2015
Ang Pagsagip sa Hummingbird
Hunyo 2015


Mga Pagmumuni

Ang Pagsagip sa Hummingbird

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.

Sa pagsagip sa isang hummingbird, nalaman namin kung paano tutulungan ang mahihina ang espirituwalidad.

Hummingbird on a color background

Larawang kuha ni Kojihirano/iStock/Thinkstock

Sa Young Women camp sa kabundukan ng California, naghintay ng hapunan ang mga dalagita at lider sa isang A-frame lodge. Habang naghihintay kami, may napansin ang ilang dalagita sa ilalim ng mesa. Isang hummingbird ang lumipad papasok sa lodge, hindi ito makalabas, at sa huli ay napahandusay sa sahig. Pinatulong nila ako.

Parang naghihingalo na ang ibon, ang tuka nito ay balot ng mga sapot at magulo ang mga balahibo nito. Marahan ko itong inilagay sa isang tasa at dinala sa labas. Umasa akong kusa itong gagaling ngunit totoong inakala ko na mamamatay rin ito. Gayunman, nang itagilid ko ang tasa para dahan-dahang ibaba sa lupa ang hummingbird, mahigpit na kumapit ito sa gilid ng tasa gamit ang maliliit niyang pangalmot. Itinayo ko ang tasa at dumapo ang ibon sa gilid ng baso habang nakapikit ito. Paano ngayon?

Nang makita ng isang lider ang ibon, naghalo siya ng asukal sa tubig at dinala ito sa akin. Dahan-dahan ko munang inalis ang mga sapot sa matulis nitong tuka. Hindi gumalaw ang ibon. Pagkatapos ay isinawsaw ko ang daliri ko sa tubig na may asukal at inilapit ang isang patak sa dulo ng tuka nito. Nawala ang patak ng tubig, kahit hindi gumalaw ang ibon. Pumasok kaya sa tuka nito ang tubig? Muli kong isinawsaw ang daliri ko sa tubig at inilapit sa tuka ng ibon. Sa sandaling ito isang maliit na dila, na manipis pa sa hibla ng buhok, ang dumila sa dulo ng daliri ko.

Sa loob ng 10 o 15 minuto, ininom ng ibon ang bawat patak ng tubig. Sa sandaling iyon, ilang lider na ang nakapalibot sa akin, at sinabi kong subukan nilang pakainin ang ibon.

Biglang nagmulat ng mata ang ibon, at ang magulo nitong balahibo ay biglang umayos. Matapos uminom ng ilan pang patak, iginalaw nito ang mga pakpak, ikinampay sandali, at lumipad pataas. Lumipad-lipad ito sandali sa ibabaw namin, pagkatapos ay lumipad na palayo.

Nakatayo kami roon, na namamangha. At pagkatapos, kung gaano kabilis ang paglipad ng ibon palayo, ganoon din kabilis dumating ang mga espirituwal na aral:

  • Kadalasan, kapag tumutulong tayo sa mga di-gaanong aktibo, tila walang nagagawang kaibhan ang ating pagsisikap. Ngunit ang pagmamahal na ibinibigay natin ay tumatagos sa kanilang puso—tulad ng tubig na may asukal sa hindi gumagalaw na tuka ng hummingbird—na nagbibigay ng espirituwal na pagkain na balang-araw ay magbubunga.

  • Kung minsan hindi tayo makausad mag-isa; kailangan natin ang tulong ng isang mabait at mapag-arugang kamay.

  • Kung minsan ang mga tao ay nababalot ng mga sapot ng kasalanan o adiksyon at kailangan ang tulong ng isang kaibigan o lider ng priesthood at ang tulong ng Tagapagligtas para makalaya.

  • Kailangan natin ng regular na espirituwal na pagkain para makapagtiis, dahil kung hindi ay baka maubusan tayo ng espirituwal na lakas at maging biktima ng masasamang impluwensya.

  • Ang hummingbird ay nanatiling nakakapit. Sa literal na paraan. Pagkapit ang gumawa ng kaibhan. Kung minsan, kailangan lang tayong magtiis nang may pananampalataya habang nahaharap tayo sa mapapait at kung minsan ay malalagim na hamon ng buhay.

Nakasaad sa Bagong Tipan na batid ng Panginoon kahit ang pagkahulog ng maya (tingnan sa Mateo 10:29–31). Alam ko na ngayon na batid din Niya ang pagkahulog ng isang hummingbird. At alam Niya ang nangyayari sa inyo.