Mensahe ng Unang Panguluhan
Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan
Kapangyarihan ng priesthood na nagbibigkis sa mga pamilya sa kawalang-hanggan ang isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos. Bawat taong nakauunawa sa plano ng kaligtasan ay umaasam sa walang-hanggang pagpapalang iyon. Tanging sa isinasagawang mga seremonya ng pagbubuklod sa inilaang mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw lamang ibinibigay ng Diyos ang pangako na maibubuklod ang mga pamilya nang sama-sama magpakailanman.
Ang mga susi ng priesthood na nagbigay-daan para maging posible ito ay ipinanumbalik sa lupa ng propetang si Elijah kay Joseph Smith sa Kirtland Temple. Ang mga susing iyon ng priesthood ay ipinasa-pasa nang walang patid sa buhay na mga propeta sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw hanggang sa ngayon.
Ang Tagapagligtas sa Kanyang mortal na ministeryo ay nagsalita kay Pedro, na Kanyang punong Apostol, tungkol sa kapangyarihang ibuklod ang pamilya, nang sabihin Niyang, “Anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit” (Mateo 16:19).
Sa kahariang selestiyal lamang tayo maaaring mabuhay magpakailanman bilang mga pamilya. Doon ay maaari tayong magsama-sama bilang mga pamilya sa piling ng ating Ama sa Langit at ng Tagapagligtas. Inilarawan ni Propetang Joseph Smith ang magandang karanasang iyon sa ganitong paraan sa Doktrina at mga Tipan:
“Kapag ang Tagapagligtas ay magpapakita, atin siyang makikita nang siya rin. Ating makikita na siya ay isang tao tulad ng ating sarili.
“At yaon ding lipunan na umiiral sa atin dito ang iiral sa atin doon, lamang ito ay may kakabit na walang hanggang kaluwalhatian, kung aling kaluwalhatian ay hindi pa natin ngayon tinatamasa” (D at T 130:1–2).
Iminumungkahi ng mga talatang ito na maaari tayong magtiwala na makakamit natin ang makalangit na pamantayan sa mga kaugnayan natin sa ating mga pamilya. Lubos nating mapangangalagaan ang ating mga kapamilya, buhay at patay, na gawin ang lahat ng ating makakaya upang ihandog sa kanila ang mga ordenansa ng priesthood na magbibigkis sa atin sa langit.
Marami sa inyo, mga bata at matatanda, ang gumagawa niyan. Hinanap ninyo ang mga pangalan ng mga ninuno na hindi pa nakatanggap ng mga ordenansa na makapagbubuklod sa inyo nang sama-sama.
Halos lahat kayo ay may mga buhay na kamag-anak na hindi pa nabuklod sa mga pamilya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood. Marami ang may buhay na mga kamag-anak na tumanggap na ng mga ordenansa ng priesthood ngunit hindi tinutupad ang mga tipang ginawa nila sa Diyos. Pagpapalain kayo ng Diyos na matulungan ang lahat ng mga kamag-anak na ito nang may pananampalataya. Nasa inyo ang pangako na ginawa ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo na humahayo para ilapit ang iba pa sa Kanya:
“At sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).
Mula sa bintana ng aking opisina natatanaw ko ang mga magkasintahang ikinakasal araw-araw na nagpapakuha ng retrato sa gitna ng magagandang bulaklak at fountain. Kadalasan ay kinakarga ng kasintahang lalaki ang kasintahang babae, kahit ilang hakbang lang, habang kinukunan sila ng retratista. Sa tuwing nakikita ko ito, naiisip ko ang mga mag-asawang nakilala ko na pagdating ng panahon—kung minsan nga ay sa napakaikling panahon matapos ang araw ng kanilang kasal—ay pinapasan ang isa’t isa sa iba pang mga paraan kapag naging mahirap ang buhay. Maaaring mawalan ng trabaho. Maaaring isilang na may kapansanan ang mga anak. Maaaring dumating ang karamdaman. At pagkatapos, ang kaugaliang gawin sa iba ang nais nating gawin nila sa atin—noong mas madali pang gawin ito—ay gagawin tayong mga bayani sa mga panahong iyon ng pagsubok na kailangan nating gumawa ng higit pa sa kung ano ang mayroon tayo.
Dapat nating ipakita sa ating pamilya ang uri ng pakikitungong madadala natin sa harapan ng Diyos. Kailangan nating sikaping hindi makasakit ng damdamin o masaktan ang ating damdamin. Maaari tayong magpasiyang magpatawad kaagad at nang lubusan. Maaari nating sikaping pasayahin muna ang iba bago ang ating sarili. Maaari tayong maging mabait sa ating pananalita. Kapag sinikap nating gawin ang lahat ng ito, maaanyayahan natin ang Espiritu Santo sa ating pamilya at sa ating buhay.
Tinitiyak ko sa inyo na, sa tulong ng Panginoon at ng pusong taos na nagsisisi, mauunawaan natin sa buhay na ito ang uri ng buhay na gusto nating makamtan magpakailanman. Mahal tayo ng Ama sa Langit. Nais Niyang makabalik tayo sa Kanya. Ginagawang posible ng Tagapagligtas, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala, na magbago ang ating puso para makapasok tayo sa mga banal na templo, makipagtipan at pagkatapos ay tuparin ito, at pagdating ng panahon ay makasama ang ating pamilya magpakailanman sa kaluwalhatiang selestiyal—muling makauwi.