Ang Scripture Study Puzzle
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Parang pagbubuo ng isang puzzle, tuwing pinag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan, unti-unting lumalawak ang inyong pag-unawa sa mga katotohanan ng Diyos.
Noong Setyembre 2011, ang mga estudyante sa isang unibersidad sa Vietnam ay nakapagtala ng bagong world record nang magkakasama nilang buuin ang pinakamalaking jigsaw puzzle sa mundo. Inabot ng 17 oras ang 1,600 estudyante para maidugtong sa lugar ang lahat ng 551,232 piraso.
Nakabuo sila ng isang 48-foot by 76-foot (15 m by 23 m) na puzzle na nagpapakita ng isang bulaklak na lotus na may sa anim na dahon na kumakatawan sa mga tao, heograpiya, kasaysayan, kultura, edukasyon, at ekonomiya. Isipin ninyo—mahigit kalahating milyong maliliit na piraso na pinagdugtung-dugtong para makabuo ng isang malaking larawan. Bawat piraso ng puzzle na iyon ay tila hindi mahalaga at hindi kawili-wili kapag nag-iisa, ngunit hindi kumpleto ang puzzle kung nawawala ang kahit isang piraso lang nito.
Ang mga banal na kasulatan ay parang isang jigsaw puzzle: kapag mas maraming piraso kayong napagdugtong, mas makikita ninyo ang mga katotohanan ng plano ng Diyos. Kapag lumawak ang pag-unawa ninyo sa planong iyan, makikita ninyo na kawili-wili at mahalaga ang mga banal na kasulatan sa inyong buhay.
Narito ang ilang mungkahi sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na tutulong sa inyo na makita ang malaking larawan—at ang maliliit na detalye. Habang pinagdurugtung-dugtong ninyo ang mga piraso, makikita ninyo ang kahanga-hangang mga katotohanang naghihintay sa inyo sa mga banal na kasulatan.
Doktrina: Malalaking Pirasong Nagtuturo ng mga Walang-Hanggang Katotohanan
Itinuturo ng mga banal na kasulatan ang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo. “Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo” (II Kay Timoteo 3:16). Dahil maliligtas lamang tayo sa pamamagitan ni Jesucristo (tingnan sa Juan 14:6), kailangan nating matuto tungkol sa Kanya at sa Kanyang doktrina. Kaya nga inutusan tayo ng Panginoon na “saliksikin ang mga kasulatan, sapagka’t … ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin” (Juan 5:39).
Mga Tao: Makukulay na Pirasong Nagtuturo ng mga Aral
Mababasa sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa napakaraming tao. Sino sa kanila ang lubos ninyong hinahangaan? Siguro hinahangaan ninyo si Ammon dahil sa kanyang matapang na pagsunod sa harap ng panganib. O siguro iniisip ninyo si Job at ang kanyang walang-tinag na pananampalataya at integridad.
Nabasa na ba ninyo ang tungkol sa asno na nakipag-usap sa amo nito (tingnan sa Mga Bilang 22)? o sa masamang hari na handang talikuran ang kanyang kaharian upang mapatawad (tingnan sa Alma 22)? o sa babae na kilala ng kanyang mga kababayan na isang mabait na tao (tingnan sa Ruth 1–4)?
May mga tao rin sa mga banal na kasulatan na hindi gaanong kahanga-hanga. Ano ang matututuhan ninyo mula sa kanila at sa mga maling pagpapasiya nila?
Bigyang-pansin ang tungkol sa mga tao na nabasa ninyo sa mga banal na kasulatan, at itanong sa inyong sarili kung paano ninyo matutularan ang kanilang mabubuting halimbawa at maiiwasan ang kanilang mga pagkakamali. Ang mga piraso ng puzzle ng kanilang buhay ay ilan sa pinakamagaganda at pinakamakukulay na piraso sa lahat. Ang kanilang mga karanasan ay isang di-malilimutang paraan para matutuhan at maalala ang mga alituntunin ng ebanghelyo!
Simbolismo: Paglalantad ng Nakatagong mga Piraso
Kung minsan ang mga banal na kasulatan ay gumagamit ng mga simbolo upang magturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Mawawalan kayo ng ilang piraso ng puzzle kung hindi ninyo nakikita ang simbolismo. Bukod pa sa mga klase sa Simbahan at seminary, ang mga tulong sa pag-aaral na tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan o mga manwal sa seminary at institute ay matutulungan kayong makita ang nawawalang mga piraso.
Halimbawa, ang kuwento tungkol kina Abraham at Isaac (tingnan sa Genesis 22) ay nagbibigay-inspirasyon, ngunit mas lalalim ang kahulugan nito kapag natuklasan ninyo na ito ay simbolo ng sakripisyo ng ating Ama sa Langit at ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas para sa atin (tingnan sa Jacob 4:5).
Ang Espiritu Santo: Paghahanap ng mga Pirasong Magkakarugtong
May ilang piraso ng puzzle na parang magkakarugtong, ngunit hindi pala akma. Matutulungan kayo ng Espiritu na makita kung aling mga piraso ang talagang magkakarugtong. Kapag humingi kayo ng tulong sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin at pagbubulay, tutulungan kayo ng Espiritu kung paano iugnay ang mga talatang napag-aralan ninyo noon sa pinag-aaralan ninyo ngayon gayundin kung paano nauugnay ang mga turong iyon sa inyong buhay. Ang mainam, hindi lamang kayo tatanggap ng inspirasyon mula sa mga salita sa mga banal na kasulatan kundi mula rin sa Espiritu kapag pinagnilayan ninyo ang mga bagay na nabasa ninyo.
Pagsasabuhay: Pagdurugtong ng mga Piraso
Hindi ninyo makikita ang binubuong larawan ng puzzle kung hindi ninyo pagdurugtungin ang mga piraso. Gayundin, ang mga doktrina, alituntunin, at kautusan na natutuhan ninyo mula sa mga banal na kasulatan ay hindi kayo lubos na matutulungan maliban kung ipamuhay ninyo ang inyong natutuhan (tingnan sa Juan 7:17). Kapag sinikap ninyong ipamuhay araw-araw ang mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo sa mga banal na kasulatan, lalago ang inyong pananampalataya at patotoo, at ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay magiging mahalagang bahagi ng inyong buhay.