Ang Maluwalhating Araw ng Panunumbalik ng Priesthood
Dapat tayong magpasalamat nang labis na ipinanumbalik na ng Panginoon ang Kanyang Simbahan at Kanyang priesthood sa lupa.
Nang pumarito ang Tagapagligtas na si Jesucristo sa lupa, ang isa sa mga unang bagay na ginawa Niya ay itatag ang Kanyang Simbahan. Sinabi sa atin sa Bagong Tipan na Siya’y “napasa bundok upang manalangin; at sa buong magdamag ay nanatili siya sa pananalangin sa Dios.” Pagbaba Niya kinabukasan, sabay-sabay Niyang tinawag ang Kanyang mga disipulo. “At siya’y humirang ng labingdalawa sa kanila, na tinawag naman niyang mga apostol” (Lucas 6:12–13).
Kalaunan ay isinama Niya sina Pedro, Santiago, at Juan paakyat sa isang bundok na malayo sa iba, at doon natanggap ni Pedro ang mga susi ng priesthood (tingnan sa Mateo 17:1–9; tingnan din sa 16:18–19). Si Pedro ang naging responsable sa paghawak ng lahat ng susi sa lupa sa pamumuno sa Simbahan nang lumisan na ang Tagapagligtas.
Bilang pagsunod sa utos ng Tagapagligtas (tingnan sa Marcos 16:15), nangaral ng ebanghelyo ang mga Apostol at nagtatag ng mga branch ng Simbahan. Sa maraming pagkakataon, minsan lang sila nagkaroon ng pagkakataong bumisita sa mga branch, kaya kakaunti lang ang pagkakataon nilang magturo at magsanay. Hindi nagtagal pumasok ang ideya ng mga pagano, at iba’t ibang aspeto ng doktrina ng Tagapagligtas ang nabago (tingnan sa Isaias 24:5). Nang lumaganap ang apostasiya, kinailangang bawiin ng Panginoon ang priesthood sa lupa. Dahil dito, nawalan ng mga pagpapala ng priesthood ang mundo sa loob ng mahabang panahon.
Para muling maitatag ang Kanyang kaharian sa lupa nang may mga kapangyarihan ng priesthood, ipinanumbalik ng Panginoon ang ebanghelyo.
Alalahanin ang Panunumbalik
Habang isinasalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon at si Oliver Cowdery ay kumikilos bilang kanyang tagasulat, nabasa nila ang kuwento sa 3 Nephi tungkol sa pagbisita ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa Western Hemisphere. Nang malaman nila ang Kanyang mga turo tungkol sa binyag (tingnan sa 3 Nephi 11:23–28), naisip nila ang maraming uri ng binyag na ginagamit noong panahon nila at kung sino ang may awtoridad na magbinyag.
Nagpasiya sina Joseph at Oliver na makiusap sa Panginoon, sa pagdarasal sa kakahuyan malapit sa bahay nina Joseph at Emma. Doon, nangyari ang dakilang paghahayag kung saan nagpakita si Juan Bautista, ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa kanilang ulunan, at sinabi: “Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan; at ito ay hindi na muling kukunin sa mundo, hanggang ang mga anak na lalaki ni Levi ay mag-alay muli ng handog sa Panginoon sa kabutihan” (D at T 13:1).
Napadakilang pangyayari niyon. Sana’y maalala ng lahat ng maytaglay ng priesthood ang Mayo 15, 1829, bilang isang sagradong kaganapan sa kasaysayan ng Simbahan at bilang isang espesyal na kaganapan sa kasaysayan ng mundo.
Sinasabi sa atin sa Mga Saligan ng Pananampalataya “na ang tao ay kinakailangang tawagin ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya, at ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan, upang ipangaral ang Ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa niyon” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5).
Ang mga tao ay hindi tinatawag nang basta-basta; tinatawag sila sa pamamagitan ng inspirasyon at propesiya. May direktang linya ng inspirasyon mula sa Panginoon sa mga taong tinawag upang gamitin ang priesthood. Iyan ang paraan ng pamamahala ng Panginoon sa Kanyang Simbahan, at iyan ang paraan ng pagtawag Niya kay Propetang Joseph Smith.
