Mga Kabataan
Nakabigkis sa Aking Pamilya Magpasawalang-hanggan
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Nang ampunin ako sa edad na tatlong taong gulang, pumayag lang ang tunay kong ina na tuluyan na akong ipaampon nang pumayag ang mga magulang kong umampon sa akin na maisagawa ang aking mga ordenansa sa Simbahan kapag 12 anyos na ako. Akala niya kailangan ay nasa hustong edad na ako para makagawa ng sarili kong pasiya, pero talagang mahirap maghintay.
Oo, mahirap makita ang marami sa mga kaibigan ko na binibinyagan pagtuntong nila ng walong taong gulang, at ang mas mahirap pa ay ang malaman na hindi ako maaaring mabuklod sa aking mga magulang na umampon sa akin at sa limang nakatatanda kong mga kapatid kung wala pa akong 12 anyos. Natakot ako na baka may mangyari sa akin at hindi ako mabuklod sa kanila.
Habang papalapit ang ika-12 kaarawan ko, nagsimula kaming magplano para sa binyag ko at pagbubuklod sa aking pamilya. Ako ang pinapili ng mga magulang ko kung saang templo ko gustong mabuklod kami. Noon pa man ay San Diego California Temple na ang naiisip kong pinakamaganda, kaya pumayag ang buong pamilya namin na magbiyahe papuntang California para sa pagbubuklod.
Hindi na ako makapaghintay na maging walang-hanggang pamilya na kasama ang aking mga magulang at kapatid. Noong ibinubuklod na ako sa kanila, damang-dama ko ang Espiritu at hindi ito mailarawan sa mga salita. Ngayong nabuklod na ako sa aking pamilya, ang pag-aalala ko ay napalitan ng kapanatagan at kapayapaan, batid na nakabigkis na ako sa kanila magpasawalang-hanggan.