Tama Ba ang Ginawa Namin?
Carlos Javier León Ugarte, Lima, Peru
Ako ay isang kilalang journalist na nakapagsulat na sa ilang magagandang magasin at pahayagan sa Lima, Peru, ngunit ang klase ng pamumuhay ko—na malayo sa Diyos—ay lalong nagpapahirap sa akin sa bawat araw. Dahil dito, tinanggap ko ang trabaho na maging proofreader para sa isang magasin sa Ventanilla District, na malayo sa tirahan ko. Desperado akong makahanap ng paraan para makaiwas sa mga kaibigan ko. Sa Ventanilla, nadama ko na magbabago ang aking buhay.
Paminsan-minsan ay nagsisimba kami ng kasintahan kong si María Cristina hanggang kumbinsihin ako ng dalawang mababait at mapipilit na missionary na ipagdasal sa Ama sa Langit kung totoo ang Simbahan. Ginawa ko iyon, at hindi ko maipaliwanag ang naranasan ko. Noon ko lang nadama na napakatindi ng Espiritu sa di-malilimutang araw na iyon.
Di-nagtagal matapos magpakasal at mabinyagan, umupa kami ni María Cristina sa isang maliit at di-komportableng silid sa Ventanilla. Dahil sa pagtitiyaga, mula sa pagiging proofreader ay naging editor ako ng magasin at pahayagan sa kumpanya. Noong lang ako naging editor, at masaya ako sa katungkulang iyon. Gayon pa man, nagsimulang magbago ang lahat nang simulang ibaba ng aming mga publikasyon ang kanilang mga pamantayan, at maglathala ng mga materyal na medyo imoral. Ang mga pagbabagong ito, na iniutos ng aming mga direktor, ay salungat sa mga alituntunin at pinahahalagahan ng Simbahan.
Noon pa man ay gusto ko nang maging isang editor, ngunit naasiwa ako sa sitwasyon. Iminungkahi ng bishop namin na kung gagawin namin ang mga bagay na ikalulugod ng ating Ama sa Langit, pagpapalain Niya kami. Matapos namin itong pag-isipan at ipagdasal na mag-asawa, nadama namin na dapat akong magbitiw sa trabaho.
Makalipas ang ilang araw nagsimula na akong mabalisa at inisip ko kung tama ang ginawa ko. Matapos magbitiw, nagpadala ako ng mga résumé sa ilang kumpanya pero wala akong natanggap na sagot. Iminungkahi ni María Cristina na magdasal kaming muli, at ginawa namin iyon. Ipinagdasal namin na maging maayos ang lahat at hindi kami mawalan ng pananampalataya kahit patung-patong na ang mga bayarin.
Makalipas ang ilang oras hinikayat ako ng aking asawa na tawagan ang isa sa mga kumpanya. Kahit alinlangan, tumawag ako. Nagulat ako nang sabihin sa akin ng isang opisyal doon na tatawagan na sana niya ako. Gusto niyang malaman kung puwede na akong magsimula kinabukasan!
Napaluha kami sa galak. Sinagot na ng Ama sa Langit ang aming mga dalangin.
Kinailangan naming iwan ang aming ward at maraming mabubuting kaibigan para sa bago kong trabaho, ngunit umalis kami na mas malakas ang patotoo. Ngayon ay may marangal na akong trabaho at malaking suweldo, at may magandang bahay na tinitirhan. Higit sa lahat, biniyayaan kami ng katiyakan na kapag ginawa namin ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, tatanggapin namin ang Kanyang mga pagpapala.