Maging Karapat-dapat sa Priesthood
Ang pagtanggap ng priesthood ay hindi simbolo ng mahalagang pagbabago sa buhay na kusang dumarating ayon sa edad. Kailangan tayong maging karapat-dapat at “matapat sa pagtatamo ng dalawang pagkasaserdoteng ito” (D at T 84:33). Dapat nating basahing mabuti ang sumpa at tipan ng Melchizedek Priesthood, na nagtatampok lalo na sa mga kundisyong dapat nating maunawaan at sang-ayunan para matanggap ang priesthood:
“Kaya nga, lahat yaong tumanggap ng pagkasaserdote, ay tumanggap ng sumpa at tipang ito ng aking Ama, na hindi niya masisira, ni matitinag.
“Subalit kung sinuman ang sisira sa tipang ito matapos niya itong matanggap, at sa kabuuan ay tumalikod dito, ay hindi magkakaroon ng kapatawaran ng mga kasalanan sa daigdig na ito ni sa daigdig na darating” (D at T 84:40–41).
Mabigat iyan. Maaari ninyong isipin na iiwasan ng mga lalaki ang pagtanggap ng Aaronic at Melchizedek Priesthood, pero sabi sa kasunod na talata, “Sa aba sa lahat ng yaong hindi sumapit sa pagkasaserdoteng ito” (D at T 84:42; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Kung tumanggap tayo ng priesthood at namuhay tayo nang marapat dito, tatanggap tayo ng mga pagpapala ng Panginoon. Ngunit kung sisirain natin ang ating tipan at tatalikuran ang ating priesthood, hindi natin matatanggap ang mga pagpapala ng Panginoon o magiging “hinirang ng Diyos” (D at T 84:34).
Ang Aaronic Priesthood, na tinatanggap sa pamamagitan ng tipan, ay tinutulungan ang mga kabataang lalaki na maghandang tumanggap ng Melchizedek Priesthood, na siyang nakatataas na priesthood na natatanggap sa pamamagitan ng sumpa at tipan.
Tumulong sa Paglilingkod
Ang priesthood ay isang dakilang kapatiran—marahil ay ang pinakadakilang kapatiran sa lupa. Ang mga pag-uugnayan ng ating mga kapatid sa priesthood ay dapat maging mas dakila kaysa anupamang ibang mga pag-uugnayan maliban sa mga kapamilya natin mismo. Bukod pa sa isa itong kapatiran, ang priesthood ay isang organisasyon sa paglilingkod kung saan ibinibigay natin ang ating sarili para tulungan ang iba at gawing mas mabuti ang mga bagay-bagay.
Kapag ang isang binatilyo ay tumanggap ng Aaronic Priesthood at naorden bilang deacon o teacher o priest, kabilang siya sa isang korum. Patuloy ang kapatirang iyon sa korum kapag tumanggap siya ng Melchizedek Priesthood at naorden bilang Elder. Ang mga korum sa priesthood ay mahalaga.
Kamakailan ay isang binatang magmimisyon ang nagsalita sa sacrament meeting. Sa kanyang mensahe ipinaliwanag niya na siya at ang apat niyang kaibigan ay sabay-sabay na nagsimula sa deacons quorum. Ang pagkakaibigan at suporta raw nila sa isa’t isa nang sila ay magkaroon ng mga hamon at sumulong sa mga tungkulin sa Aaronic Priesthood ay nakatulong sa kanila na marating ang kanilang mithiing maglingkod sa full-time mission.
Kabilang ako sa isang korum. Napakaespesyal ng korum na ito. Binubuo ito ng mga lalaki mula sa lahat ng iba’t ibang uri ng trabaho at propesyon. Ngunit kapag kumilos kami bilang isang korum, nagkakaisa kami sa layunin.
Kapag nagkasundo ang mga miyembro ng korum sa isang layunin at sabay-sabay silang kumilos sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu Santo, kumikilos sila ayon sa kalooban ng Panginoon. Maliban kung lubos kayong nagkakaisa ng mga miyembro ng korum, huwag magpatuloy. Isipin kung paano kayo mapoprotektahan niyan habambuhay.
