Paglilingkod sa Simbahan
Ang Natutuhan Ko tungkol sa Pagmamahal
Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.
Hindi ko inasahan na maraming maituturo sa akin ang mga simpleng proyekto sa paglilingkod tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak.
Ito ay parang katulad ng isang karaniwang proyekto sa paglilingkod: tipunin ang isang grupo ng kababaihan ng Relief Society para magbigay ng maikling choir program sa care center ng isang lokal na ospital, kahit wala namang pasyente roon na mula sa aming ward.
Natagpuan namin ang aming sarili na nagsisiksikan sa isang maliit na silid kasama ang siyam na matatandang pasyente na nakaharap sa amin na nakaupo sa kanilang wheelchair. Walang anumang emosyon na mababakas sa kanilang mukha. Mainit at walang pumapasok na preskong hangin, at naisip ko, “Tapusin na agad natin ito.”
Ako ang tagakumpas, kaya’t tumalikod ako sa mga pasyente at pinagtuunang mabuti ang programa. Nang simulan namin, narinig ko ang pagtawag ng isang pasyente ng, “Mama, Mama,” habang may isang pumalakpak at nag-iingay. Hindi ako mapalagay, ngunit ilang minuto na lang ay matatapos at uuwi na kami.
Habang naghahanda kami para kantahin ang aming huling himnong, “Dakilang Diyos” (Mga Himno, blg. 48), inanyayahan namin ang mga pasyente at medical personnel na sumabay sa pagkanta namin. Humarap ako para kumpasan ang lahat sa pag-awit, at noon ko siya nakita—isang maliit, kulubot, may maputing buhok na babae na puno ng tissue ang kandungang basa ng kanyang mga luha.
Pinalapit niya ako sa kanya. Lumapit ako, at nang yumukod ako para makinig, kinuha niya ang kamay ko. Nanginginig ang kanyang buong katawan habang bumubulong siya, “Ako ay isang Banal sa mga Huling Araw. Napakaganda ng pakiramdam na madalaw ng mga kapatid ko.”
Napuspos ng Espiritu ang aking kaluluwa, at lumuhod ako sa tabi niya, habang dumadaloy ang aking mga luha. Inakbayan ako ng nanghihina niyang bisig at tinapik-tapik ako na para bang nauunawaan niya ang nadarama ko. Lahat ay nagsimulang kumanta, pero hindi ko makanta ang unang taludtod.
Habang kumakanta ang mga pasyente at empleyado ng ospital tungkol sa kadakilaan ng Diyos, napuspos ng Espiritu ang silid, at naantig ang lahat. Sa huli ay napigilan ko ang aking damdamin at sinabayan ko ang iba sa pag-awit:
Pagsapit ng pagbabalik ni Cristo,
D’on sa langit, kami ay tutungo!
Magpupugay akong wagas ang puso,
Ihahayag, “Diyos, kay dakila N’yo!”
Pagkatapos ng programa ay nakihalubilo na ang kababaihan ng Relief Society sa mga pasyente at empleyado. Sinabi sa amin ng babaeng puti ang buhok na malungkot siya at pakiramdam niya ay napapaligiran siya ng mga estranghero hanggang sa dumating kami. Hindi namin alam na naroon siya, pero alam ng Ama sa Langit.
Napaalalahanan ako na lahat ng taong ito ay ating mga kapatid, na kailangan nila ng pagmamahal at kapanatagan, at na balang-araw ay magiging ganoon din ang kalagayan ko. Naantig ako na maaari tayong maging mga kasangkapan ng mapagmahal na Ama, at nagpapasalamat ako na tinuruan ako ng aming proyekto sa paglilingkod ng matinding aral tungkol sa pagmamahal.