2015
Pagbabahagi ng Ebanghelyo na Gaya ni Juan Bautista
Hunyo 2015


Pagbabahagi ng Ebanghelyo na Gaya ni Juan Bautista

Makakatulong kayo sa paghahanda ng mga tao para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, tulad ng ginawa ni Juan Bautista sa unang pagparito ng Tagapagligtas.

John the Baptist preaching.

Nangangaral si Juan Bautista sa Ilang, ni Robert T. Barrett

Hindi gaya ni Juan Bautista, hindi kayo magmimisyon sa “ilang ng Judea” (Mateo 3:1). Ang mga damit ninyo ay hindi yari sa “balahibo ng kamelyo” (Mateo 3:4). Hindi kayo kakain ng “mga balang at pulot-pukyutan” (Mateo 3:4). Ngunit ang inyong layunin sa pagbabahagi ng ebanghelyo ay tulad ng kay Juan Bautista: inihahanda ninyo ang mga tao sa pagparito ni Jesus sa pagsasabing, “Mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit” (Mateo 3:2).

Ang misyon ni Juan Bautista ay malinaw: ang “[duma]ting bago ang Mesiyas, [upang ihanda] ang daan ng Panginoon” (1 Nephi 10:7). Ngunit ang kanyang misyon ay hindi naging madali. Ang huling propeta bago siya ay si Malakias, mahigit 400 taon na ang nakararaan. “Dahil walang propeta, ang mga tao sa lupain ay nagsimulang mahati sa mga partido at grupo, bawat isa’y nagsasabing may karapatan siya na bigyang-kahulugan ang mga banal na kasulatan at pamunuan ang mga tao. Ang tamang pagkaunawa tungkol kay Jehova ay naglaho sa mga grupong ito.”1

Sa kabila ng mga hamon noong panahon ni Juan, maraming taong nagtungo sa ilang upang pakinggan siyang mangaral, at marami siyang nabinyagan. Nakilala ng dalawa sa mga magiging Apostol, si Juan na Pinakamamahal at si Andres, si Jesus sa pamamagitan ni Juan (tingnan sa Juan 1:40).

Gayon din kahirap magbahagi ng ebanghelyo ngayon. Maraming bagay na gumagambala sa atin sa modernong pamumuhay. Ang makamundong mga pilosopiya ay inililigaw ng landas ang mga tao. Parami nang parami ang mga taong hindi namumuhay ayon sa matataas na pamantayang moral. Sinasabi ng ilan na hindi na kailangan ang relihiyon.

Young man  talking to people

Sa ganitong mga sitwasyon, paano mo matagumpay na ibabahagi ang ebanghelyo, na gaya ni Juan Bautista? Narito ang ilang aral mula sa kanyang buhay na makakatulong.

Alam ni Juan ang kanyang misyon. Alam niya na siya ay tinawag upang tulungan ang mga tao na lumapit kay Cristo (tingnan sa Lucas 1:16). Nang makita niya ang Tagapagligtas, nagpatotoo si Juan, “Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan” (Juan 1:29). Sa halip na hikayatin ang mga tao na sumunod sa kanya mismo, tinulungan sila ni Juan na maging mga disipulo ni Jesucristo. Sa pagsasalita tungkol sa Tagapagligtas, sinabi ni Juan, “Siya’y kinakailangang dumakila, ngunit ako’y kinakailangang bumaba” (Juan 3:30).

Itinuro ni Juan ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Nagturo siya sa mga tao tungkol sa katarungan, awa, katapatan, moralidad, pag-aayuno, panalangin, pagsisisi at pagtatapat ng kasalanan, binyag sa pamamagitan ng paglulubog, pagkabuhay na mag-uli, at ang Paghuhukom (tingnan sa Mateo 3; Lucas 3). Ang kanyang turo ay maitutulad sa pagtuturo ng Tagapagligtas: “Nangagtaka sila sa kaniyang aral: sapagka’t sila’y tinuturuan niyang tulad sa may kapamahalaan” (Marcos 1:22).

Naiiba ang pamumuhay ni Juan kaysa sa mundo. Ipinakita ni Jesus ang kaibhan ni Juan sa mga gurong makamundo: Si Juan ay hindi “isang taong nararamtan ng mga damit na maseselan … maririlag … [sa] mga palasio ng mga hari” (Lucas 7:25). Siya ay “hindi [uminom] ng alak ni matapang na inumin” (Lucas 1:15). Si Juan “ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon” (Marcos 1:3). Dahil nagturo siya nang may kapangyarihan ng Diyos, nadama ng mga tao ang Espiritu at nagbalik-loob.

Si Juan ay dedikado. Ibinuod ng isang scholar ang mga katangian ni Juan: “Nakatuon siya sa iisang layunin, lubos ang dedikasyon niya sa natatangi niyang tungkulin, at lubos ang katapatan niya sa mga Anak ng Diyos. Ang mga katangiang ito, lakip ang kanyang banal na awtoridad sa priesthood, walang takot na disposisyon, at personal na kabutihan, ang nagpagindapat sa kanya na maging isa sa pinakadakilang mga tauhan sa mga banal na kasulatan.”2

Habang pinag-aaralan ninyo ang buhay ni Juan Bautista, makikita ninyo na higit pa siya sa isang taong may kakaibang pagpapala na mabinyagan si Jesucristo. Makikita ninyo na ang kanyang buhay at misyon ay tungkol sa paghahanda sa mga tao para sa pagparito ng Tagapagligtas, tulad ng sa inyo.

Mga Tala

  1. S. Kent Brown at Richard Neitzel Holzapfel, “Ang Nawawalang 500 Taon: Mula kay Malakias Hanggang kay Juan Bautista,” Liahona, Dis. 2014, 30.

  2. Robert J. Matthews, “John the Baptist: A Burning and a Shining Light,” Ensign, Set. 1972, 79.