagpapahalaga sa banal na pagmamahal na ito natin makakayanan ang mas magaan nating pagdurusa, pagkatapos ay mauunawaan na natin ito, at sa huli ay matutubos tayo.”5 Ang malaman ang tungkol sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala ay katiyakan nang maituturing.

Kay Inam ng Buhay

Kapag ating naunawaan, hinangad, at hinintay ang mga pagtiyak ng Panginoon, tiyak na darating ang mga ito. Dapat nating alalahanin ang mga walang-katumbas na sandaling iyon, at pag-isipan ito nang madalas. Ang pinakamahalaga, kailangan nating magtiwala sa mga ito at manalig, tulad ni Helaman at ng kanyang mga tauhan at ni Propetang Joseph na naniwala, na tutuparin ng Panginoon ang mga pangako Niya sa atin. Ipinapaalala niya sa atin ang mga pangakong iyon sa pamamagitan ng Kanyang mga pagtiyak, at bagama’t hindi nito mapaglalaho ang mga pagsubok natin, malalaman natin na nariyan ang Ama sa Langit para suportahan at palakasin tayo sa anumang bagay.

Matapos ang karanasan ko sa templo nang araw na iyon, hindi nabawasan ang mga pagsubok ko. Hindi ako biglang nagkaroon ng matataas na marka o mas maraming pera o maraming kadeyt. Ngunit nagkaroon nga ako ng panatag na katiyakan na kahit may mga pagsubok, magiging OK ako dahil hangad pa rin ng Panginoon na tuparin ang Kanyang mga pangako na iligtas ako. Sa katiyakang iyan alam kong lahat ay mainam.

Mga Tala

  1. Richard G. Scott, “Trust in the Lord,” Ensign, Nob. 1995, 17.

  2. Carol F. McConkie, “Mamuhay Ayon sa mga Salita ng mga Propeta,” Liahona, Nob. 2014, 77.

  3. David A. Bednar, “Ang Magigiliw na Awa ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2005, 100.

  4. Richard G. Scott, “Trust in the Lord,” 17.

  5. Jeffrey R. Holland, “Parang Basag na Sisidlan,” Liahona, Nob. 2013, 40.

Ang “mga silahis ng mga espirituwal na sikat ng araw … ay madalas dumating matapos ang matinding pagsubok, bilang katibayan ng habag at pagmamahal ng isang Ama na nakaaalam ng lahat. Itinuturo nito ang daan tungo sa mas malaking kaligayahan.”