Bawat lider ng korum ay nararapat magkaroon ng listahan ng mga miyembro ng kanyang korum, at dapat niyang malaman kung sino ang mga taong hindi maliwanagan kung paano sila nararapat mamuhay. Kung maraming binatilyong ganito na kabilang sa korum, inuuna sila ng lider sa kanyang listahan, na binibigyang-pansin yaong mga nangangailangan ng pinaka-agarang pangangalaga. Pagkatapos ay sinisimulan niya at ng iba pang mga miyembro ng korum na bisitahin sila, at kaibiganin at isama sila sa korum sa paraang naghihikayat sa kanila na muling magsimba.
Tungkulin at responsibilidad ng isang korum ng priesthood na [magbabala, magpaliwanag, manghikayat, at magturo, at mag-anyaya] sa lahat na lumapit kay Cristo” (D at T 20:59). Ang paglilingkod sa isang korum ng priesthood ay mahalaga sa pag-unlad natin dito sa lupa. Kaya nga, lahat ng miyembro ng korum ay dapat ituring ang mga tungkuling ito na bahagi ng kanilang obligasyon sa paglilingkod sa kaharian ng ating Ama sa Langit.
Alam nating lahat na nahaharap tayo sa mga hamon sa ating mortal na buhay. Kung walang suportang tutulong sa atin sa pagpapatuloy sa buhay, makikita na lang natin na wala tayong matatag na plano, matatag na direksyon, o matatag na landasin na aakay at gagabay sa atin. Ang korum na ginagampanan nang husto ang kanilang tungkulin ay tumutulong sa atin na bumuo ng isang plano at landasin na aakay sa atin na makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit.
Magpasalamat
Hawak ng mga bishop ang mga susi ng priesthood na mamuno sa kanilang ward, pati na sa mga kabataang lalaki ng Aaronic Priesthood. Katunayan, ang bishop ang pangulo ng priests quorum ng kanyang ward. Tinutulungan niya ang mga kabataang lalaki na maging karapat-dapat na tumanggap at sumulong sa Aaronic Priesthood at maghanda para sa Melchizedek Priesthood. Tinutulungan niya silang maunawaan ang mga obligasyon at pagpapalang dumarating sa mga maytaglay ng priesthood. Tinutulungan niya silang matutong gampanang mabuti ang kanilang tungkulin sa priesthood sa pagbibigay sa kanila ng mga gawaing tumutulong sa kanila na maglingkod sa iba.
Ipinapaalala sa atin ng mga susing pag-aari ng Aaronic Priesthood na dapat tayong laging magpasalamat para sa ipinanumbalik na priesthood, pati na ang kapangyarihan, awtoridad, at mga responsibilidad na kaakibat nito: “Ang kapangyarihan at karapatan ng nakabababa, o Pagkasaserdoteng Aaron, ay hawakan ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at upang pangasiwaan ang panlabas na ordenansa, ang titik ng ebanghelyo, ang pagbibinyag ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan, sang-ayon sa mga tipan at kautusan” (D at T 107:20).
Hinahamon ko ang mga kabataang lalaki na igalang ang priesthood na taglay nila at maghandang sumulong sa bawat katungkulan ng Aaronic Priesthood habang naghahanda sila para sa karagdagang pagpapalang tumanggap ng Melchizedek Priesthood, paglilingkod sa Panginoon bilang mga full-time missionary at kalaunan ay pagpapakasal sa Kanyang banal na templo.
Pinatototohanan ko na walang mortal na taong namumuno sa Simbahang ito. Ito ang Simbahan ng Tagapagligtas, at pinamamahalaan Niya ito sa pamamagitan ng priesthood, na ibinigay Niya sa mga tao sa lupa upang makakilos sila bilang Kanyang mga kinatawan sa pamumuno sa Kanyang Simbahan at pagsasagawa ng mga sagradong ordenansa. Dapat tayong magpasalamat nang labis na ipinanumbalik na ng Panginoon ang Kanyang Simbahan at Kanyang priesthood sa lupa.