2015
Kapayapaan sa Gitna ng Pag-uusig
Hunyo 2015


Kapayapaan sa Gitna ng Pag-uusig

Beka F., Montana, USA

Young woman working on a laptop comoputer.

Mga paglalarawan ni Ben Simonsen

Dumiretso ako ng upo nang marinig ko ang paksa ng susunod na tagapagsalita: bakit mali ang Simbahang Mormon at pakitang-tao lang ang pagiging mabait nila sa ibang relihiyon. Habang nagsasalita siya, naramdaman kong namula ang pisngi ko, at nanikip ang dibdib ko dahil nabigla ako at hindi ko akalaing magagawa niya iyon. Paano nagawa ng sarili kong mga kaibigan, gayong batid nila na isa akong Banal sa mga Huling Araw, na sabihin ang mapanirang-puring mga pananalitang iyon sa buong klase namin sa English?

Matapos tumunog ang bell, nilapitan ako ng tagapagsalita at ilan sa ibang mga kaibigan ko. Nag-aalab ang Espiritu sa aking kalooban, sinabi ko sa kanila na mali ang narinig nila at hindi galit ang Simbahan sa mga taong hindi ipinamumuhay ang aming mga paniniwala. Ginantihan nila ako ng mga kasinungalingan at maling paratang. Para akong pinagkaisahan. Naisip ko, “Paano naging makatarungang usigin nila ako samantalang ipinamumuhay ko naman ang alam kong totoo?”

Nang makauwi ako mula sa paaralan noong araw na iyon, nakakita ako ng email mula sa lola ko. Sinabi niya rito na basahin ko ang Mateo 5:11–14. Habang lumuluha, nabasa ko: “Mapapalad kayo pagka kayo’y inaalimura, at kayo’y pinaguusig, at kayo’y pinagwiwikaan ng sarisaring masama na pawang kasinungalingan, dahil sa akin; Mangagalak kayo, at mangagsayang totoo: sapagka’t malaki ang ganti sa inyo sa langit: sapagka’t gayon din ang kanilang pagkausig sa mga propeta na nangauna sa inyo. … Kayo ang ilaw ng sanglibutan. Ang isang bayan na natatayo sa ibabaw ng isang bundok ay hindi maitatago.”

Napuspos ng Espiritu Santo ang puso ko nang mabasa ko ang mga salitang iyon. Alam ko na ang pang-uusig ay magpapalakas sa ating patotoo, at alam ko na ang mga pagpapala sa langit ay sulit na kapalit ng hirap na dinaranas natin dito sa lupa. Ginawang posible ng Tagapagligtas na makasumpong tayo ng kapayapaan kapag tayo ay inuusig dahil sa pamumuhay ng Kanyang ebanghelyo, at labis kong pinasasalamatan iyan.